Biyernes, Hulyo 13, 2018

Lumang Aparador


“Sunoooooog! Sunoooooog.” Nagkakagulo ang mga tao sa skwater area. Malaki na ang apoy ng mga oras na iyon na tumutupok sa isang bahagi ng kilalang mayamang lungsod. Kanya-kanyang takbo, sigaw at hakot ng mga maisasalbang gamit ang mga residente.

Ilan sa kababaihan ay noon lang natutong magdasal. Makailang beses nag-antanda ng krus habang binabantayan ang nag-iiyakang mga batang katabi ng mga nakabalagbag na gamit sa daan.

Ang mga kalalakihan ay pabalik-balik sa pagtakbo bitbit ang kanya-kanyang balde ng tubig at umaasang mapapatay ang apoy sa kanilang pagsasaboy dito kasabay ng pagsambit ng lahat ng murang alam nila.

Lagpas isang oras bago dumating ang mga bumbero. Naapula ang malaking apoy na tumupok sa lahat ng kabahayan. Walang itinirang bahay ang nangyaring sunog. Galit ang mahihirap na residente pero hindi sila makapagreklamo. Anong laban nila? Hindi naman sa kanila ang lupang kinatitirikan ng mga bahay nila.

Kinabukasan ay binisita ni Mayor Palacio kasama ng kanyang binatang anak na si Auron ang mga biktima ng sunog. Namahagi sila ng mga kinakailangan ng mga ito. Supot na naglalaman ng dalawang sardinas, tatlong pirasong instant noodles at dalawang kilong bigas. Bukod sa mga iyon ay namahagi rin sila ng mga damit para sa mga residente. Lahat ay nabahagian.

“Pa, magiikot-ikot lang po ako rito.” sambit ni Aurion sa kalagitnaan ng pamimigay ng tulong ng mayor sa mga mga biktima.

“Sige anak at nang makilala ka ng mga tao rito!” tugon ng mayor sa kanyang anak.

Nag-ikot sa lugar ang binata. Nasaksihan niya at namasdan kung ano ang kalagayan ng mga residenteng nasunugan ng mga bahay. Namasdan niyang maiigi kung papaano maglatag ng karton o trapal sa simentadong sahig ng daan ang mga tao. Ito ang nagsisilbing higaan at upuan ng mga bata’t matatanda, pansamantalang tahanan ika nga.

Kitang-kita niya rin ang mga itim na kahoy na nagkalat sa daan na sanhi ng pagkakasunog. Mga gamit sa lugar na iyon na naabo. Ang ilang tao ay naghahagilap at nagkakalkal pa sa kanilang nasunog na bahay ng kahit anong gamit na maaari pang mapakinabangan o ibenta sa junkshop.

Sa isang bahagi ng lugar na iyon ay napansin niya ang mga nagkukumpulang tao. Nilapitan niya ito upang alamin ang dahilan. Sumingit siya sa mga nagkukumpulang tao at nakita ang isang lalaking may hawak na mikropono at nagsasalita habang may nakatutok na camerang buhat naman ng isang lalaking mas malaki pa ang katawan.

Dinig na rinig ni Auron ang mga sinasabi ng tagapagbalita.

Ang sanhi raw ng sunog ay maaaring maling linya ng kuryente. Nubenta porsyento ng lugar ang natupok, mahigit tatlong daang pamilya ang apektado. Walang naiulat na namatay subalit may dalawang nawawala.

Sa mga nakita at narinig ng binata ay wala man lang siyang naramdamang awa. Wala siyang pakielam sa mga tao roon. Hindi siya kagaya ng kanyang amang malapit ang puso sa mga mahihirap.

Iniwan niya ang kumpulan ng mga tao at ipinagpatuloy ang pag-iikot sa lugar. Sa gitna ng mga sunog na kahoy, nangitim na mga pader at naabong mga gamit ay napansin niya ang isang nakatumbang aparador. Mas malaki ito sa pangkaraniwan. Maganda pa rin ang kulay nito na parang hindi naapektuhan ng sunog. Ang kulay nitong brown na medyo mamula-mula dahil sa swabeng barnis nito ang labis na nakapagbigay kariktan dito. Dagdag pa ang orasan sa kaliwang bahagi nitong nakadikit sa mismong aparador ay mapagkakamalan mo itong mamahalin. May naisip ang binata.

Sa mansiyon ng pamilya Palacio.

“Dahan-dahan lang ang pagbuhat at baka bumagsak.” Minamanduhan ni Auron ang dalawang lalaking nakabarong habang buhat-buhat ang isang aparador.

“Saan po namin ito ilalagay?” tanong ng isa sa mga nagbubuhat.

“Idiretso niyo na sa loob ng kwarto ko.” Sagot ng binata.

Pagkalapag ng lumang aparador sa kwarto ng binata ay agad umalis ang dalawang nakabarong na lalaking nagbuhat nito.

Mula sa bulsa ay inilabas ng binata ang kanyang mamahaling cellphone at may tinawagan.

“Hello tol. May bago ako rito, baka gusto mo?” Sambit ng binata sa kanyang kaibigang anak ng congressman na nasa kabilang linya habang mainam na tinititigan ang lumang aparador na nakuha niya kanina sa pinangyarihan ng sunog.

“Ayos yan tol. Akin na ‘yan, wag mo nang ialok sa iba.” Tinig ng kanyang kaibigan sa kabilang linya.

Pinutol ng binata ang kanilang pag-uusap, muling ibinulsa ang cellphone at patuloy na pinagmasdan ang aparador.

Marami na siyang naibentang kung anu-anong antigong bagay na nakukuha niya sa kung saan-saan. Ang iba sa mga ito ay hindi totoong antigo at sa halip ay pinagmumukha lang luma. Naibebenta niya ang mga iyon sa mataas na halaga kumporme sa mabubuo niyang istorya patungkol sa mga iyon.

Dalawang bagay na lang ang naiwan sa kuwarto niya ngayon. Isang malaking bangang walang pintura subalit nadidisenyuhan ng mukhang parang sa anito at isang tabak na mayroong kalawang sa bahaging hawakan nito. Kailangan niya pa itong ipalinis upang magmukhang mamahalin.

Ngayon nga ay naragdagan ito ng isang lumang aparador. Sa itsura nito ay hindi na kailangan pang linisin o may baguhin man lang para makahanap ng bibili. Nakakapagtatakang sa pinangyarihan ng sunog niya nakuha ang lumang aparador na iyon subalit hindi ito makikitaan ng kahit anong pinsala na sanhi ng sunog.

Nilapitan niya ito at sabik na hinawakan ang hawakan ng pintong gawa sa tanso para sana buksan at makita ang loob. Baka kasi ang itsura ng loob nito ang may kailangan pang ayusin. Matigas ang pagkakasara ng pinto nito. Mukhang nakakandado at wala naman siyang susi para rito.

Tinawag niya ang isa sa dalawang lalaking nakabarong na kaninang nagbuhat nito para magpatulong.

“Sir ayaw talagang mabuksan eh.” Sambit ng lalaking nakabarong hawak ang kapirasong alambre na abala pa rin sa pagsusuot noon sa susian ng pinto ng lumang aparador.

“Sirain mo na lang ang pinto. Ipapagawa ko na lang pagkatapos.” Kunot noong utos ng binata.

Mabilis na lumabas ng kwarto ang lalaking nakabarong at sa pagbalik nito ay may dala na itong maso na mas malaki ng kaunti sa ordinaryong martilyo.

Pumuwesto ito sa harap ng aparador. Sinentro ang susian nito na nasa ilalim ng hawakan ng pinto at inihampas ang dalang maso. Nagkaroon ng gasgas ang bahaging iyon ng aparador subalit hindi ito bumukas. Sa pangalawang pagkakataon ay inihampas ng lalaking nakabarong ang dalang maso sa parehong bahaging tinamaan kanina, mas malakas. Tanggal ang hawakan ng pinto. Bumukas ang aparador.

Halos masuka ang dalawa sa nakitang laman ng aparador. Dalawang kalansay ng tao. Halatang pagkasunog ang dahilan kung bakit mga buto na lang at dalawang bungo ang natira. Ang ilan sa mga buto ay maitim dagdag pa ang amoy na nanggagaling dito na katulad ng nasusunog na buhok o balahibo ng manok.

“Ilabas niyo yan at linisin. Itapon niyo ang mga buto.” Muling utos ng binata na halatang bumaliktad ang sikmura dahilan kaya mabilis na tinungo ang banyo.

Tinawag ng lalaking nakabarong ang kanyang kasama para magpatulong ilabas ang lumang aparador. Itinapon nila ang mga buto at nilinis ang loob nito. Inayos din nila ang bahaging nasira gawa ng pagkakahampas ng maso.

Kinagabihan ay muling ibinalik ng dalawang lalaki ang lumang aparador sa loob ng kuwarto ng binata.

“Ayos na ba?” Tanong ng binata.

“Opo.” Sagot ng mas malaking lalaki kasabay ng kanilang pagtango.

“O heto at maghappy-happy muna kayo. Ako na ang bahala kay papa.” Inabutan ng binata ang dalawa ng tig-isang libong piso.

Agad na nilisan ng dalawang tauhan ng mayor ang mansiyon.

Binuksan ng binata ang aparador. Malinis na ang loob nito, wala na rin ang amoy na katulad ng nasusunog na buhok o balahibo ng manok. Bukas ng umaga ay maaari niya na itong ihatid sa kanyang kaibigan. Tinungo niya ang kama at nahiga hanggang makatulog na mayroong ngiti.

Hating-gabi ay nagising ang binata dahil sa isang pamilyar na amoy. Parang amoy ng nasusunog na buhok o balahibo ng manok.

Bumangon siya mula sa pagkakahiga para alamin kung saan iyon nanggagaling. Nang mapatapat siya sa lumang aparador ay mas lalong lumakas ang nakakasulasok na amoy.

Binuksan niya ang pinto nito at laking gulat nang nakita ang mga nasunog na buto sa loob nito. Nakakapagtaka dahil ipinalinis niya na ito kanina. Lumabas siya para tawagin ang dalawang tauhan ng kanyang ama subalit wala pa ang mga ito.

Bukas ng umaga niya ihahatid sa kaibigan ang aparador. Walang nagawa ang binata kung hindi siya na mismo ang muling naglinis ng loob nito. Kumuha siya ng sako at doon inilalagay ang mga sunog na buto.

Pero may mali, bakit hindi nauubos ang mga buto? Bakit hindi napupuno ang sako?

Binilisan niya pa ang paglilipat ng mga buto mula sa loob ng aparador papunta sa sako pero ganoon pa rin. Mas lalo niya pang binilisan subalit parang pabalik balik lang ang mga buto na ipinapasok niya sa sako at sa mga buto na muling lilitaw sa loob ng aparador.

”Aaaaaaaaaah.” Malakas na sigaw ng binata na tuloy pa rin sa kanyang paglilipat ng mga nasunog na buto sa sako.

Narinig ni Mayor Palacio ang sigaw ng kanyang anak kung kaya’t mabilis nitong tinungo ang kwarto nito. Naabutan niya ang binata na nakaluhod sa harap ng bukas na aparador na walang laman sa loob. Sa tabi ng kanyang anak ay may sakong wala ring laman.

Nagtataka na ang mayor sa ikinikilos ng anak dahil parang mayroon itong kinukuha mula sa aparador at isinasalin sa sako kahit wala naman talagang kahit anong laman iyon.

“Anong ginagawa mo anak?” tanong ng mayor na halata pa rin ang labis na pagtataka.

“Itong mga buto kasi Pa, inilalagay ko sa sako kaso ayaw maubos-ubos. Kanina ko pa ito sinasalin.” balisang sagot ng binata.

“Pero anak, wala namang mga buto?” nag-aalalang paliwanag ng mayor sa kanyang anak.

“Kung ayaw nilang mailagay dito sa sako, susunugin ko na lang ng tuluyan ang mga butong ito.” Parang pinanawan na ng katinuan ang binata dahil sa pagkakangisi nito.

Patakbong lumabas ng kwarto ang binata at sa pagbalik nito ay may dala nang isang bote ng gasolina at lighter.

“Anong gagawin mo diyan anak?” tanong ng mayor subalit parang wala ng naririnig na kahit ano ang binata.

Ibinuhos nito sa aparador ang dalang gasolina at sinilaban gamit ang lighter. Nagliyab ang aparador, kumalat ang apoy sa ibang bahagi ng kwarto. Malakas na tumatawa ang binata habang pinagmamasdan ang nasusunog na aparador. Hindi mapigilan ng mayor ang mapaiyak habang pinagmamasdan ang anak.

Unti-unting lumaki ang apoy at nilamon ang kabuuan ng mansiyon ng mga Palacio.

Kinaumagahan ay dinagsa ng mga tao ang nasunog na mansiyon ng mayor.

Isang lalaki ang may hawak na mikropono at nagsasalita habang may nakatutok na camerang buhat naman ng isang lalaking mas malaki pa ang katawan.

Rinig na rinig ng dalawang tauhan ng mayor ang ulat ng tagapagbalita.

Ang pinagmulan daw ng sunog ay gasolinang natapon sa kwarto ng anak ng mayor na sinilaban gamit ang lighter. Natagpuang sunog ang bangkay ng mag-ama. Siguradong malulungkot ang mga mahihirap sa pagkamatay ng mabuting mayor.

“Mabuting mayor daw pre. Eh pumayag nga siyang ipasunog ang mga bahay sa skwater area na pag-aari ni congressman.” Sambit ng isa sa mga tauhan ng mayor sabay tawa.

“Oo nga pre, pareho silang demonyo ni congressman.” tugon ng mas maliit na tauhan ni mayor.

Tumigil sa pag-uusap ang dalawa ng may dumating na isang magarang sasakyan. Iniluwa nito si Congressman kasama ang binatang anak nito.

Dinumog ng reporter at mga tao ang Congressman. Samantalang ang anak naman nito ay humiwalay sa kumpulan ng mga tao.

Habang nagmamasid sa paligid ang binata ay may napansin ito sa isang bahagi ng nasunog na mansiyon.

Isa iyong nakatumbang lumang aparador.