“Sunoooooog! Sunoooooog.” Nagkakagulo ang mga tao sa skwater
area. Malaki na ang apoy ng mga oras na iyon na tumutupok sa isang bahagi ng
kilalang mayamang lungsod. Kanya-kanyang takbo, sigaw at hakot ng mga
maisasalbang gamit ang mga residente.
Ilan sa kababaihan ay noon lang natutong magdasal. Makailang
beses nag-antanda ng krus habang binabantayan ang nag-iiyakang mga batang
katabi ng mga nakabalagbag na gamit sa daan.
Ang mga kalalakihan ay pabalik-balik sa pagtakbo bitbit ang
kanya-kanyang balde ng tubig at umaasang mapapatay ang apoy sa kanilang
pagsasaboy dito kasabay ng pagsambit ng lahat ng murang alam nila.
Lagpas isang oras bago dumating ang mga bumbero. Naapula ang
malaking apoy na tumupok sa lahat ng kabahayan. Walang itinirang bahay ang
nangyaring sunog. Galit ang mahihirap na residente pero hindi sila
makapagreklamo. Anong laban nila? Hindi naman sa kanila ang lupang
kinatitirikan ng mga bahay nila.
Kinabukasan ay binisita ni Mayor Palacio kasama ng kanyang
binatang anak na si Auron ang mga biktima ng sunog. Namahagi sila ng mga
kinakailangan ng mga ito. Supot na naglalaman ng dalawang sardinas, tatlong
pirasong instant noodles at dalawang kilong bigas. Bukod sa mga iyon ay
namahagi rin sila ng mga damit para sa mga residente. Lahat ay nabahagian.
“Pa, magiikot-ikot lang po ako rito.” sambit ni Aurion sa
kalagitnaan ng pamimigay ng tulong ng mayor sa mga mga biktima.
“Sige anak at nang makilala ka ng mga tao rito!” tugon ng
mayor sa kanyang anak.
Nag-ikot sa lugar ang binata. Nasaksihan niya at namasdan
kung ano ang kalagayan ng mga residenteng nasunugan ng mga bahay. Namasdan
niyang maiigi kung papaano maglatag ng karton o trapal sa simentadong sahig ng
daan ang mga tao. Ito ang nagsisilbing higaan at upuan ng mga bata’t matatanda,
pansamantalang tahanan ika nga.
Kitang-kita niya rin ang mga itim na kahoy na nagkalat sa
daan na sanhi ng pagkakasunog. Mga gamit sa lugar na iyon na naabo. Ang ilang
tao ay naghahagilap at nagkakalkal pa sa kanilang nasunog na bahay ng kahit
anong gamit na maaari pang mapakinabangan o ibenta sa junkshop.
Sa isang bahagi ng lugar na iyon ay napansin niya ang mga
nagkukumpulang tao. Nilapitan niya ito upang alamin ang dahilan. Sumingit siya
sa mga nagkukumpulang tao at nakita ang isang lalaking may hawak na mikropono
at nagsasalita habang may nakatutok na camerang buhat naman ng isang lalaking
mas malaki pa ang katawan.
Dinig na rinig ni Auron ang mga sinasabi ng tagapagbalita.
Ang sanhi raw ng sunog ay maaaring maling linya ng kuryente.
Nubenta porsyento ng lugar ang natupok, mahigit tatlong daang pamilya ang
apektado. Walang naiulat na namatay subalit may dalawang nawawala.
Sa mga nakita at narinig ng binata ay wala man lang siyang
naramdamang awa. Wala siyang pakielam sa mga tao roon. Hindi siya kagaya ng kanyang
amang malapit ang puso sa mga mahihirap.
Iniwan niya ang kumpulan ng mga tao at ipinagpatuloy ang pag-iikot
sa lugar. Sa gitna ng mga sunog na kahoy, nangitim na mga pader at naabong mga
gamit ay napansin niya ang isang nakatumbang aparador. Mas malaki ito sa
pangkaraniwan. Maganda pa rin ang kulay nito na parang hindi naapektuhan ng
sunog. Ang kulay nitong brown na medyo mamula-mula dahil sa swabeng barnis nito
ang labis na nakapagbigay kariktan dito. Dagdag pa ang orasan sa kaliwang
bahagi nitong nakadikit sa mismong aparador ay mapagkakamalan mo itong
mamahalin. May naisip ang binata.
Sa mansiyon ng pamilya Palacio.
“Dahan-dahan lang ang pagbuhat at baka bumagsak.”
Minamanduhan ni Auron ang dalawang lalaking nakabarong habang buhat-buhat ang isang
aparador.
“Saan po namin ito ilalagay?” tanong ng isa sa mga
nagbubuhat.
“Idiretso niyo na sa loob ng kwarto ko.” Sagot ng binata.
Pagkalapag ng lumang aparador sa kwarto ng binata ay agad
umalis ang dalawang nakabarong na lalaking nagbuhat nito.
Mula sa bulsa ay inilabas ng binata ang kanyang mamahaling
cellphone at may tinawagan.
“Hello tol. May bago ako rito, baka gusto mo?” Sambit ng
binata sa kanyang kaibigang anak ng congressman na nasa kabilang linya habang
mainam na tinititigan ang lumang aparador na nakuha niya kanina sa pinangyarihan
ng sunog.
“Ayos yan tol. Akin na ‘yan, wag mo nang ialok sa iba.”
Tinig ng kanyang kaibigan sa kabilang linya.
Pinutol ng binata ang kanilang pag-uusap, muling ibinulsa
ang cellphone at patuloy na pinagmasdan ang aparador.
Marami na siyang naibentang kung anu-anong antigong bagay na
nakukuha niya sa kung saan-saan. Ang iba sa mga ito ay hindi totoong antigo at
sa halip ay pinagmumukha lang luma. Naibebenta niya ang mga iyon sa mataas na
halaga kumporme sa mabubuo niyang istorya patungkol sa mga iyon.
Dalawang bagay na lang ang naiwan sa kuwarto niya ngayon.
Isang malaking bangang walang pintura subalit nadidisenyuhan ng mukhang parang
sa anito at isang tabak na mayroong kalawang sa bahaging hawakan nito.
Kailangan niya pa itong ipalinis upang magmukhang mamahalin.
Ngayon nga ay naragdagan ito ng isang lumang aparador. Sa
itsura nito ay hindi na kailangan pang linisin o may baguhin man lang para
makahanap ng bibili. Nakakapagtatakang sa pinangyarihan ng sunog niya nakuha
ang lumang aparador na iyon subalit hindi ito makikitaan ng kahit anong pinsala
na sanhi ng sunog.
Nilapitan niya ito at sabik na hinawakan ang hawakan ng
pintong gawa sa tanso para sana buksan at makita ang loob. Baka kasi ang itsura
ng loob nito ang may kailangan pang ayusin. Matigas ang pagkakasara ng pinto nito.
Mukhang nakakandado at wala naman siyang susi para rito.
Tinawag niya ang isa sa dalawang lalaking nakabarong na
kaninang nagbuhat nito para magpatulong.
“Sir ayaw talagang mabuksan eh.” Sambit ng lalaking
nakabarong hawak ang kapirasong alambre na abala pa rin sa pagsusuot noon sa
susian ng pinto ng lumang aparador.
“Sirain mo na lang ang pinto. Ipapagawa ko na lang
pagkatapos.” Kunot noong utos ng binata.
Mabilis na lumabas ng kwarto ang lalaking nakabarong at sa
pagbalik nito ay may dala na itong maso na mas malaki ng kaunti sa ordinaryong
martilyo.
Pumuwesto ito sa harap ng aparador. Sinentro ang susian nito
na nasa ilalim ng hawakan ng pinto at inihampas ang dalang maso. Nagkaroon ng
gasgas ang bahaging iyon ng aparador subalit hindi ito bumukas. Sa pangalawang
pagkakataon ay inihampas ng lalaking nakabarong ang dalang maso sa parehong
bahaging tinamaan kanina, mas malakas. Tanggal ang hawakan ng pinto. Bumukas
ang aparador.
Halos masuka ang dalawa sa nakitang laman ng aparador.
Dalawang kalansay ng tao. Halatang pagkasunog ang dahilan kung bakit mga buto
na lang at dalawang bungo ang natira. Ang ilan sa mga buto ay maitim dagdag pa
ang amoy na nanggagaling dito na katulad ng nasusunog na buhok o balahibo ng
manok.
“Ilabas niyo yan at linisin. Itapon niyo ang mga buto.”
Muling utos ng binata na halatang bumaliktad ang sikmura dahilan kaya mabilis
na tinungo ang banyo.
Tinawag ng lalaking nakabarong ang kanyang kasama para
magpatulong ilabas ang lumang aparador. Itinapon nila ang mga buto at nilinis
ang loob nito. Inayos din nila ang bahaging nasira gawa ng pagkakahampas ng
maso.
Kinagabihan ay muling ibinalik ng dalawang lalaki ang lumang
aparador sa loob ng kuwarto ng binata.
“Ayos na ba?” Tanong ng binata.
“Opo.” Sagot ng mas malaking lalaki kasabay ng kanilang
pagtango.
“O heto at maghappy-happy muna kayo. Ako na ang bahala kay
papa.” Inabutan ng binata ang dalawa ng tig-isang libong piso.
Agad na nilisan ng dalawang tauhan ng mayor ang mansiyon.
Binuksan ng binata ang aparador. Malinis na ang loob nito,
wala na rin ang amoy na katulad ng nasusunog na buhok o balahibo ng manok.
Bukas ng umaga ay maaari niya na itong ihatid sa kanyang kaibigan. Tinungo niya
ang kama at nahiga hanggang makatulog na mayroong ngiti.
Hating-gabi ay nagising ang binata dahil sa isang pamilyar
na amoy. Parang amoy ng nasusunog na buhok o balahibo ng manok.
Bumangon siya mula sa pagkakahiga para alamin kung saan iyon
nanggagaling. Nang mapatapat siya sa lumang aparador ay mas lalong lumakas ang nakakasulasok
na amoy.
Binuksan niya ang pinto nito at laking gulat nang nakita ang
mga nasunog na buto sa loob nito. Nakakapagtaka dahil ipinalinis niya na ito
kanina. Lumabas siya para tawagin ang dalawang tauhan ng kanyang ama subalit
wala pa ang mga ito.
Bukas ng umaga niya ihahatid sa kaibigan ang aparador.
Walang nagawa ang binata kung hindi siya na mismo ang muling naglinis ng loob nito.
Kumuha siya ng sako at doon inilalagay ang mga sunog na buto.
Pero may mali, bakit hindi nauubos ang mga buto? Bakit hindi
napupuno ang sako?
Binilisan niya pa ang paglilipat ng mga buto mula sa loob ng
aparador papunta sa sako pero ganoon pa rin. Mas lalo niya pang binilisan
subalit parang pabalik balik lang ang mga buto na ipinapasok niya sa sako at sa
mga buto na muling lilitaw sa loob ng aparador.
”Aaaaaaaaaah.” Malakas na sigaw ng binata na tuloy pa rin sa
kanyang paglilipat ng mga nasunog na buto sa sako.
Narinig ni Mayor Palacio ang sigaw ng kanyang anak kung kaya’t
mabilis nitong tinungo ang kwarto nito. Naabutan niya ang binata na nakaluhod
sa harap ng bukas na aparador na walang laman sa loob. Sa tabi ng kanyang anak
ay may sakong wala ring laman.
Nagtataka na ang mayor sa ikinikilos ng anak dahil parang
mayroon itong kinukuha mula sa aparador at isinasalin sa sako kahit wala naman
talagang kahit anong laman iyon.
“Anong ginagawa mo anak?” tanong ng mayor na halata pa rin
ang labis na pagtataka.
“Itong mga buto kasi Pa, inilalagay ko sa sako kaso ayaw
maubos-ubos. Kanina ko pa ito sinasalin.” balisang sagot ng binata.
“Pero anak, wala namang mga buto?” nag-aalalang paliwanag ng
mayor sa kanyang anak.
“Kung ayaw nilang mailagay dito sa sako, susunugin ko na
lang ng tuluyan ang mga butong ito.” Parang pinanawan na ng katinuan ang binata
dahil sa pagkakangisi nito.
Patakbong lumabas ng kwarto ang binata at sa pagbalik nito
ay may dala nang isang bote ng gasolina at lighter.
“Anong gagawin mo diyan anak?” tanong ng mayor subalit
parang wala ng naririnig na kahit ano ang binata.
Ibinuhos nito sa aparador ang dalang gasolina at sinilaban
gamit ang lighter. Nagliyab ang aparador, kumalat ang apoy sa ibang bahagi ng
kwarto. Malakas na tumatawa ang binata habang pinagmamasdan ang nasusunog na
aparador. Hindi mapigilan ng mayor ang mapaiyak habang pinagmamasdan ang anak.
Unti-unting lumaki ang apoy at nilamon ang kabuuan ng
mansiyon ng mga Palacio.
Kinaumagahan ay dinagsa ng mga tao ang nasunog na mansiyon
ng mayor.
Isang lalaki ang may hawak na mikropono at nagsasalita
habang may nakatutok na camerang buhat naman ng isang lalaking mas malaki pa
ang katawan.
Rinig na rinig ng dalawang tauhan ng mayor ang ulat ng
tagapagbalita.
Ang pinagmulan daw ng sunog ay gasolinang natapon sa kwarto
ng anak ng mayor na sinilaban gamit ang lighter. Natagpuang sunog ang bangkay
ng mag-ama. Siguradong malulungkot ang mga mahihirap sa pagkamatay ng mabuting
mayor.
“Mabuting mayor daw pre. Eh pumayag nga siyang ipasunog ang
mga bahay sa skwater area na pag-aari ni congressman.” Sambit ng isa sa mga
tauhan ng mayor sabay tawa.
“Oo nga pre, pareho silang demonyo ni congressman.” tugon ng
mas maliit na tauhan ni mayor.
Tumigil sa pag-uusap ang dalawa ng may dumating na isang
magarang sasakyan. Iniluwa nito si Congressman kasama ang binatang anak nito.
Dinumog ng reporter at mga tao ang Congressman. Samantalang
ang anak naman nito ay humiwalay sa kumpulan ng mga tao.
Habang nagmamasid sa paligid ang binata ay may napansin ito
sa isang bahagi ng nasunog na mansiyon.
Isa iyong nakatumbang lumang aparador.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento