Miyerkules, Nobyembre 8, 2017

Wrong send?

(photo credit to me, haha)


Pasado alas nuwebe na ng umaga ng magising si Carmen mula sa kanyang pagkakatulog. Mukhang hindi maganda ang kanyang gising dahil mapapansin sa kanyang mukha ang pagkainis. Paano ba naman kasi ay napanaginipan nanaman niya si Joph, ang lalaking pinakaclose niya sa tropa.

Hindi naman ganoon kaguwapo ang nasabing binata. Cute lang ito dahil sa palagi itong nakangiti, palibhasa’y masayahing tao. Mahigit tatlong taon na silang magkakilala ng binata. Lagi siyang pinapasaya nito, mabait din si Joph kung kaya’t unti-unti nang nahulog ang loob niya rito.

Magandang dalaga si Carmen, idagdag pa ang talento nito sa pagsayaw at pagkanta. Marami nang nanligaw sa dalaga pero ni isa ay wala siyang sinagot. Hindi naman dahil sa pihikan siya sa mga lalaki, may hinihintay lang kasi siya.

Dumiretso ang dalaga sa banyo para maligo at nang matapos maligo ay pumwesto na sa harap ng salamin para mag-ayos ng sarili. Iniisip niya pa rin si Joph, ang lalaking lihim niyang minamahal.

'Hay, napanaginipan ko nanaman siya. Maganda naman ako ah, hindi niya ba yun napapansin?' bulong sa sarili ni Carmen habang nakaharap sa salamin.

Talagang mahal na mahal na niya si Joph, yun nga lang ay hindi niya iyon ipinapahalata sa binata. Palibhasa ay konserbatibo kung kaya’t ayaw niyang magbigay ng motibo kahit mahal niya na ang binata.

'Magpakita ka lang ng kahit konting pagpaparamdam Joph, sasabihin ko na sa iyong mahal na mahal kita.' bigkas niya sa loob niya habang nasa harapan pa rin ng salamin.

Biglang tumunog ang cellphone niya. Galing kay Joph ang dalawang text messages. Binuksan niya ang mga mensahe at binasa ang nakasulat. Ang una ay "gudmorning tol." at ang pangalawa ay "hindi ko na kayang itago eh, mahal na mahal kita, sana wag kang mailang ah." sabi sa text.

Magkahalong kaba at saya ang naramdaman ni Carmen matapos niyang mabasa ang text messages na galing kay Joph.

'Totoo ba ito? Mahal din pala ako ni Joph? Pero bakit hindi siya nagpapahalata? Parehas kasi kaming magaling magtago ng damdamin eh.' sa loob loob ng dalaga.

Gusto niya sanang replyan ang binata pero wala na siyang load. Madali siyang nagbihis at lumabas ng bahay. Alam niyang nasa tambayan na si Joph dahil ang binata naman ang laging nauunang nagpupunta roon sa tambayan ng tropa. Wala siyang sinayang na sandali, gusto niyang marinig mismo sa bibig ng binata na mahal siya nito at gustong gusto niya na ring sabihin ang nararamdaman niya para rito.

Nang makarating na si Carmen sa tambayan ay nakita niya kaagad si Joph na nakaupo sa mahabang upuan sa ilalim ng puno ng aratilis. Nakatingin ito sa kanya, nginitian niya ito at siya na ang unang nagsalita.

"Tol, nareceived ko yung text mo ah, kaw talaga." pauna ni Carmen.

"Hahaha, ano ka ba tol, hindi ka na nasanay sa akin, lagi naman akong nag-gugudmorning sa’yo kapag may load ako ah." sabi ni Joph.

"Hindi ‘yon, ‘yong pangalawang text mo, kaw ah, di ko alam ‘yon ah." hindi pa rin natitinag ang matamis na ngiti ng dalaga.

"Huh. . ." tila nagtataka si Joph.

"Ito oh," ipinakita ni Carmen ang cellphone niya kay Joph at ipinabasa ang text nito sa kanya.

Natawa ang binata.

"Hahaha, na-wrong send pala ako sau tol." sabi ng binata.

Tumawa na lang din si Carmen para maikubli ang pagkapahiya sa sarili.

"hehehe, next time kasi tol, mag-ingat ka sa pagsesendan mo. Narowrong send ka tuloy. ‘Ge uwi muna ko." Tumalikod na ang dalaga at nagsimulang lumakad palayo sa tambayan ng tropa.



**********

Sa kuwarto ni Carmen. . .

Umiiyak ang dalaga, humahagulgol dahil sa sama ng loob.

"Mahal na mahal kita Joph, bakit hindi mo ko magawang mahalin? kahit na konti lang naman ay masaya na ako roon." nanginginig ang tinig ni Carmen.

Pero tanging ang kama at ang mga unan lamang ang nakakarinig ng mga sinasabi niya na dapat sana ay si Joph ang nakakarinig.



**********

Sa tambayan ng tropa. . .

Nakatulala ang binata, nanghihinayang sa pagkakataon na muli niya nanamang pinalagpas.

"Mahal na mahal kita Carmen, bakit ba lagi akong pinanghihinaan ng loob na sabihin sayo ang totoo kong nararamdaman, mahalin mo rin kaya ako kapag nalaman mo na ang totoo? na iniibig kita?" malungkot na tinig ni Joph.

Pero tanging ang puno ng aratilis at ang mahabang upuan lamang ang nakakarinig ng mga sinasabi niya na dapat sana ay si Carmen ang nakakarinig.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento