Nasa kalagitnaan ako noon ng pagkatulala, bumubuo ng sari’t
saring pangarap sa pamamagitan ng pag-upo at pagtunganga sa harap ng monitor ng
aking computer sa loob ng opisinang pinagtatrabahuhan ko.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang may batang
lumapit sa akin. Hindi ko maintindihan kung papaanong nagkaroon ng ganoong bata
sa loob ng opisinang iyon, medyo kakaiba ang itsura nito dahil wala itong suot
na damit at tanging puting lampin lang ang kanyang pangibaba. At ang higit ko
pang ikinalito ay kung bakit ito may mumunting mga pakpak, idagdag pa ang hawak
nitong pana at lalagyang nakasukbit sa kanyang likod na puno ng palaso.
Tumingin at nakiramdam ako sa paligid ko, pero mukhang hindi
nila nakikita kung ano man ang nakikita ko. Ipinikit ko ng mariin ang mga mata
ko at baka sakaling maglaho ang batang iyon sa aking pagdilat.
Subalit pagdilat ko ay naroroon pa rin siya sa gilid ko.
Kamuntikan pa akong mapasigaw ng bigla siyang magsalita.
“Anong pipiliin mo, pangarap o pag-ibig?”
Madaling katanungan, mahirap sagutin. Sino ba namang tao ang
ayaw ng pag-ibig? Lalo na sa katulad kong nauubos lang ang oras sa bahay at
trabaho. Aminin ko man o hindi ay alam kong gusto ko nito, kailangan ko nito.
Subalit may pangarap ako, ang maging isang guro. Makapagbahagi
ng mga nalalaman ko at mga dapat ko pang malaman. Maging bahagi ng bawat susunod
na henerasyon sa kanilang pagusbong. Maging manunulat rin, makagawa ng mga
akdang makakapagambag ng kapakinabangang kinakailangan ng mga makakabasa nito.
Makapaglimbag ng isang librong nakapangalan sa akin at maaari kong sabihing akin iyon. Mabigyan ng kahit isang
parangal dahil sa naisulat ko. Wala na sigurong mas sasaya pa sa katuparan ng
mga iyon.
Sa kabila ng mga isipin kong iyon ay nilingon ko ang bata.
May ngiti kong sinagot ang kanyang katanungan.
Napangiti rin siya, kasabay ng pagkuha niya ng isang palaso
mula sa lalagyang nakasukbit sa kanyang likod. Ibinala niya ito sa dala niyang
pana at itinutok sa akin saka binitawan.
Tumarak ang palaso sa kaliwang bahagi ng aking dibdib
subalit wala akong naramdamang kahit anong sakit na dulot nito.
Tumakbo ang bata palabas ng pinto ng opisinang iyon at
naiwan akong tulala.
Ilang sandali ang nakalipas ay pumasok sa pinto ang isa sa
mga kaopisina kong babae, mapapansin sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib ang
nakatarak na palasong kagaya ng sa akin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento