Huwebes, Pebrero 8, 2018

Favorite (Cheese Cakelicious)


*******

Mahigit isang taon na kaming hiwalay pero palagi pa rin ako dito sa J.co, inoorder ko pa rin ang mga paborito naming pagkain at inumin ni Mich. Dati ay palagi naming inoorder ang dalawang pirasong donuts na Cheese Cakelicious ang flavor, umoorder din kami ng tigisang drinks, palagi niyang inoorder ang Iced Lemon Tea. Sipunin kasi siya at naniniwala na kayang iwasan ang pagkakaroon ng sipon sa paginom ng inuming may sangkap na lemon. Ang palagi ko namang inoorder ay ang Hot coffee of the day, para sa akin ay wala ng sasarap sa mainit na kapeng mabibili mo sa J.co, kung kasalanan man ang paginom ng kape rito, itinuturing ko ng makasalanan ang sarili ko sa dami ng nainom ko.

Maraming saksakan sa tindahang iyon dagdag pa ang mabilis na wifi kaya maaari mong gamitin ang kung ano mang gadgets na mayroon ka, subalit pipiliin naming umupo sa pinakagilid o sulok na walang saksakan para sa gadgets, hindi rin kami naglalabas ng gadgets kapag kumakain kami roon. Mas masarap kasing kumain kapag kausap mo ng harapan ang kasama mo.

Ang gagawin namin ay kukunin na namin sa counter ang dalawang Cheese Cakelicious na donuts. Sa itsura pa lang ng donuts na iyon ay hindi na namin nagagawang hintayin pa ang inorder naming drinks. Sa harap pa lang ng counter ay kakainin na namin iyon. Wala ng kutsakutsara o tinitinidor pa. Mas malaki ang kagat sa donut, mas nasasatisfy kami. May mga pagkakataon pa na tutulo ang filling noon sa damit namin o di naman ay maiiwan sa pisngi at sabay kaming magtatawanan.

Bago kami umupo sa isang gilid ng dining ay ubos na namin ang Cheese Cakelicious. Hihintayin namin na tawagin ang pangalan namin para sa drinks. Ako ang kukuha noon sa bar area at ihahatid sa mesa kung saan kami nakaupo. Bawat isang drinks ay may kasamang isang free Glazy donut, ako ang kakain ng dalawang libreng donuts na iyon. Ang gagawin niya ay babawasan ng ilang pirasong yelo ang drinks niya bago niya ito inumin. Ako naman ay diretsong higop na sa mainit na kape, di na kailangan ng gatas at asukal, mas malalasahan kasi ang kape kapag kape lang talaga siya.

Palagi kami sa J.co dati, masasarap na donuts at inumin, usapan, harutan at asaran. Halos dito na sa lugar na ito kami bumuo ng pangarap.

Subalit nagkahiwalay kami, hindi pagkakaunawaan. Ngayon nga ay palagi ko siyang nakikita sa katapat na tindahan, palaging may kasamang lalaki. Ipinagpalit na talaga ako.

Kung bakit palagi pa rin ako dito sa J.co kumakain? Isa lang ang sagot, mahal ko pa eh.

Bumili ako ng dalawang pirasong Cheese Cakelicious at ipinalagay sa kahon bago ako tuluyang lumabas ng tindahan.

*******

Paborito kong Lugar ang kaharap na Tindahan na palagi naming kinakainan ng baklang kaibigan ko ngayon. Doon din kasi nabibili ang paborito naming pagkain at inumin ni Jed, dati kong kasintahan.

Mahigit isang taon na rin buhat ng hindi ko na kinakain ang mga iyon. Marami kasing bumabalik na alala. Palagi kami sa J.co dati, masasarap na donuts at inumin, usapan, harutan at asaran. Halos doon na sa lugar na iyon kami bumuo ng pangarap.

At nasasaktan ako sa masasarap na ala-alang iyon.

Iniwan ko muna sa mesa ang kaibigan kong bakla para umorder sa counter. Matapos kong umorder ay bumalik na ako sa mesa.

Napansin kong malandi ang pagkakangiti ng kaibigan ko sa akin na para bang nang aasar. Maya maya ay iniabot niya sa akin ang isang kahon. Napansin ko ang maliit na papel na nakaipit sa ibabaw ng kahon, may nakasulat, “KAHIT NA IPINAGPALIT MO NA AKO, ‘WAG MO SANANG IPAGPALIT ANG MGA PABORITO NATIN.” Pagbukas ko ng kahon ay may dalawang Cheese Cakelicious, muli ay isinara ko ito.

Hindi ko napigil ang pagtulo ng luha ko, tumingin ako sa katapat na tindahan, sa J.co pero hindi ko makita ang hinahanap ko. Hawak hawak ang maliit na kahon at akmang lalabas na ako ng tindahan ay tinanong ako ng kaibigan ko.

“Saan ka pupunta?” pangaasar na tanong nito.

“Sa J.co.” sagot ko habang lumuluha pa rin.

“Bakit?” muling tanong nito na tila nangaasar.

“Bibili ako ng drinks, mas masarap kasing kainin to kapag may Iced Lemon Tea.” Muli kong sagot habang nakanguso sa box.

“Yung totoo?” Malanding tanong nito na halatang di naniniwala sa sagot ko.

Sa kabila ng pag iyak ay nakahugot ako ng isang matamis na ngiti at nakasumpong ng kasagutan.

“Hahabulin ko siya, Mahal ko pa eh.” Sabay mabilis na labas ko ng tindahan.


kuha ko gamit ang mumurahin kong tablet (credit to me)




Miyerkules, Pebrero 7, 2018

Proposal


“Sige na tol, ikaw ang magaling sa ganito eh.” naglalambing na pamimilit ng matalik kong kaibigang si Remar.

Kakabalik lang niya galing Amerika, sa akin unang nakipagkita ang loko. Palibhasa’y nagpapatulong kung papaano siya magpopropose sa kanyang kasintahan. Gusto kasi niya na maging sweet at romantic ang magiging eksena.

“Ano na tol? Tutulungan mo ba ako?” dugtong na tanong nito.

“Sigurado ka na ba? Isang taon pa lang kayong magkarelasyon ah.” Balik kong tanong.

“Ano ka ba? Wala sa tagal yan, nasa tindi ng pagibig yan, saka ikaw lang ang alam kong makakatulong sa akin sa mga ganitong bagay.” Nakangising sambit nito.

Alam kong may kahulugan ang mga ngising iyon. Bumalik sa ala-ala ko ang mga naganap dalawang taon na ang nakakaraan. Humingi rin ako ng tulong sa kanya, palibhasa’y magaling siyang mag-gitara kaya kinasabwat ko siya para sa planong pagpopropose kay Eyan, apat na taon kong kasintahan.

Ikawalo ng Pebrero, eksaktong anibersaryo namin. Pinulido ko ang lahat, sinigurado kong romantic ang kalalabasan ng bawat eksenang mangyayari.

Gusto kong maging espesyal sa kasintahan ko ang araw na iyon, mapasaya siya ng higit pa sa kaya kong gawin.

Maayos at maganda ang takbo ng mga eksena, walang babaeng hindi gugustuhing maranasan ang kagaya ng araw na iyon.

Niyaya ko siya sa isang parke, paborito niyang lugar na naging paborito ko rin. Doon ay naupo kami sa damuhan sa lilim ng isang puno ng talisay. Amin ang punong iyon, inari na namin at inangkin, patunay ang mga pangalan naming pinagigitnaan ng puso na nakaukit sa katawan nito.

Habang kami’y magkatabing nakasandal sa punong iyon ay itinaas ko ang isa kong kamay, hudyat para kay Remar.

Lumapit sa amin ang kaibigan ko dala ang kanyang gitara, umupo at sumandal sa kabilang bahagi ng katawan ng punong kinasasandalan namin.

Nagulat siya sa pagdating ng kaibigan ko. Nagkunyari rin akong nagulat.

Maya maya’y sinimulan ng tipahin ng kaibigan ko sa kanyang gitara ang isang kanta, ang theme song namin.

Pinasadahan sa gitara ang intro ng kanta, ilang segundo pa ay kinanta ko ang unang berso habang nakatitig kay Eyan.

For all the times I felt cheated, I complained
You know how I love to complain”

Napatitig siya sa’kin, medyo mahahalata na sa kanyang reaksiyon ang kutob. Nagpatuloy ako sa pagkanta gamit ang hindi kagandahang boses.

“For all the wrongs I repeated, though I was to blame
I still cursed that rain”

Sa kalagitnaaan ng kanta ay tumayo ako’t hinawakan siya sa kamay para tumayo rin siya. Hindi ko alam kung bakit, pero bigla na lang tumulo ang luha ko, ganoon din siya. Hindi kami bumibitiw sa pagkakaitig sa isa’t-isa.

“I didn't have a prayer, didn't have a clue
Then out of the blue”

Pagpasok ng chorus ay tumigil na ako sa pagkanta at isa isang naglapitan ang mga kaibigan namin bitbit ang tig-iisang uri ng bulaklak, sigurado akong matutuwa siya dahil mahilig siya roon. Inabot sa kanya ng isa sa mga kaibigan namin ang isang bugkos ng santan,  ang isa naman ay gumamela, nasundan pa ng waling-waling, dama de noche, daisy, carnation, tulip at ang huli ay isang pirasong pulang rosas.

Walo lahat ang bulaklak simbolo ng petsa ng anibersaryo namin. Bawat bulaklak na inaabot sa kanya ay ginawan ko ng isang taludtod ng tula na tumutukoy sa pagibig ko sa kanya. Nakasulat ito sa kapirasong karton na nakatali naman sa tangkay ng bulaklak.  Ang huling bulaklak na inabot sa kanya ay may nakataling singsing na kinalas ko naman ang pagkakatali habang hawak niya.

Bumalik sa chorus ang ritmo ng Gitatara, sabay sabay na kumanta ang mga kaibigan namin.

“God gave me you to show me what's real
There's more to life with just how I feel
And all that I'm worth is right before my eyes
And all that I live for though I didn't know why
Now I do, 'cause God gave me you”

Kasabay ng kanilang awit ay ang pagluhod ko sa harap ni Eyan hawak ang singsing.

“Mahal, will you marry me?” mas lalo siyang lumuha, ganoon din ako.

Mahal na mahal ko siya. Siya ang babaeng gusto kong makasama sa habang buhay, kung hindi lang din naman siya ang makakatuluyan ko, hindi na ako magmamahal pang muli.

Naputol ang pagbabalik tanaw ko ng magsalitang muli si Remar.

“Ano tol? Basta sa susunod na buwan ah, tutulungan mo ako, ikaw ang magpaplano sa gagawin kong pagpopropose.” Sambit niya.

“Sige tol, akong bahala” sagot ko bilang pagpayag. Sabay talikod ko para itago sa kaibigan ko ang luha at kalungkutang nararamdaman ko dala ng pagbabalik tanaw sa mga nangyari.

Humawak siya sa balikat ko, “Ano ka ba tol, kalimutan mo na siya. Hindi naman tumigil ang mundo noong humindi siya sa’yo diba?”