Huwebes, Pebrero 8, 2018

Favorite (Cheese Cakelicious)


*******

Mahigit isang taon na kaming hiwalay pero palagi pa rin ako dito sa J.co, inoorder ko pa rin ang mga paborito naming pagkain at inumin ni Mich. Dati ay palagi naming inoorder ang dalawang pirasong donuts na Cheese Cakelicious ang flavor, umoorder din kami ng tigisang drinks, palagi niyang inoorder ang Iced Lemon Tea. Sipunin kasi siya at naniniwala na kayang iwasan ang pagkakaroon ng sipon sa paginom ng inuming may sangkap na lemon. Ang palagi ko namang inoorder ay ang Hot coffee of the day, para sa akin ay wala ng sasarap sa mainit na kapeng mabibili mo sa J.co, kung kasalanan man ang paginom ng kape rito, itinuturing ko ng makasalanan ang sarili ko sa dami ng nainom ko.

Maraming saksakan sa tindahang iyon dagdag pa ang mabilis na wifi kaya maaari mong gamitin ang kung ano mang gadgets na mayroon ka, subalit pipiliin naming umupo sa pinakagilid o sulok na walang saksakan para sa gadgets, hindi rin kami naglalabas ng gadgets kapag kumakain kami roon. Mas masarap kasing kumain kapag kausap mo ng harapan ang kasama mo.

Ang gagawin namin ay kukunin na namin sa counter ang dalawang Cheese Cakelicious na donuts. Sa itsura pa lang ng donuts na iyon ay hindi na namin nagagawang hintayin pa ang inorder naming drinks. Sa harap pa lang ng counter ay kakainin na namin iyon. Wala ng kutsakutsara o tinitinidor pa. Mas malaki ang kagat sa donut, mas nasasatisfy kami. May mga pagkakataon pa na tutulo ang filling noon sa damit namin o di naman ay maiiwan sa pisngi at sabay kaming magtatawanan.

Bago kami umupo sa isang gilid ng dining ay ubos na namin ang Cheese Cakelicious. Hihintayin namin na tawagin ang pangalan namin para sa drinks. Ako ang kukuha noon sa bar area at ihahatid sa mesa kung saan kami nakaupo. Bawat isang drinks ay may kasamang isang free Glazy donut, ako ang kakain ng dalawang libreng donuts na iyon. Ang gagawin niya ay babawasan ng ilang pirasong yelo ang drinks niya bago niya ito inumin. Ako naman ay diretsong higop na sa mainit na kape, di na kailangan ng gatas at asukal, mas malalasahan kasi ang kape kapag kape lang talaga siya.

Palagi kami sa J.co dati, masasarap na donuts at inumin, usapan, harutan at asaran. Halos dito na sa lugar na ito kami bumuo ng pangarap.

Subalit nagkahiwalay kami, hindi pagkakaunawaan. Ngayon nga ay palagi ko siyang nakikita sa katapat na tindahan, palaging may kasamang lalaki. Ipinagpalit na talaga ako.

Kung bakit palagi pa rin ako dito sa J.co kumakain? Isa lang ang sagot, mahal ko pa eh.

Bumili ako ng dalawang pirasong Cheese Cakelicious at ipinalagay sa kahon bago ako tuluyang lumabas ng tindahan.

*******

Paborito kong Lugar ang kaharap na Tindahan na palagi naming kinakainan ng baklang kaibigan ko ngayon. Doon din kasi nabibili ang paborito naming pagkain at inumin ni Jed, dati kong kasintahan.

Mahigit isang taon na rin buhat ng hindi ko na kinakain ang mga iyon. Marami kasing bumabalik na alala. Palagi kami sa J.co dati, masasarap na donuts at inumin, usapan, harutan at asaran. Halos doon na sa lugar na iyon kami bumuo ng pangarap.

At nasasaktan ako sa masasarap na ala-alang iyon.

Iniwan ko muna sa mesa ang kaibigan kong bakla para umorder sa counter. Matapos kong umorder ay bumalik na ako sa mesa.

Napansin kong malandi ang pagkakangiti ng kaibigan ko sa akin na para bang nang aasar. Maya maya ay iniabot niya sa akin ang isang kahon. Napansin ko ang maliit na papel na nakaipit sa ibabaw ng kahon, may nakasulat, “KAHIT NA IPINAGPALIT MO NA AKO, ‘WAG MO SANANG IPAGPALIT ANG MGA PABORITO NATIN.” Pagbukas ko ng kahon ay may dalawang Cheese Cakelicious, muli ay isinara ko ito.

Hindi ko napigil ang pagtulo ng luha ko, tumingin ako sa katapat na tindahan, sa J.co pero hindi ko makita ang hinahanap ko. Hawak hawak ang maliit na kahon at akmang lalabas na ako ng tindahan ay tinanong ako ng kaibigan ko.

“Saan ka pupunta?” pangaasar na tanong nito.

“Sa J.co.” sagot ko habang lumuluha pa rin.

“Bakit?” muling tanong nito na tila nangaasar.

“Bibili ako ng drinks, mas masarap kasing kainin to kapag may Iced Lemon Tea.” Muli kong sagot habang nakanguso sa box.

“Yung totoo?” Malanding tanong nito na halatang di naniniwala sa sagot ko.

Sa kabila ng pag iyak ay nakahugot ako ng isang matamis na ngiti at nakasumpong ng kasagutan.

“Hahabulin ko siya, Mahal ko pa eh.” Sabay mabilis na labas ko ng tindahan.


kuha ko gamit ang mumurahin kong tablet (credit to me)




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento