“Sige na tol, ikaw ang magaling sa ganito eh.” naglalambing
na pamimilit ng matalik kong kaibigang si Remar.
Kakabalik lang niya galing Amerika, sa akin unang nakipagkita
ang loko. Palibhasa’y nagpapatulong kung papaano siya magpopropose sa kanyang
kasintahan. Gusto kasi niya na maging sweet at romantic ang magiging eksena.
“Ano na tol? Tutulungan mo ba ako?” dugtong na tanong nito.
“Sigurado ka na ba? Isang taon pa lang kayong magkarelasyon
ah.” Balik kong tanong.
“Ano ka ba? Wala sa tagal yan, nasa tindi ng pagibig yan,
saka ikaw lang ang alam kong makakatulong sa akin sa mga ganitong bagay.”
Nakangising sambit nito.
Alam kong may kahulugan ang mga ngising iyon. Bumalik sa
ala-ala ko ang mga naganap dalawang taon na ang nakakaraan. Humingi rin ako ng
tulong sa kanya, palibhasa’y magaling siyang mag-gitara kaya kinasabwat ko siya
para sa planong pagpopropose kay Eyan, apat na taon kong kasintahan.
Ikawalo ng Pebrero, eksaktong anibersaryo namin. Pinulido ko
ang lahat, sinigurado kong romantic ang kalalabasan ng bawat eksenang
mangyayari.
Gusto kong maging espesyal sa kasintahan ko ang araw na
iyon, mapasaya siya ng higit pa sa kaya kong gawin.
Maayos at maganda ang takbo ng mga eksena, walang babaeng
hindi gugustuhing maranasan ang kagaya ng araw na iyon.
Niyaya ko siya sa isang parke, paborito niyang lugar na naging
paborito ko rin. Doon ay naupo kami sa damuhan sa lilim ng isang puno ng
talisay. Amin ang punong iyon, inari na namin at inangkin, patunay ang mga
pangalan naming pinagigitnaan ng puso na nakaukit sa katawan nito.
Habang kami’y magkatabing nakasandal sa punong iyon ay
itinaas ko ang isa kong kamay, hudyat para kay Remar.
Lumapit sa amin ang kaibigan ko dala ang kanyang gitara,
umupo at sumandal sa kabilang bahagi ng katawan ng punong kinasasandalan namin.
Nagulat siya sa pagdating ng kaibigan ko. Nagkunyari rin
akong nagulat.
Maya maya’y sinimulan ng tipahin ng kaibigan ko sa kanyang gitara
ang isang kanta, ang theme song namin.
Pinasadahan sa gitara ang intro ng kanta, ilang segundo pa
ay kinanta ko ang unang berso habang nakatitig kay Eyan.
“For all the times I felt cheated, I complained
You know how I love to complain”
You know how I love to complain”
Napatitig siya sa’kin, medyo mahahalata na sa kanyang reaksiyon
ang kutob. Nagpatuloy ako sa pagkanta gamit ang hindi kagandahang boses.
“For all the wrongs I repeated, though I was to blame
I still cursed that rain”
I still cursed that rain”
Sa kalagitnaaan ng kanta ay tumayo ako’t hinawakan siya sa kamay
para tumayo rin siya. Hindi ko alam kung bakit, pero bigla na lang tumulo ang
luha ko, ganoon din siya. Hindi kami bumibitiw sa pagkakaitig sa isa’t-isa.
“I didn't have a prayer, didn't have a clue
Then out of the blue”
Then out of the blue”
Pagpasok ng chorus ay tumigil na ako sa pagkanta at isa isang naglapitan
ang mga kaibigan namin bitbit ang tig-iisang uri ng bulaklak, sigurado akong
matutuwa siya dahil mahilig siya roon. Inabot sa kanya ng isa sa mga kaibigan namin
ang isang bugkos ng santan, ang isa
naman ay gumamela, nasundan pa ng waling-waling, dama de noche, daisy,
carnation, tulip at ang huli ay isang pirasong pulang rosas.
Walo lahat ang bulaklak simbolo ng petsa ng anibersaryo namin. Bawat
bulaklak na inaabot sa kanya ay ginawan ko ng isang taludtod ng tula na
tumutukoy sa pagibig ko sa kanya. Nakasulat ito sa kapirasong karton na
nakatali naman sa tangkay ng bulaklak. Ang
huling bulaklak na inabot sa kanya ay may nakataling singsing na kinalas ko
naman ang pagkakatali habang hawak niya.
Bumalik sa chorus ang ritmo ng Gitatara, sabay sabay na kumanta
ang mga kaibigan namin.
“God gave me you to show
me what's real
There's more to life with just how I feel
And all that I'm worth is right before my eyes
And all that I live for though I didn't know why
Now I do, 'cause God gave me you”
There's more to life with just how I feel
And all that I'm worth is right before my eyes
And all that I live for though I didn't know why
Now I do, 'cause God gave me you”
Kasabay ng kanilang awit ay ang pagluhod ko sa harap ni Eyan
hawak ang singsing.
“Mahal, will you marry me?” mas lalo siyang lumuha, ganoon din
ako.
Mahal na mahal ko siya. Siya ang babaeng gusto kong makasama sa
habang buhay, kung hindi lang din naman siya ang makakatuluyan ko, hindi na ako
magmamahal pang muli.
Naputol ang pagbabalik tanaw ko ng magsalitang muli si Remar.
“Ano tol? Basta sa susunod na buwan ah, tutulungan mo ako, ikaw
ang magpaplano sa gagawin kong pagpopropose.” Sambit niya.
“Sige tol, akong bahala” sagot ko bilang pagpayag. Sabay talikod
ko para itago sa kaibigan ko ang luha at kalungkutang nararamdaman ko dala ng
pagbabalik tanaw sa mga nangyari.
Humawak siya sa balikat ko, “Ano ka ba tol, kalimutan mo na siya.
Hindi naman tumigil ang mundo noong humindi siya sa’yo diba?”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento