Biyernes, Pebrero 14, 2020

Kung bakit hindi kita liligawan




Ako’y tutula, mahabang mahaba.
Ako’y uupo, tapos na po.

Tapos na ang tula. . .

Pero hindi ang sama ng loob na dinadala ko
dahil diyan sa manliligaw mong sinasamba mo.
Marami lang pera ‘yan saka matcho
pero kung usapang papogian, mabuting tao ako.

Ang galing mo rin eh noh. . .

Naniwala kang kaya niyang ibigay ang araw at ang buwan,
eh ang layo nun.

At kung magagawa niya nga, saan niya ilalagay?
eh ang laki nun.

Kapag ‘binigay niya ba sayo ang araw, tatanggapin mo?
Siguradong patay kayong dalawa, ang init nun.

At kahit gumamit ng maraming panungkit, hindi niya ‘yun abot
At kahit ipilit ang damdamin ko’t igiit, hindi kita abot.

Kaya nga hindi kita niligawan. . .

Dahil hindi pa man nagsisimula ang laban ay talo na ako.
Kailangan kong intindihing mas nananalo ang babaerong guwapo kaysa sa pangit na matino.
Susuportahan kita sa pagpapakatanga mo.
Susuportahan kita kasi tanga rin ako.

Nagpapakatanga sa’yo.

Hindi nagtagal ay nabalitaan ko na lang na sinagot mo na siya.
Bakit nga naman hindi mo siya sasagutin? Bukod sa mayaman, matcho, guwapo, ay may sasakyan pa.

Paano nga namang hindi mo siya sasagutin?

eh nagtanong siya.

Mabuti na lang at sinagot mo, kasi kung hindi, magmumukha ‘yung tanga.
Nagsasalita mag-isa.

Sa pagiging kayo niyo’y naging masaya ka.
Masaya rin naman ako, pero kunyari lang talaga.
Ang natitirang pag-ibig sa iyo’y ‘winaksi na
at kailan ma’y di mo na malalaman. . .

Na mahal kita.

Ilang araw ang lumipas, may bagong balita na naman.
'Di niya pa rin na’bibigay sa’yo ang araw at ang buwan.
Hindi rin kayo umabot ng isang buwan
Buti nga sa’yo, kawawa ka naman.

Ngayong wala na kayo ay pagkakataon ko naman.
Ako naman ang mangangako ng araw at ng buwan.
Araw-araw kang yayakapin, buwan-buwan kang hahagkan.
Iyon ay kung papayag ka kahit sa panaginip lang.

Niyamana kasa labaka nayan.
Ganyan talaga ang pagibig, hindi mo maintindihan.
Kung dati’y pinapangarap ka, ngayo’y ‘di na inaasam.
Hindi sa hindi na kita mahal, ang totoo niyan ay mahal pa rin kita, ayoko lang iparamdam.

Nalaman kong ang pagibig ay hindi lang tungkol sa’yo
Hindi rin tungkol sa kung paano mo pinaikot ang mundo ko.
Ito ay tungkol sa kung paano bumuo
ng wasak kong sarili para bumagay sa’yo.

Kung bakit hindi pa rin kita liligawan. . .

‘Yun ay dahil sa sarili’y tinuturing pang hangal.
'Di pa lubos maunawaan kung paano magmahal.
Baka sumuko agad sa tinayaan kong sugal
at ang pinanindigan kong pagibig, tuluyang mapigtal.

Gayon pa man ay bukas pa rin ako sa isiping iniiisip mong iniisip kita, naiisip mo ba?
Na isang araw ay gigising akong handa at hahanapin kita.
Pero paano mangyayari ‘yun kung mananatili akong dukha.
Ika’y prinsesang sagana sa dugo at ako’y isang linta.

Paano kita liligawan kung mananatili ako sa baba.
Kahilera ng magsasakang inaagawan ng pataba.
Inaagawan ng lupain, kabahaya’y ginigiba.
Pinapatay, ‘nilalandusay, tinatanggalan ng hininga.

Paano kita liligawan kung mananatili akong baon.
Kumikita ng kapirasong ‘di sapat sa tag-gutom.
Umaani, kumakayod ngunit ang bibig ay tikom.
Nakalubog sa sistema ng kontraktuwalisasyon.

Paano kita liligawan kung ako nga’y hindi mahal
ng bayan kong sinilangang inalayan ko ng dasal.

Paano kita liligawan kung ako ay ibuwal
dahil tanging dukha lamang ang tinatamaan ng punyal. . .

Kung hindi man tayo magkakatuluyan, tanggap ko iyon nang buong puso,
Ngunit hindi ang bulok na sistema ng bansa kong mapang-abuso.


Sabado, Pebrero 8, 2020

Tatlong hiling ni piping



“Nay, may sakit pa rin po ba kayo?” tanong ni Piping sa kanyang inang nakahiga sa papag, may basang bimpo sa noo at nakukumutan ng kulay puting kumot.

“Hindi pa anak eh, may trangkaso pa rin ako. Sige na at pumasok ka na sa paaralan at baka mahuli ka sa klase. Maya-maya naman ay darating na ang itay mo.” pilit na sagot ng kanyang ina.

Sa kanyang paglalakad papuntang paaralan ay nadaanan niya ang isang puno ng malunggay. Naisip niyang mamitas ng mga dahon nito dahil alam niyang maaring matanggal ang sakit ng kanyang inay kapag nakahigop ng tinolang manok na may dahon ng malunggay.

Ang problema ay hindi niya abot ang mga dahon nito. Sa hindi kalayuan ay nakakita siya ng isang batong halos kasing laki ng bola na ginagamit sa basketball. Binuhat niya iyon at inilapit sa puno ng malunggay, tinungtungan para maabot at makapitas ng mga dahon ng puno.

Sa kalagitnaan ng kanyang pagtingkayad, pag-abot sa dahon at pamimitas nito ay biglang lumitaw ang isang batang lalaking nagliliwanag ang kasuotan. Mayroong mga diyamante ang suot nito. Mahaba rin ang ilong at tainga.

Nagsalita ang batang nilalang.

“Dahil iniligtas mo ako sa pagkakaipit sa bato kanina ay pwede kang humiling sa akin ng kahit ano, basta hanggang tatlo lang.” sambit ng nilalang na matinis ang boses.

Dahil sa biglaang pagsulpot ng batang nilalang dagdag pa ang matinis nitong boses ay nagulat si Piping at nawalan ng balanse sa kanyang pagkakatungtong sa batong kanyang tinatapakan.

“Araaaay.” Tinig ni Piping habang namimilipit at pilit inaabot ang masakit na likod dahil sa pagkakahampas nito sa sahig.

“’Wag kang matakot. Isa akong kaibigan.” pagpapaliwanag ng batang nilalang.

“Ano? May naisip ka na bang kahilingan? Hanggang tatlo lang ah.” dagdag pa nito bago biglang maglaho.

Naiwang namimilipit si Piping. Pilit niyang inilalagay sa kanyang bag ang lahat ng napitas na dahon sa kabila ng pananakit ng kanyang likod.

“Araaaay, Likod ko. Sana ay mawala na ang sakit nito. Kailangan kong makapasok sa eskwela, mahuhuli na ako sa klase.” Sambit pa rin nito habang namimilipit.

Pinilit niyang maglakad papapuntang eskwelahan. Hindi niya namalayan ang mabilis na pagkawala ng sakit ng kanyang likod dahil sa pagkakahulog.

Sa kanyang paglalakad ay naabutan niya ang kanyang kaibigang si Arnold. Mabagal at Paika-ika itong naglalakad dahil payat ang isang hita at binti nito.

“Sabay na tayo!” alok ni Piping sa kanyang kaibigan.

“Naku, Sige at mauna ka na. kapag sinabayan mo ako ay mahuhuli ka rin sa eskwelang katulad ko.” nakangiting tugon ng kanyang kaibigan. Hindi na nito dinaramdam ang pagkakaroon ng polyo. Tanggap na nito ang ganoong kalagayan mula nang ipinanganak siya.

“Bahala ka, basta sasabayan kitang maglakad.” Nakangiting sambit ni Piping habang bahagyang ginaya kung papaano maglakad ang kaibigan niya. Sabay silang nagtawanan.

“Sana ay maging pantay na iyang paa mo nang sa gayon ay hindi ka na palaging nahuhuli sa klase. Pati tuloy ako damay eh.” Sambit ni Piping na sinundan ng malutong na halakhak.

“Yan Yan, sabi na kasing ‘wag mo na ‘kong sabayan eh.” Nakihalakhak na rin ang kanyang kaibigan.

Nakarating sa paaralan ang dalawa. Hindi napansin ni Arnold na unti-unting nagpantay ang kanyang mga binti at hita.

Sa loob ng Silid-aralan ay itinuturo ng kanilang guro kung paano ang tamang pagdaragdag ng bilang.

Napatingin si Piping sa kanyang katabing si Buknoy. Minamasdan ang mga daliri nito sa kamay na kanyang ginagamit sa paraan ng pagdaragdag ng bilang. Tila Nalilito.

“Mahihirapan ka talaga diyan. Eh siyam lang ang daliri mo eh. Oh ito, gamitin mo ang isang kamay ko.” Inabot ni Piping ang kanyang kanang kamay sa kaibigan niyang si Buknoy. Sabay silang nagtawanan.

“Sana ay tumubo ‘yang isa mong daliri. Paano kung hindi na tayo magkaklase? Sinong magpapahiram ng isang kamay sa iyo?” sambit ni Piping na sinundan ng halakhak.

“Sana nga.” Nakihalakhak na rin si Buknoy.

Nang matapos na ang klase ay naghiwahiwalay na ang mga bata para umuwi sa kanilang mga tahanan. Hindi napansin ni Buknoy ang unti-unting pagtubo ng kanyang putol na daliri.

Biglang bumalik sa alala ni Piping ang batang nilalang na nakita niya kanina malapit sa puno ng malunggay. Naalala niya ang sinabi nitong pwede raw siyang humiling. Mabilis na tumakbo si Piping pabalik sa kanilang bahay.

“Nay, Nay, may nakita akong batang nagliliwanag kanina roon sa puno ng malunggay.” Humahangos na tinig ni Piping pagpasok pa lang sa kwarto ng kanyang ina.

“Sana gumaling na si Inay.” nakapikit pa ito habang sinasambit ang katagang iyon. Pagdilat niya ay hinawakan niya sa noo ang kanyang inay. Mainit pa rin.

“Guni-guni ko lang ata ‘yung nakita ko kanina Nay.” sambit ng nanghihinayang na si Piping habang inilalabas mula sa kanyang bag ang mga pinitas niyang dahon.

“Kung ‘di kayo kayang pagalingin ng hiling, siguro kaya kayong pagalingin nito.” Iwinawasiwas pa niya ang dahoon ng malunggay habang humahalakhak. Nakihalakhak din ang kanyang ina.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11







Nasaan?


Nasaan ang barnis?


“Tay, kailan po ako pwedeng sumubok umukit?” tanong sa akin ng sampung gulang kong anak.

“Niloloko mo ba ako?” Sa tingin mo'y makakaukit ka sa kalagayan mong ‘yan?” naiinis kong sambit habang patuloy sa pag-ukit ng rebulto ni Hesukristong nakapako sa krus na singlaki ng tao.

Nakayukong pumasok sa kuwarto niya ang anak ko.

Kinaumagahan ay napansin kong nawawala ang lata ng barnis na nakalagay sa labas ng pinto. Hinanap ko rin sa buong bakuran ngunit wala talaga.

Tinungo ko ang kwarto ng anak ko para itanong kung nakita niya ito. Nasurpresa ako sa nasaksihan ko.

Nasa kuwarto niya ang lata ng barnis at ang rebultong inukit ko. Kagat-kagat niya ang brush na siyang ginagamit niya sa pagbabarnis ng rebulto. Tama ang hagod, swabe ang kapal at nipis ng pagpahid depende sa kanto at singit-singit nito.

Sigurado akong balang araw ay magiging sentro ng kultura’t pananampalataya ang rebultong binabarnisan niya.



Nasaan ang rebulto?


“Father, Palitan na kaya natin ‘yan. Luma na kasi’t parang masisira na.” tinutukoy ko’y ang rebulto ni Hesukristong singlaki ng taong nakapako sa krus sa may altar.

“May nakita kasi akong de-kalidad na punong maaaring gawing rebultong kapalit niyan.” pagpapatuloy ko.

“Sa tingin ko’y hindi na kailangan. Sa limangpung dekada’y iyan na ang naging sentro ng kultura’t pananampalataya ng bayan natin. Iyan din ang nakasanayang iniikot sa buong bayan tuwing pista. Hindi siguro maganda kung papalitan pa.” malumanay na sagot ni father.

Kinaumagahan ay nagkagulo ang buong bayan. Nawawala ang rebulto.

Agad akong nagpunta sa simbahan.

“’Wag kayong mag-alala father, magpapagawa ako ng bagong rebulto para maituloy ang pista sa susunod na linggo.” pangako ko kay father bago ako umuwi.

Naabutan ko sa bakuran ko ang isa sa mga tauhan ko.

“Sunugin mo na ‘yan at sumama ka sa’kin. May nakita akong punong maaring gawing rebultong ipapalit diyan.”



Nasaan si boss?


“Ano’ng tinitunganga mo? Bakit ‘di mo pa putulin ‘yan?” galit na tinig ni boss.

“Boss. Matanda na kasi ‘tong punong ‘to.” hawak-hawak ko pa rin ang de-makinang lagaring ginagamit naming pamutol ng puno.

“Wala akong pakialam!” mas lalo pa itong nagalit.

“Ang akin lang boss, nakakakunsensiya. Mahigit daang taon bago mapalitan ang ganito katandang puno.” pangangatwiran ko.

“Bobo ka talaga! Eh ‘di magtanim ka ng bago, lagyan mo ng pataba para hindi umabot ng daang taon ang paglaki!” pamimilosopong sagot nito sabay talikod.

Binuhay ko ang de-makinang lagari’t itinuloy ang trabaho.

Kinagabihan ay hindi na nagpakita sa aming mga tauhan niya si boss. Hindi rin siya mahanap.

Sinunod ko lang naman ang sinabi niyang putulin ko ang puno, magtanim ng kapalit nito at lagyan ng pataba.

Siguradong dadaming muli ang puno sa gubat.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11





Biyernes, Pebrero 7, 2020

Ako't ang gagawin



Unang tula: Tsismoso ako


Ako’y tainga sa lupa, wala kang ligtas.

Bawat nalalama’y ‘wag mo nang ibigkas.

Dinig ko ang bawat kapirasong anas.

Gagawan ng dagdag, bagong balangkas.


Ako’y matang nasa puno, halama’t bulaklak.

Bawat mong pagkilos, labis kong galak.

Tanaw ko ang bawat galaw mo’t balak.

Iibahin ko ng kaunti nang kwento’y maindak.


Ako’y pakpak sa hangin, hindi mapapansin.

Tangan ko lahat ng balitang mariin,

aking nakalap, patitindihin.

Katotohanan sa kwento’y babaliin din.


Sa galing kong gumawa ng istorya ng iba,

may mabibigong buhay, masisirang pamilya.

Magkaibigang mag-aaway, magkakasira.

Magkapatid na itatakwil ang isa’t isa.


Kasinungalinga’y gagawing totoo.

Ang totoo’y babawasan para mas magulo.

Sakit ko sa dila’y ‘kinaaaliw ko.

Gusto ko nang itigil ngunit paano?



Ikalawang tula: Utu-uto ako


Magaling lumitanya, iboboto ko ‘yan.

Mukhang matalino, kailangan ‘yan.

Datihan sa tungkulin, marapat, mainam.

Maraming pangako at gagalingan.


‘Di mo kailangan ng pusong matapat.

Sapat nang sabihin mong iba ka sa lahat.

Itaas ang bangko, buhatin, iangat.

Maniniwala akong ikaw ay sapat.


Idagdag mo pa ang ‘yong proyekto kuno.

Aasa ako at magpapauto.

Sasambahin ka, didiyusin, yuyuko.

Tungtungan mo ako para ka makatayo.


‘Pagtatanggol ka sa mga ayaw sayo.

Maninindigang tama ang mga ginawa mo.

Marami kang pinatay nang tumaas ang puwesto.

Hindi iyon masama, ang magbawas ng tao.


Utuin mo ako, wala akong utak.

‘Kinasisiya ko’ng ilubog mo sa burak.

Sa mga pasya mong lalong nagpapahirap.

Dahilan ng pagkakuntento kong ganap.



Ikatlong tula: Mag-pipigil na


Sa bawat maririnig, ako’y magtitimpi.

‘Di makikinig, binging magkukunyari.

Kung may makaalpas kahit kaunting tili,

tutusukin ang tainga, sa katahimika’y marindi.


Ipipikit ko ang dalawa kong mata

Nang hindi ko makita ang iyong ginagawa.

At kung may masilip, mabulag nawa

ang aking paningin kaysa magkasala.


Babaklasin ko ang pakpak na aking panglipad

upang ‘di makalibot, kung saan-saan mapadpad.

Mga kwentong alam ko, ‘di na ilalahad

kung kani-kanino lalo’t may dagdag.


Mamumuhing gawan ng istorya ang iba.

Wala nang mabibigo’t masisirang pamilya.

Magiging masaya para sa iba.

Hindi na maninira gamit ang katha.


Kagatin ang dila, kung marapat ay putulin.

Hilahin, hiwain saka pitpitin

nang ‘di makagawa ng kwentong magaling.

Pagkakalat ko nito’y magtigil din.



Ika-apat na tula: Mag-iisip na


Magaling kang lumitanya. Sino’ng niloko mo?

Matalino ka raw. Mas matalino ako.

Datihan ka sa tungkulin. ‘Di ramdam presensiya mo.

Marami kang pangako. Ilan ang natupad mo?


Puso mo’y tapat. Tingin mo’y naniniwala ako?

Iba ka sa lahat? Ba’t ninakawan mo ako?

Kahit magaling kang magbuhat ng bangko.

Mas magaling akong sumuri ng kung ano’ng totoo.


Marami kang proyekto. Ano ang pruweba?

Magkano ang kinita? Kulang pa ba?

Mga himala mong gamit ang pera,

iyong hinamig mula sa’ming bulsa.


‘Di magtatakang maraming ayaw sa iyo.

Kahit paanong isipin, mali ang gawi mo.

Marami kang pinatay, pangarap at tao.

Mabagsik ka’t masama katulad ng diyablo.


Utuin mo ako. Akala mo’y kaya mo?

‘Di kaming lahat ay mailulubog mo.

Maghihirap kaming alam ang totoo.

Mauunang mag-isip bago makuntento.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11







Huwebes, Pebrero 6, 2020

Pagbitiw



Tutok ako sa cellphone ko nang umagang iyon habang nakahiga sa matigas kong papag na nalalatagan lamang ng kulay abong kumot at dalawang pirasong unan. Naghihintay ng ano mang tugon o resulta sa alin mang mga aplikasyong pinasahan ko ng resume at sa ibang mga interview na nasalangan ko na.

Isang buwan na rin buhat nang mag-resign ako sa dati kong kompanyang pinagtrabahuhan bilang CCTV staff. Itinaon ko ang pagbibitiw sa puwesto ko sa eksaktong huling araw na nakasaad sa kontrata nang sa gayon ay hindi ko na kailangang manatili pa ng tatlumpung araw hanggang sa makahanap ng ipapalit sa akin.

Biglang rumihistro sa screen ng cellphone ko ang pangalan ng dati kong boss, tumatawag. Hinayaan ko lang ang pagrehistro nito at hindi sinagot ang tawag. Bumangon ako sa pagkakahiga at inilapag sa papag ang cellphone ko.

Limang taon ako sa kompanyang iyon, limang taon kong sinunod ang lahat ng utos ng boss ko. Isang tawag niya lang ay kaagad ko itong sinasagot. Hindi naman siguro masamang hindi ko sagutin ang tawag niya sa ganitong pagkakataon, ngayon pang ayaw kong makakita o makaisip ng alin mang bagay na makapagpapaalala sa akin sa dati kong trabaho. Trabahong limang taon kong minahal at pinagsakripisyuhan katulad ng isang asawa.

Bago ako lumabas ng kuwarto para tunguhin ang kusina ay tinapunan ko pa ng huling tingin ang cellphone ko, rumirihistro pa rin ang pangalan ng dati kong boss.

Nang nasa kusina na ako ay agad akong kumuha ng puswelo, sinalinan ito ng mainit na tubig mula sa thermos saka tinakalan ng kape’t asukal. Bahagya kong dinagdagan ang takal ng kape’t baka sakaling sa aking paghigop ay matanggal ng pagkatapang nito ang lahat ng sama ng loob ko.

Sa kalagitnaan ng aking unang paghigop ng mainit na kape ay nasilayan ko si kuya Erning mula sa bintana ng dingding na kinasasandalan ng lamesang pinagpapatungan ng thermos, garapon ng kape at asukal. Sampung taon na siyang nagtatrabaho bilang driver sa dati kong kompanya subalit hindi pa rin nareregular. Bitbit ang puswelo ng kape ay lumabas ako ng bahay para lapitan siya.

“Oh Bert! Kamusta?” pangangamusta niya habang papalapit pa lang ako sa mahabang upuang kahoy na nalililiman ng mayabong na dahon ng puno ng aratilis na kanyang kinauupuan.

“Heto at tambay pa rin po. Pero ayos naman po.” sagot ko bago ipatong ang tasa ng kape sa mahabang upuan, nakiupo rin ako sa tabi niya.

“Bakit kasi nagresign ka eh. Team leader ka na diba?” sunod na tanong niya kasabay ng pag-abot sa akin ng kaha ng sigarilyo at lighter.

“Napromote nga. Hindi naman regular, nadagdagan lang ang trabaho at hindi ang sweldo.” malungkot kong sagot habang inaabot ang sigarilyong kanyang inalok.

Mula sa kaha ay kumuha ako ng sigarilyo at sinindihan. Kasabay ng pagbuga ko ng usok ay ang pagbabalik ng mga alala na nakapagpapasama ng loob ko.


*****


“Where do you see yourself in 5 years?” tanong ng HR staff na nag-interview sa akin noong nag-apply ako sa kompanyang iyon. Nakaupo kaming magkaharap na pinagigitnaan ng maliit na lamesa kung saan nakapatong ang resume ko.

“I see myself here as a regular employee.” matapat kong sagot habang pinipisil ang hawak kong ballpen na nakakubli sa ilalim ng lamesa.

Ang totoo niyan ay iyon lang naman talaga ang pangarap ko, ang maging regular na empleyado sa isang kompanya. May taunang pagtaas ng sahod at kumpletong benipisyo.

Nangyari naman iyon, nagtagal at nanatili ako sa kompanyang iyon ng limang taon. Hindi nga lang regular dahil under agency lang, anim na buwang kontrata. Nakadepende ang pagrerenew ng kontrata sa kalidad mo bilang isang empleyado. Kung masipag ka ay siguradong marerenew ka. Kung tamad ka naman ay sumipsip ka lang at magkunyaring masipag.

Sa ikatlong taon ko nga ay nakitaan ako ng potensiyal. Hindi dahil sa pinakita kong galing at kasipagan sa trabaho kundi dahil sa tangka kong magpasa ng resignation letter.

“Bakit?” maigsi at nakangiting pagkakasabi ng dati kong boss habang tinitingnan ang resignation letter na inabot ko sa kanya.

“Masaya po ako rito sa kompanya at inlove ako sa trabahong mayroon ako.” seryoso kong sambit habang nakikipagtitigan sa kanya.

“Eh bakit ka magreresign?” bahagya pa rin siyang nakangiti.

“Dalawang taon ko na pong ‘nililead ang team pero ang sinasahod ko ay pareho lang ng sa mga tao ko.” seryoso kong sambit. Bahala na siya kung mauunawan niya ang simpleng lohika ng pangungusap na iyon.

“At Sir, tumatanda na po ako. Iniisip ko rin po ang kinabukasan ko. Kung hindi po kayang ibigay ng kompanyang ito ang pangarap ko, baka kayang ibigay ng iba.” nagpipigil akong magsalita pa ng mas mahaba. Sapat na siguro iyon para iparating sa kanyang may laman ang mga sinabi ko.

“Ang totoo niyan Jobert, ireregular ka namin at under observation ka ngayon. After six months ay mareregular ka na.” mas lalo pang lumapad ang pagkakangiti niya.

Mula sa pagkakasimangot ay unti-unti na rin akong napangiti.

“Congratulation! ’Wag kang magresign. Kailangan ka namin dito.” Inilahad ng dati kong boss ang kanyang palad para kamayan ako. Masaya at nanginginig ko iyong inabot at nagpasalamat.

Hindi ko itinuloy ang pagreresign. Bagkus ay mas ‘pinagbuti ko pa. Tinatapos ko ang lahat ng reports nang mas maaga kesa sa deadline. Mas ginalingan ko ang paglilead ng team. Maraming nagbukas na bagong store branch at malaki ang ambag ng team namin doon. Naging mas maayos ang dating magulong sistema ng department ko. Marami kaming naresolbang kaso ng pagnanakaw. Dahil sa amin ay naging disiplinado ang mga managers at staffs sa lahat ng store branches. Ang pangarap kong maging regular na empleyado ay naging pangarap na rin ng buong team.

Hanggang umabot ako ng limang taon sa kompanya. Walang nangyari sa pangakong binitiwan sa akin ng dating boss ko.

“Last day ko na po Sir. Ngayon ang huling araw na nakalagay sa kontrata ko. Di na po ako magrerenew.” sabay abot ng resignation letter ko.

Inunahan ko na ng mabilis na pagtalikod ang posibleng pangakong maaari niya na namang sabihin. Hindi na rin ako pumasok kinabukasan.


*****


Hinithit ko pang muli ang nangangalahati kong sigarilyo. Pagbuga ko ng usok ay siyang higop ko ng kape sa puswelo.

“Pero alam mo ba Bert? Noong umalis ka? Lahat ng ka-team mo ay nagpasa ng resignation letter.” sambit ni kuya Erning kasabay ng pagpitik sa hawak nitong sigarilyo para malaglag ang abo sa dulo nito.

“Hala. Eh di walang natira sa department namin?” hithit muli ng sigarilyo at sinundan ko ng paghigop ng kape.

“Hindi! ‘Niregular lahat ng ka-team mo.” mahabang hithit ni kuya Erning sa kanyang sigarilyo hanggang sa masaid ito, itinapon sa sahig at tinapakan.

Dahil sa kanyang huling sinabi ay napangiti ako. Sa wakas ay may pinatunguhan din ang lahat ng pinaghirapan namin. Sila ang tumupad sa pangarap kong naging pangarap na rin nila.

“Sige po kuya Erning. Papasok na po ako sa loob.” paalam ko kay kuya matapos kong hithitin ang sigarilyo hanggang tuluyan itong maubos, itapon sa sahig at tapakan. Sinaid ko na rin ang lamang kape ng puswelo at binitbit ito papasok ng bahay.

Nangingiti pa rin ako habang inaanlawan ang ginamit kong puswelo. Kumikiliti pa rin sa puso ko ang mabuting balitang nalaman ko mula kay Kuya Erning. Siguro’y inilagay lang ako ng Diyos sa kompanyang iyon bilang team leader ng department ko hindi para roon ko tuparin ang pangarap ko kundi maging parte ng pagkahubog nila. Bigyan sila ng motibasyong mangarap din at hindi makuntento lamang sa pagpapailalim sa sistema ng kontraktuwalisasyon.

Itinaob ko sa paminggalan ang nahugasan kong puswelo bago ko tunguhin ang kuwarto ko.

Pagpasok sa kuwarto ay agad kong dinampot ang cellphone kong nakapatong sa papag. Tatlong missed calls at dalawang bagong mensahe ang nakarehistro.

Ang tatlong tawag na hindi ko nasagot ay mula sa dati kong boss.

Ang unang bagong mensahe naman ay nanggaling rin sa kanya. Binuksan ko ito at binasa.

‘Hi Jobert,
Magreport ka rito sa opisina bukas. Iinterviewhin ka ng HR head para sa posisyong supervisor, regular na agad. Pormalidad na lang iyon. Bumalik ka na rito ah. Kailangan ka ng kompanya, kailangan ka ng department mo.’

Hindi ko malaman ang eksaktong nararamdaman ko. Masaya dahil heto at nakahain na ang pangarap ko, kailangan ko na lang oohan.

Nakakainis dahil kailangan daw ako ng kompanya? Sa tingin ko’y hindi. Dahil kung totoong kailangan ako ng kompanya ay mamahalin ako nito kagaya ng kung papaano ko siya inibig katulad ng sa isang asawa.

Sa palagay ko rin ay hindi na ako kailangan ng department ko. Malaki ang tiwala ko sa team ko. Mas kilala ko sila kesa sa kilala sila ng kompanya. Kung may nakakaalam man ng kapasidad ng team ko at mga kaya nilang gawin? Ako iyon.

Ang pangalawang bagong mensahe ay mula sa kompanyang sinalangan ko ng interview. Tanggap na raw ako bilang CCTV operator, direct hired at hindi under agency. Walang kontraktuwalisasyong magaganap. Itinatanong din kung kailan ako pwedeng makapagsimula.

Kung hindi ko man naising bumalik sa lugar na minahal ko nang limang taon ay hindi iyon nangangahulugang binibitiwan ko na ang pangarap ko.

Aabutin ko pa rin naman iyon. Sa ibang lugar na nga lang kasama ang mga bagong taong makakasalamuha ko.

Isa sa dalawang mensaheng iyon ang binigyan ko ng tugon.

'Maraming salamat po Sir/Maam. Bukas na bukas din po ay handa na akong magsimula.'


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11