Tutok ako sa cellphone ko nang umagang iyon habang
nakahiga sa matigas kong papag na nalalatagan lamang ng kulay abong kumot at
dalawang pirasong unan. Naghihintay ng ano mang tugon o resulta sa alin mang
mga aplikasyong pinasahan ko ng resume at sa ibang mga interview na nasalangan
ko na.
Isang buwan na rin buhat nang mag-resign ako sa dati kong
kompanyang pinagtrabahuhan bilang CCTV staff. Itinaon ko ang pagbibitiw sa
puwesto ko sa eksaktong huling araw na nakasaad sa kontrata nang sa gayon ay
hindi ko na kailangang manatili pa ng tatlumpung araw hanggang sa makahanap ng
ipapalit sa akin.
Biglang rumihistro sa screen ng cellphone ko ang pangalan ng
dati kong boss, tumatawag. Hinayaan ko lang ang pagrehistro nito at hindi
sinagot ang tawag. Bumangon ako sa pagkakahiga at inilapag sa papag ang
cellphone ko.
Limang taon ako sa kompanyang iyon, limang taon kong sinunod
ang lahat ng utos ng boss ko. Isang tawag niya lang ay kaagad ko itong
sinasagot. Hindi naman siguro masamang hindi ko sagutin ang tawag niya sa ganitong
pagkakataon, ngayon pang ayaw kong makakita o makaisip ng alin mang bagay na
makapagpapaalala sa akin sa dati kong trabaho. Trabahong limang taon kong
minahal at pinagsakripisyuhan katulad ng isang asawa.
Bago ako lumabas ng kuwarto para tunguhin ang kusina ay
tinapunan ko pa ng huling tingin ang cellphone ko, rumirihistro pa rin ang
pangalan ng dati kong boss.
Nang nasa kusina na ako ay agad akong kumuha ng puswelo,
sinalinan ito ng mainit na tubig mula sa thermos saka tinakalan ng kape’t
asukal. Bahagya kong dinagdagan ang takal ng kape’t baka sakaling sa aking
paghigop ay matanggal ng pagkatapang nito ang lahat ng sama ng loob ko.
Sa kalagitnaan ng aking unang paghigop ng mainit na kape ay
nasilayan ko si kuya Erning mula sa bintana ng dingding na kinasasandalan ng
lamesang pinagpapatungan ng thermos, garapon ng kape at asukal. Sampung taon na
siyang nagtatrabaho bilang driver sa dati kong kompanya subalit hindi pa rin
nareregular. Bitbit ang puswelo ng kape ay lumabas ako ng bahay para lapitan
siya.
“Oh Bert! Kamusta?” pangangamusta niya habang papalapit pa
lang ako sa mahabang upuang kahoy na nalililiman ng mayabong na dahon ng puno
ng aratilis na kanyang kinauupuan.
“Heto at tambay pa rin po. Pero ayos naman po.” sagot ko
bago ipatong ang tasa ng kape sa mahabang upuan, nakiupo rin ako sa tabi niya.
“Bakit kasi nagresign ka eh. Team leader ka na diba?” sunod
na tanong niya kasabay ng pag-abot sa akin ng kaha ng sigarilyo at lighter.
“Napromote nga. Hindi naman regular, nadagdagan lang ang
trabaho at hindi ang sweldo.” malungkot kong sagot habang inaabot ang
sigarilyong kanyang inalok.
Mula sa kaha ay kumuha ako ng sigarilyo at sinindihan.
Kasabay ng pagbuga ko ng usok ay ang pagbabalik ng mga alala na nakapagpapasama
ng loob ko.
*****
“Where do you see yourself in 5 years?” tanong ng HR staff
na nag-interview sa akin noong nag-apply ako sa kompanyang iyon. Nakaupo kaming
magkaharap na pinagigitnaan ng maliit na lamesa kung saan nakapatong ang resume
ko.
“I see myself here as a regular
employee.” matapat kong sagot habang pinipisil ang hawak kong ballpen na
nakakubli sa ilalim ng lamesa.
Ang totoo niyan ay iyon lang naman
talaga ang pangarap ko, ang maging regular na empleyado sa isang kompanya. May
taunang pagtaas ng sahod at kumpletong benipisyo.
Nangyari naman iyon, nagtagal at
nanatili ako sa kompanyang iyon ng limang taon. Hindi nga lang regular dahil
under agency lang, anim na buwang kontrata. Nakadepende ang pagrerenew ng
kontrata sa kalidad mo bilang isang empleyado. Kung masipag ka ay siguradong
marerenew ka. Kung tamad ka naman ay sumipsip ka lang at magkunyaring masipag.
Sa ikatlong taon ko nga ay
nakitaan ako ng potensiyal. Hindi dahil sa pinakita kong galing at kasipagan sa
trabaho kundi dahil sa tangka kong magpasa ng resignation letter.
“Bakit?” maigsi at nakangiting
pagkakasabi ng dati kong boss habang tinitingnan ang resignation letter na
inabot ko sa kanya.
“Masaya po ako rito sa kompanya at
inlove ako sa trabahong mayroon ako.” seryoso kong sambit habang
nakikipagtitigan sa kanya.
“Eh bakit ka magreresign?” bahagya
pa rin siyang nakangiti.
“Dalawang taon ko na pong ‘nililead
ang team pero ang sinasahod ko ay pareho lang ng sa mga tao ko.” seryoso kong
sambit. Bahala na siya kung mauunawan niya ang simpleng lohika ng pangungusap
na iyon.
“At Sir, tumatanda na po ako. Iniisip
ko rin po ang kinabukasan ko. Kung hindi po kayang ibigay ng kompanyang ito ang
pangarap ko, baka kayang ibigay ng iba.” nagpipigil akong magsalita pa ng mas
mahaba. Sapat na siguro iyon para iparating sa kanyang may laman ang mga sinabi
ko.
“Ang totoo niyan Jobert,
ireregular ka namin at under observation ka ngayon. After six months ay
mareregular ka na.” mas lalo pang lumapad ang pagkakangiti niya.
Mula sa pagkakasimangot ay
unti-unti na rin akong napangiti.
“Congratulation! ’Wag kang
magresign. Kailangan ka namin dito.” Inilahad ng dati kong boss ang kanyang
palad para kamayan ako. Masaya at nanginginig ko iyong inabot at nagpasalamat.
Hindi ko itinuloy ang pagreresign.
Bagkus ay mas ‘pinagbuti ko pa. Tinatapos ko ang lahat ng reports nang mas
maaga kesa sa deadline. Mas ginalingan ko ang paglilead ng team. Maraming
nagbukas na bagong store branch at malaki ang ambag ng team namin doon. Naging
mas maayos ang dating magulong sistema ng department ko. Marami kaming
naresolbang kaso ng pagnanakaw. Dahil sa amin ay naging disiplinado ang mga
managers at staffs sa lahat ng store branches. Ang pangarap kong maging regular
na empleyado ay naging pangarap na rin ng buong team.
Hanggang umabot ako ng limang taon
sa kompanya. Walang nangyari sa pangakong binitiwan sa akin ng dating boss ko.
“Last day ko na po Sir. Ngayon ang
huling araw na nakalagay sa kontrata ko. Di na po ako magrerenew.” sabay abot
ng resignation letter ko.
Inunahan ko na ng mabilis na
pagtalikod ang posibleng pangakong maaari niya na namang sabihin. Hindi na rin
ako pumasok kinabukasan.
*****
Hinithit ko pang muli ang
nangangalahati kong sigarilyo. Pagbuga ko ng usok ay siyang higop ko ng kape sa
puswelo.
“Pero alam mo ba Bert? Noong umalis
ka? Lahat ng ka-team mo ay nagpasa ng resignation letter.” sambit ni kuya Erning
kasabay ng pagpitik sa hawak nitong sigarilyo para malaglag ang abo sa dulo
nito.
“Hala. Eh di walang natira sa department
namin?” hithit muli ng sigarilyo at sinundan ko ng paghigop ng kape.
“Hindi! ‘Niregular lahat ng ka-team
mo.” mahabang hithit ni kuya Erning sa kanyang sigarilyo hanggang sa masaid
ito, itinapon sa sahig at tinapakan.
Dahil sa kanyang huling sinabi ay
napangiti ako. Sa wakas ay may pinatunguhan din ang lahat ng pinaghirapan namin.
Sila ang tumupad sa pangarap kong naging pangarap na rin nila.
“Sige po kuya Erning. Papasok na po
ako sa loob.” paalam ko kay kuya matapos kong hithitin ang sigarilyo hanggang
tuluyan itong maubos, itapon sa sahig at tapakan. Sinaid ko na rin ang lamang
kape ng puswelo at binitbit ito papasok ng bahay.
Nangingiti pa rin ako habang
inaanlawan ang ginamit kong puswelo. Kumikiliti pa rin sa puso ko ang mabuting
balitang nalaman ko mula kay Kuya Erning. Siguro’y inilagay lang ako ng Diyos
sa kompanyang iyon bilang team leader ng department ko hindi para roon ko
tuparin ang pangarap ko kundi maging parte ng pagkahubog nila. Bigyan sila ng
motibasyong mangarap din at hindi makuntento lamang sa pagpapailalim sa sistema
ng kontraktuwalisasyon.
Itinaob ko sa paminggalan ang
nahugasan kong puswelo bago ko tunguhin ang kuwarto ko.
Pagpasok sa kuwarto ay agad kong
dinampot ang cellphone kong nakapatong sa papag. Tatlong missed calls at dalawang
bagong mensahe ang nakarehistro.
Ang tatlong tawag na hindi ko nasagot
ay mula sa dati kong boss.
Ang unang bagong mensahe naman ay
nanggaling rin sa kanya. Binuksan ko ito at binasa.
‘Hi Jobert,
Magreport ka rito sa opisina
bukas. Iinterviewhin ka ng HR head para sa posisyong supervisor, regular na
agad. Pormalidad na lang iyon. Bumalik ka na rito ah. Kailangan ka ng kompanya,
kailangan ka ng department mo.’
Hindi ko malaman ang eksaktong
nararamdaman ko. Masaya dahil heto at nakahain na ang pangarap ko, kailangan ko
na lang oohan.
Nakakainis dahil kailangan daw ako
ng kompanya? Sa tingin ko’y hindi. Dahil kung totoong kailangan ako ng kompanya
ay mamahalin ako nito kagaya ng kung papaano ko siya inibig katulad ng sa isang
asawa.
Sa palagay ko rin ay hindi na ako
kailangan ng department ko. Malaki ang tiwala ko sa team ko. Mas kilala ko sila
kesa sa kilala sila ng kompanya. Kung may nakakaalam man ng kapasidad ng team
ko at mga kaya nilang gawin? Ako iyon.
Ang pangalawang bagong mensahe ay
mula sa kompanyang sinalangan ko ng interview. Tanggap na raw ako bilang CCTV
operator, direct hired at hindi under agency. Walang kontraktuwalisasyong
magaganap. Itinatanong din kung kailan ako pwedeng makapagsimula.
Kung hindi ko man naising bumalik
sa lugar na minahal ko nang limang taon ay hindi iyon nangangahulugang binibitiwan
ko na ang pangarap ko.
Aabutin ko pa rin naman iyon. Sa
ibang lugar na nga lang kasama ang mga bagong taong makakasalamuha ko.
Isa sa dalawang mensaheng iyon ang binigyan ko ng tugon.
'Maraming salamat po Sir/Maam.
Bukas na bukas din po ay handa na akong magsimula.'
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento