Unang tula: Tsismoso ako
Ako’y tainga sa lupa, wala kang ligtas.
Bawat nalalama’y ‘wag mo nang ibigkas.
Dinig ko ang bawat kapirasong anas.
Gagawan ng dagdag, bagong balangkas.
Ako’y matang nasa puno, halama’t bulaklak.
Bawat mong pagkilos, labis kong galak.
Tanaw ko ang bawat galaw mo’t balak.
Iibahin ko ng kaunti nang kwento’y maindak.
Ako’y pakpak sa hangin, hindi mapapansin.
Tangan ko lahat ng balitang mariin,
Katotohanan sa kwento’y babaliin din.
Sa galing kong gumawa ng istorya ng iba,
Magkaibigang mag-aaway, magkakasira.
Magkapatid na itatakwil ang isa’t isa.
Kasinungalinga’y gagawing totoo.
Ang totoo’y babawasan para mas magulo.
Sakit ko sa dila’y ‘kinaaaliw ko.
Gusto ko nang itigil ngunit paano?
Ikalawang tula: Utu-uto ako
Magaling lumitanya, iboboto ko ‘yan.
Mukhang matalino, kailangan ‘yan.
Maraming pangako at gagalingan.
‘Di mo kailangan ng pusong matapat.
Sapat nang sabihin mong iba ka sa lahat.
Itaas ang bangko, buhatin, iangat.
Maniniwala akong ikaw ay sapat.
Idagdag mo pa ang ‘yong proyekto kuno.
Aasa ako at magpapauto.
Sasambahin ka, didiyusin, yuyuko.
Tungtungan mo ako para ka makatayo.
‘Pagtatanggol ka sa mga ayaw sayo.
Maninindigang tama ang mga ginawa mo.
Marami kang pinatay nang tumaas ang puwesto.
Hindi iyon masama, ang magbawas ng tao.
Utuin mo ako, wala akong utak.
‘Kinasisiya ko’ng ilubog mo sa burak.
Sa mga pasya mong lalong nagpapahirap.
Dahilan ng pagkakuntento kong ganap.
Ikatlong tula: Mag-pipigil na
Sa bawat maririnig, ako’y magtitimpi.
‘Di makikinig, binging magkukunyari.
Kung may makaalpas kahit kaunting tili,
tutusukin ang tainga, sa katahimika’y marindi.
Ipipikit ko ang dalawa kong mata
Nang hindi ko makita ang iyong ginagawa.
At kung may masilip, mabulag nawa
ang aking paningin kaysa magkasala.
Babaklasin ko ang pakpak na aking panglipad
upang ‘di makalibot, kung saan-saan mapadpad.
Mga kwentong alam ko, ‘di na ilalahad
Mamumuhing gawan ng istorya ang iba.
Wala nang mabibigo’t masisirang pamilya.
Magiging masaya para sa iba.
Hindi na maninira gamit ang katha.
Kagatin ang dila, kung marapat ay putulin.
Hilahin, hiwain saka pitpitin
nang ‘di makagawa ng kwentong magaling.
Pagkakalat ko nito’y magtigil din.
Ika-apat na tula: Mag-iisip na
Magaling kang lumitanya. Sino’ng niloko mo?
Matalino ka raw. Mas matalino ako.
Datihan ka sa tungkulin. ‘Di ramdam presensiya mo.
Marami kang pangako. Ilan ang natupad mo?
Puso mo’y tapat. Tingin mo’y naniniwala ako?
Kahit magaling kang magbuhat ng bangko.
Mas magaling akong sumuri ng kung ano’ng totoo.
Marami kang proyekto. Ano ang pruweba?
Magkano ang kinita? Kulang pa ba?
Mga himala mong gamit ang pera,
‘Di magtatakang maraming ayaw sa iyo.
Kahit paanong isipin, mali ang gawi mo.
Marami kang pinatay, pangarap at tao.
Mabagsik ka’t masama katulad ng diyablo.
Utuin mo ako. Akala mo’y kaya mo?
‘Di kaming lahat ay mailulubog mo.
Maghihirap kaming alam ang totoo.
Mauunang mag-isip bago makuntento.
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento