Lunes, Nobyembre 7, 2022

Sityo Claridad


Gabi ng piyesta ng Sityo Claridad. Nagkasundong sunugin ng mga taga sityo ang munting kubo ni Rossally. Kasabay ng pagliyab ng munting kubong iyon ay ang alingawngaw ng sigaw ng isang babae.

"Hindi na magiging masaya ang mga bawat magiging piyesta niyo! Ikamamatay ng sino man sa inyo ang kapangahasan ng inyong mga bibig at pagkalam ng sikmura. Hindi kayo bubusugin ng pagkaganid niyo sa laman! Hindi kailan man! hiiindiii!"

Tuluyang natupok ng apoy ang kubo. Dala-dala ng mga taga sityo ang matamis na pagkakangisi sa kanilang mga mukha.

*********

"Sige na pre, sumama ka na sa akin. Ako na ang sasagot sa pamasahe mo sa eroplano." pamimilit ni Robert sabay akbay sa aking balikat.

Mag-iisang taon na rin kaming magkakilala at magkaibigan. Dalawang semestre na ang pinagsamahan namin sa eskwela bilang magkaklase. Mabait naman ito, kasundo ko sa lahat ng bagay, mga trip sa buhay, kalokohan at pagkain. Noong unang salta niya nga rito sa siyudad at naging kaklase ko sa isang subject ay mababakas mo rito ang pagkaprobinsiyano. Ang palagi niyang suot ay ang damit na may tatlong butones sa bandang parteng pagitan ng leeg at dibdib na may mahabang manggas na palagi niyang itinutupi hanggang sa siko. Mabuti na lang at maganda ang pangangatawan nito na halatang banat sa trabaho kung kaya't hindi iyon masagwang tignan. Tiniternuhan niya pa iyon ng maluwag na slacks na pantalong kulay abong plantiyadong plantiyado saka orange na rubber shoes. Palagi ring maayos ang buhok nito, naka-gel na palaging ang hati ng pagkakasuklay ay gitnang gitna.

Palagi itong nagiging tampulan ng katatawanan dahil sa pananamit niyang iyon. Nakakakunsensiya nga dahil aminado akong natatawa rin sa kanya noon  dahil sa mga pormahan niya. Kung papaano kami naging magkaibigan? simple lang, dinaan ako sa baong kakanin ng loko.

Break time noon. Nagsilabasan ang mga kaklase namin para magmeryenda. May iilang nagpaiwan sa loob ng silid, iba't iba ang dahilan. May takot maarawan, nagkukunyaring nag-aaral para magmukhang matalino at 'yung iba ay tinatamad lang talaga. Ang dahilan ko noon ay wala kasi akong pera para ipambili ng meryenda, sakto lang ang pera ko para sa pamasahe pauwi.

Nang mapatingin ako kay Robert ay nakita kong naglalabas ito ng isang supot mula sa bagpack niya. Mula sa supot na iyon ay inilabas niya ang mga nakataling suman . Nababalot iyon sa dahon ng saging. Nang maipatong niya na sa lamesa ang mga iyon ay may kinuha ulit siya sa supot kung saan nanggaling ang mga suman. Isang plastic labo  naman iyon na naglalaman ng latik na sawsawan ng suman. Hindi na ako sa kanya nakatingin nang mga oras na iyon kundi sa suman na binabalatan niya. Napalunok pa ako ng laway nang pigain niya sa suman ang plastic labo na naglalaman ng latik.

Nagulat na lang ako nang tawagin niya ako.

"Pare! Tara!." sigaw nito sa akin na bahagyang itinaas ang hawak na suman at latik, isang imbitasyong hindi ko pwedeng tanggihan. Imbitasyong nauwi sa pagkakaroon ng matalik na kaibigan.

"Ano pare? sasama ka ba?" nakaakbay pa rin ang loko sa akin.

''Ikaw ang sasagot sa pamasahe ko? Nakakahiya pare, ang mahal nun." sagot ko sa kanya, hinayaan ko lang ang mga bisig niya sa pagkakaakbay sa aking balikat.

"Ayos lang 'yun pare, marami kaming baboy, isang baboy lang ang maibenta namin eh bawi na agad ang ipapamasahe mo sa eroplano. Saka what is the friend is por diba?" muntik ko nang murahin ang loko dahil sa pag-eenglish niya. Hindi ako magaling sa english pero sigurado akong mali ang gramming niya. Tatanga-tanga talaga.

"Sige pare, sa sabado na 'yun. Doon natin ilalaan ang sembreak natin. Saktong sakto at pista rin sa amin kinabukasan 'pag dating natin doon." sambit nito, tinapik pa ako ng kanyang kamao sa dibdib bago ako talikuran at umalis.

Lumapag ang sinakyan naming eroplano sa siyudad ng Catbalogan, sumakay pa kami ng bus noon at tricycle bago marating ang tahimik na kalyeng walang katao-tao.

"'Yan pare. Papasok tayo sa gubat na iyan, mga dalawang oras na lakaran at mararating na natin ang sityo namin." sambit ng kaibigan ko sabay nguso sa kasukalan.

"Anak ng... Dalawanag oras?" sambit ko, di ko kasi akalain na may magaganap pa palang mahabang lakaran bago namin marating ang sityo nila. Habang nakasimangot ako ay siya namang pagtawa niya. Halatang nang-aasar ang loko. Eh ano pa bang magagawa ko? eh naroon na kami.

Habang tinatahak namin ang kagubatan ay unti-unting napawi ang pagkainis ko. Binusog ng kagubatang iyon ang aking paninging kay tagal nang nagnanasang makakita ng mga katulad ng kung anong mayroon sa gubat na iyon. Nagkikisigang malalaking puno, iba't ibang uri ng halaman, paminsan minsang pagsulpot ng iba't ibang uri ng kulisap at mga huni ng ibong tila nilikha ng pinakamagaling na manglilikha.

Mahigit isang oras na kaming naglalakad nang makaramdam ako ng pagkauhaw. Nanlalata na rin ang mga binti ko gawa ng mga paahong daang aming nilakad. Nagpahinga muna kami sa ilalim ng isang malaking punong may mayayabong na dahong tila ibinibida ang lilim na kanyang nagagawa. Inilapag ko ang bagpack ko at binuksan iyon. Hinalungkat ang loob subalit hindi ko natagpuan ang hinahanap ko.

"'Pag minamalas ka nga naman oh! Wala sa bag ko ang lagayan ko ng tubig. May tubig ka ba riyan pare?" tanong ko kay Robert habang nagpapatuloy sa pagkalkal ng aking bag at umaasang lilitaw roon ang lagayan ko ng tubig.

"Naku pare, nakalimutan ata natin sa bus 'yung mga baunan natin. Pero wag kang mag-alala. Madaraanan natin ang kubo ni Lola Rosally, makikiinom na lang tayo roon." sambit ng loko sabay turo sa isang bahagi ng gubat. Agad kaming tumindig at ipinagpatuloy ang lakaran.

Hindi pa man kami lubusang nakararating sa sinasabi niyang kubo ay biglang may sumulpot na matandang babae mula sa likod ng isang puno. Nakasuot ito ng duster na kumukupas na ang kulay. Medyo hukot na ang pagkakatindig nito subalit pasan pasan pa rin sa balikat ang isang batang baboy ramong  sa tingin ko ay nahuli niya mula sa liblib. Ang labis pang nakapukaw ng atensiyon ko ay ang putol nitong braso na halatang sanhi ng sunog ang dahilan dahil sa mga peklat ng braso nitong napagputulan ng bisig.

Agad itong nilapitan ni Robert, nagmano sa nag-iisang kamay nito at pagkatapos ay kinuha mula sa balikat ng matanda ang pasan nitong batang baboy ramo.  Ipinasan iyon ng kaibigan ko sa kanyang balikat.

"Lola, ako na pong magdadala nito sa kubo niyo, siya nga po pala, si Mario po, matalik kong kaibigan sa maynila. Mabait po 'yan." sambit ng kaibigan ko sabay baling ng tingin nila sa akin. Isang pilit na ngiti ang sumilay sa mukha ng matanda, sunog ang kalahati noon.

Nauna nang lumakad si Robert, ako naman ay agad na lumapit sa matanda at nagmano sa nag-iisang kamay nito. Subalit nagulat ako sa mga isinambit nito.

"Iho, umuwi ka na! Hindi ka dapat nagpunta rito. Isinubo mo lang ang sarili mo sa kamatayan. 'Yang si Robert, mabuting bata iyan, pero ang mga tao sa sityo, wag kang magpapakatiwala." nawala na sa sunog na mukha nito ang pagkakangiti.

Narating namin ang kubo ng matanda at nakainom ng tubig. Pinakain din kami nito ng nilagang saging na may sawsawang bagoong isda, makakatulong daw iyon dahil mahigit isang oras pa ang kailangan naming lakarin.

Isang oras na lakaran pa ay narating na namin ang sityo. Agad kaming sinalubong ng matatamis na ngiti ng mga tao roon, lalong lalo na ng mga magulang ni Robert. Nang ipakilala pa ako nito sa kanila ay mas lalong natuwa ang mga iyon. Halos walang paglagyan ang kasiyahan ng mga tao roon. Nagsipagpalakpakan pa nga ang iba.Tingin ko ay nasa dalawang daan hanggang tatlong daan lang ang populasyon ng mga tao roon. Kakaunti lang din kasi ang mga kabahayan.

"Pare, gustong gusto ka talaga nila. Bihira lang kasing makakita ng mga tao 'yan eh." pagpapaliwanag ni Robert sabay 'yaya sa akin para ipakita ang bahay nila at ang ipinagmamalaki niyang babuyan. Marami rin itong mga alagang iba't ibang hayop bukod sa baboy.

Sinamahan rin ako nito sa isang maliit na kubong katabi lang ng mas malaking kubo nila. Roon daw ako mamamalagi nang magdamag.

Ayos naman ang naging takbo ng hapong iyon. Bago sumapit ang gabi ay binusog ako ng mga tao roon sa iba't ibang lutong putahe na ipinagmamalaki raw nila. Baboy, kambing, kuneho, manok, bibe, at iba't ibang uri ng kakanin. Nakisayaw rin kaming magkaibigan sa mga ito sa saliw ng gitara at tunog ng pagpukpok sa kawayang lumilikha ng kakatuwang mga nota. Mabubuti at masiyahin ang mga tao roon, hindi mahirap pakibagayan.

Pagsapit ng gabi ay inihatid na ako ni Robert sa maliit na kubo na siyang tutulugan ko. Kailangan ko na raw magpahinga at bukas sa araw ng mismong pista ay mas magiging masaya pa.

Hinele ako ng mga isiping tumatakbo sa isip ko ng gabing iyon. Ang payak subalit kuntetntong pamumuhay ng mga tao sa sityo at ang sinabi ng matandang babaeng nakasalubong namin kanina sa daan papunta rito. Bakit naman hindi ko kailangang pagkatiwalan ang mga tao sa lugar na ito? eh kitang kita naman ang pagkagiliw ng mga ito at mabuting pakikisamang pinapakita sa akin? Iyon ang huling katanungan sa isip ko bago ako makatulog sa piling ng musikang hatid ng mga kuliglig.

Kinaumagahan ay ginising ako ng hinihingal kong kaibigan.

"Pare! Magmadali ka! Kailangan na nating makaalis dito. Hindi sila tutupad sa pangako nila sa akin!" siya na mismo ang humatak sa braso ko para makabangon ako sa higaan.

"Ba-bakit? A-anong problema?" tanong ko rito habang mabilis na inayos ang mga gamit ko dahil sa pagkataranta.

"Bilisan mo! 'Wa-wag mo nang dalhin 'yan." sabat nito.

Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari.

"Basta kapag binuksan ko ang pinto ay tumakbo ka nang mabilis sa kakahuyan. Magtungo ka sa kubo ni Lola Rossally. Sasamahan ka niya hanggang makatakas sa lugar na ito." Dugtong pa nito.

Nang buksan ni Robert ang pinto ay nakaabang na ang mga residente. Nakangiti ang mga ito at tila gutom na gutom akong tinitignan.

"Takbo na Mario!" sigaw ng kaibigan ko nang akmang tatakbo papalapit sa akin ang mga residente.  Agad naman iyong hinarangan ni Robert, ang ilan sa mga ito ay nakatanggap ng malalakas na suntok mula sa aking kaibigan.

Walang nagawa ang paglaban ni Robert, malakas nga ito pero marami ang kalaban. Wala ring nagawa ang pagtakbo ko. Sadyang mas mabibilis ang mga ito.

Walong malalaking kalalakihan ang humahawak kay Robert. Ako naman ay mahigpit na hawak ng isang lalaki, ang tatay niya.

"Nangako kayo sa akin! Hindi niyo gagalawin ang kaibigan ko! Hanggang ngayon ba ay ipinagkakanulo pa rin kayo ng pagkagutom niyo sa karne ng tao? Iyan ang ikaka-ubos ng lahi natin!" sambit ni Robert habang pumipiglas sa pagkakahawak sa kanya ng limang kalalakihan.

Parang bingi ang mga residente, wala nang pakialam ang mga ito sa mga isinisigaw ng kaibigan ko. Ako naman ay naihi na sa salawal sa sobrang takot. Parang wala nang lakas ang mga tuhod ko at hindi na magawa ang kahit isang paghakbang lamang. Lalo na nang magpalit ng anyo ang lalaking may hawak sa akin. Bigla itong tinubuan ng mahahabang balahibo sa buong katawan. Humaba ang nguso nito na parang sa itsura ng daga, nagkaroon ng matutulis na pangil at mga kuko sa mga daliri nito sa kamay at sa paa. Nasira rin ang damit nito dahil sa pagtubo ng malalapad na pakpak na kagaya ng sa paniki. Akmang sasakmalin na ako ng nilalang na iyon sa aking leeg nang muling sumigaw si Robert.

"'Taaay! Ang sumpa! 'Wag niyong kalimutan ang sumpa! Mamamatay sa atin ang sinumang kumain ng karne ng tao!" sigaw ng kaibigan ko, humahagulgol na ito sa pag-iyak pero patuloy pa rin sa pagpupumiglas.

Tila nahimasmasan ang halimaw na may hawak sa akin. Bumalik ito sa pagiging anyong tao.

"Problema ba iyon anak? Eh di patayin na lang natin siya at pagkatapos ay ipakain sa mga baboy. Tapos yung mga baboy ang pagsasaluhan natin. Para na rin tayong kumain ng karne ng tao noon. Hindi pa eepekto ang sumpa." paliwanag ng lalaking may hawak sa akin.

Dahil sa 'sinambit na iyon ng lalaki ay nanlisik ang mata ng kaibigan ko. Bigla itong nagbago ng anyo na katulad ng sa tatay niya kanina. Winasiwas nito ang pakpak na naging dahilan para mag-atrasan ang mga kalalakihang humahawak sa kanya kanina. Mabilis itong tumakbo papalapit sa amin at sinuntok ang kanyang ama. Bagsak sa lupa ang tulala niyang ama. Agad din nitong ipinulupot ang mga kamay sa katawan ko saka mabilis lumipad patungo sa isang direksiyon sa kagubatan, sa direksiyon kung nasaan ang kubo ni Lola Rossally.

Mula sa itaas ay kitang kita ko ang pagpapalit ng anyo ng mga residente. May mga naging baboy, aso at ang iba ay nanatiling tao subalit nagkaroon lang ng mga balahibo sa katawan. Sumuot ang mga ito sa kagubatan para habulin kaming magkaibigan. Wala na akong lakas ng mga oras na iyon. Tanging pagkatakot na lang ang nararamdaman ko.

"'Wag kang mag-alala pare. Ligtas na tayo. Dalawa lang kami ng tatay ko ang may kakayahang lumipad. Hindi nila tayo maaabutan." wika ng kaibigan kong sa mga oras na iyon ay larawan ng isang halimaw. Dahil sa pagkahapo at matinding pagod ay nawalan na ako ng malay.

Nang magkaroon ako ng malay ay nasa isang pamilyar na lugar na kami. Nasa loob na kami ng kubo ni lola Rossally.

"Ano iho, ayos ka na ba? Hindi ba't sinabihan na kita noong una pa lang na wag ka nang tumuloy sa sityo. Pero tumuloy ka pa rin." sambit ng matanda habang nakatingin sa akin. Ibinaling din nito ang tingin kay Robert.

"At ikaw naman apo, hindi ba't sinabi ko na sa iyo na wala nang pag-asa iyang angkan natin. Binigyan ko na sila ng isang matinding sumpa ay ganoon pa rin ang pagkaganid nila sa laman. mga walang kadala-dala." ang tinutukoy ng matanda ay ang matinding sumpang iniwan niya sa sityong iyon matapos sunugin ang kanyng munting kubo dahil sa pagtulong niyang makatakas ang isang kaibigan, kagaya ng ginawa ngayon ni Robert. Isang sumpang magpapahirap sa ano mang lahi ng aswang. Kamatayan ang katumbas ng pagkain ng laman ng tao.

Mayamaya ay unti-unting nagkaroon ng pagkaluskos sa labas ng kubo ng matanda. magkahalong huni ng iba't ibang hayop na handang sumagpang ng alin mang makikitang gumagalaw.

Tumindig ang matandang babae.

"Robert! Kapag namatay ako ngayong araw ay ipagpatuloy mo ang pagkakaroon ng mabuting puso sa kabila ng totoong pagktao natin." tinig ng matanda. Kitang kita ko ang pagngilid ng mga luha sa mga mata ng kaibigan ko.

"'Wag mo na akong tulungan apo. Alam mong kaya ko silang lahat. Saka sisingilin ko lang sila sa pagsunog nila sa akin noon. Kung hindi pa rin sapat ang pagpapahirap ng sumpang binitawan ko sa kanila ay wawakasan ko na lang ang kanilang mga buhay." huling sambit ng matanda matapos magtali ng itak sa kanyang putol na brasong isinawsaw sa asin ang talim. Nagkaroon ng makapal na balahibo ang matanda at naging isang malaking nilalang kagaya ng sa paniki. Nang lumabas ito ng kubo ay pumaimbabaw ang mga hiyawan at atungal ng mga halimaw.

Alam ni Robert na ang lola niya ang pinakamalakas na aswang at walang sino man ang makakatalo rito. Subalit nang oras na iyon, kasabay ng pagkamatay ng buong angkan niya ay ang pagwawakas din ng buhay ng kanyang pinakamamahal na lola.

Dahil sa sobrang pagod ay nakatulog kaming magkaibigan sa loob ng kubo. Inihele si Robert ng nararamdamang kapighatian sa pagkamatay ng kanyang lola. Pinaantok naman ako ng kapayapaang nararamdaman ko sa mga oras na iyon, isang isiping hindi lahat ng aswang ay masasama. Sadyang may mabubuti rin. Ang dalawa sa mga ito ay nagmula sa Sityo Claridad.

 

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12

























Mga Laruan ni Eman


Isang suntok na naman ang tumama sa kanang braso ni Eman mula sa kamag-aral niyang si Baldo. Halos mapaatras siya dahil sa natanggap na suntok mula sa kamag-aral na halos doble niya ang laki. Pinipilit panatilihin ang balanse kahit pa nga nangangatog na ang dalawa niyang payat na hita at binti.


Napanatili naman ng kanyang patpating katawan ang pagkakatayo pero mabilis siyang hinawakan ng kamag-aral sa damit, bandang dibdib at hinatak. Pagkatapos noon ay malakas na itinulak na ikinatumba niya sa lupa.


Doon na siya umiyak. Pilit niyang pinupunasan ng laylayan ng kanyang damit ang magkahalong luha at uhog sa kanyang mukha pero mas naging marungis pa iyon dahil sa alikabok na kumapit sa kanyang damit noong natumba siya sa lupa.


Hindi niya alam kung ano ba ang naging kasalanan niya kay Baldo, kung bakit nakahiligan na nitong bigla siyang suntukin sa braso, itulak at paminsan minsan ay pitikin ang kanyang tainga. Hindi niya maunawaan kung bakit inis na inis ito sa kanya. Hindi niya matanggap yung  dahilan ni Baldong kaya siya sinasaktan nito ay dahil nauurat lang ito sa suot niyang naninilaw na puting damit, kupas na shorts at nababakbak na itim na sapatos. Araw-araw naman siyang naliligo pero lagi pa rin siyang sinasabihan nitong mabaho raw. Dahil ba nangangalakal lang sa basurahan ang tatay niya?


Pakiramdam niya ay basang-basa na ng luha ang laylayan ng naninilaw niyang puting damit kung kaya't likod na ng palad niya ang ipinamumunas sa naghalong luha, uhog at alikabok sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang papalayong si Baldo.


Paulit-ulit niyang sinasabi sa sariling hindi na siya iiyak kapag ginawan siyang muli ng hindi maganda ni Baldo. Pero pag-iyak niya lang ang tanging magpapatigil sa pananakit nito sa kanya. Ganoon kasi ang laging nangyayari, maiinis ito sa kanya, sasaktan at kapag umiyak na siya ay saka titigil at aalis.


Awang-awa siya sa sarili kapag sinasaktan siya nito sa harap ng ibang mga kamag-aral. Masuwerte na ang nangyari sa araw na iyon dahil walang ibang nakakita ng pagkatumba niya sa lupa at pag-iyak.


Hindi na niya itinuloy ang pagpasok sa eskwela nang araw na iyon. Bagama't magkalayo sila ng pangangatawan ni Baldo ay magkasama sila sa isang silid sa paaralang pinapasukan bilang ikalimang baitang na mag-aaral.


Tuyo na ang luha niya nang makarating sa bahay. Walang tao bukod sa kanya dahil sumasama ang kanyang nanay sa kanyang tatay para mangalakal sa basurahan.


Binuksan niya ang pintong kahoy na nalalapatan ng sako para maitago ang mga nababakbak na bahagi noon. Tumuloy siya sa loob, maliit na kuwarto lang iyon at sapat na ang laki para makahiga silang tatlo ng mga magulang niya. Ang gamit lang na naroon ay mga sakong nakasabit sa mga dingding na natatagpian ng mga lumang pahina ng magazine. Naglalaman iyon ng mga bagay na pwede nilang ipagbili sa junk shop. Sa isang sulok ay magkakapatong na unan, nakatiklop na kumot at sirang karton na kanilang ipinangsasapin sa sahig kapag matutulog. Sa tabi noon ay ang dalawang kahon, ang isa ay naglalaman ng magkakahalo nilang malilinis na damit at ang isa naman ay mga laruan niyang naipon mula sa pangangalakal ng kanyang tatay.


Binuksan niya ang pangalawang kahon, kinuha niya mula sa loob noon ang isang laruang sundalong may hawak na baril, nababakbak na ang kulay noon at sunog ang isang paa.


"Kunyari  ikaw ako ah, tapos ay ililigtas ulit natin si Baldo." sambit niya habang hawak ang laruang sundalo. Inuga-uga niya pa iyon para magmukhang sumasang-ayon sa mga sinabi niya.


Isinandal niya iyon sa dingding para makatayo, tapos ay kumuhang muli ng laruan sa kahon. Inilabas niya 'yung de bateryang si jollibee, hindi na nakapagsasalita at umiilaw ang buntot dahil sa kalumaan.


"Kahit lagi mo akong inaaway ay ililigtas pa rin kita sa halimaw." muling sambit niya habang pinupunasan ng daliring nilawayan ang mga mata ng laruang inaalikabok ang bahagi ng mga mata. Iniisip niya na ang laruang iyon ay si Baldo.


Naglabas pa siya ng iba't ibang lumang laruan mula sa kahon. Nadampot niya ang isang eroplano. Iwinasiwas niya iyon sa hanging parang lumilipad, tapos ay kunyaring tatamaan si Jollibee. Mabilis namang naiwasan ni Jollibee ang napakabilis na eroplanong balak siyang banggain.


"Sino ang sakay ng eroplanong iyan?" malakas na boses ni Jollibee. Iniba rin niya ang boses niya para bigyang buhay ang mga laruan.


"Ako! At gusto kong kumain ng tao ngayon. Gustong gusto kong kumain ng mga malulusog na batang kagaya mo." sagot ng nakakatakot na tinig na nagmumula sa loob ng eroplanong iwinawasiwas niya. Paminsan-minsang susugod kay Jollibee pero mabilis namang naiilagan.


Inikot-ikot niya si Jollibee at itinapat ang puwet noon sa eroplano. Naglabas ang buntot noon ng malakas na ilaw na tumama naman sa eroplano. Sumabog iyon sa himpapawid at iniluwa ang sakay noon.


Inilabas niya ang isang abuhing teddy bear mula sa kahon, tastas na ang tahi noong nagdurugtong sa ulo at katawan. Sumisilip na ang mga bulak noon sa butas na bahagi nito.


''Ang lakas naman ng loob mong pasabugin ang sinasakyan kong eroplano!" nakakatakot na tinig ng halimaw. May butas iyon sa leeg na naglalabas ng kulay puting usok na nakalalason.


Sinugod nito si Jollibee. Akmang papatamaan sana ni Jollibee ng malakas na ilaw ang halimaw gamit ang kanyang buntot pero unti-unti iyong nanghina dahil sa nalalanghap na lasong nagmumula sa butas na leeg ng halimaw.


Ipinatong ni Eman ang abuhing teddy bear kay Jollibee.


Binali ng halimaw ang mga pakpak ni Jollibee. Kagat-kagat din noon ang isang braso nito. Patuloy pa rin ang lumalabas na nakalalasong usok mula sa butas na leeg ng halimaw na nagkalat na sa bahaging iyon ng lugar.


Doon na kinuha ni Eman ang laruang sundalong isinandal niya sa Dingding. Ipinuwesto niya iyong nakadapa at nakatutok ang hawak na baril sa teddy bear na nakapatong kay jollibee.


"Hoooy halimaw! Bitawan mo ang kaibigan ko!" sambit ng isang makisig na sundalong nakadapa at itinatago ang sarili sa talahiban.


Binitawan ng halimaw ang pagkakakagat sa braso ni Jollibee. Nagpalinga-linga ito sa paligid para hanapin ang pinanggagalingan ng boses.


Pero bago malaman ng halimaw ang pinanggagalingan ng boses ay pinaputukan na ito ng sundalo. Sunod-sunod na nag-aapoy na bala ang tumama at tumagos sa katawan ng halimaw na agad noong ikinatumba sa lupa at ikinamatay.


Pumunit si iyan ng kapirasong papel sa karton, nilawayan at idinikit sa bibig ng laruang sundalo. inilabas din nito mula sa kahon ang isang alkansiyang baboy na ni minsan ay hindi niya nalagyan ng barya. Isinakay niya ang laruang sundalo sa likod ng alkansiyang baboy.


Mabilis na pumunit ng kapirasong tela mula sa kanyang damit ang matikas na sundalo para ipangtakip sa kanyang ilong at bibig. Tapos ay pumalakpak ito, hudyat iyon para lumabas ang isang baboy na nababalutan ng mga bakal na pananggalang sa katawan. Sumakay siya roon at pinatakbo patungo sa walang malay na kaibigan.


Matagumpay niyang naisakay sa baboy ang kanyang kaibigan at inilayo sa lugar na nagkalat ang usok na may lasong patuloy pa ring lumalabas sa butas na leeg ng nakabulagtang halimaw.


Kaunting minuto pa ay bumalik ang malay ni Jollibee.


"Salamat kaibigan! Muli mo na namang iniligtas ang buhay ko." Sambit ng nanghihina pa ring si Jollibee, patunay noon ang namumungay pa nitong mga mata.


"Walang ano man iyon kaibigan. Kahit anong mangyari ay palagi pa rin kitang ililigtas." nakangiting tugon ng makisig na sundalo habang marahang inaalalayan si Jollibee pababa sa sinakyang baboy na may bakal na pananggalang sa katawan.


Dahil sa pagod ay nakatulog ang magkaibigan sa talahiban.


Nakatulog din si Eman sa sahig ng kanilang kwarto. Sa tabi niya ay ang mga nagkalat niyang lumang mga laruan.


 

Kinabukasan.


 

Naglalakad papauwi si Eman galing sa eskwela. Humahagulgol habang hawak ang bisig na sinaksak ni Baldo gamit ang lapis. Sa pagkakatong iyon ay hindi niya na muling ililigtas si Baldo mula sa mga halimaw. Buo na ang desisyon niya. isusumbong niya na ito sa kanyang mga magulang.



Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12