Gabi ng piyesta ng Sityo Claridad. Nagkasundong sunugin ng mga taga sityo ang munting kubo ni Rossally. Kasabay ng pagliyab ng munting kubong iyon ay ang alingawngaw ng sigaw ng isang babae.
"Hindi
na magiging masaya ang mga bawat magiging piyesta niyo! Ikamamatay ng sino man
sa inyo ang kapangahasan ng inyong mga bibig at pagkalam ng sikmura. Hindi kayo
bubusugin ng pagkaganid niyo sa laman! Hindi kailan man! hiiindiii!"
Tuluyang
natupok ng apoy ang kubo. Dala-dala ng mga taga sityo ang matamis na
pagkakangisi sa kanilang mga mukha.
*********
"Sige
na pre, sumama ka na sa akin. Ako na ang sasagot sa pamasahe mo sa
eroplano." pamimilit ni Robert sabay akbay sa aking balikat.
Mag-iisang
taon na rin kaming magkakilala at magkaibigan. Dalawang semestre na ang
pinagsamahan namin sa eskwela bilang magkaklase. Mabait naman ito, kasundo ko
sa lahat ng bagay, mga trip sa buhay, kalokohan at pagkain. Noong unang salta
niya nga rito sa siyudad at naging kaklase ko sa isang subject ay mababakas mo
rito ang pagkaprobinsiyano. Ang palagi niyang suot ay ang damit na may tatlong
butones sa bandang parteng pagitan ng leeg at dibdib na may mahabang manggas na
palagi niyang itinutupi hanggang sa siko. Mabuti na lang at maganda ang
pangangatawan nito na halatang banat sa trabaho kung kaya't hindi iyon masagwang
tignan. Tiniternuhan niya pa iyon ng maluwag na slacks na pantalong kulay abong
plantiyadong plantiyado saka orange na rubber shoes. Palagi ring maayos ang
buhok nito, naka-gel na palaging ang hati ng pagkakasuklay ay gitnang gitna.
Palagi itong
nagiging tampulan ng katatawanan dahil sa pananamit niyang iyon.
Nakakakunsensiya nga dahil aminado akong natatawa rin sa kanya noon dahil sa mga pormahan niya. Kung papaano kami
naging magkaibigan? simple lang, dinaan ako sa baong kakanin ng loko.
Break time
noon. Nagsilabasan ang mga kaklase namin para magmeryenda. May iilang nagpaiwan
sa loob ng silid, iba't iba ang dahilan. May takot maarawan, nagkukunyaring nag-aaral
para magmukhang matalino at 'yung iba ay tinatamad lang talaga. Ang dahilan ko
noon ay wala kasi akong pera para ipambili ng meryenda, sakto lang ang pera ko
para sa pamasahe pauwi.
Nang
mapatingin ako kay Robert ay nakita kong naglalabas ito ng isang supot mula sa
bagpack niya. Mula sa supot na iyon ay inilabas niya ang mga nakataling suman .
Nababalot iyon sa dahon ng saging. Nang maipatong niya na sa lamesa ang mga
iyon ay may kinuha ulit siya sa supot kung saan nanggaling ang mga suman. Isang
plastic labo naman iyon na naglalaman ng
latik na sawsawan ng suman. Hindi na ako sa kanya nakatingin nang mga oras na
iyon kundi sa suman na binabalatan niya. Napalunok pa ako ng laway nang pigain
niya sa suman ang plastic labo na naglalaman ng latik.
Nagulat na
lang ako nang tawagin niya ako.
"Pare!
Tara!." sigaw nito sa akin na bahagyang itinaas ang hawak na suman at
latik, isang imbitasyong hindi ko pwedeng tanggihan. Imbitasyong nauwi sa
pagkakaroon ng matalik na kaibigan.
"Ano
pare? sasama ka ba?" nakaakbay pa rin ang loko sa akin.
''Ikaw ang
sasagot sa pamasahe ko? Nakakahiya pare, ang mahal nun." sagot ko sa
kanya, hinayaan ko lang ang mga bisig niya sa pagkakaakbay sa aking balikat.
"Ayos
lang 'yun pare, marami kaming baboy, isang baboy lang ang maibenta namin eh
bawi na agad ang ipapamasahe mo sa eroplano. Saka what is the friend is por
diba?" muntik ko nang murahin ang loko dahil sa pag-eenglish niya. Hindi
ako magaling sa english pero sigurado akong mali ang gramming niya. Tatanga-tanga
talaga.
"Sige
pare, sa sabado na 'yun. Doon natin ilalaan ang sembreak natin. Saktong sakto
at pista rin sa amin kinabukasan 'pag dating natin doon." sambit nito,
tinapik pa ako ng kanyang kamao sa dibdib bago ako talikuran at umalis.
Lumapag ang
sinakyan naming eroplano sa siyudad ng Catbalogan, sumakay pa kami ng bus noon
at tricycle bago marating ang tahimik na kalyeng walang katao-tao.
"'Yan
pare. Papasok tayo sa gubat na iyan, mga dalawang oras na lakaran at mararating
na natin ang sityo namin." sambit ng kaibigan ko sabay nguso sa kasukalan.
"Anak
ng... Dalawanag oras?" sambit ko, di ko kasi akalain na may magaganap pa
palang mahabang lakaran bago namin marating ang sityo nila. Habang nakasimangot
ako ay siya namang pagtawa niya. Halatang nang-aasar ang loko. Eh ano pa bang
magagawa ko? eh naroon na kami.
Habang
tinatahak namin ang kagubatan ay unti-unting napawi ang pagkainis ko. Binusog
ng kagubatang iyon ang aking paninging kay tagal nang nagnanasang makakita ng
mga katulad ng kung anong mayroon sa gubat na iyon. Nagkikisigang malalaking
puno, iba't ibang uri ng halaman, paminsan minsang pagsulpot ng iba't ibang uri
ng kulisap at mga huni ng ibong tila nilikha ng pinakamagaling na manglilikha.
Mahigit
isang oras na kaming naglalakad nang makaramdam ako ng pagkauhaw. Nanlalata na
rin ang mga binti ko gawa ng mga paahong daang aming nilakad. Nagpahinga muna
kami sa ilalim ng isang malaking punong may mayayabong na dahong tila ibinibida
ang lilim na kanyang nagagawa. Inilapag ko ang bagpack ko at binuksan iyon.
Hinalungkat ang loob subalit hindi ko natagpuan ang hinahanap ko.
"'Pag
minamalas ka nga naman oh! Wala sa bag ko ang lagayan ko ng tubig. May tubig ka
ba riyan pare?" tanong ko kay Robert habang nagpapatuloy sa pagkalkal ng
aking bag at umaasang lilitaw roon ang lagayan ko ng tubig.
"Naku
pare, nakalimutan ata natin sa bus 'yung mga baunan natin. Pero wag kang mag-alala.
Madaraanan natin ang kubo ni Lola Rosally, makikiinom na lang tayo roon."
sambit ng loko sabay turo sa isang bahagi ng gubat. Agad kaming tumindig at
ipinagpatuloy ang lakaran.
Hindi pa man
kami lubusang nakararating sa sinasabi niyang kubo ay biglang may sumulpot na
matandang babae mula sa likod ng isang puno. Nakasuot ito ng duster na
kumukupas na ang kulay. Medyo hukot na ang pagkakatindig nito subalit pasan
pasan pa rin sa balikat ang isang batang baboy ramong sa tingin ko ay nahuli niya mula sa liblib. Ang
labis pang nakapukaw ng atensiyon ko ay ang putol nitong braso na halatang
sanhi ng sunog ang dahilan dahil sa mga peklat ng braso nitong napagputulan ng
bisig.
Agad itong
nilapitan ni Robert, nagmano sa nag-iisang kamay nito at pagkatapos ay kinuha
mula sa balikat ng matanda ang pasan nitong batang baboy ramo. Ipinasan iyon ng kaibigan ko sa kanyang
balikat.
"Lola,
ako na pong magdadala nito sa kubo niyo, siya nga po pala, si Mario po, matalik
kong kaibigan sa maynila. Mabait po 'yan." sambit ng kaibigan ko sabay
baling ng tingin nila sa akin. Isang pilit na ngiti ang sumilay sa mukha ng
matanda, sunog ang kalahati noon.
Nauna nang
lumakad si Robert, ako naman ay agad na lumapit sa matanda at nagmano sa nag-iisang
kamay nito. Subalit nagulat ako sa mga isinambit nito.
"Iho,
umuwi ka na! Hindi ka dapat nagpunta rito. Isinubo mo lang ang sarili mo sa
kamatayan. 'Yang si Robert, mabuting bata iyan, pero ang mga tao sa sityo, wag
kang magpapakatiwala." nawala na sa sunog na mukha nito ang pagkakangiti.
Narating
namin ang kubo ng matanda at nakainom ng tubig. Pinakain din kami nito ng
nilagang saging na may sawsawang bagoong isda, makakatulong daw iyon dahil
mahigit isang oras pa ang kailangan naming lakarin.
Isang oras
na lakaran pa ay narating na namin ang sityo. Agad kaming sinalubong ng matatamis
na ngiti ng mga tao roon, lalong lalo na ng mga magulang ni Robert. Nang
ipakilala pa ako nito sa kanila ay mas lalong natuwa ang mga iyon. Halos walang
paglagyan ang kasiyahan ng mga tao roon. Nagsipagpalakpakan pa nga ang
iba.Tingin ko ay nasa dalawang daan hanggang tatlong daan lang ang populasyon
ng mga tao roon. Kakaunti lang din kasi ang mga kabahayan.
"Pare,
gustong gusto ka talaga nila. Bihira lang kasing makakita ng mga tao 'yan eh."
pagpapaliwanag ni Robert sabay 'yaya sa akin para ipakita ang bahay nila at ang
ipinagmamalaki niyang babuyan. Marami rin itong mga alagang iba't ibang hayop
bukod sa baboy.
Sinamahan
rin ako nito sa isang maliit na kubong katabi lang ng mas malaking kubo nila.
Roon daw ako mamamalagi nang magdamag.
Ayos naman
ang naging takbo ng hapong iyon. Bago sumapit ang gabi ay binusog ako ng mga
tao roon sa iba't ibang lutong putahe na ipinagmamalaki raw nila. Baboy,
kambing, kuneho, manok, bibe, at iba't ibang uri ng kakanin. Nakisayaw rin
kaming magkaibigan sa mga ito sa saliw ng gitara at tunog ng pagpukpok sa
kawayang lumilikha ng kakatuwang mga nota. Mabubuti at masiyahin ang mga tao roon,
hindi mahirap pakibagayan.
Pagsapit ng
gabi ay inihatid na ako ni Robert sa maliit na kubo na siyang tutulugan ko.
Kailangan ko na raw magpahinga at bukas sa araw ng mismong pista ay mas
magiging masaya pa.
Hinele ako
ng mga isiping tumatakbo sa isip ko ng gabing iyon. Ang payak subalit kuntetntong
pamumuhay ng mga tao sa sityo at ang sinabi ng matandang babaeng nakasalubong
namin kanina sa daan papunta rito. Bakit naman hindi ko kailangang pagkatiwalan
ang mga tao sa lugar na ito? eh kitang kita naman ang pagkagiliw ng mga ito at
mabuting pakikisamang pinapakita sa akin? Iyon ang huling katanungan sa isip ko
bago ako makatulog sa piling ng musikang hatid ng mga kuliglig.
Kinaumagahan
ay ginising ako ng hinihingal kong kaibigan.
"Pare!
Magmadali ka! Kailangan na nating makaalis dito. Hindi sila tutupad sa pangako
nila sa akin!" siya na mismo ang humatak sa braso ko para makabangon ako
sa higaan.
"Ba-bakit?
A-anong problema?" tanong ko rito habang mabilis na inayos ang mga gamit
ko dahil sa pagkataranta.
"Bilisan
mo! 'Wa-wag mo nang dalhin 'yan." sabat nito.
Hindi ko
maintindihan kung ano ang nangyayari.
"Basta
kapag binuksan ko ang pinto ay tumakbo ka nang mabilis sa kakahuyan. Magtungo
ka sa kubo ni Lola Rossally. Sasamahan ka niya hanggang makatakas sa lugar na
ito." Dugtong pa nito.
Nang buksan
ni Robert ang pinto ay nakaabang na ang mga residente. Nakangiti ang mga ito at
tila gutom na gutom akong tinitignan.
"Takbo
na Mario!" sigaw ng kaibigan ko nang akmang tatakbo papalapit sa akin ang
mga residente. Agad naman iyong
hinarangan ni Robert, ang ilan sa mga ito ay nakatanggap ng malalakas na suntok
mula sa aking kaibigan.
Walang
nagawa ang paglaban ni Robert, malakas nga ito pero marami ang kalaban. Wala
ring nagawa ang pagtakbo ko. Sadyang mas mabibilis ang mga ito.
Walong
malalaking kalalakihan ang humahawak kay Robert. Ako naman ay mahigpit na hawak
ng isang lalaki, ang tatay niya.
"Nangako
kayo sa akin! Hindi niyo gagalawin ang kaibigan ko! Hanggang ngayon ba ay
ipinagkakanulo pa rin kayo ng pagkagutom niyo sa karne ng tao? Iyan ang ikaka-ubos
ng lahi natin!" sambit ni Robert habang pumipiglas sa pagkakahawak sa
kanya ng limang kalalakihan.
Parang bingi
ang mga residente, wala nang pakialam ang mga ito sa mga isinisigaw ng kaibigan
ko. Ako naman ay naihi na sa salawal sa sobrang takot. Parang wala nang lakas
ang mga tuhod ko at hindi na magawa ang kahit isang paghakbang lamang. Lalo na nang
magpalit ng anyo ang lalaking may hawak sa akin. Bigla itong tinubuan ng
mahahabang balahibo sa buong katawan. Humaba ang nguso nito na parang sa itsura
ng daga, nagkaroon ng matutulis na pangil at mga kuko sa mga daliri nito sa
kamay at sa paa. Nasira rin ang damit nito dahil sa pagtubo ng malalapad na
pakpak na kagaya ng sa paniki. Akmang sasakmalin na ako ng nilalang na iyon sa
aking leeg nang muling sumigaw si Robert.
"'Taaay!
Ang sumpa! 'Wag niyong kalimutan ang sumpa! Mamamatay sa atin ang sinumang
kumain ng karne ng tao!" sigaw ng kaibigan ko, humahagulgol na ito sa pag-iyak
pero patuloy pa rin sa pagpupumiglas.
Tila
nahimasmasan ang halimaw na may hawak sa akin. Bumalik ito sa pagiging anyong
tao.
"Problema
ba iyon anak? Eh di patayin na lang natin siya at pagkatapos ay ipakain sa mga
baboy. Tapos yung mga baboy ang pagsasaluhan natin. Para na rin tayong kumain
ng karne ng tao noon. Hindi pa eepekto ang sumpa." paliwanag ng lalaking
may hawak sa akin.
Dahil sa 'sinambit
na iyon ng lalaki ay nanlisik ang mata ng kaibigan ko. Bigla itong nagbago ng
anyo na katulad ng sa tatay niya kanina. Winasiwas nito ang pakpak na naging
dahilan para mag-atrasan ang mga kalalakihang humahawak sa kanya kanina.
Mabilis itong tumakbo papalapit sa amin at sinuntok ang kanyang ama. Bagsak sa
lupa ang tulala niyang ama. Agad din nitong ipinulupot ang mga kamay sa katawan
ko saka mabilis lumipad patungo sa isang direksiyon sa kagubatan, sa direksiyon
kung nasaan ang kubo ni Lola Rossally.
Mula sa
itaas ay kitang kita ko ang pagpapalit ng anyo ng mga residente. May mga naging
baboy, aso at ang iba ay nanatiling tao subalit nagkaroon lang ng mga balahibo
sa katawan. Sumuot ang mga ito sa kagubatan para habulin kaming magkaibigan.
Wala na akong lakas ng mga oras na iyon. Tanging pagkatakot na lang ang
nararamdaman ko.
"'Wag
kang mag-alala pare. Ligtas na tayo. Dalawa lang kami ng tatay ko ang may
kakayahang lumipad. Hindi nila tayo maaabutan." wika ng kaibigan kong sa
mga oras na iyon ay larawan ng isang halimaw. Dahil sa pagkahapo at matinding
pagod ay nawalan na ako ng malay.
Nang
magkaroon ako ng malay ay nasa isang pamilyar na lugar na kami. Nasa loob na
kami ng kubo ni lola Rossally.
"Ano
iho, ayos ka na ba? Hindi ba't sinabihan na kita noong una pa lang na wag ka
nang tumuloy sa sityo. Pero tumuloy ka pa rin." sambit ng matanda habang
nakatingin sa akin. Ibinaling din nito ang tingin kay Robert.
"At
ikaw naman apo, hindi ba't sinabi ko na sa iyo na wala nang pag-asa iyang
angkan natin. Binigyan ko na sila ng isang matinding sumpa ay ganoon pa rin ang
pagkaganid nila sa laman. mga walang kadala-dala." ang tinutukoy ng matanda
ay ang matinding sumpang iniwan niya sa sityong iyon matapos sunugin ang kanyng
munting kubo dahil sa pagtulong niyang makatakas ang isang kaibigan, kagaya ng
ginawa ngayon ni Robert. Isang sumpang magpapahirap sa ano mang lahi ng aswang.
Kamatayan ang katumbas ng pagkain ng laman ng tao.
Mayamaya ay
unti-unting nagkaroon ng pagkaluskos sa labas ng kubo ng matanda. magkahalong
huni ng iba't ibang hayop na handang sumagpang ng alin mang makikitang
gumagalaw.
Tumindig ang
matandang babae.
"Robert!
Kapag namatay ako ngayong araw ay ipagpatuloy mo ang pagkakaroon ng mabuting
puso sa kabila ng totoong pagktao natin." tinig ng matanda. Kitang kita ko
ang pagngilid ng mga luha sa mga mata ng kaibigan ko.
"'Wag
mo na akong tulungan apo. Alam mong kaya ko silang lahat. Saka sisingilin ko
lang sila sa pagsunog nila sa akin noon. Kung hindi pa rin sapat ang
pagpapahirap ng sumpang binitawan ko sa kanila ay wawakasan ko na lang ang
kanilang mga buhay." huling sambit ng matanda matapos magtali ng itak sa
kanyang putol na brasong isinawsaw sa asin ang talim. Nagkaroon ng makapal na
balahibo ang matanda at naging isang malaking nilalang kagaya ng sa paniki.
Nang lumabas ito ng kubo ay pumaimbabaw ang mga hiyawan at atungal ng mga
halimaw.
Alam ni
Robert na ang lola niya ang pinakamalakas na aswang at walang sino man ang
makakatalo rito. Subalit nang oras na iyon, kasabay ng pagkamatay ng buong
angkan niya ay ang pagwawakas din ng buhay ng kanyang pinakamamahal na lola.
Dahil sa
sobrang pagod ay nakatulog kaming magkaibigan sa loob ng kubo. Inihele si
Robert ng nararamdamang kapighatian sa pagkamatay ng kanyang lola. Pinaantok
naman ako ng kapayapaang nararamdaman ko sa mga oras na iyon, isang isiping
hindi lahat ng aswang ay masasama. Sadyang may mabubuti rin. Ang dalawa sa mga
ito ay nagmula sa Sityo Claridad.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento