Lunes, Nobyembre 7, 2022

Mga Laruan ni Eman


Isang suntok na naman ang tumama sa kanang braso ni Eman mula sa kamag-aral niyang si Baldo. Halos mapaatras siya dahil sa natanggap na suntok mula sa kamag-aral na halos doble niya ang laki. Pinipilit panatilihin ang balanse kahit pa nga nangangatog na ang dalawa niyang payat na hita at binti.


Napanatili naman ng kanyang patpating katawan ang pagkakatayo pero mabilis siyang hinawakan ng kamag-aral sa damit, bandang dibdib at hinatak. Pagkatapos noon ay malakas na itinulak na ikinatumba niya sa lupa.


Doon na siya umiyak. Pilit niyang pinupunasan ng laylayan ng kanyang damit ang magkahalong luha at uhog sa kanyang mukha pero mas naging marungis pa iyon dahil sa alikabok na kumapit sa kanyang damit noong natumba siya sa lupa.


Hindi niya alam kung ano ba ang naging kasalanan niya kay Baldo, kung bakit nakahiligan na nitong bigla siyang suntukin sa braso, itulak at paminsan minsan ay pitikin ang kanyang tainga. Hindi niya maunawaan kung bakit inis na inis ito sa kanya. Hindi niya matanggap yung  dahilan ni Baldong kaya siya sinasaktan nito ay dahil nauurat lang ito sa suot niyang naninilaw na puting damit, kupas na shorts at nababakbak na itim na sapatos. Araw-araw naman siyang naliligo pero lagi pa rin siyang sinasabihan nitong mabaho raw. Dahil ba nangangalakal lang sa basurahan ang tatay niya?


Pakiramdam niya ay basang-basa na ng luha ang laylayan ng naninilaw niyang puting damit kung kaya't likod na ng palad niya ang ipinamumunas sa naghalong luha, uhog at alikabok sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang papalayong si Baldo.


Paulit-ulit niyang sinasabi sa sariling hindi na siya iiyak kapag ginawan siyang muli ng hindi maganda ni Baldo. Pero pag-iyak niya lang ang tanging magpapatigil sa pananakit nito sa kanya. Ganoon kasi ang laging nangyayari, maiinis ito sa kanya, sasaktan at kapag umiyak na siya ay saka titigil at aalis.


Awang-awa siya sa sarili kapag sinasaktan siya nito sa harap ng ibang mga kamag-aral. Masuwerte na ang nangyari sa araw na iyon dahil walang ibang nakakita ng pagkatumba niya sa lupa at pag-iyak.


Hindi na niya itinuloy ang pagpasok sa eskwela nang araw na iyon. Bagama't magkalayo sila ng pangangatawan ni Baldo ay magkasama sila sa isang silid sa paaralang pinapasukan bilang ikalimang baitang na mag-aaral.


Tuyo na ang luha niya nang makarating sa bahay. Walang tao bukod sa kanya dahil sumasama ang kanyang nanay sa kanyang tatay para mangalakal sa basurahan.


Binuksan niya ang pintong kahoy na nalalapatan ng sako para maitago ang mga nababakbak na bahagi noon. Tumuloy siya sa loob, maliit na kuwarto lang iyon at sapat na ang laki para makahiga silang tatlo ng mga magulang niya. Ang gamit lang na naroon ay mga sakong nakasabit sa mga dingding na natatagpian ng mga lumang pahina ng magazine. Naglalaman iyon ng mga bagay na pwede nilang ipagbili sa junk shop. Sa isang sulok ay magkakapatong na unan, nakatiklop na kumot at sirang karton na kanilang ipinangsasapin sa sahig kapag matutulog. Sa tabi noon ay ang dalawang kahon, ang isa ay naglalaman ng magkakahalo nilang malilinis na damit at ang isa naman ay mga laruan niyang naipon mula sa pangangalakal ng kanyang tatay.


Binuksan niya ang pangalawang kahon, kinuha niya mula sa loob noon ang isang laruang sundalong may hawak na baril, nababakbak na ang kulay noon at sunog ang isang paa.


"Kunyari  ikaw ako ah, tapos ay ililigtas ulit natin si Baldo." sambit niya habang hawak ang laruang sundalo. Inuga-uga niya pa iyon para magmukhang sumasang-ayon sa mga sinabi niya.


Isinandal niya iyon sa dingding para makatayo, tapos ay kumuhang muli ng laruan sa kahon. Inilabas niya 'yung de bateryang si jollibee, hindi na nakapagsasalita at umiilaw ang buntot dahil sa kalumaan.


"Kahit lagi mo akong inaaway ay ililigtas pa rin kita sa halimaw." muling sambit niya habang pinupunasan ng daliring nilawayan ang mga mata ng laruang inaalikabok ang bahagi ng mga mata. Iniisip niya na ang laruang iyon ay si Baldo.


Naglabas pa siya ng iba't ibang lumang laruan mula sa kahon. Nadampot niya ang isang eroplano. Iwinasiwas niya iyon sa hanging parang lumilipad, tapos ay kunyaring tatamaan si Jollibee. Mabilis namang naiwasan ni Jollibee ang napakabilis na eroplanong balak siyang banggain.


"Sino ang sakay ng eroplanong iyan?" malakas na boses ni Jollibee. Iniba rin niya ang boses niya para bigyang buhay ang mga laruan.


"Ako! At gusto kong kumain ng tao ngayon. Gustong gusto kong kumain ng mga malulusog na batang kagaya mo." sagot ng nakakatakot na tinig na nagmumula sa loob ng eroplanong iwinawasiwas niya. Paminsan-minsang susugod kay Jollibee pero mabilis namang naiilagan.


Inikot-ikot niya si Jollibee at itinapat ang puwet noon sa eroplano. Naglabas ang buntot noon ng malakas na ilaw na tumama naman sa eroplano. Sumabog iyon sa himpapawid at iniluwa ang sakay noon.


Inilabas niya ang isang abuhing teddy bear mula sa kahon, tastas na ang tahi noong nagdurugtong sa ulo at katawan. Sumisilip na ang mga bulak noon sa butas na bahagi nito.


''Ang lakas naman ng loob mong pasabugin ang sinasakyan kong eroplano!" nakakatakot na tinig ng halimaw. May butas iyon sa leeg na naglalabas ng kulay puting usok na nakalalason.


Sinugod nito si Jollibee. Akmang papatamaan sana ni Jollibee ng malakas na ilaw ang halimaw gamit ang kanyang buntot pero unti-unti iyong nanghina dahil sa nalalanghap na lasong nagmumula sa butas na leeg ng halimaw.


Ipinatong ni Eman ang abuhing teddy bear kay Jollibee.


Binali ng halimaw ang mga pakpak ni Jollibee. Kagat-kagat din noon ang isang braso nito. Patuloy pa rin ang lumalabas na nakalalasong usok mula sa butas na leeg ng halimaw na nagkalat na sa bahaging iyon ng lugar.


Doon na kinuha ni Eman ang laruang sundalong isinandal niya sa Dingding. Ipinuwesto niya iyong nakadapa at nakatutok ang hawak na baril sa teddy bear na nakapatong kay jollibee.


"Hoooy halimaw! Bitawan mo ang kaibigan ko!" sambit ng isang makisig na sundalong nakadapa at itinatago ang sarili sa talahiban.


Binitawan ng halimaw ang pagkakakagat sa braso ni Jollibee. Nagpalinga-linga ito sa paligid para hanapin ang pinanggagalingan ng boses.


Pero bago malaman ng halimaw ang pinanggagalingan ng boses ay pinaputukan na ito ng sundalo. Sunod-sunod na nag-aapoy na bala ang tumama at tumagos sa katawan ng halimaw na agad noong ikinatumba sa lupa at ikinamatay.


Pumunit si iyan ng kapirasong papel sa karton, nilawayan at idinikit sa bibig ng laruang sundalo. inilabas din nito mula sa kahon ang isang alkansiyang baboy na ni minsan ay hindi niya nalagyan ng barya. Isinakay niya ang laruang sundalo sa likod ng alkansiyang baboy.


Mabilis na pumunit ng kapirasong tela mula sa kanyang damit ang matikas na sundalo para ipangtakip sa kanyang ilong at bibig. Tapos ay pumalakpak ito, hudyat iyon para lumabas ang isang baboy na nababalutan ng mga bakal na pananggalang sa katawan. Sumakay siya roon at pinatakbo patungo sa walang malay na kaibigan.


Matagumpay niyang naisakay sa baboy ang kanyang kaibigan at inilayo sa lugar na nagkalat ang usok na may lasong patuloy pa ring lumalabas sa butas na leeg ng nakabulagtang halimaw.


Kaunting minuto pa ay bumalik ang malay ni Jollibee.


"Salamat kaibigan! Muli mo na namang iniligtas ang buhay ko." Sambit ng nanghihina pa ring si Jollibee, patunay noon ang namumungay pa nitong mga mata.


"Walang ano man iyon kaibigan. Kahit anong mangyari ay palagi pa rin kitang ililigtas." nakangiting tugon ng makisig na sundalo habang marahang inaalalayan si Jollibee pababa sa sinakyang baboy na may bakal na pananggalang sa katawan.


Dahil sa pagod ay nakatulog ang magkaibigan sa talahiban.


Nakatulog din si Eman sa sahig ng kanilang kwarto. Sa tabi niya ay ang mga nagkalat niyang lumang mga laruan.


 

Kinabukasan.


 

Naglalakad papauwi si Eman galing sa eskwela. Humahagulgol habang hawak ang bisig na sinaksak ni Baldo gamit ang lapis. Sa pagkakatong iyon ay hindi niya na muling ililigtas si Baldo mula sa mga halimaw. Buo na ang desisyon niya. isusumbong niya na ito sa kanyang mga magulang.



Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12
















Walang komento:

Mag-post ng isang Komento