(photo credit to Jesica De Borja Bernal)
Nag-iba ang lahat noong unang makita ko ang pagdaong ng
bangkang iyon sa pampang ng ilog. Marami na ring bangka ang tumigil doon bago
baybayin ang kahabaan ng nasabing ilog. Ang iba ay panandalian lamang ang
pananatili, ang iba ay may katagalan, at ang iba ay hindi ninais na manatili
roon.
Noong araw ngang iyon ay nabatid kong ito ay iba sa mga
naunang bangkang nakita at nakasama ko na. napakaganda ng kasimplihan ng hitsura
nito, lumitaw ang natatangi nitong ganda sa matingkad nitong asul na kulay.
Pantay ang pagkakagawa ng mga katig nito na medyo pakurba ang anyo. May mga
pagkakataon din na nakatali ang layag nito na para sa akin ay mas nakaragdag sa
kanyang natatanging kagandahan.
Alam kong may dahilan kung bakit may mga ganoong klaseng bangka
pa ang paminsan-minsang napapadpad sa pampang ng ilog na iyon na parang wala kang
kahit anong masamang salitang maaaring ipintas dito. Hindi lingid sa kaalaman
ko ang ginagawa nitong pag alalay sa mga maliliit na balsang tumatawid din sa
ilog. Nasaksihan ko rin ang kanyang pagtulong sa isang mas maliit pang bangka
upang mas lumago pa ito.
Sa ganoong katangian ay ginusto ko siya. Pinangarap na
mabigyan ng pagkakataon na makasama ko ang bangkang iyon. Alam kong sa isang
bahagi ng aking puso ay may malaking espasyong nakalaan para rito, para sa
kanya lang. pinangarap kong makapiling ito sa mga panahon na kailangan na
nitong baybayin ang kahabaan ng ilog.
Ngunit natakot ako.
Dapat ba?
Karapat-dapat ba Ang kagaya kong hamak na bangkerong walang
sariling sagwan na magnais manatili sa piling ng bangkang iyon? Sapat ba ang
kakayahan kong lumangoy na inaral ko lamang ng mahigit dalawang taon para
makasama ko at maibigay ang bawat pangangailangan ng bangkang iyon?
Napakarami pang mga tanong na hindi ko na hinanapan pa ng
kasagutan.
Dahil kapag pinilit kong hanapan ng sagot ang bawat kong
tanong ay lalo lamang akong nakadarama ng panliliit sa pagiging hamak na
bangkero ko.
Natatakot ako na baka ako ang maging hadlang sa mabagal na
pag-usad nito upang landasin ang kahabaan ng ilog na iyon o mas nakakalungkot
kung hindi na siya makausad patungo sa mas malawak pang lugar na nakatadhana
para sa kanya.
Naniniwala akong mas malayo ang mararating ng bangkang iyon
kapag hindi na lang ako nagsalita, kapag inilihim ko na lang ang mga dapat
ilihim. Sa makatuwid ay manahimik, na hindi nito malalaman na iniibig ko ang
kanyang bawat pagsabay sa mahinang alon ng tubig ng ilog na iyon.
Makuntentong pagmasdan ang kanyang paglalayag hanggang siya’y
maging isang ganap na barko sa piling ng karapat-dapat na magiging kapitan
nito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento