Martes, Oktubre 3, 2017

Miss ko siya bigla

Sa itinagal-tagal ng pamamalagi ko dito sa mundo, isang beses pa lang ata ako nagkaroon ng babaeng bestfriend. Hindi ko alam kung ganun din ang turing niya sa akin,  pero ganun talaga ang turing ko sa kanya.

Sa lahat ng mga babaeng naging kaklase ko ng portyir hayskul ako eh hindi ko alam kung bakit siya ang nakapalagayang loob ko. Mataas ang respeto ko sa kanya na bihirang bihira kong maramdaman sa ibang kababaihan. Ni minsan ay hindi ko siya pinag isipan ng masama, iginagalang ko yun eh. Best friend lang talaga, walang malisya.

Napakatalino niya, siya nga ang top 1 sa klasrum namin eh, samantalang ako ay top 8 lang. Kung minsan nga ay siya ang gumagawa ng quiz ko na hindi ko talaga kayang isolb dahil hindi naman Math ang paborito kong subject kundi Filipino. Madalas kaming magkasabay na sumakay ng jeep kapag uwian na, at paminsan minsan ay inililibre pa ako ng pamasahe. Kapag mayroon kaming swimming ay madalas na kami ang magkasalong kumain sa iisang plato na nakakamay pa, walang hiya hiya, siya ang bestfriend ko eh. Marami ding nag akala na magsyota kami, pero mali sila. Hindi ko siya nobya at hindi niya ko nobyo, siya ang matalik kong kaibigan.

Siya na ang pinaka da best na babaeng nakilala ko nung taon na yun, mabait, matalino, maganda at mapagmahal na kaibigan. Kung nagkataon lang siguro na wala akong mahal nung mga panahong yun na nasa kabilang kuwarto lang ng klasrum namin eh malamang na niligawan ko na siya.

Minsan napag usapan namin ang tungkol sa probinsya nila, isang lugar na maraming puno, mayroong ilog na may malamig at malinaw na tubig na mayroong kahoy na puwedeng patungan para tumalon. Isang lugar na pinangarap kong mapuntahan sa kadahilanang lumaki ako na walang probinsya.

May usapan kami na balang araw ay makakapasyal kami roon, isasama niya daw ako. Sabay kaming maliligo at lalangoy sa malamig at malinaw na tubig ng ilog sa probinsya nila.

Napakasuwerte ko dahil sa dinami rami ng lalaki sa eskwelahang iyon ay ako pa ang nabigyan ng pagkakataon para mapalapit sa kanya.

Dumating ang katapusan ng klase, Graduation na. Matapos ang mahabang seremonya ng pagtatapos ay niyakap niya ako at sinabing mamimis niya daw talaga ako. Gumanti ako ng yakap sa bestfriend ko pero hindi ko sinabi na mamimis ko din siya, pero ang totoo ay talagang mamimis ko siya ng sobra.

Tuloy ang buhay pagkatapos ng graduation, haharapin ko na ang buhay kolehiyo na wala ang babaeng bestfriend ko sa tabi ko. Ang huling balita ko ay nasa probinsya na siya.

Lumipas ang dalawang mabibilis na taon, nagtratrabaho ako nun sa isang pamilihan as a part time job. Hindi ko inaasahan ang pangyayaring iyon. Ni hindi sumagi sa isip ko na makikita ko siyang namimili. Grabe, siya ba ung bestfriend ko nung portyirhayskul ako? Lalo siyang gumanda at sumexy. Ang laki ng pinagbago niya, dalagang dalaga na siya. Takte na yan, crush ko na ata ang bestfriend ko.

Mula sa pagkikita naming iyon ay nagkaroon muli kami ng komunikasyon. Kapag namimili siya sa pinagtatrabahuhan ko ay madalas kaming nagkukuwentuhan ng kung anu ano. Kung minsan ay binibilhan niya pa ako ng kung anu ano na puwedeng makain. Grabe, sobrang bait talaga ng bestfriend ko. Walang ipinagbago ang ugali niya, ganun pa din siya kabuti at kasarap kasama gaya ng pagkakakilala ko sa kanya.

Nalaman ko pa na wala pala siyang  boypren nung mga panahong iyon. Puwedeng puwede ko sana siyang ligawan kung hindi lang dahil may girlfrend ako ng mga oras na iyon. Mahal na mahal ko kasi yung girlfriend ko kung kayat kahit kailan ay hindi ko nagawang makipaglandian sa iba.

Napag isip isip ko, paano kaya kung wala akong kasalukuyang minamahal noong magkaklase pa kami sa hayskul? Malamang na mahulog ako sa kanya. Paano kaya kung hindi ako nagkaroon ng kasintahan noong panahong pinagtagpo kaming muli ng pagkakataon? Marahil ay hindi ko na pinalagpas yung mga sandaling iyon. Paano kaya kung hindi na lang nagkaroon ng dahilan para hindi ko siya ligawan? Hindi ko din alam ang sagot.

Dumating ang oras na natapos na ang kontrata ko sa pamilihang pinagtatrabahuhan ko. Naputol na din ang pagkikita namin, pero patuloy pa din ang pagtetext namen sa isat isa.

Napakabilis ng panahon, nagpalit siya ng number at hindi na kami nagkatext.

 Halos taon din ang nagdaan at muli ay nagkaroon kami ng kontak. Nagkuwentuhan at nagkamustahan sa pamamagitan ng selpown. Hindi ko alam kung bakit bigla kong tinanong kung kamusta ang lablayp niya. Sinabi niya na may boypren na daw siya, katrabaho niya daw. Nung una daw ay hindi nmn daw niya mahal yung lalaki pero nang tumagal ay natutunan niya na rin daw na mahalin ito.

Naisip ko na napakaswerte nmn ng boypren niya, hiniling ko na lang sa langit na sana ay totoong mahal din siya ng boypren niya at hindi nito magawang lokohin ang bestfrend ko.

Naikuwento niya rin sa akin na naipakilala niya na din ang nasabing lalaki sa mga magulang niya at naisama niya na rin daw ito sa probinsya nila.

Naitanong ko tuloy sa sarili ko kung naipasyal nia rin kaya ung lalaking iyon sa pinagusapan naming ilog dati na matatagpuan sa probinsiya nila? Nakalangoy na kaya sila na magkasama sa malinaw at malamig na tubig ng ilog na iyon? Nagsabay na kaya silang tumalon mula sa patungang kahoy pabagsak sa malalim na tubig ng ilog?

Parang may malungkot na parte ng aking puso na nagsasabing "ako dapat yung kasama niyang pumasyal sa probinsiya nila ah, ako dapat ung kasama niyang maligo sa ilog at kasabay lumangoy."

hayyyyyy.....

Namimiss ko na ang bestfriend ko. Kapag nabasa niya kaya ito, mamimiss niya din kaya ako.?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento