Huwebes, Disyembre 28, 2017

Ikalimang slowmo

Ikalimang slowmo na ‘to, bumagal nanaman ang paggalaw ng lahat ng bagay sa paligid, nakatingin ako sa’yo habang naglalakad ka sa likuran ng sasakyang kinasasakyan ko. Napakaganda mo sa puting damit na suot mo. Panglimang slowmo na ‘to, disidido na ko, ipagtatapat ko na, sasabihin ko ng mahal kita.

Naikwento sa akin ng first love ko rati na nakilala niya ang napangasawa niya dahil daw sa slowmo. Sinagot niya ang lalaki dahil sinabi nito sa kanya na noong nakita raw siya nito ay nagslowmo ang lahat, iyon ay parang mahika, parang babagal ang pag-ikot ng mundo ganoon din ang mga paggalaw ng mga bagay sa paligid sa mismong oras na mararanasan mo ang bagay na iyon. At nangyayari iyon kapag nakita mo na ang taong magpapatibok ng puso mo.

Naniniwala ako sa ganoong bagay. Bakit hindi? Eh naranasan ko na ‘yon noon, pero matagal ng hindi.

Matagal kong pinakiramdaman kung mararanasan kong muli iyon pero walang sino man ang muling nakapagparanas sa akin nito. Hanggang sa nakilala kita.

Noong una ay wala lang. Hindi naman kasi kita gusto at wala akong planong gustuhin ka. Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay ganoon ang nangyari. Nangyari ang mga slowmo.

Hindi ko alam kung papaanong nangyari, marahil ay dahil sa pagbibigay mo ng pagkain sa akin o sa hindi ko sinasadyang pakikinig sa mga binibitawan mong jokes. Sa tanda kong ito at pagiging mababaw ay alam ko na kung ano ang mga nakakatawang jokes sa hindi. At ang iyo ay kabilang sa pangalawa, subalit kung papaano mo bitawan ang mga iyon? Napapawi ang mga isipin at problema ko.

Ang unang slowmo ay noong unang beses na nakita kitang nakatali ang buhok. Papasok ka ng pinto noon, napatingin ako. Maikli lang ang distansiya mula sa pinto at sa pwesto mo subalit parang ang tagal mo iyong narating. Tila bumagal ang lakad mo, bumagal din ang kilos ng mga tao sa opisina, tumahimik ang paligid na parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Mula noon ay nagduda na ako sa damdamin ko, parang gusto ako nitong traydurin, isubo sa isang pagkahulog. At nang maramdaman kong masaya ako sa pagkahulog na iyon, doon na ako nagpasyang kapag umabot ng lima ang slowmo ay magtatapat na ako sa iyo. At nasundan nga ito.

Ang ikalawang slowmo ay noong narinig kitang kumanta sa videoke, hindi kataasan ang boses mo na bumagay naman sa pagkakakanta mo sa isang kanta ng freestyle. Tumingin ako sa pinangagalingan ng boses, ikaw ang nakita kong may hawak ng mikropono. Muli ay bumagal ang kilos ng mga tao sa paligid na parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Ang ikatlong slowmo ay noong nakita kita sa isang tindahan, pag baba ko ng sasakyan ay ikaw kaagad ang nakita ko. Masyadong pormal ang suot mo noong araw na iyon. Lutang na lutang ang ganda mo dahil doon. Gusto kitang lapitan subalit nangyari nanaman. Bumagal ang kilos ng mga nakapilang tao sa labas ng tindahan ganoon din ang mga sasakyan sa paligid, parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Ang ikaapat na slowmo ay noong matapos ang isang party na dinaluhan nating dalawa, iyon rin ang araw na sa kaunaunahang pagkakataon ay naakbayan kita at nahawakan ang kamay mo. Kailangang itago ang ligaya’t kilig. Pagkabitaw ko sa kamay mo ay tumalikod agad ako para umalis. Sa huling pagkakataon ay nilingon kita sa isang pinto, abala ka sa pagkuha ng litrato, muli ay bumagal ang kilos ng mga tao sa lugar na iyon, parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Ilang araw pa ay nagpasya na ako, hindi ko na hihintayin ang ikalimang slowmo. Bakit ko pa kailangang hintayin iyon e alam kong umiibig na ako.

Isang gabi ay sinundan kita sa paglalakad mo. Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob at tapang na mayroon ako. kailangang masabi ko na, hindi ko na pwedeng ipagpabukas.

Eksaktong pagtawag ko sa pangalan mo ay sabay ang paglapit at pag-akbay ng isang lalaki sa’yo. Napatingin ka sa lalaki, inilipat mo ang tingin mo sa akin. Nakita ko ang takot sa mukha mo, doon ay kinutuban na ako. Mabilis kong sinugod ang lalaki para bigyan sana ng suntok, subalit naunahan ako nito, tumama ang kamay niyang may hawak na kung ano sa tagiliran ko.

Nakaramdam ako ng lamig, bumilis ang pintig ng puso ko at parang ‘di ako makahinga. Ikaw ang huling nakita ko noong gabing iyon bago ako pumikit, umiiyak ka.

Ikalimang slowmo na ‘to, bumagal nanaman ang paggalaw ng lahat ng bagay sa paligid, nakatingin ako sa’yo habang naglalakad ka sa likuran ng sasakyang kinasasakyan ko. Napakaganda mo sa puting damit na suot mo. Panglimang slowmo na ‘to, disidido na ko, ipagtatapat ko na, sasabihin ko ng mahal kita.


Subalit hindi mo ako naririnig, patuloy ka sa mabagal na paglakad sa likuran ng sasakyang kinasasakyan ko na mabagal din ang andar.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento