Pagdilat ng mga mata ni Mikko ay naroon na siya sa isang tahimik at malawak na lugar na animo’y isang simbahan. May ilang mga malalaking poste at bintanang korteng krus ang makikita sa paligid nitong nagbibigay liwanag sa loob ng lugar na iyon.
Walang maalalang kahit ano ang binata, hindi rin niya alam kung bakit siya nakasuot ng metal na baluting alanganing tanso o bakal dahil sa mga bahagi nitong kinakalawang.
Sa dulo ng lugar na iyon ay may altar kung saan matatagpuan ang malaking krus ay napansin niya ang isang kahon, para itong isang ataul subalit walang takip kung kaya’t naaaninag niya ang nakahigang babae roon.
Marahan siyang tumayo at nanghihinang lumapit sa nakahigang babae. Doon niya nalaman na walang buhay ang nilalang na nakahiga sa kahong nalalatagan ng mga bulaklak. Maganda ang babae, wala itong saplot sa katawan. Bagama’t hindi na ito humihinga ay parang buhay pa rin at natutulog lang. Ang malulusog na dibdib nito ay bahagyang natatakpan ng buhok nitong kulay pula. Ang ibabang bahagi naman ng katawan nito ay natatakluban lamang ng kapirasong pulang telang may gakamaong bungong may lamat kung kaya’t nakalantad ang mapuputi nitong hita.
“Sino ang babaeng ito?” sa isip niya.
Hindi maintindihan ng binata ang nangyayari. Bakit hindi siya makapagsalita? Bakit wala siyang maalala? Gusto niyang sumigaw at magwala. Halos ikabaliw niya ang mga katanungan sa isip niya. Napaluhod siya at napasuntok sa sahig na naging dahilan ng pagkalamat nitong hindi niya napansin.
Muli siyang tumayo at misnasdan ang babae, biglang bumilis ang kabog ng dibdib niya. Sa ibabang bahagi ng kanyang katawan ay parang may likidong nais kumawala na naging dahilan para tumigas ang kapirasong laman doon.
Akmang tatanggalin niya ang kapirasong telang may gakamaong bungong may lamat na nakataklob sa ibabang bahagi ng katawan nito ng biglang may nagsalita.
“Siya ang kasintahan mo!”
Hinanap ng binata ang pinanggagalingan ng boses. Doon niya pa lang napansin ang dalawang hawla na nakasabit sa magkabilang bahagi ng altar. Ang nasa kanan ay may nakakulong na puting ibon, nanghihina itong nakasalampak sa kinalalagyan nito at walang lakas para tumayo.
“Siya ang kasintahan mo!” roon ay nabatid na ng binata na sa ibon nga nanggagaling ang boses.
“Pinatay siya ng itim na ibon at tumakas” pagpapatuloy nito habang nanghihinang itinuro gamit ang pakpak ang kabilang hawla na bukas ang pinto.
Hindi pa rin maintindihan ng binata ang nangyayari.
“May pagkakataon pa tayo, siguradong babalik ang itim na ibong iyon dahil nakalimutan niyang kunin ang kalawit sa tabi ng iyong kasintahan. Ang aking lakas ay isinalin ko sa’yo noong wala kang malay na nakasalampak diyan sa sahig.” Pagpapaliwanag ng nanghihinang puting ibon.
Muling lumipat ang tingin ng binata sa nakahimlay na babae. Doon niya lang napansin na mayroon ngang kalawit sa tabi nito. Dagdag pa ang isang gakamaong bungong may lamat na parang gawa ng pagkakatusok ng kung ano na nakapatong sa ibabang bahagi ng katawan ng babaeng sinasabing kasintahan daw niya.
“Ang itim na ibong iyon ay malakas at mabilis. Hindi sasapat ang lakas na ibinigay ko sa iyo para talunin siya dahil hindi mo kabisado ang paggamit ng lakas na iyan. Subalit may maaari ka pang gawin. Kailangan mong agawin ang hawak niyang espada kung saan nanggagaling ang kanyang lakas.” Muling pagsasalita ng puting ibon.
Ilang minuto pa ang hinintay ng binata bago bumalik ang itim na ibon. Nagkubli siya sa isa sa malalaking mga poste ng lugar na iyon.
Sa pagdating ng ibon ay nagpalipad-lipad ito sa buong paligid ng lugar na parang may hinahanap bago tuluyang lumapag sa sahig gamit ang kaliwang paa, ang kabilang paa naman nito ay may kapit na espada.
Naging maingat naman ang binata sa pagkukubli upang sa gayon ay hindi siya makita ng itim na ibon. Ilang segundo ang hinintay ng lalaki bago makakuha ng magandang tiyempo. Mabilis niyang sinunggaban ang itim na ibon subalit nabigo siya. Hindi pa man siya lubusang nakakalapit ay mabilis na itong nakalipad kapit-kapit ang espada. Subsob sa sahig ang binata.
Tama nga ang sinabi ng puting ibon na bukod sa malakas ay mabilis din ito.
Hindi niya magagawang agawin ang espada nito sapagkat nakakalipad ito at hindi niya magagawang maabot.
Muling nagsalita ang puting ibon.
“Kunin mo ang kalawit sa tabi ng kasintahan mo at gamitin mo iyon bilang sandata para labanan siya.”utos ng puting ibon.
Mabilis na sumunod ang binata. Kinuha niya ang kalawit sa gilid ng babaeng nakahimlay sa kahon.
“Ang lakas ko ay nasa iyo, tumalon ka at maaabot mo siya.” Muling utos ng nanghihinang puting ibon sa loob ng nakakandadong hawla.
Ginawa nga ng binata ang iniutos ng nanghihinang ibon. Hindi siya makapaniwalang sa kanyang pagtalon ay ganoon kataas ang kanyang inabot na sasapat para makaharap niya sa ere ang itim na ibon. Agad nitong winasiwas ang hawak na kalawit at umaasang matatamaan niya ang itim na ibon subalit madali itong nasasalag ng espada o kung hindi naman ay naiiwasan ang kanyang bawat pag-atake.
Ang nakapagtataka ay kung bakit hindi lumalaban ang itim na ibon at puro pag-ilag at pagsalag lang ang ginagawa nito.
Muli ay lumapag ang binata sa lupa mula sa pagkakatalon nito. Paulit-ulit ang eksena, tatalon siya ng mataas, aatakihin ang itim na ibon ngunit masasalag at maiiwasan lamang ng kanyang kalaban ang kanyang bawat pag-atake at muling lalapag sa sahig.
Alam ng binata na hindi niya matatalo ang kalaban sa ganitong paraan. Masyadong malakas at mabilis ang itim na ibon para mapabagsak ito o kahit man lang maagaw ang hawak nitong espada na pinanggagalingan ng lakas nito.
Pagod na siya, subalit napansin niyang pagod na rin ang ibon at halata iyon sa pagbagal ng pagaspas ng mga pakpak nito.
Tama nga ang napansin niya. Lumapag sa sahig ang ibon sa labis na kapaguran. Mabilis niya itong sinugod at inatake gamit ang kalawit. Bagamat hindi magamit ng ibon ang espada kapag nasa lapag ito ay mabilis pa rin nitong naiiwasan ang mga atake niya.
Sa isang bahagi ng sahig ay may napansin ang binata. Isang lamat, iyon ang lamat na iniwan ng kanyang pagkakasuntok kanina. May naisip siyang paraan.
Muli ay mabilis niyang sinugod ang itim na ibon at iwinasiwas ang hawak niyang kalawit dahilan para mabilis na umiwas paatras ang ibon. Subalit mabilis na sinundan ng binata ng isang buong lakas na suntok sa sahig. Nagkalamat ang sahig, gumawa ito ng malaking bitak patungo sa puwesto ng itim na ibon.
Nawalan ng balanse ang ibon subalit nagawa pa rin nitong makalipad. Iyon nga lang ay nabitawan nito ang hawak na espada na agad namang sinalo ng binata.
Mula sa pagkakalipad ay unti-unting nanghina ang itim na ibon at lumagpak sa lupa.
“Ilagay mo ang Espada at Kalawit sa magkabilang gilid ng iyong kasintahan para mabuhay siya.” Boses na galing sa nanghihinang puting ibon sa loob ng hawla.
Lumapit ang binata sa nakahimlay na babae at inilagay niya ang hawak na kalawit at espada sa magkabilang gilid nito.
Umilaw ang gakamaong bungong nakapatong sa ibabang bahagi ng katawan nito, nawala rin ang kaninang mga lamat nito. Lalo pang lumakas ang nakakasilaw na ilaw na naging dahilan ng kanyang pag-atras.
Nang mawala ang nakakasilaw na ilaw ay naaninag niya ang kaninang nakahimlay na babae na nakatayo na sa harapan niya. Hawak nito ang kalawit sa kaliwang kamay at ang espada sa kanan.
Sa kanang bahagi ng lugar ay nakita niya ang nakatayong mestisong lalaki at ang sirang hawla, wala itong saplot sa katawan. Napatingin rin siya sa isang bahagi ng sahig kung saan may nakabulagtang morenang babaeng wala ring saplot, ang lugar kung saan lumagpak ang itim na ibon.
Sa pagkakabuo ng bungo sa pamamagitan ng espada at kalawit ay nabuhay ang kaninang nakahimlay na babae. Bumalik sa totoong anyo ang dalawang ibon at nanumbalik ang alaala niya.
Bumalik sa kanya ang pangyayari. Hindi niya alam kung bakit binabantayan niya ang nakahimlay na babae. May suot siyang metal na baluting alanganing tanso o bakal dahil sa mga bahagi nitong kinakalawang at may hawak din siyang espada.
May lalaking nakapasok sa loob ng lugar na iyon at ninakaw ang kanyang espada. Unti-unti siyang nanghina gawa ng pagkakapukpok ng matigas na bagay sa kanyang ulo. Subalit bago siya mawalan ng malay ay nagawa niyang buksan ang nakakandadong hawla ng itim na ibon. Mabilis na hinabol ng itim na ibon ang magnanakaw. Nais niya ring sumunod subalit ilang hakbang pa ay nawalan na siya ng malay at lumagpak sa sahig.
Muli ay ibinalik niya ang tingin sa morenang babaeng nakasalampak sa sahig. Unti unting bumalik ang ilan pang ala-ala kasabay ng kanyang pagi-yak at pagsigaw.
“Nathaliaaaaaaa!”
****************************************
Limang taon na ang nakararaan.
Nilabanan ng magkasintahang Mikko at Nathalia ang masamang diwatang nagkagusto sa binata. Nais nitong gawing asawa ang binata upang maging haring maghahasik ng kasamaan sa mundo. Nagawa nilang talunin at mapatulog ang diwata sa pamamagitan ng pagsaksak ng binata sa bungong nasa ibabang bahagi ng katawan nito gamit ang espadang naagaw niya mula rito.
Subalit may sumpang kapalit ang pagkakasira ng bungo. Makakatulog ang nagmamayari nito.
Lahat ng nilalang na makakasaksi sa pagkasira ng bungo ay magiging ibon at hindi makapagsasalita. Makapagsasalita lamang ito kapag masama ang kalooban.
Ang sinumang makakasira sa bungo ay hindi mag-aanyong ibon subalit mabubura ang lahat ng ala-alang mayroon ito mula ng kanyang pagkasilang at hindi rin makapasasalita.
Mawawala lamang ang sumpa kapag nabuong muli ang bungo sa pamamagitan ng paglalagay ng espada nito at kalawit ng kanyang alalay sa magkabilang gilid ng natutulog na diwata.
****************************************
At ngayon nga ay tuluyan ng nawala ang sumpa. Lumapit ang binata sa kanyang kasintahan, hinubad ang kanyang suot na baluti at isinaplot sa kanyang nanghihinang kasintahan. Tumakbo siyang pasugod sa diwata para suntukin ang bungong nasa ibabang bahagi ng katawan nito subalit mabilis ding tumakbo ang mestisong alalay ng diwata. Kinuha ang kalawit mula sa diwata at iwinasiwas sa binata.
Bagsak sa lupa ang walang malay na si Mikko.
Lumakas ang hangin dahil sa matinding galit ng diwata.
“Bakit mo sinaktan ang magiging hari ko?” Pasigaw niyang pagkakasabi sa kanyang alalay sabay mabilis na paglapit dito at pagtarak ng kanyang espada sa dibdib nito. Bagsak sa sahig ang mestisong alalay.
Pagkahugot ng espada sa dibdib ng alalay ay lumapit ang diwata sa binata, binitawan ang kanyang espada at niyakap ang walang malay na katawan nito.
Ilang minutong nasa ganoong posisyon ang diwata yakap-yakap ang katawan ng binata ng maramdaman niyang may tumusok sa kanyang likod. Nang lingunin niya ito ay nakita niya ang nanghihinang si Nathalia hawak ang espadang nakatarak sa likod niyang tumagos sa kanyang katawan at tumusok sa bungo na nasa kanyang harapan. Bagsak sa sahig ang diwata.
Niyakap ni Nathalia ang walang malay na si Mikko.
“Mawawala na ang ala-ala ko maya-maya lang. Maaaring malilimutan kita pero tandaan mong mahal na mahal kita kahit hindi na kita kilala.” Huling nasabi ng dalaga bago siya tuluyang nahimbing dahil sa matinding pagod.
****************************************
Sa isang tahimik at malawak na lugar na animo’y isang simbahan. May ilang mga malalaking poste at bintanang korteng krus ang makikita sa paligid nitong nagbibigay liwanag sa loob ng lugar na iyon ay matatagpuan ang isang babaeng may hawak na espada at nakasuot ng metal na baluting alanganing tanso o bakal dahil sa kinakalawang na parte nito.
Wala siyang naaalalang kahit ano. Basta ang alam niya ay kailangan niyang bantayan ang nakahimlay na babae sa kahong malapit sa altar na nalalatagan ng mga bulaklak. Maganda ang babae, wala itong saplot sa katawan. Bagama’t hindi na ito humihinga ay parang buhay pa rin at natutulog lang. Ang malulusog na dibdib nito ay bahagyang natatakpan ng buhok nitong kulay pula. Ang ibabang bahagi naman ng katawan nito ay natatakluban lamang ng kapirasong pulang telang may gakamaong bungong may lamat kung kaya’t nakalantad ang mapuputi nitong hita.
Sa magkabilang bahagi ng altar ay may dalawang hawlang nakasabit at nakakandado. Sa kanan ay nakakulong ang puting ibon at ang itim naman ang sa kaliwa. Tanging ang puting ibon lamang ang nakapagsasalita.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento