Lunes, Oktubre 8, 2018

Lord, mahal mo 'ba ko?


Lord, mahal mo ba ‘ko?
Kasi kung mahal mo ‘ko bakit ganito?
Bakit lahat yata ng kamalasan sa mundo nasalo ko.
Bakit nanay ko lang ang nagsasabing gwapo ako.


Kung mahal mo ‘ko Lord, bakit mahirap kami?
Noong bata ako, imbes na tinola, nilaga, sinigang, ang sinasabaw namin sa kanin ay kape.
At ‘pag pumapasok ako sa eskwela, kahit bagong laba ang luma kong uniporme,
mukha pa ring marumi.


Lord, mahal mo ba ‘ko?
Kasi kung mahal mo ‘ko, bakit di ako nakapagtapos?
Palagi kong baon, nilagang dahon ng kamote ‘yong talbos.
Sinasabi ko na lang sa kaklase ko na paborito ko ‘yon pero bibigyan ko siya sabay kurot sa baon niyang manok.


Kung mahal mo ‘ko Lord, bakit ‘di mo ‘binigay ang trabahong gusto ko?
Maging guro, makapagturo sa mga batang gustong matuto.
Pero ayos din naman ang naging trabaho ko.
Nakaitim na sapatos, plantiyadong pantalon, long sleeve may kurbata pa ko. May sukbit pang shotgun saka pito. Tatlong taon naging guwardiya ako.


Lord, mahal mo ba ‘ko?
Kasi kung mahal mo ‘ko, bakit ganito?
Bakit iniwan niya ‘ko kahit ‘di naman ako nagloko?
Bakit hinayaan mong masaktan ako ng ganito?


Kung mahal mo ‘ko Lord, bakit sobrang lungkot?
Puso ko’y nabalot ng takot, poot at pag-iimbot.
‘Di ko kayang buuin wasak kong pusong may kirot.
Lord, mahal mo ba ‘ko? Pakiusap, pakisagot.


Isang gabing maulan, aking binalikan
mga turo ni pastor noong ako’y musmos lang.
Kinuha ang aklat mula sa lalagyan,
Akin ‘tong binuksan sa libro ng Juan.


Ang sabi,


Sapagkat gayon na lamang ang pagibig ng Diyos sa sanlibutan kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang ang sinumang sumampalataya sa kanya’y hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.


Lord, nakakahiya.

Sa sobrang kalungkutan, napagdudahan kung mahal mo ba ‘kong talaga.
Itinatanong ang katanungang alam ko naman ang kasagutan mula pa nang umpisa.


Mahal mo ‘ko Lord, kasi kahit ‘pinanganak akong mahirap, meron akong mabuting ina.
Mahal mo ‘ko Lord, kasi kahit mukhang marumi ang suot ko, wala akong narinig na panghuhusga.
Mahal mo ‘ko Lord, kasi pinalaki mo ko sa talbos na masustansiya pala.
Mahal mo ‘ko Lord, kasi mahal na ang kape sa starbucks pero pinagsawaan ko na ‘yong isabaw sa kanin noong ako’y bata pa.
Mahal mo ‘ko Lord, kasi ginawa mo ‘kong guwardiya para protektahan ang iba.
Mahal mo ‘ko Lord, kasi kahit ‘di ako naging guro, may pagkakataon pa rin akong magturo ng iyong salita.
Mahal mo ‘ko Lord, kasi hinayaan mong masira ang puso ko nang ako’y iwan niya.
Mahal mo ‘ko Lord, kasi imbis na buuin mo ito, binigyan mo ko ng bagong pusong mas mabuti kesa sa nauna.


Kung may kayang magmahal ng walang hanggan, ikaw ‘yon Lord, walang iba.
Noong ibigay mo ang anak mo para ako’y maisalba.
Noong pasanin ni Hesus ang krus na dapat ako ang may dala.
Para hugasan ang kasalanan, kailangang mamatay siya.


Sa pagkakataong ito’y gusto kong itaas
ang mga kamay ko, kasabay ng bigkas.
Hesus, Panginoon ko, aking tagapagligtas.
Sagot sa tanong ko’y mahal mo ‘kong wagas.


Lord, mahal din kita.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento