Huwebes, Disyembre 28, 2017

Ikalimang slowmo

Ikalimang slowmo na ‘to, bumagal nanaman ang paggalaw ng lahat ng bagay sa paligid, nakatingin ako sa’yo habang naglalakad ka sa likuran ng sasakyang kinasasakyan ko. Napakaganda mo sa puting damit na suot mo. Panglimang slowmo na ‘to, disidido na ko, ipagtatapat ko na, sasabihin ko ng mahal kita.

Naikwento sa akin ng first love ko rati na nakilala niya ang napangasawa niya dahil daw sa slowmo. Sinagot niya ang lalaki dahil sinabi nito sa kanya na noong nakita raw siya nito ay nagslowmo ang lahat, iyon ay parang mahika, parang babagal ang pag-ikot ng mundo ganoon din ang mga paggalaw ng mga bagay sa paligid sa mismong oras na mararanasan mo ang bagay na iyon. At nangyayari iyon kapag nakita mo na ang taong magpapatibok ng puso mo.

Naniniwala ako sa ganoong bagay. Bakit hindi? Eh naranasan ko na ‘yon noon, pero matagal ng hindi.

Matagal kong pinakiramdaman kung mararanasan kong muli iyon pero walang sino man ang muling nakapagparanas sa akin nito. Hanggang sa nakilala kita.

Noong una ay wala lang. Hindi naman kasi kita gusto at wala akong planong gustuhin ka. Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay ganoon ang nangyari. Nangyari ang mga slowmo.

Hindi ko alam kung papaanong nangyari, marahil ay dahil sa pagbibigay mo ng pagkain sa akin o sa hindi ko sinasadyang pakikinig sa mga binibitawan mong jokes. Sa tanda kong ito at pagiging mababaw ay alam ko na kung ano ang mga nakakatawang jokes sa hindi. At ang iyo ay kabilang sa pangalawa, subalit kung papaano mo bitawan ang mga iyon? Napapawi ang mga isipin at problema ko.

Ang unang slowmo ay noong unang beses na nakita kitang nakatali ang buhok. Papasok ka ng pinto noon, napatingin ako. Maikli lang ang distansiya mula sa pinto at sa pwesto mo subalit parang ang tagal mo iyong narating. Tila bumagal ang lakad mo, bumagal din ang kilos ng mga tao sa opisina, tumahimik ang paligid na parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Mula noon ay nagduda na ako sa damdamin ko, parang gusto ako nitong traydurin, isubo sa isang pagkahulog. At nang maramdaman kong masaya ako sa pagkahulog na iyon, doon na ako nagpasyang kapag umabot ng lima ang slowmo ay magtatapat na ako sa iyo. At nasundan nga ito.

Ang ikalawang slowmo ay noong narinig kitang kumanta sa videoke, hindi kataasan ang boses mo na bumagay naman sa pagkakakanta mo sa isang kanta ng freestyle. Tumingin ako sa pinangagalingan ng boses, ikaw ang nakita kong may hawak ng mikropono. Muli ay bumagal ang kilos ng mga tao sa paligid na parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Ang ikatlong slowmo ay noong nakita kita sa isang tindahan, pag baba ko ng sasakyan ay ikaw kaagad ang nakita ko. Masyadong pormal ang suot mo noong araw na iyon. Lutang na lutang ang ganda mo dahil doon. Gusto kitang lapitan subalit nangyari nanaman. Bumagal ang kilos ng mga nakapilang tao sa labas ng tindahan ganoon din ang mga sasakyan sa paligid, parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Ang ikaapat na slowmo ay noong matapos ang isang party na dinaluhan nating dalawa, iyon rin ang araw na sa kaunaunahang pagkakataon ay naakbayan kita at nahawakan ang kamay mo. Kailangang itago ang ligaya’t kilig. Pagkabitaw ko sa kamay mo ay tumalikod agad ako para umalis. Sa huling pagkakataon ay nilingon kita sa isang pinto, abala ka sa pagkuha ng litrato, muli ay bumagal ang kilos ng mga tao sa lugar na iyon, parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Ilang araw pa ay nagpasya na ako, hindi ko na hihintayin ang ikalimang slowmo. Bakit ko pa kailangang hintayin iyon e alam kong umiibig na ako.

Isang gabi ay sinundan kita sa paglalakad mo. Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob at tapang na mayroon ako. kailangang masabi ko na, hindi ko na pwedeng ipagpabukas.

Eksaktong pagtawag ko sa pangalan mo ay sabay ang paglapit at pag-akbay ng isang lalaki sa’yo. Napatingin ka sa lalaki, inilipat mo ang tingin mo sa akin. Nakita ko ang takot sa mukha mo, doon ay kinutuban na ako. Mabilis kong sinugod ang lalaki para bigyan sana ng suntok, subalit naunahan ako nito, tumama ang kamay niyang may hawak na kung ano sa tagiliran ko.

Nakaramdam ako ng lamig, bumilis ang pintig ng puso ko at parang ‘di ako makahinga. Ikaw ang huling nakita ko noong gabing iyon bago ako pumikit, umiiyak ka.

Ikalimang slowmo na ‘to, bumagal nanaman ang paggalaw ng lahat ng bagay sa paligid, nakatingin ako sa’yo habang naglalakad ka sa likuran ng sasakyang kinasasakyan ko. Napakaganda mo sa puting damit na suot mo. Panglimang slowmo na ‘to, disidido na ko, ipagtatapat ko na, sasabihin ko ng mahal kita.


Subalit hindi mo ako naririnig, patuloy ka sa mabagal na paglakad sa likuran ng sasakyang kinasasakyan ko na mabagal din ang andar.

Biyernes, Disyembre 15, 2017

Kerubin

Nasa kalagitnaan ako noon ng pagkatulala, bumubuo ng sari’t saring pangarap sa pamamagitan ng pag-upo at pagtunganga sa harap ng monitor ng aking computer sa loob ng opisinang pinagtatrabahuhan ko.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang may batang lumapit sa akin. Hindi ko maintindihan kung papaanong nagkaroon ng ganoong bata sa loob ng opisinang iyon, medyo kakaiba ang itsura nito dahil wala itong suot na damit at tanging puting lampin lang ang kanyang pangibaba. At ang higit ko pang ikinalito ay kung bakit ito may mumunting mga pakpak, idagdag pa ang hawak nitong pana at lalagyang nakasukbit sa kanyang likod na puno ng palaso.

Tumingin at nakiramdam ako sa paligid ko, pero mukhang hindi nila nakikita kung ano man ang nakikita ko. Ipinikit ko ng mariin ang mga mata ko at baka sakaling maglaho ang batang iyon sa aking pagdilat.

Subalit pagdilat ko ay naroroon pa rin siya sa gilid ko. Kamuntikan pa akong mapasigaw ng bigla siyang magsalita.

“Anong pipiliin mo, pangarap o pag-ibig?”

Madaling katanungan, mahirap sagutin. Sino ba namang tao ang ayaw ng pag-ibig? Lalo na sa katulad kong nauubos lang ang oras sa bahay at trabaho. Aminin ko man o hindi ay alam kong gusto ko nito, kailangan ko nito.

Subalit may pangarap ako, ang maging isang guro. Makapagbahagi ng mga nalalaman ko at mga dapat ko pang malaman. Maging bahagi ng bawat susunod na henerasyon sa kanilang pagusbong. Maging manunulat rin, makagawa ng mga akdang makakapagambag ng kapakinabangang kinakailangan ng mga makakabasa nito. Makapaglimbag ng isang librong nakapangalan sa akin at maaari  kong sabihing akin iyon. Mabigyan ng kahit isang parangal dahil sa naisulat ko. Wala na sigurong mas sasaya pa sa katuparan ng mga iyon.

Sa kabila ng mga isipin kong iyon ay nilingon ko ang bata. May ngiti kong sinagot ang kanyang katanungan.

Napangiti rin siya, kasabay ng pagkuha niya ng isang palaso mula sa lalagyang nakasukbit sa kanyang likod. Ibinala niya ito sa dala niyang pana at itinutok sa akin saka binitawan.

Tumarak ang palaso sa kaliwang bahagi ng aking dibdib subalit wala akong naramdamang kahit anong sakit na dulot nito.

Tumakbo ang bata palabas ng pinto ng opisinang iyon at naiwan akong tulala.

Ilang sandali ang nakalipas ay pumasok sa pinto ang isa sa mga kaopisina kong babae, mapapansin sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib ang nakatarak na palasong kagaya ng sa akin.