Huwebes, Disyembre 28, 2017

Ikalimang slowmo

Ikalimang slowmo na ‘to, bumagal nanaman ang paggalaw ng lahat ng bagay sa paligid, nakatingin ako sa’yo habang naglalakad ka sa likuran ng sasakyang kinasasakyan ko. Napakaganda mo sa puting damit na suot mo. Panglimang slowmo na ‘to, disidido na ko, ipagtatapat ko na, sasabihin ko ng mahal kita.

Naikwento sa akin ng first love ko rati na nakilala niya ang napangasawa niya dahil daw sa slowmo. Sinagot niya ang lalaki dahil sinabi nito sa kanya na noong nakita raw siya nito ay nagslowmo ang lahat, iyon ay parang mahika, parang babagal ang pag-ikot ng mundo ganoon din ang mga paggalaw ng mga bagay sa paligid sa mismong oras na mararanasan mo ang bagay na iyon. At nangyayari iyon kapag nakita mo na ang taong magpapatibok ng puso mo.

Naniniwala ako sa ganoong bagay. Bakit hindi? Eh naranasan ko na ‘yon noon, pero matagal ng hindi.

Matagal kong pinakiramdaman kung mararanasan kong muli iyon pero walang sino man ang muling nakapagparanas sa akin nito. Hanggang sa nakilala kita.

Noong una ay wala lang. Hindi naman kasi kita gusto at wala akong planong gustuhin ka. Subalit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay ganoon ang nangyari. Nangyari ang mga slowmo.

Hindi ko alam kung papaanong nangyari, marahil ay dahil sa pagbibigay mo ng pagkain sa akin o sa hindi ko sinasadyang pakikinig sa mga binibitawan mong jokes. Sa tanda kong ito at pagiging mababaw ay alam ko na kung ano ang mga nakakatawang jokes sa hindi. At ang iyo ay kabilang sa pangalawa, subalit kung papaano mo bitawan ang mga iyon? Napapawi ang mga isipin at problema ko.

Ang unang slowmo ay noong unang beses na nakita kitang nakatali ang buhok. Papasok ka ng pinto noon, napatingin ako. Maikli lang ang distansiya mula sa pinto at sa pwesto mo subalit parang ang tagal mo iyong narating. Tila bumagal ang lakad mo, bumagal din ang kilos ng mga tao sa opisina, tumahimik ang paligid na parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Mula noon ay nagduda na ako sa damdamin ko, parang gusto ako nitong traydurin, isubo sa isang pagkahulog. At nang maramdaman kong masaya ako sa pagkahulog na iyon, doon na ako nagpasyang kapag umabot ng lima ang slowmo ay magtatapat na ako sa iyo. At nasundan nga ito.

Ang ikalawang slowmo ay noong narinig kitang kumanta sa videoke, hindi kataasan ang boses mo na bumagay naman sa pagkakakanta mo sa isang kanta ng freestyle. Tumingin ako sa pinangagalingan ng boses, ikaw ang nakita kong may hawak ng mikropono. Muli ay bumagal ang kilos ng mga tao sa paligid na parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Ang ikatlong slowmo ay noong nakita kita sa isang tindahan, pag baba ko ng sasakyan ay ikaw kaagad ang nakita ko. Masyadong pormal ang suot mo noong araw na iyon. Lutang na lutang ang ganda mo dahil doon. Gusto kitang lapitan subalit nangyari nanaman. Bumagal ang kilos ng mga nakapilang tao sa labas ng tindahan ganoon din ang mga sasakyan sa paligid, parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Ang ikaapat na slowmo ay noong matapos ang isang party na dinaluhan nating dalawa, iyon rin ang araw na sa kaunaunahang pagkakataon ay naakbayan kita at nahawakan ang kamay mo. Kailangang itago ang ligaya’t kilig. Pagkabitaw ko sa kamay mo ay tumalikod agad ako para umalis. Sa huling pagkakataon ay nilingon kita sa isang pinto, abala ka sa pagkuha ng litrato, muli ay bumagal ang kilos ng mga tao sa lugar na iyon, parang wala akong naririnig, nakatulala lang ako sa’yo.

Ilang araw pa ay nagpasya na ako, hindi ko na hihintayin ang ikalimang slowmo. Bakit ko pa kailangang hintayin iyon e alam kong umiibig na ako.

Isang gabi ay sinundan kita sa paglalakad mo. Inipon ko ang lahat ng lakas ng loob at tapang na mayroon ako. kailangang masabi ko na, hindi ko na pwedeng ipagpabukas.

Eksaktong pagtawag ko sa pangalan mo ay sabay ang paglapit at pag-akbay ng isang lalaki sa’yo. Napatingin ka sa lalaki, inilipat mo ang tingin mo sa akin. Nakita ko ang takot sa mukha mo, doon ay kinutuban na ako. Mabilis kong sinugod ang lalaki para bigyan sana ng suntok, subalit naunahan ako nito, tumama ang kamay niyang may hawak na kung ano sa tagiliran ko.

Nakaramdam ako ng lamig, bumilis ang pintig ng puso ko at parang ‘di ako makahinga. Ikaw ang huling nakita ko noong gabing iyon bago ako pumikit, umiiyak ka.

Ikalimang slowmo na ‘to, bumagal nanaman ang paggalaw ng lahat ng bagay sa paligid, nakatingin ako sa’yo habang naglalakad ka sa likuran ng sasakyang kinasasakyan ko. Napakaganda mo sa puting damit na suot mo. Panglimang slowmo na ‘to, disidido na ko, ipagtatapat ko na, sasabihin ko ng mahal kita.


Subalit hindi mo ako naririnig, patuloy ka sa mabagal na paglakad sa likuran ng sasakyang kinasasakyan ko na mabagal din ang andar.

Biyernes, Disyembre 15, 2017

Kerubin

Nasa kalagitnaan ako noon ng pagkatulala, bumubuo ng sari’t saring pangarap sa pamamagitan ng pag-upo at pagtunganga sa harap ng monitor ng aking computer sa loob ng opisinang pinagtatrabahuhan ko.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang may batang lumapit sa akin. Hindi ko maintindihan kung papaanong nagkaroon ng ganoong bata sa loob ng opisinang iyon, medyo kakaiba ang itsura nito dahil wala itong suot na damit at tanging puting lampin lang ang kanyang pangibaba. At ang higit ko pang ikinalito ay kung bakit ito may mumunting mga pakpak, idagdag pa ang hawak nitong pana at lalagyang nakasukbit sa kanyang likod na puno ng palaso.

Tumingin at nakiramdam ako sa paligid ko, pero mukhang hindi nila nakikita kung ano man ang nakikita ko. Ipinikit ko ng mariin ang mga mata ko at baka sakaling maglaho ang batang iyon sa aking pagdilat.

Subalit pagdilat ko ay naroroon pa rin siya sa gilid ko. Kamuntikan pa akong mapasigaw ng bigla siyang magsalita.

“Anong pipiliin mo, pangarap o pag-ibig?”

Madaling katanungan, mahirap sagutin. Sino ba namang tao ang ayaw ng pag-ibig? Lalo na sa katulad kong nauubos lang ang oras sa bahay at trabaho. Aminin ko man o hindi ay alam kong gusto ko nito, kailangan ko nito.

Subalit may pangarap ako, ang maging isang guro. Makapagbahagi ng mga nalalaman ko at mga dapat ko pang malaman. Maging bahagi ng bawat susunod na henerasyon sa kanilang pagusbong. Maging manunulat rin, makagawa ng mga akdang makakapagambag ng kapakinabangang kinakailangan ng mga makakabasa nito. Makapaglimbag ng isang librong nakapangalan sa akin at maaari  kong sabihing akin iyon. Mabigyan ng kahit isang parangal dahil sa naisulat ko. Wala na sigurong mas sasaya pa sa katuparan ng mga iyon.

Sa kabila ng mga isipin kong iyon ay nilingon ko ang bata. May ngiti kong sinagot ang kanyang katanungan.

Napangiti rin siya, kasabay ng pagkuha niya ng isang palaso mula sa lalagyang nakasukbit sa kanyang likod. Ibinala niya ito sa dala niyang pana at itinutok sa akin saka binitawan.

Tumarak ang palaso sa kaliwang bahagi ng aking dibdib subalit wala akong naramdamang kahit anong sakit na dulot nito.

Tumakbo ang bata palabas ng pinto ng opisinang iyon at naiwan akong tulala.

Ilang sandali ang nakalipas ay pumasok sa pinto ang isa sa mga kaopisina kong babae, mapapansin sa kaliwang bahagi ng kanyang dibdib ang nakatarak na palasong kagaya ng sa akin.

Miyerkules, Nobyembre 8, 2017

Wrong send?

(photo credit to me, haha)


Pasado alas nuwebe na ng umaga ng magising si Carmen mula sa kanyang pagkakatulog. Mukhang hindi maganda ang kanyang gising dahil mapapansin sa kanyang mukha ang pagkainis. Paano ba naman kasi ay napanaginipan nanaman niya si Joph, ang lalaking pinakaclose niya sa tropa.

Hindi naman ganoon kaguwapo ang nasabing binata. Cute lang ito dahil sa palagi itong nakangiti, palibhasa’y masayahing tao. Mahigit tatlong taon na silang magkakilala ng binata. Lagi siyang pinapasaya nito, mabait din si Joph kung kaya’t unti-unti nang nahulog ang loob niya rito.

Magandang dalaga si Carmen, idagdag pa ang talento nito sa pagsayaw at pagkanta. Marami nang nanligaw sa dalaga pero ni isa ay wala siyang sinagot. Hindi naman dahil sa pihikan siya sa mga lalaki, may hinihintay lang kasi siya.

Dumiretso ang dalaga sa banyo para maligo at nang matapos maligo ay pumwesto na sa harap ng salamin para mag-ayos ng sarili. Iniisip niya pa rin si Joph, ang lalaking lihim niyang minamahal.

'Hay, napanaginipan ko nanaman siya. Maganda naman ako ah, hindi niya ba yun napapansin?' bulong sa sarili ni Carmen habang nakaharap sa salamin.

Talagang mahal na mahal na niya si Joph, yun nga lang ay hindi niya iyon ipinapahalata sa binata. Palibhasa ay konserbatibo kung kaya’t ayaw niyang magbigay ng motibo kahit mahal niya na ang binata.

'Magpakita ka lang ng kahit konting pagpaparamdam Joph, sasabihin ko na sa iyong mahal na mahal kita.' bigkas niya sa loob niya habang nasa harapan pa rin ng salamin.

Biglang tumunog ang cellphone niya. Galing kay Joph ang dalawang text messages. Binuksan niya ang mga mensahe at binasa ang nakasulat. Ang una ay "gudmorning tol." at ang pangalawa ay "hindi ko na kayang itago eh, mahal na mahal kita, sana wag kang mailang ah." sabi sa text.

Magkahalong kaba at saya ang naramdaman ni Carmen matapos niyang mabasa ang text messages na galing kay Joph.

'Totoo ba ito? Mahal din pala ako ni Joph? Pero bakit hindi siya nagpapahalata? Parehas kasi kaming magaling magtago ng damdamin eh.' sa loob loob ng dalaga.

Gusto niya sanang replyan ang binata pero wala na siyang load. Madali siyang nagbihis at lumabas ng bahay. Alam niyang nasa tambayan na si Joph dahil ang binata naman ang laging nauunang nagpupunta roon sa tambayan ng tropa. Wala siyang sinayang na sandali, gusto niyang marinig mismo sa bibig ng binata na mahal siya nito at gustong gusto niya na ring sabihin ang nararamdaman niya para rito.

Nang makarating na si Carmen sa tambayan ay nakita niya kaagad si Joph na nakaupo sa mahabang upuan sa ilalim ng puno ng aratilis. Nakatingin ito sa kanya, nginitian niya ito at siya na ang unang nagsalita.

"Tol, nareceived ko yung text mo ah, kaw talaga." pauna ni Carmen.

"Hahaha, ano ka ba tol, hindi ka na nasanay sa akin, lagi naman akong nag-gugudmorning sa’yo kapag may load ako ah." sabi ni Joph.

"Hindi ‘yon, ‘yong pangalawang text mo, kaw ah, di ko alam ‘yon ah." hindi pa rin natitinag ang matamis na ngiti ng dalaga.

"Huh. . ." tila nagtataka si Joph.

"Ito oh," ipinakita ni Carmen ang cellphone niya kay Joph at ipinabasa ang text nito sa kanya.

Natawa ang binata.

"Hahaha, na-wrong send pala ako sau tol." sabi ng binata.

Tumawa na lang din si Carmen para maikubli ang pagkapahiya sa sarili.

"hehehe, next time kasi tol, mag-ingat ka sa pagsesendan mo. Narowrong send ka tuloy. ‘Ge uwi muna ko." Tumalikod na ang dalaga at nagsimulang lumakad palayo sa tambayan ng tropa.



**********

Sa kuwarto ni Carmen. . .

Umiiyak ang dalaga, humahagulgol dahil sa sama ng loob.

"Mahal na mahal kita Joph, bakit hindi mo ko magawang mahalin? kahit na konti lang naman ay masaya na ako roon." nanginginig ang tinig ni Carmen.

Pero tanging ang kama at ang mga unan lamang ang nakakarinig ng mga sinasabi niya na dapat sana ay si Joph ang nakakarinig.



**********

Sa tambayan ng tropa. . .

Nakatulala ang binata, nanghihinayang sa pagkakataon na muli niya nanamang pinalagpas.

"Mahal na mahal kita Carmen, bakit ba lagi akong pinanghihinaan ng loob na sabihin sayo ang totoo kong nararamdaman, mahalin mo rin kaya ako kapag nalaman mo na ang totoo? na iniibig kita?" malungkot na tinig ni Joph.

Pero tanging ang puno ng aratilis at ang mahabang upuan lamang ang nakakarinig ng mga sinasabi niya na dapat sana ay si Carmen ang nakakarinig.


Lunes, Oktubre 30, 2017

Painting

“Sige na kasi, samahan mo na ako, gusto ko lang makita ng personal ang mga painting doon” naglalambing na tinig ni Jane kausap ang nobyo niyang si Alex.

Ang tinutukoy ng dalaga ay ang lumang bahay sa katabing probinsiya. Matagal na itong bakante at walang nakatira. Ayon sa mga usap-usapan ay tatlong taon na raw buhat ng lisanin ito ng mga nakatira roon. May mga sabi-sabi pa na sa isang kwarto raw ng bahay na iyon ay may koleksyon ng mga painting na ipininta mismo ng dating may-ari ng bahay na iyon.

Gaya ng kanyang kuya ay nakahiligan din niya ang mangolekta ng iba’t ibang klase ng painting. Mahal man o mura ang presyo ay kaagad niyang binibili kapag nagustuhan niya ito.

Matagal na ang kanyang pagnanais na makapasok sa bahay na iyon kaya nga lang ay wala siyang pagkakataon at kung mayroon man ay wala siyang kasama para tulungan siyang makapasok doon. Ang balita kasi ay nakakandado ang bahay na iyon.

“Oo na, sasamahan kita, ano bang meron sa mga painting doon at gusto mong makita ang mga iyon” ang sagot ng binata sa kanyang kasintahan.

Dalawang taon niya nang kasintahan si Alex.  Nakilala niya ito sa eskwelahan nila at magkaklase sila sa isang minor subject. Pareho silang nagpakita ng motibo sa isat-isa kung kaya’t wala pa mang isang buwan na sila ay nagkakilala ay nagkaroon na kaagad sila ng relasyon. 

Sa dalawang taon ng kanilang relasyon, ni minsan ay hindi niya nakitaan ang binata ng suporta sa kanyang hilig na pangongolekta ng mga painting. Hindi rin ito kakikitaan ng pagkahilig sa Art.

“Hindi mo kasi ako naiintindihan eh, painting ang isa sa nagpapasaya sa akin.” Nakangusong tugon ng dalaga.

“Oo na nga diba, sasamahan na kita” sabi ng binata habang nakasimangot.

“Bukas ng umaga ah, dadaanan kita sa boarding house mo” nakanguso pa rin ang dalaga.

“Oo na” mabilis na sagot ng binata sabay dampi ng halik sa pisngi ng dalaga bago ito umalis.

Pagdating sa bahay ay hindi kaagad nakatulog si Jane. Naiisip niya pa rin na ilang oras na lang ay makikita niya na rin ang mga painting na matagal niya nang nais makita. Ito ang matagal niya nang gustong mangyari, tila isang pangarap na matagal na niyang inaasam. Mabilis niyang inihanda ang mga gamit, inihanda at inilagay niya ang martilyo at ibang bagay na naisip niyang maaaring magamit kung sakaling nakakandado nga ang mga pinto ng lumang bahay na kanilang pupuntahan.

Nakatulog ang dalaga na may ngiti sa kanyang mga labi habang iniisip ang lumang bahay na iyon at ang mga painting na maaari niyang makita roon.

Kinaumagahan ay maagang naligo si Alex at nagbihis. Wala siyang kailangang dalhing gamit dahil alam niyang palaging handa ang kanyang kasintahan sa mga bagay na ganito. Isa lang ang inihanda niya na kailangan niyang dalhin, ang kanyang maliit na kutsilyong minana niya pa mula sa patay niya ng ama. Malungkot niya itong tinitigan bago itinago sa bulsa ng kanyang pantalon.

Narinig ng binata ang busina mula sa labas ng kanyang tinutuluyang boarding house. Alam niyang ang kasintahan niya na ito. Mabilis siyang lumabas, lumapit at sumakay sa itim na sasakyang dala ng dalaga.

“Ano? Ready ka na?” tanong ng dalaga.

“Sigurado ka bang gusto mong puntahan ang bahay na iyon?” balik na tanong ng binata.

“Oo, siguradong sigurado” nakangiting sagot ng dalaga bago paandarin ang kanyang sasakyan.

“Ano ba kasing meron sa mga painting na iyon at gustong gusto mo itong makita” tanong ng binata habang nakasimangot ang mukha nito.

“Naikwento ko na sa iyo ang kuya ko diba? Isang kolektor din siya, at isa sa mga painting na hawak niya ay talagang maganda. Nakita ko iyon noong isang beses na pumasok ako sa kuwarto niya.” Pagmamalaki ng babae tungkol sa kanyang kuya.

“Eh bakit hindi mo na lang hingin ‘yung painting na iyon? Eh painting lang naman iyon” tanong ng binata.

“Hindi mo kasi naiintindihan eh, hindi ko basta basta mahihingi iyon dahil mahirap daw ang pinagdaanan niya para lang makuha ang painting na iyon” sagot ng dalaga.

“Parang painting lang eh, kala mo naman napakalaking bagay” iritableng tinig ng binata.

Halos isang oras ang itinakbo ng sasakyan bago nila narating ang katabing probinsiya kung saan matatagpuan ang lumang bahay. Kaagad ipinarada ng dalaga ang sasakyan sa mismong harap ng lumang bahay na iyon.

Pagbaba nila ng sasakyan ay minasdan muna nila ang paligid, walang tao. Tiyak na walang makakakita sa gagawin nilang pagpasok sa bahay na iyon. Mabilis na kinuha ng dalaga ang mga gamit sa likod ng sasakyan habang ang binata ay naiwang tulala at nakatitig sa lumang bahay.

Maiging pinagmamasdan ni Alex ang bahay. Mas naging luma na ang hitsura nito. Kulay abo na ang dating kulay puting pintura nito. Ang ibang parte ng dingding na gawa sa kahoy ay nakausli na. Ang mga salaming bintana nito ay may mga lamat na at sa tingin niya ay malalaglag na sa isang mahinang pag-uga lamang. Malalago na rin ang damo sa paligid ng bahay na iyon. Sa pagkakatitig ng binata sa tanawing iyon ay nakaramdam siya ng kurot sa isang bahagi ng kanyang puso.

Natinag lamang sa pagkatulala ang binata ng biglang may isang matandang babae ang lumapit sa kanya. Nakatitig ito sa kanya na parang pinag-aaralan ang hitsura ng kanyang mukha.

Kakausapin na sana ng binata ang matanda ng biglang sumulpot sa kanyang likuran ang kasintahan.

“Tara na, buhatin mo itong mga gamit” pag-aaya ng dalaga sa binata na ang ibig sabihin ay ang pagpasok nila sa lumang bahay na iyon.

Nang maipasa ng dalaga ang mga gamit sa binata ay hinila niya na ito sa kamay papalapit sa lumang bahay na iyon.

Katulad ng kanilang hinala ay nakakandado nga ang pinto ng bahay na iyon. Agad kinuha ng dalaga ang martilyo mula sa mga gamit na kanilang dala at inihampas ng malakas sa kandado na nagdudugtong sa mga kadena. Nakailang pukpok pa ay hindi pa rin nasisira ang kadena.

“Tignan natin sa likuran, baka may iba pang pwedeng daanan” pagkasabi ng binata ay agad nilang tinungo ang likod ng lumang bahay na iyon.

Lumapit ang binata sa isang bahagi ng dingding ng bahay, hinawi ang makapal na damo na nakaharang dito at may sinungkit sa ibabang bahagi nito at agad naitulak ng lalaki ang dingding.

“Ang galing, may daanan pala dito” natutuwang tinig ng dalaga.

Pumasok sila sa loob ng bahay, may kalakihan ang sala nito. Walang nakatira sa bahay na iyon pero maayos ang pagkakasalansan ng mga gamit. Walang mga agiw ang loob ng bahay na iyon na indikasyon na matagal na itong inabandona. Mapapansin din sa isang dingding ang isang disenyo na pinaglalagyan dapat ng isang painting, pero walang nakalagay doon.

Inginuso ng binata ang isang kuwarto roon at agad na pumasok ang dalaga.

Ganun na lamang ang tuwa ng dalaga nang makita niya ang nakahilerang mga painting sa dingding ng kuwartong iyon. Iba’t iba ang sukat nito. Iba’t iba ang tema.

Nang tatangkaing tanggalin ng dalaga ang isa sa mga painting doon ay saka naman ang pagpasok ng binata.

“Ang gaganda ng painting diba?” nakangiting sabi ng binata.

“Lahat ng iyan ay ipininta ng tatay ko. Siya ang pinakamagaling na pintor dito sa probinsiya. Kaso nga lang ay wala na siya, pinatay siya“ pagpapatuloy ng lalaki.

“Anong sinasabi mo?” balik na tanong ng dalaga.

“Nakita mo ba ‘yung malaking lalagyanan ng painting sa sala? Ang dating nakalagay doon ay ang pinakamagandang ipininta ng tatay ko, kaya lang ay ninakaw iyon. Sa totoo lang ay wala akong pakialam kung nakawin iyon dahil painting lang naman iyon. Pero kitang kita ko kung papaano pinatay ang tatay ko. Pinatay siya ng kuya mo at tinangay ang painting. Kitang kita ko” lumuluha na ang binata.

“Sa simula pa lang ay alam kong kapatid mo siya, sinadya kong mag-enroll sa eskwelahang pinapasukan mo nang sa gayon ay mapalapit sa’yo at mabigyan ako ng pagkakataon na makita siya, mapatay siya. Pero hindi nangyari iyon, dahil tatlong taon na ang nakakalipas ay hindi na bumalik dito sa Pilipinas ang kuya mo” patuloy na pagkukwento ng lalaki habang umiiyak

“Pero hindi bale, ngayon ay makakapaghiganti na ako, mararanasan ng kapatid ng kriminal na iyon kung paano mawalan ng isang minamahal” matapos ang sinabi niyang iyon ay dinukot ng binata ang maliit na kutsilyo mula sa bulsa ng kanyang pantalon at mabilis na itinarak sa sarili nitong leeg.

Bagsak sa sahig ang duguan at walang buhay na katawan ni Alex.

Hindi natinag sa pagkakatayo si Jane habang nakatitig sa walang buhay na katawan ng kasintahan. Maya-maya ay ngumiti ito.

“Sa simula pa lang ay alam kong ikaw ang anak ng napatay ni kuya, at alam kong darating sa ganitong punto na sasamahan mo ako sa lugar na ito” matapos ang huling salitang iyon ay mabilis na tinanggal ng dalaga ang lahat ng painting na nakasabit sa dingding ng bahay na iyon at dali-daling nilisan ang lugar dala ang mga ito.

Sa kuwarto ng lumang bahay na iyon ay pumasok ang isang matandang babae, lumapit sa walang buhay na katawan ng binata.

Salamat at binalikan mong muli ang bahay na ito, “wag kang mag-alala apo, patuloy pa rin akong maglilinis dito habang nabubuhay pa ako”

Linggo, Oktubre 29, 2017

Isang pares ng tsinelas

Habang tinatanggal ko ang aking mga gamit sa aking kuwarto na ngayon nga ay hindi na sa akin, ay may napansin akong isang bagay.

Isa iyong kahon na may tali at nakasabit sa dingding katabi ng gitara. Naglalaman ito ng isang pares ng tsinelas na iniregalo niya sa akin noong pasko, halos magdadalawang taon na ang nakakaraan.

Ilang beses ko lang ginamit ang nasabing tsinelas sapagkat ayokong masira o maluma ito. Iyon na lang kasi ang natitirang bagay na remembrance galing sa kanya bukod sa couple ring namin na hanggang ngayon ay suot suot ko pa.

Binuksan ko ang kahon, kinuha ang laman nito at isinukat. Aba, at kasyang kasya talaga sa aking mga paa. Mukhang bago pa rin ito, hindi halatang halos magdadalawang taon ko na itong iniingatan. Napangiti ako sa nararamdamang saya.

Naalala kong bigla ‘yong sinabing pamahiin sa akin ng nanay ko noong nakita niyang niregaluhan ako ng girlfriend ko ng isang pares ng tsinelas.

"Naku, bakit tsinelas? Alam mo ba ang ibig sabihin niyan?" sabi sa akin ng nanay ko.

"Bakit po? Anong ibig sabihin noon?" tanong ko.

"Kapag niregaluhan ka daw ng tsinelas, ang taong nagregalo daw sa iyo nun ay iiwanan ka." sagot ni nanay.

Siyempre, hindi ako naniwala. Eh hindi naman kasi talaga ako naniniwala sa mga pamahiin eh. At saka isa pa, malakas ang kumpiyansa ko na hindi kami magkakahiwalay, nagmamahalan kami eh, may respeto at pag-unawa sa isa’t isa. Tatagal ba naman kami ng dalawang taon kung hindi kami ganoon katibay sa pinanghahawakan naming relasyon.

Marami na kaming pinagdaanan na masasabi kong nagpatatag sa relasyong meron kami. Andoon ako sa mga oras na kinakailangan niya ako. At nakasisiguro rin akong ganoon din siya, hinding hindi niya ako iiwanan sa mga oras na kailangan ko siya at kailangan ko ng kakampi.

Ayun ang ipinagyayabang ko kung kaya’t hindi ako natatakot sa kung anumang pamahiin na sinasabi ng nanay ko na iiwanan niya raw ako at maghihiwalay kami. Mawala na ang lahat sa akin pero hindi ako makapapayag na mawala siya.

Nagmamahalan kami, may respeto at pag-unawa sa bawat isa. Hindi kami kayang paghiwalayin ng kahit na sino, ng kung ano mang bagay o problema. Ganun kami katibay, walang bumibitaw.

Pero habang tinititigan ko ang isang pares ng tsinelas na suot suot ko ngayon, bigla akong nalungkot, hinubad ko ang tsinelas at muling ipinasok sa kahon.

Lagpas isang taon na kasi kaming hiwalay at hanggang ngayon ay wala pa rin akong makuhang maayos na sagot mula sa kanya.

mukha yatang totoo ‘yong pamahiin na sinabi sa akin dati ng nanay ko.


Tanginang pamahiin yan, natiyambahan ako.


ito 'yong mismong pares ng tsinelas na kuha ko gamit ang mumurahin kong cellphone (credit to me)

Huwebes, Oktubre 26, 2017

Langgam

"Kung magiging hayop o nilalang ka, ano ka?"

Iyan ang palaging tanong ng mga kaibigan ko kapag napupunta ang aming usapan sa isang walang kabuluhang bagay. At dahil parepareho kaming sablay kung mag-isip, walang kabuluhang sagot din ang mga sasabihin namin.

"Tahong!" ang sagot ko.

"Bakit tahong?" tanong nila na halatang naghihintay ng walang kabuluhang paliwanag sa walang kabuluhang kasagutan para sa isang walang kabuluhang tanong.

Tahong ang isinagot ko dahil naisip ko na napakasimple ng buhay ng isang tahong. Walang obligasyon, hindi mo kailangang magpagod at magaksaya ng lakas para mabuhay. Ang dapat mo lang gawin ay manatiling nakakapit sa bato o kawayan kasama ng iba pang mga tahong.

Subalit sa loob-loob ko, ano nga ba ako kung hindi ako tao?

Sa puntong iyon ay nagkaroon ng kwenta ang kaninang walang kabuluhang tanong, nanghihingi na ito ng makabuluhang sagot.

Ano nga ba ako kung hindi ako tao?

Marahil ay isa akong langgam, isang masipag na langgam. Maliit na nilalang subalit may pambihirang lakas upang pasanin ang alin mang bagay na sampung beses na mas mabigat sa kanya.

Maikli lang ang buhay ng langgam, masuwerte na ito kapag umabot sila ng isang buwan. Sa kabila ng sobrang ikling panahon ng kanilang pamamalagi sa mundo ay hindi sila huminto sa pagtatrabaho. Isang bagay na nakadikit na sa kanilang pagkatao (pagkalanggam pala). isang kapakinabangan na maipapasa nila sa mga susunod pang saling lahi.

Pero isa sa pinakadahilan ko kung bakit pinili ko ang pagiging langgam?

Iyon ay dahil kagaya ng langgam, nais kong maging makabuluhan ang buhay ko.

Bagama't maikli lang ang buhay na ibinigay sa akin upang mamalagi rito sa mundo, gagamitin ko ang bawat segundo nito upang paglingkuran ang nagiisang reyna ko.

Martes, Oktubre 17, 2017

Unang pagkikita

Noong bata pa lang ako ay pinangarap na agad kita, ewan ko ba kung bakit, pero napapangiti ako kapag nakikita ko ang larawan mo sa mga libro, magazine at telebisyon ng kapit bahay na palagi kong pinapakinooran.

Sinabi ko sa sarili ko na balang araw ay pupuntahan kita sa probinsiya mo. Hintayin mo akong lumaki upang ng sa gayon ay magkaroon ng sapat na halaga at pagkakataon para masilayan kita ng personal.

Palagi kitang iginuguhit sa kahit anong papel. Sa tingin ko ay nahihiya ang bawat papel na ginuguhitan ko dahil sa kaperpektuhan mo. Para sa akin ay ikaw na ang pinaka, palaging maganda sa kahit anong anggulong maaari kang tignan.

Mula pagkabata hanggang makatapos ako ng dalawang taon sa kolehiyo ay nakasanayan ko na ang ganoon, iguhit at pangarapin ka.

Nagkatrabaho ako, kumita ng pera na alam kong sasapat na para puntahan ka. Subalit kailangan kong isantabi ang pangarap kong iyon dahil napakaraming mas importanteng bagay pa akong dapat pagkagastusan. Pero pangako, pupuntahan kita.

Nagtipid pa ng husto, may sobrang naipon bukod pa sa naibigay ko sa nanay ko na panggastos namin para sa isang buong kinsenas. Subalit hindi ko alam kung papaano puntahan ang probinsiya mo kung saan ka naroroon. Alam ko, naniniwala ako, nararamdaman ko na makikita pa rin kita.

Nagyaya ang tropa, nag-isip kung saan pupunta noong tag-araw na iyon. Napagkasunduan na sa Bicol daw. Teka, iyon ang probinsya kung nasaan ka diba? Eto na ba yun? Makikita na ba kita?

Gabi kami bumiyahe papunta, panay ang tanaw ko sa bintana, baka sakaling makita kita, subalit bigo ako, Hindi sapat ang liwanag ng buwan para ipamalas sa aking mga mata na andoon ka, kung talagang andoon ka nga. dumating kami kinaumagahan sa destinasyon namin na hindi man lang kita nakita kahit saglit lang.

Hindi na ako umasa, malaki ang probinsiyang iyon, siguro ay nasa kabilang bahagi ka, o ayaw mo lang talagang magpakita sa akin.

Masaya kaming bumiyahe pauwi, baon ang mga ala-ala ng malaparaisong naggagandahang isla ng probinsiya mo. Subalit alam kong may kulang, hindi kita nakita.

Sa kalagitnaan ng pag-andar ng bus na sinasakyan namin ay napansin kong biglang naglabas ng mga cellphone at camera ang mga kasakay namin. Ang iba sa kanila ay nakarungaw sa bintana, nakirungaw na rin ako.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita kita. Hindi ko alam kung tinitignan mo rin ba ako. Ayokong pumaling ng tingin, gusto kong namnamin ang saglit na kaligayahang hatid ng pagtitig sa iyo. Matagal ko itong pinangarap, mula pagkabata pa lang, ang makita ka. Pinigil ko ang luhang nagnanais lumabas dahil sa labis na kaligayahan.

Inilabas ko ang cellphone ko, mula sa pagkakarungaw sa bintana ng umaandar na bus ay kinuhanan kita ng litrato. Hindi man kita nakita ng malapitan, sapat na sa akin ang makita ng personal ang taglay mong kagandahan.


kuha ko gamit ang mumurahin kong cellphone (credit to me)




Martes, Oktubre 10, 2017

Pag-ibig sa kalye onse

Noong araw na iyon ay masaya kong pinagmamasdan ang aking pitong taong gulang na anak na aliw na aliw sa paglalaro sa gilid ng kahabaan ng eskinitang iyon, ang kalye onse. Tahanan ng mga uhuging batang maghapong naglalaro at nagtatakbuhan mula umaga hanggang dis-oras ng gabi.

Tahimik nitong pinipitas ang mga bulaklak ng tanim na halamang santan ni aling Silmeng na nakatanim sa gilid ng eskinitang iyon. Sisipsipin ang katas nito at pagkatapos ay itatapon ang wala ng katas na bulaklak sa maruming kanal na bagsakan ng dumi ng mga residente roon.

Gustong gusto ko talagang tanawin ang aking anak mula sa bintana ng aking bahay. Kapag ganito kasi’y parang nakikita ko sa kanya ang sarili ko noong ako ay kasing edad pa lang niya. Katulad niya ay namimitas din ako ng bulaklak ng halamang tanim ni aling Silmeng, hindi pa santan ang nakatanim dati roon kundi gumamela. Pipitasin ko ang mga bulaklak nito, pupukpukin iyon gamit ang buhay na bato hanggang sa malamog, ilalagay sa tabo,  lalagyan ng kaunting tubig na may halong sabong panglaba at maaari na akong makagawa ng malalaking bulang lilipad at babangga sa hilera ng mga puting damit na sampay ni Ka-Tessie na palaging galit sa akin noong bata pa ako.

Habang giliw na giliw akong pinapanood ang aking anak ay pumukaw sa aking atensiyon ang paglapit sa kanya ng isang batang babaeng kaedad niya. Base sa mga kilos nila ay kinakausap ng lumapit ang aking anak. Sa una ay hindi natinag ang aking anak sa pamimitas ng mga bulaklak, hindi pinapansin ang batang babae. Subalit ilang sandali pa ay inabutan na nito ang batang babae ng isang bugkos ng bulaklak ng santan. Ginaya nito ang ginagawa ng anak ko, nakipitas at nakisipsip na rin ng katas ng bulaklak.

Dinala ako ng mga eksenang iyon sa isang bahagi ng aking kabataan. Hindi ba’t sa gilid din ng eskinitang iyon una kong nakita si Raine, ang ina ng aking anak na kasalukuyan kong pinagmamasdan.

Pitong taong gulang lang din ako noon, aliw na aliw kong pinapaanod ang mga dala kong tansan sa agos ng maruming tubig ng kanal sa kahabaan ng eskinitang iyon nang biglang may lumapit na batang babae sa akin na halos kaedaran ko lang din.

“Hoy bata, marumi yan.” Sabi ng dumating.

Hindi ko siya pinansin, patuloy pa rin ako sa pagpapaanod ng mga tansan.

“Hoy bata, marumi yan.” Ulit niya.

Tiningala ko ang nagsalita.

“Sino ka?” tanong ko.

“Raine.” sagot niya.

Hindi ko pa rin siya kinausap matapos niyang sabihin ang pangalan niya pero inabot ko sa kanya ang ilan sa mga tansan ko at nagsimula na rin siyang samahan ako sa pagpapaanod ng mga ito sa agos ng maruming tubig ng kanal.

Masasabi kong masaya ang naging kabataan ko, isa ako sa mga uhuging batang naglaro at nakitakbo sa kahabaan ng eskinitang iyon. Kasama ang mga kaedaran kong bata ay masaya naming ginampanan ang parte namin sa lugar na iyon, ang pangungulit. Halos lahat ng pinto sa eskinitang iyon ay sinulatan namin ng dala naming chalk, mas malas ang pinto kapag pentel pen ang dala namin. Hindi rin namin pinapalagpas ang mga tsinelas na naiiwan sa labas ng pintuan, ewan ko ba kung bakit, pero kinakailangan ata talaga naming itago ang isa sa pares ng mga tsinelas na iyon at hihintayin ang magiging reaksiyon ng may-ari kapag maghahanap na ito.

Masaya ang naging kabataan ko, pero mas sumaya ito ng dumating na Si Raine sa buhay ko.

Kasama na namin siyang magsulat ng chalk o pentel pen sa bawat pinto ng eskinitang iyon. Magtago ng tsinelas na naiwan sa labas ng pinto. Mamitas ng bulaklak sa tanim ni aling silmeng, magpaanod ng kung anu anong bagay sa maruming tubig ng kanal at gampanan ang aming papel bilang makukulit na bata ng eskinitang iyon.

Saksi sa aming paglaki ang mga buhol buhol na kawad ng kuryenteng nagbibigay ng ilegal ngunit libreng pailaw at patong patong na itim na tubo na nagbibigay ng ilegal ngunit libreng patubig para sa mga kabahayan doon.

Ang hindi sementado at maputik na daan ng eskinitang iyon ang sumubaybay kung paano kami nahulog sa isat-isa noong nagdalaga at nagbinata na kami.

Kinilig ang halamang nakatanim sa gilid ng eskinitang iyon ng marinig ang aking pagtatapat ng wagas na pag-ibig para kay Raine. Tila huminto sa pag-agos ang maruming tubig ng kanal ng sabihin sa akin ni Raine na mahal niya rin ako.

Masaya naming pinagsaluhan ang wagas na pag-ibig namin para sa isat-isa. Palibhasay parehong laki sa hirap kaya pareho kami kung papaano mag-isip.

“Ilan ang gusto mong maging anak natin?” mula sa katahimikan ng gabi ay biglang lumabas sa kanyang bibig ang tanong na iyon habang ang kanyang ulo ay nakahilig sa aking balikat.

Iyon na yata ang pinakamagandang tanong na narinig ko sa buong buhay ko. Sari-saring kaisipan ang naglaro sa isip ko noong mga oras na iyon. Nandoong makikipaglaro ako sa magiging anak namin, ipapasan ko ito sa aking balikat, palalakihin bilang isang mabuting bata, susuportahan ito sa kanyang mga magiging desisyon at pagmamasdan ang bawat pag-galaw nito mula pagkabata hanggang sa maabot nito ang kanyang mga pangarap.

“Isa lang.” matipid kong sagot habang patuloy pa rin sa mga isiping kumikiliti sa aking puso.

“Kinikilig ka no?” nakangiti niyang tanong.

Hindi ko na sinagot ang huling tanong niya, sa halip ay ikinulong ko siya sa aking mga bisig habang nakarungaw kami sa bintana ng aking kuwarto kung saan buhol buhol na kawad ng kuryente ang makikita.

Kung tunay ang pag-ibig, hindi ba’t hindi dapat ito kumupas?

Isang dekada kaming nagmahalan, liban pa sa mga panahon noong mga bata pa kami. Maayos ang lahat, kampante kaming kami na hanggang sa dulo. Pero bakit ganun? Sadya bang kumukupas kahit ang tunay na pag-ibig? Nababawasan ba ito? Naglalaho?

Hindi ko malilimutan ang gabing iyon, sa isang bahagi ng eskinita kung saan nakatanim ang gumamela ni aling Silmeng, umiiyak siya.

“Par, sorry! Kasalanan ko, sorry,” hagulgol ni Raine kasabay ng kanyang mga hikbi.

Iyon ‘yong gabing nalaman kong tatlong buwan na pala silang may relasyon ng bagong lipat naming kapit bahay na si Vong. Ang bilis nga eh, kasi apat na buwan pa lang mula ng lumipat sa lugar namin si Vong eh tatlong buwan na pala ang relasyon nila.

Walang kahit anong salita ang lumabas sa bibig ko noong gabing iyon, tanging luha, pigil na hikbi at sama ng loob lamang ay sapat na para ipahiwatig sa kanya kung gaano kasakit ang kasalukuyan kong nararamdaman.

Saksi ang maruming tubig sa kahabaan ng kanal, ang buhol buhol na kawad ng kuryante, ang patong patong na itim na tubo ng tubig, ang halaman ni aling Silmeng, ang nakahilerang mga sampay ni ka-Tessie at ang mga pinto sa eskintang iyon kung papaano ako nasaktan ng katotohanang maaari palang magbago ang damdamin ng isang tao.

Ang tingin ko sa lahat ng bagay sa mga oras na iyon ay kasinungalingan. Kung may isang bagay man na alam kong totoo, iyon ay ang wagas kong pag-ibig para kay Raine.

Kung totoo at wagas ang pag-ibig, walang maaaring maging dahilan para hindi ito ipaglaban.

Lumaban ako.

Sa kabila ng katotohanang talo na ako mula sa puntong iyon.

Lumaban ako kahit kapirasong tagumpay na lang ang maaaring mapanalunan ko.

Ngayon nga ay pinagmamasdan ko ang anak namin ni Raine mula sa bintanang dinurungawan ko. Wala na ang kaninang batang babaeng kalaro nito. Nilapitan ni Raine ang aming anak, tumingin sila sa kinaroroonan ko, at kumaway kasabay ng kanilang matamis na mga ngiti. Kumaway din ako sa kanila at ngumiti. Wala talagang tatalo sa larawan ng mag-ina kapag ang ama na ang tumitingin.

Maya maya’y lumapit si Vong sa kinaroroonan ng aking mag-ina, yumakap ang anak ko sa lalaki, umakbay ang lalaki sa ina ng aking anak at magkakasabay silang pumasok sa kanilang bahay.

Walang alam si Vong, ang tanging nakakaalam lang ng totoo ay ako, si Raine, ang maruming tubig sa kahabaan ng kanal, ang buhol buhol na kawad ng kuryante, ang patong patong na itim na tubo ng tubig, ang halaman ni aling Silmeng, ang nakahilerang mga sampay ni ka-Tessie at ang mga pinto sa eskinitang iyon na kung tawagin ay kalye onse, tahanan ng mga uhuging batang kinabilangan namin ni Raine.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9



Kapangyarihang dulot

Kapag naririnig mo ang salitang sachet? Ano  ang mga bagay na pumapasok sa isip mo? Pareho ba tayo ng iniisip? Iniisip mo rin ba na ang iniisip ko ay katulad din ng sa iyo? Masama?

Sa totoo lang ay wala naman talagang masama sa salitang sachet. Pero kapag ang maliit na paketeng iyan ay nalagyan na ng puting bagay sa loob, kapag naibenta na, kapag nagamit na at kapag may nasirang buhay na dahil dito, doon na nagiging masama.

Makapangyarihan ang laman ang paketeng iyan, hanggang sa ngayon nga ay ginagamit pa rin itong sandata ng iba sa atin. Kapag mayroon ka kasi nito, kapag naikarga na sa sistema mo ay siguradong lalakas ka at walang kahit anong bagay ang hindi mo kakayaning gawin. Nakakapagbigay ito ng kakaibang lakas upang hindi ka makaramdaman ng pagod at manatiling dilat sa gabi.

Kaya sa mga empleyado diyang panggabi ang trabaho. Alam na!

Kapag guwardiya ka? Hindi ka nito patutulugin, magdamag mong mababantayan ang dapat mong bantayan. ‘Wag ka lang magugulat at baka mabaril mo ang inosenteng taong tumatakbo dahil naisip mong magnanakaw ito.

Kapag driver ka? Hindi ka nito patutulugin, magkakaroon ka ng pambihirang lakas na kinakailangan mo para makapasada hanggang mag-umaga. ‘Wag ka lang matuliro at biglang maisip na baka pwedeng tubuan ng pakpak at paliparin ang minamaneho mong sasakyan na de gulong lang.

Kung call center agent ka? Hindi ka nito patutulugin, bibigyan ka nito ng kakaibang katalinuhan para makapagenglish. ‘Wag ka lang mabaliw at baka makapag-imbento ka ng mga English words na hindi kailanman makikita sa diksiyonaryo.

Kung mabuting mamamayan ka naman na inosente at hindi gumagamit? Hindi ka rin nito patutulugin, sa pag-aalalang baka isa sa mga nakakasabay mong maglakad sa gabi ay kargado ng kapangyarihan mula sa drogang pinagmulan nito.

Sa ngayon nga ay ginagamit din itong sandata ng ilang tiwaling pulis, sa ibang kapamaraanan nga lang.

Kung ang mga sibilyan ay kailangan itong tunawin at singhutin para makuha ang natatanging lakas na ibinibigay nito, iba naman ang paggamit ng mga tiwaling pulis dito. Para itong bombang kailangan nilang itanim, maghihintay ng pagkakataon, pasasabugin at wawasak sa pagkatao ng sinumang mamalasing mataniman, inosente man o hindi.

Ginagamit din ito ng mayaman. para saan? Siyempre para mas yumaman.

Ginagamit mas lalo ito ng mahihirap. Para saan? Para mas payamanin ang mayayaman.

May isang bagay lang akong hindi matanggap. Bakit kapag mayaman ang nahulihan, may mahabang prosesong pagdaraanan at may pagkakataong maabsuwelto? Pero kapag mahihirap ang nahulihan, aba, patayin na yan!

Lahat naman siguro tayo ay alam na walang mabuting maidudulot ang puting laman ng maliit na paketeng iyan. Kaya nga hindi ko maintindihan kung bakit marami pa rin sa atin ang tila pinanawan na ng tamang pag-iisp sa pagyakap ng panandaliang kasarapan at pagkamit ng natatanging kapangyarihang nakukuha sa paulit-ulit na pag-gamit nito.

Pipitikin ang mumunting pakete.

Makikipagtitigan sa puting laman nito.

Ilalagay sa ikinurbang foil.

Paiinitan ang ilalim sa pamamagitan ng lighter na pinahina ang apoy.

Pagugulungin ang dapat gumulong.

Hihigupin ang dapat higupin gamit ang foil na inihulmang kagaya ng straw.

Solved.

May kapangyarihan ka na.

Limot pa ang problema.

Tumpak! Nalimutan nga ang problema. Pero ang malaking tanong, nalunasan ba? O kahit nabawasan man lang? O mas gumawa pa ng maidadagdag sa mga nariyan ng problemang nais mong limutin?

Bigla kong naalala ang isang proyektong ipinagawa sa amin ng aming guro noong nag-aaral pa ako sa sekondarya. Kailangan kong humanap ng isang tao na mayroong kamag-anak na gumagamit. Kakapanayamin ko ito at itatala ang mga naging negatibong epekto nito sa kanya at sa kanilang pamilya.

Siguradong meron, imposibleng wala.

Kakahanap ko ng taong pwedeng kapanayamin ay natagpuan kong ang sarili ko na pala ang tinatanong ko. Sarili ko na rin ang sumagot sa mga katanungan na ako rin ang nagbibigay.

Bakit hindi?

Lalayo pa ba ako? eh hindi lingid sa kaalaman ko na gumagamit ang aking ama.

Pero sino ang masasabing biktima? Sino ang nilukuban ng kapangyarihan? Sino ang nakinabang sa kapangyarihan? O mas magandang tanong siguro ay kung sino ang sinira nito.

Ang tatay ko na nalulong sa pag-gamit? Isa sa pinakamagaling na karpintero na kapag kumikita ay mas inuuna pang pagkagastahan ang bisyo kesa sa amin.

O ang nanay ko na lahat ng pwedeng itinda ay itininda na maitawid lang ang aming araw-araw na hindi kami nagugutom at may maibaon sa eskwela kahit papaano?

O ang dalawang ate ko na hindi nakapagtapos dahil walang perang maipangtustos?

O ang kuya ko na matagal na nagtiis sa mababang sahod may maipangsuporta lang sa pamilya namin at mapagtapos ako sa sekondarya at kolehiyo?

O ang bunso kong kapatid na halos sundan na ang yapak ng aking ama?

O ako na tinakasan na ng kumpiyansang ipagmalaki ang buhay at pagkataong meron ako?

Umabot ako sa edad na 27 na hindi ako gumamit, tumikim o nagtangka man lang. Subalit parang sa akin direktang tumama ang malasibat na epektong dulot ng kapangyarihang nakukuha sa bagay na iyan na nagtatago sa puting kulay nito na nasa loob ng selyadong paketeng nagkalat na sa mundo.

Kung malaki man ang naging epekto nito sa buhay ko…

Sisiguraduhin kong hindi sa mga magiging anak ko…

Hinding hindi ako gagamit nito…

Itinataga ko sa bato…

Hindi ako kukuha ng kapangyarihang nagmumula sa bato…


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9



Idol ko ti Hetut

Namumroblema ang batang si Boyet dahil sa ibinigay na assignment ng kanilang guro. Iyon ang kasalukuyan niyang iniisip habang naglalakad pauwi ng kanilang mumunting kubo.

Sinabi kasi ng kanilang guro na bukas ay isa-isa silang tatayo sa harapan ng klase upang sabihin kung sino ang kanilang Idolo at magkukuwento kung bakit nila ito iniidolo.

At sino nga ba ang idolo na kanyang ibibida bukas? Wala siyang maisip dahil hindi katulad ng mga kaklase niya sa unang baitang ay wala siyang kilalang mga super hero bukod sa power rangers na naririnig niya lang sa mga kwentuhan ng mga batang kalaro niya sa eskwelahan.

Wala kasi silang TV sa kubo nila kaya wala siyang ideya kung sino-sino na nga ba ang mga kilalang super hero bukod sa power rangers at kung karapat dapat nga ba silang ildolohin.

Alam niya na! Itatanong niya sa nanay niya kapag nasa bahay na siya.

Pagkarating niya sa kubo ay naabutan niyang muli ang kanyang inay na binabasa ang isang makapal na libro. Ito yata ang paborito nitong libro dahil ito ang nakikita niyang palagi nitong binabasa araw-araw. O baka hindi paborito, nagkataon lang na iyon lang naman ang nag-iisang libro sa loob ng kubo nila maliban sa mga textbook niya sa paaralan.

“Nay, tino pong idolo niyo?” tanong ng bulol na bata sa kanyang inay.

“Bakit mo tinatanong anak?” balik na tanong ng kanyang ina.

“Kati po, tabi ni Maam, tatabihin namin bukat kung tino ang idolo namin” paliwanag ng bata.

“’Yun naman pala eh, sino ba ang idolo ng anak ko?” malambing na tinig ng kanyang ina.

Mabilis na bumalik sa isip ng bata ang lahat ng ikinuwento sa kanya ng kanyang inay, kuwentong nanggaling sa hawak nitong makapal na librong araw-araw binabasa.

“Alam ko na nay, tiya ang idolo ko.” Masayang sagot ng bata sabay takbo sa kanyang kwarto.

Kinabukasan ay isa-isa nga silang tinawag at pinatayo sa harap ng klase para sabihin kung sino ang kanilang idolo at magkwento kung bakit ito ang napili nilang idolohin.

Tulad ng inaasahan ay puro super hero ang idolo ng kanyang mga kaklase. May nagbanggit ng superman, wonder woman, captain barbel, darna at ang walang kamatayang power rangers.

Bakit nga naman hindi ito ang pipiliin ng mga bata? Bukod sa may mga kapangyarihan ito ay tumutulong pa sa mga nangangailangan at nilalabanan ang mga masasamang loob.

“Oh Boyet, ikaw na ang susunod.” Pagtawag ng guro sa nahihiyang bata.

Mabilis itong tumayo at pumunta sa harapan pero parang pipi na hindi agad nakapagsalita na naging dahilan ng tawanan ng iba pang mga bata.

“Sige na Boyet, magkuwento ka na tungkol sa idolo mo.” Dugtong ng guro sa mga naunang sinabi.

Nagsimulang magsalita si Boyet at tumahimik ang ibang mga bata.

“Wala po kaming TV kaya hindi ko pa nakikita ang idolo ko. Pelo tabi ta akin ni nanay ay totoo law tiya. Tabi pa ta akin ni nanay, may kapangyalihan din daw tiya kati dati law pinalami law niya ang tinapay at itda pala ipakain ta malaming taong nagugutom. Melon din tiyang madyik dahil nagpapagaling tiya ng bulag, pipi at pilay, pelo ang pinakagutto ko ay yung may humawak ta damit niya taput gumaling agad. Kato nga lang, namatay din daw ang idolo ko, ipinako daw tiya sa klut. Pelo naniniwala ako na buhay tiya dahil kapag dumadating ng bahay ang nanay ko pagkagaling sa timbahan ay palagi tiyang may dalang pagkain at tigulado akong kay Hetut galing iyon. Tiya po ang Idolo ko, si Hetut.”

Hindi natinag sa pagkakangiti si boyet habang nagkukwento tungkol sa idolo niya.

Palakpakan ang mga bata.

Pumalakpak din ang guro, nakangiti pero halata ang pinunasang luha sa mga mata. Alam kasi nito na wala ng ama ang bata at itinataguyod na lamang itong mag-isa ng kanyang ina sa pamamagitan ng pagtitinda ng sampagita sa harap ng simbahan.

“Boyet, sabi mo wala kayong TV diba? Ipapadala ko sa bahay ninyo ang TV namin bilang premyo mo.” Nakangiting tinig ng guro.

“Hindi po pwede Maam” mabilis na sagot ng bata.

“Bakit?” tanong ng guro.

“Wala po kaming kulyente.” Sagot ulit ng bata habang nagkakamot ng ulo.

Tawanan ang mga bata sa loob ng klase, nakitawa na rin ang guro.  



Ito ay lahok sa Saranggola blog awards 9




Gamit ng karton, Pasaway at Hari

Unang tula: Gamit ng karton

Handa na ang karton na pagsusulatan,
letrang nagsasabing ‘di dapat tularan
Ang hatid ay takot, pati agam-agam
sa mga lumabag o inosente man.

Hanap at siyasat, ito’ng nararapat.
Roleta ng bala’y kanino tatapat?
Pagmamakaawa’y hindi na sasapat.
Ika’y sisingilin at ito ang dapat.

Piniringang mata, itinaling kamay.
Manlaban o hindi’y siguradong patay.
Iniwang katawan at wala ng buhay
na may karatulang kadikit ng bangkay


Ikalawang tula: Pasaway

Malalaking titik ang magkakasama,
ni walang dahilan para ‘di makita.
Bawal daw tumawid at may namatay na.
Sadya bang matapang o di kaya’y tanga?

Malinaw ang ibig sabihin sa iyo
na ‘wag mong subukan ang tumawid dito.
Subalit kay kitid, kay tigas ng ulo
Walang alinlangan, diretso ang takbo.

Singbilis ng hangin at halos lumipad.
Walang tingin-tingin, di kukupad-kupad.
Malaki ang hakbang, karipas ang lakad,
kung may babangga man ay handang umigtad.


Ikatlong tula: Hari

Anong kasalanan? Bakit ka nariyan?
Pinagtitinginan, mukha ay duguan.
Sa kahoy na iyan, lapat ang katawan
May apat pang letra sa iyong ulunan.

Ako’y nagtaka, anong ibig sabihin?
Titik sa tabla, aking nais alamin.
Sagot ay nakuha, wakas ng isipin
Ang hari’y ikaw nga, panginoon ko rin.

Hari raw ng hudyo, ‘yon ang kahulugan
sa itaas ng krus na ‘yong pinaglagyan.
Bakit ka ‘pinako? Bakit ka sinaktan?
Kapalit ng pagtangis ay kaligtasan.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9



Lunes, Oktubre 9, 2017

Martes, Oktubre 3, 2017

Sea side (MOA)

Pitong taon na rin buhat ng huli kong inilaan ang oras ko para magpalipas ng sama ng loob at napakahabang oras sa piling mo. Parang may isang pagkatao sa aking sarili na nagsasabing dapat ulit kitang puntahan at makipagtitigan sa iyo. Ewan ko ba pero kailangan atang kalingahin mo ulit ako, kailangang maramdaman ulit ng aking puwetan ang mainit mong semento, ang mahabang bato na inuupuan din ng maraming taong nagpupunta roon. Nangungulila akong pagmasdang muli ang banayad at mga mumunti mong alon na nagpakalma sa nagagalit kong damdamin noon.

Hindi ba't naging saksi ka sa dalamhati ko't pagkatulala? Alam kong nabatid mo rin kung ano ang iniisip ko noon, na ano mang oras ay pwede akong tumalon sa malalim mong tubig. Naisip ko kasing baka kaya nitong hugasan ang lahat ng sakit na dinadala ko noong mga panahon na iyon.

Halos araw-araw kitang pinupuntahan noon, sa isang bahagi ng lugar na iyon ay magmumukmok ako. Hihintayin ang dilim ng gabi upang sa gayon ay ikaw lang ang makakakita sa aking pag-iyak. Hindi mo ako pinatahan, hinayaan mo lang akong lumuha, pagiyak na hindi dapat sabayan ng tunog dahil baka may ibang makarinig.

Araw-araw mo akong kinanlong noon, pinanood mo kung paano ko isinalin ang bawat damdamin sa mga letrang isinusulat ko sa dala kong papel. Ikaw ang naging tagapakinig ko sa mga panahong wala akong nais pagsabihan ng aking pinagdaraanan.

Isang araw ay pinuntahan kita, iyon na ang huling punta ko. Niloko kita, nagkunyari akong masaya at malakas na. Ginamit ko ang kasinungalingang iyon para magkaroon ako ng dahilan para hindi na kita muna puntahan. Naisip ko na baka pag pinagpatuloy ko ang araw araw na pagmumukmok at pakikipagtitigan sa iyo ay baka mas lalo lang akong mapako sa kalungkutan, na baka hindi na ako makausad.

At pitong taon na nga ang lumipas. Pagkagaling sa opisina ay dumeretso ako sa lugar kung nasaan ka, alam kong nanatili ka roon at hinding hindi ka aalis. Gusto kong muling makita ka, ilaan ang ilang sandaling oras ko para magkuwento sa iyo. Ipagmamalaki ko sa iyo na masaya na ako, hindi na ako malungkot kagaya ng dating ako na kinupkop mo.

Nakakaramdam na muli ako ng pagibig, bagay na pinaghuhugutan ng aking kasiyahan.

Ilang hakbang na lang ay makakapagkwentuhan na tayo.

Ngunit hindi ko itinuloy ang huling mga natitirang hakbang.

Ang sabi ko rati'y babalikan kita kapag totoong masaya at malakas na ako.

Oo at totoong masaya na ako.

Subalit hindi naging malakas.

Nanatili akong mahina, kahinaang mas nakapagparagdag sa karuwagan ko.

Takot na baka muling masaktan.

Miss ko siya bigla

Sa itinagal-tagal ng pamamalagi ko dito sa mundo, isang beses pa lang ata ako nagkaroon ng babaeng bestfriend. Hindi ko alam kung ganun din ang turing niya sa akin,  pero ganun talaga ang turing ko sa kanya.

Sa lahat ng mga babaeng naging kaklase ko ng portyir hayskul ako eh hindi ko alam kung bakit siya ang nakapalagayang loob ko. Mataas ang respeto ko sa kanya na bihirang bihira kong maramdaman sa ibang kababaihan. Ni minsan ay hindi ko siya pinag isipan ng masama, iginagalang ko yun eh. Best friend lang talaga, walang malisya.

Napakatalino niya, siya nga ang top 1 sa klasrum namin eh, samantalang ako ay top 8 lang. Kung minsan nga ay siya ang gumagawa ng quiz ko na hindi ko talaga kayang isolb dahil hindi naman Math ang paborito kong subject kundi Filipino. Madalas kaming magkasabay na sumakay ng jeep kapag uwian na, at paminsan minsan ay inililibre pa ako ng pamasahe. Kapag mayroon kaming swimming ay madalas na kami ang magkasalong kumain sa iisang plato na nakakamay pa, walang hiya hiya, siya ang bestfriend ko eh. Marami ding nag akala na magsyota kami, pero mali sila. Hindi ko siya nobya at hindi niya ko nobyo, siya ang matalik kong kaibigan.

Siya na ang pinaka da best na babaeng nakilala ko nung taon na yun, mabait, matalino, maganda at mapagmahal na kaibigan. Kung nagkataon lang siguro na wala akong mahal nung mga panahong yun na nasa kabilang kuwarto lang ng klasrum namin eh malamang na niligawan ko na siya.

Minsan napag usapan namin ang tungkol sa probinsya nila, isang lugar na maraming puno, mayroong ilog na may malamig at malinaw na tubig na mayroong kahoy na puwedeng patungan para tumalon. Isang lugar na pinangarap kong mapuntahan sa kadahilanang lumaki ako na walang probinsya.

May usapan kami na balang araw ay makakapasyal kami roon, isasama niya daw ako. Sabay kaming maliligo at lalangoy sa malamig at malinaw na tubig ng ilog sa probinsya nila.

Napakasuwerte ko dahil sa dinami rami ng lalaki sa eskwelahang iyon ay ako pa ang nabigyan ng pagkakataon para mapalapit sa kanya.

Dumating ang katapusan ng klase, Graduation na. Matapos ang mahabang seremonya ng pagtatapos ay niyakap niya ako at sinabing mamimis niya daw talaga ako. Gumanti ako ng yakap sa bestfriend ko pero hindi ko sinabi na mamimis ko din siya, pero ang totoo ay talagang mamimis ko siya ng sobra.

Tuloy ang buhay pagkatapos ng graduation, haharapin ko na ang buhay kolehiyo na wala ang babaeng bestfriend ko sa tabi ko. Ang huling balita ko ay nasa probinsya na siya.

Lumipas ang dalawang mabibilis na taon, nagtratrabaho ako nun sa isang pamilihan as a part time job. Hindi ko inaasahan ang pangyayaring iyon. Ni hindi sumagi sa isip ko na makikita ko siyang namimili. Grabe, siya ba ung bestfriend ko nung portyirhayskul ako? Lalo siyang gumanda at sumexy. Ang laki ng pinagbago niya, dalagang dalaga na siya. Takte na yan, crush ko na ata ang bestfriend ko.

Mula sa pagkikita naming iyon ay nagkaroon muli kami ng komunikasyon. Kapag namimili siya sa pinagtatrabahuhan ko ay madalas kaming nagkukuwentuhan ng kung anu ano. Kung minsan ay binibilhan niya pa ako ng kung anu ano na puwedeng makain. Grabe, sobrang bait talaga ng bestfriend ko. Walang ipinagbago ang ugali niya, ganun pa din siya kabuti at kasarap kasama gaya ng pagkakakilala ko sa kanya.

Nalaman ko pa na wala pala siyang  boypren nung mga panahong iyon. Puwedeng puwede ko sana siyang ligawan kung hindi lang dahil may girlfrend ako ng mga oras na iyon. Mahal na mahal ko kasi yung girlfriend ko kung kayat kahit kailan ay hindi ko nagawang makipaglandian sa iba.

Napag isip isip ko, paano kaya kung wala akong kasalukuyang minamahal noong magkaklase pa kami sa hayskul? Malamang na mahulog ako sa kanya. Paano kaya kung hindi ako nagkaroon ng kasintahan noong panahong pinagtagpo kaming muli ng pagkakataon? Marahil ay hindi ko na pinalagpas yung mga sandaling iyon. Paano kaya kung hindi na lang nagkaroon ng dahilan para hindi ko siya ligawan? Hindi ko din alam ang sagot.

Dumating ang oras na natapos na ang kontrata ko sa pamilihang pinagtatrabahuhan ko. Naputol na din ang pagkikita namin, pero patuloy pa din ang pagtetext namen sa isat isa.

Napakabilis ng panahon, nagpalit siya ng number at hindi na kami nagkatext.

 Halos taon din ang nagdaan at muli ay nagkaroon kami ng kontak. Nagkuwentuhan at nagkamustahan sa pamamagitan ng selpown. Hindi ko alam kung bakit bigla kong tinanong kung kamusta ang lablayp niya. Sinabi niya na may boypren na daw siya, katrabaho niya daw. Nung una daw ay hindi nmn daw niya mahal yung lalaki pero nang tumagal ay natutunan niya na rin daw na mahalin ito.

Naisip ko na napakaswerte nmn ng boypren niya, hiniling ko na lang sa langit na sana ay totoong mahal din siya ng boypren niya at hindi nito magawang lokohin ang bestfrend ko.

Naikuwento niya rin sa akin na naipakilala niya na din ang nasabing lalaki sa mga magulang niya at naisama niya na rin daw ito sa probinsya nila.

Naitanong ko tuloy sa sarili ko kung naipasyal nia rin kaya ung lalaking iyon sa pinagusapan naming ilog dati na matatagpuan sa probinsiya nila? Nakalangoy na kaya sila na magkasama sa malinaw at malamig na tubig ng ilog na iyon? Nagsabay na kaya silang tumalon mula sa patungang kahoy pabagsak sa malalim na tubig ng ilog?

Parang may malungkot na parte ng aking puso na nagsasabing "ako dapat yung kasama niyang pumasyal sa probinsiya nila ah, ako dapat ung kasama niyang maligo sa ilog at kasabay lumangoy."

hayyyyyy.....

Namimiss ko na ang bestfriend ko. Kapag nabasa niya kaya ito, mamimiss niya din kaya ako.?

Huwebes, Agosto 31, 2017

Bangka

(photo credit to Jesica De Borja Bernal)

Nag-iba ang lahat noong unang makita ko ang pagdaong ng bangkang iyon sa pampang ng ilog. Marami na ring bangka ang tumigil doon bago baybayin ang kahabaan ng nasabing ilog. Ang iba ay panandalian lamang ang pananatili, ang iba ay may katagalan, at ang iba ay hindi ninais na manatili roon.

Noong araw ngang iyon ay nabatid kong ito ay iba sa mga naunang bangkang nakita at nakasama ko na. napakaganda ng kasimplihan ng hitsura nito, lumitaw ang natatangi nitong ganda sa matingkad nitong asul na kulay. Pantay ang pagkakagawa ng mga katig nito na medyo pakurba ang anyo. May mga pagkakataon din na nakatali ang layag nito na para sa akin ay mas nakaragdag sa kanyang natatanging kagandahan.

Alam kong may dahilan kung bakit may mga ganoong klaseng bangka pa ang paminsan-minsang napapadpad sa pampang ng ilog na iyon na parang wala kang kahit anong masamang salitang maaaring ipintas dito. Hindi lingid sa kaalaman ko ang ginagawa nitong pag alalay sa mga maliliit na balsang tumatawid din sa ilog. Nasaksihan ko rin ang kanyang pagtulong sa isang mas maliit pang bangka upang mas lumago pa ito.

Sa ganoong katangian ay ginusto ko siya. Pinangarap na mabigyan ng pagkakataon na makasama ko ang bangkang iyon. Alam kong sa isang bahagi ng aking puso ay may malaking espasyong nakalaan para rito, para sa kanya lang. pinangarap kong makapiling ito sa mga panahon na kailangan na nitong baybayin ang kahabaan ng ilog.

Ngunit natakot ako.

Dapat ba?

Karapat-dapat ba Ang kagaya kong hamak na bangkerong walang sariling sagwan na magnais manatili sa piling ng bangkang iyon? Sapat ba ang kakayahan kong lumangoy na inaral ko lamang ng mahigit dalawang taon para makasama ko at maibigay ang bawat pangangailangan ng bangkang iyon?

Napakarami pang mga tanong na hindi ko na hinanapan pa ng kasagutan.

Dahil kapag pinilit kong hanapan ng sagot ang bawat kong tanong ay lalo lamang akong nakadarama ng panliliit sa pagiging hamak na bangkero ko.

Natatakot ako na baka ako ang maging hadlang sa mabagal na pag-usad nito upang landasin ang kahabaan ng ilog na iyon o mas nakakalungkot kung hindi na siya makausad patungo sa mas malawak pang lugar na nakatadhana para sa kanya.

Naniniwala akong mas malayo ang mararating ng bangkang iyon kapag hindi na lang ako nagsalita, kapag inilihim ko na lang ang mga dapat ilihim. Sa makatuwid ay manahimik, na hindi nito malalaman na iniibig ko ang kanyang bawat pagsabay sa mahinang alon ng tubig ng ilog na iyon.

Makuntentong pagmasdan ang kanyang paglalayag hanggang siya’y maging isang ganap na barko sa piling ng karapat-dapat na magiging kapitan nito.