Lunes, Nobyembre 7, 2022

Sityo Claridad


Gabi ng piyesta ng Sityo Claridad. Nagkasundong sunugin ng mga taga sityo ang munting kubo ni Rossally. Kasabay ng pagliyab ng munting kubong iyon ay ang alingawngaw ng sigaw ng isang babae.

"Hindi na magiging masaya ang mga bawat magiging piyesta niyo! Ikamamatay ng sino man sa inyo ang kapangahasan ng inyong mga bibig at pagkalam ng sikmura. Hindi kayo bubusugin ng pagkaganid niyo sa laman! Hindi kailan man! hiiindiii!"

Tuluyang natupok ng apoy ang kubo. Dala-dala ng mga taga sityo ang matamis na pagkakangisi sa kanilang mga mukha.

*********

"Sige na pre, sumama ka na sa akin. Ako na ang sasagot sa pamasahe mo sa eroplano." pamimilit ni Robert sabay akbay sa aking balikat.

Mag-iisang taon na rin kaming magkakilala at magkaibigan. Dalawang semestre na ang pinagsamahan namin sa eskwela bilang magkaklase. Mabait naman ito, kasundo ko sa lahat ng bagay, mga trip sa buhay, kalokohan at pagkain. Noong unang salta niya nga rito sa siyudad at naging kaklase ko sa isang subject ay mababakas mo rito ang pagkaprobinsiyano. Ang palagi niyang suot ay ang damit na may tatlong butones sa bandang parteng pagitan ng leeg at dibdib na may mahabang manggas na palagi niyang itinutupi hanggang sa siko. Mabuti na lang at maganda ang pangangatawan nito na halatang banat sa trabaho kung kaya't hindi iyon masagwang tignan. Tiniternuhan niya pa iyon ng maluwag na slacks na pantalong kulay abong plantiyadong plantiyado saka orange na rubber shoes. Palagi ring maayos ang buhok nito, naka-gel na palaging ang hati ng pagkakasuklay ay gitnang gitna.

Palagi itong nagiging tampulan ng katatawanan dahil sa pananamit niyang iyon. Nakakakunsensiya nga dahil aminado akong natatawa rin sa kanya noon  dahil sa mga pormahan niya. Kung papaano kami naging magkaibigan? simple lang, dinaan ako sa baong kakanin ng loko.

Break time noon. Nagsilabasan ang mga kaklase namin para magmeryenda. May iilang nagpaiwan sa loob ng silid, iba't iba ang dahilan. May takot maarawan, nagkukunyaring nag-aaral para magmukhang matalino at 'yung iba ay tinatamad lang talaga. Ang dahilan ko noon ay wala kasi akong pera para ipambili ng meryenda, sakto lang ang pera ko para sa pamasahe pauwi.

Nang mapatingin ako kay Robert ay nakita kong naglalabas ito ng isang supot mula sa bagpack niya. Mula sa supot na iyon ay inilabas niya ang mga nakataling suman . Nababalot iyon sa dahon ng saging. Nang maipatong niya na sa lamesa ang mga iyon ay may kinuha ulit siya sa supot kung saan nanggaling ang mga suman. Isang plastic labo  naman iyon na naglalaman ng latik na sawsawan ng suman. Hindi na ako sa kanya nakatingin nang mga oras na iyon kundi sa suman na binabalatan niya. Napalunok pa ako ng laway nang pigain niya sa suman ang plastic labo na naglalaman ng latik.

Nagulat na lang ako nang tawagin niya ako.

"Pare! Tara!." sigaw nito sa akin na bahagyang itinaas ang hawak na suman at latik, isang imbitasyong hindi ko pwedeng tanggihan. Imbitasyong nauwi sa pagkakaroon ng matalik na kaibigan.

"Ano pare? sasama ka ba?" nakaakbay pa rin ang loko sa akin.

''Ikaw ang sasagot sa pamasahe ko? Nakakahiya pare, ang mahal nun." sagot ko sa kanya, hinayaan ko lang ang mga bisig niya sa pagkakaakbay sa aking balikat.

"Ayos lang 'yun pare, marami kaming baboy, isang baboy lang ang maibenta namin eh bawi na agad ang ipapamasahe mo sa eroplano. Saka what is the friend is por diba?" muntik ko nang murahin ang loko dahil sa pag-eenglish niya. Hindi ako magaling sa english pero sigurado akong mali ang gramming niya. Tatanga-tanga talaga.

"Sige pare, sa sabado na 'yun. Doon natin ilalaan ang sembreak natin. Saktong sakto at pista rin sa amin kinabukasan 'pag dating natin doon." sambit nito, tinapik pa ako ng kanyang kamao sa dibdib bago ako talikuran at umalis.

Lumapag ang sinakyan naming eroplano sa siyudad ng Catbalogan, sumakay pa kami ng bus noon at tricycle bago marating ang tahimik na kalyeng walang katao-tao.

"'Yan pare. Papasok tayo sa gubat na iyan, mga dalawang oras na lakaran at mararating na natin ang sityo namin." sambit ng kaibigan ko sabay nguso sa kasukalan.

"Anak ng... Dalawanag oras?" sambit ko, di ko kasi akalain na may magaganap pa palang mahabang lakaran bago namin marating ang sityo nila. Habang nakasimangot ako ay siya namang pagtawa niya. Halatang nang-aasar ang loko. Eh ano pa bang magagawa ko? eh naroon na kami.

Habang tinatahak namin ang kagubatan ay unti-unting napawi ang pagkainis ko. Binusog ng kagubatang iyon ang aking paninging kay tagal nang nagnanasang makakita ng mga katulad ng kung anong mayroon sa gubat na iyon. Nagkikisigang malalaking puno, iba't ibang uri ng halaman, paminsan minsang pagsulpot ng iba't ibang uri ng kulisap at mga huni ng ibong tila nilikha ng pinakamagaling na manglilikha.

Mahigit isang oras na kaming naglalakad nang makaramdam ako ng pagkauhaw. Nanlalata na rin ang mga binti ko gawa ng mga paahong daang aming nilakad. Nagpahinga muna kami sa ilalim ng isang malaking punong may mayayabong na dahong tila ibinibida ang lilim na kanyang nagagawa. Inilapag ko ang bagpack ko at binuksan iyon. Hinalungkat ang loob subalit hindi ko natagpuan ang hinahanap ko.

"'Pag minamalas ka nga naman oh! Wala sa bag ko ang lagayan ko ng tubig. May tubig ka ba riyan pare?" tanong ko kay Robert habang nagpapatuloy sa pagkalkal ng aking bag at umaasang lilitaw roon ang lagayan ko ng tubig.

"Naku pare, nakalimutan ata natin sa bus 'yung mga baunan natin. Pero wag kang mag-alala. Madaraanan natin ang kubo ni Lola Rosally, makikiinom na lang tayo roon." sambit ng loko sabay turo sa isang bahagi ng gubat. Agad kaming tumindig at ipinagpatuloy ang lakaran.

Hindi pa man kami lubusang nakararating sa sinasabi niyang kubo ay biglang may sumulpot na matandang babae mula sa likod ng isang puno. Nakasuot ito ng duster na kumukupas na ang kulay. Medyo hukot na ang pagkakatindig nito subalit pasan pasan pa rin sa balikat ang isang batang baboy ramong  sa tingin ko ay nahuli niya mula sa liblib. Ang labis pang nakapukaw ng atensiyon ko ay ang putol nitong braso na halatang sanhi ng sunog ang dahilan dahil sa mga peklat ng braso nitong napagputulan ng bisig.

Agad itong nilapitan ni Robert, nagmano sa nag-iisang kamay nito at pagkatapos ay kinuha mula sa balikat ng matanda ang pasan nitong batang baboy ramo.  Ipinasan iyon ng kaibigan ko sa kanyang balikat.

"Lola, ako na pong magdadala nito sa kubo niyo, siya nga po pala, si Mario po, matalik kong kaibigan sa maynila. Mabait po 'yan." sambit ng kaibigan ko sabay baling ng tingin nila sa akin. Isang pilit na ngiti ang sumilay sa mukha ng matanda, sunog ang kalahati noon.

Nauna nang lumakad si Robert, ako naman ay agad na lumapit sa matanda at nagmano sa nag-iisang kamay nito. Subalit nagulat ako sa mga isinambit nito.

"Iho, umuwi ka na! Hindi ka dapat nagpunta rito. Isinubo mo lang ang sarili mo sa kamatayan. 'Yang si Robert, mabuting bata iyan, pero ang mga tao sa sityo, wag kang magpapakatiwala." nawala na sa sunog na mukha nito ang pagkakangiti.

Narating namin ang kubo ng matanda at nakainom ng tubig. Pinakain din kami nito ng nilagang saging na may sawsawang bagoong isda, makakatulong daw iyon dahil mahigit isang oras pa ang kailangan naming lakarin.

Isang oras na lakaran pa ay narating na namin ang sityo. Agad kaming sinalubong ng matatamis na ngiti ng mga tao roon, lalong lalo na ng mga magulang ni Robert. Nang ipakilala pa ako nito sa kanila ay mas lalong natuwa ang mga iyon. Halos walang paglagyan ang kasiyahan ng mga tao roon. Nagsipagpalakpakan pa nga ang iba.Tingin ko ay nasa dalawang daan hanggang tatlong daan lang ang populasyon ng mga tao roon. Kakaunti lang din kasi ang mga kabahayan.

"Pare, gustong gusto ka talaga nila. Bihira lang kasing makakita ng mga tao 'yan eh." pagpapaliwanag ni Robert sabay 'yaya sa akin para ipakita ang bahay nila at ang ipinagmamalaki niyang babuyan. Marami rin itong mga alagang iba't ibang hayop bukod sa baboy.

Sinamahan rin ako nito sa isang maliit na kubong katabi lang ng mas malaking kubo nila. Roon daw ako mamamalagi nang magdamag.

Ayos naman ang naging takbo ng hapong iyon. Bago sumapit ang gabi ay binusog ako ng mga tao roon sa iba't ibang lutong putahe na ipinagmamalaki raw nila. Baboy, kambing, kuneho, manok, bibe, at iba't ibang uri ng kakanin. Nakisayaw rin kaming magkaibigan sa mga ito sa saliw ng gitara at tunog ng pagpukpok sa kawayang lumilikha ng kakatuwang mga nota. Mabubuti at masiyahin ang mga tao roon, hindi mahirap pakibagayan.

Pagsapit ng gabi ay inihatid na ako ni Robert sa maliit na kubo na siyang tutulugan ko. Kailangan ko na raw magpahinga at bukas sa araw ng mismong pista ay mas magiging masaya pa.

Hinele ako ng mga isiping tumatakbo sa isip ko ng gabing iyon. Ang payak subalit kuntetntong pamumuhay ng mga tao sa sityo at ang sinabi ng matandang babaeng nakasalubong namin kanina sa daan papunta rito. Bakit naman hindi ko kailangang pagkatiwalan ang mga tao sa lugar na ito? eh kitang kita naman ang pagkagiliw ng mga ito at mabuting pakikisamang pinapakita sa akin? Iyon ang huling katanungan sa isip ko bago ako makatulog sa piling ng musikang hatid ng mga kuliglig.

Kinaumagahan ay ginising ako ng hinihingal kong kaibigan.

"Pare! Magmadali ka! Kailangan na nating makaalis dito. Hindi sila tutupad sa pangako nila sa akin!" siya na mismo ang humatak sa braso ko para makabangon ako sa higaan.

"Ba-bakit? A-anong problema?" tanong ko rito habang mabilis na inayos ang mga gamit ko dahil sa pagkataranta.

"Bilisan mo! 'Wa-wag mo nang dalhin 'yan." sabat nito.

Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari.

"Basta kapag binuksan ko ang pinto ay tumakbo ka nang mabilis sa kakahuyan. Magtungo ka sa kubo ni Lola Rossally. Sasamahan ka niya hanggang makatakas sa lugar na ito." Dugtong pa nito.

Nang buksan ni Robert ang pinto ay nakaabang na ang mga residente. Nakangiti ang mga ito at tila gutom na gutom akong tinitignan.

"Takbo na Mario!" sigaw ng kaibigan ko nang akmang tatakbo papalapit sa akin ang mga residente.  Agad naman iyong hinarangan ni Robert, ang ilan sa mga ito ay nakatanggap ng malalakas na suntok mula sa aking kaibigan.

Walang nagawa ang paglaban ni Robert, malakas nga ito pero marami ang kalaban. Wala ring nagawa ang pagtakbo ko. Sadyang mas mabibilis ang mga ito.

Walong malalaking kalalakihan ang humahawak kay Robert. Ako naman ay mahigpit na hawak ng isang lalaki, ang tatay niya.

"Nangako kayo sa akin! Hindi niyo gagalawin ang kaibigan ko! Hanggang ngayon ba ay ipinagkakanulo pa rin kayo ng pagkagutom niyo sa karne ng tao? Iyan ang ikaka-ubos ng lahi natin!" sambit ni Robert habang pumipiglas sa pagkakahawak sa kanya ng limang kalalakihan.

Parang bingi ang mga residente, wala nang pakialam ang mga ito sa mga isinisigaw ng kaibigan ko. Ako naman ay naihi na sa salawal sa sobrang takot. Parang wala nang lakas ang mga tuhod ko at hindi na magawa ang kahit isang paghakbang lamang. Lalo na nang magpalit ng anyo ang lalaking may hawak sa akin. Bigla itong tinubuan ng mahahabang balahibo sa buong katawan. Humaba ang nguso nito na parang sa itsura ng daga, nagkaroon ng matutulis na pangil at mga kuko sa mga daliri nito sa kamay at sa paa. Nasira rin ang damit nito dahil sa pagtubo ng malalapad na pakpak na kagaya ng sa paniki. Akmang sasakmalin na ako ng nilalang na iyon sa aking leeg nang muling sumigaw si Robert.

"'Taaay! Ang sumpa! 'Wag niyong kalimutan ang sumpa! Mamamatay sa atin ang sinumang kumain ng karne ng tao!" sigaw ng kaibigan ko, humahagulgol na ito sa pag-iyak pero patuloy pa rin sa pagpupumiglas.

Tila nahimasmasan ang halimaw na may hawak sa akin. Bumalik ito sa pagiging anyong tao.

"Problema ba iyon anak? Eh di patayin na lang natin siya at pagkatapos ay ipakain sa mga baboy. Tapos yung mga baboy ang pagsasaluhan natin. Para na rin tayong kumain ng karne ng tao noon. Hindi pa eepekto ang sumpa." paliwanag ng lalaking may hawak sa akin.

Dahil sa 'sinambit na iyon ng lalaki ay nanlisik ang mata ng kaibigan ko. Bigla itong nagbago ng anyo na katulad ng sa tatay niya kanina. Winasiwas nito ang pakpak na naging dahilan para mag-atrasan ang mga kalalakihang humahawak sa kanya kanina. Mabilis itong tumakbo papalapit sa amin at sinuntok ang kanyang ama. Bagsak sa lupa ang tulala niyang ama. Agad din nitong ipinulupot ang mga kamay sa katawan ko saka mabilis lumipad patungo sa isang direksiyon sa kagubatan, sa direksiyon kung nasaan ang kubo ni Lola Rossally.

Mula sa itaas ay kitang kita ko ang pagpapalit ng anyo ng mga residente. May mga naging baboy, aso at ang iba ay nanatiling tao subalit nagkaroon lang ng mga balahibo sa katawan. Sumuot ang mga ito sa kagubatan para habulin kaming magkaibigan. Wala na akong lakas ng mga oras na iyon. Tanging pagkatakot na lang ang nararamdaman ko.

"'Wag kang mag-alala pare. Ligtas na tayo. Dalawa lang kami ng tatay ko ang may kakayahang lumipad. Hindi nila tayo maaabutan." wika ng kaibigan kong sa mga oras na iyon ay larawan ng isang halimaw. Dahil sa pagkahapo at matinding pagod ay nawalan na ako ng malay.

Nang magkaroon ako ng malay ay nasa isang pamilyar na lugar na kami. Nasa loob na kami ng kubo ni lola Rossally.

"Ano iho, ayos ka na ba? Hindi ba't sinabihan na kita noong una pa lang na wag ka nang tumuloy sa sityo. Pero tumuloy ka pa rin." sambit ng matanda habang nakatingin sa akin. Ibinaling din nito ang tingin kay Robert.

"At ikaw naman apo, hindi ba't sinabi ko na sa iyo na wala nang pag-asa iyang angkan natin. Binigyan ko na sila ng isang matinding sumpa ay ganoon pa rin ang pagkaganid nila sa laman. mga walang kadala-dala." ang tinutukoy ng matanda ay ang matinding sumpang iniwan niya sa sityong iyon matapos sunugin ang kanyng munting kubo dahil sa pagtulong niyang makatakas ang isang kaibigan, kagaya ng ginawa ngayon ni Robert. Isang sumpang magpapahirap sa ano mang lahi ng aswang. Kamatayan ang katumbas ng pagkain ng laman ng tao.

Mayamaya ay unti-unting nagkaroon ng pagkaluskos sa labas ng kubo ng matanda. magkahalong huni ng iba't ibang hayop na handang sumagpang ng alin mang makikitang gumagalaw.

Tumindig ang matandang babae.

"Robert! Kapag namatay ako ngayong araw ay ipagpatuloy mo ang pagkakaroon ng mabuting puso sa kabila ng totoong pagktao natin." tinig ng matanda. Kitang kita ko ang pagngilid ng mga luha sa mga mata ng kaibigan ko.

"'Wag mo na akong tulungan apo. Alam mong kaya ko silang lahat. Saka sisingilin ko lang sila sa pagsunog nila sa akin noon. Kung hindi pa rin sapat ang pagpapahirap ng sumpang binitawan ko sa kanila ay wawakasan ko na lang ang kanilang mga buhay." huling sambit ng matanda matapos magtali ng itak sa kanyang putol na brasong isinawsaw sa asin ang talim. Nagkaroon ng makapal na balahibo ang matanda at naging isang malaking nilalang kagaya ng sa paniki. Nang lumabas ito ng kubo ay pumaimbabaw ang mga hiyawan at atungal ng mga halimaw.

Alam ni Robert na ang lola niya ang pinakamalakas na aswang at walang sino man ang makakatalo rito. Subalit nang oras na iyon, kasabay ng pagkamatay ng buong angkan niya ay ang pagwawakas din ng buhay ng kanyang pinakamamahal na lola.

Dahil sa sobrang pagod ay nakatulog kaming magkaibigan sa loob ng kubo. Inihele si Robert ng nararamdamang kapighatian sa pagkamatay ng kanyang lola. Pinaantok naman ako ng kapayapaang nararamdaman ko sa mga oras na iyon, isang isiping hindi lahat ng aswang ay masasama. Sadyang may mabubuti rin. Ang dalawa sa mga ito ay nagmula sa Sityo Claridad.

 

Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12

























Mga Laruan ni Eman


Isang suntok na naman ang tumama sa kanang braso ni Eman mula sa kamag-aral niyang si Baldo. Halos mapaatras siya dahil sa natanggap na suntok mula sa kamag-aral na halos doble niya ang laki. Pinipilit panatilihin ang balanse kahit pa nga nangangatog na ang dalawa niyang payat na hita at binti.


Napanatili naman ng kanyang patpating katawan ang pagkakatayo pero mabilis siyang hinawakan ng kamag-aral sa damit, bandang dibdib at hinatak. Pagkatapos noon ay malakas na itinulak na ikinatumba niya sa lupa.


Doon na siya umiyak. Pilit niyang pinupunasan ng laylayan ng kanyang damit ang magkahalong luha at uhog sa kanyang mukha pero mas naging marungis pa iyon dahil sa alikabok na kumapit sa kanyang damit noong natumba siya sa lupa.


Hindi niya alam kung ano ba ang naging kasalanan niya kay Baldo, kung bakit nakahiligan na nitong bigla siyang suntukin sa braso, itulak at paminsan minsan ay pitikin ang kanyang tainga. Hindi niya maunawaan kung bakit inis na inis ito sa kanya. Hindi niya matanggap yung  dahilan ni Baldong kaya siya sinasaktan nito ay dahil nauurat lang ito sa suot niyang naninilaw na puting damit, kupas na shorts at nababakbak na itim na sapatos. Araw-araw naman siyang naliligo pero lagi pa rin siyang sinasabihan nitong mabaho raw. Dahil ba nangangalakal lang sa basurahan ang tatay niya?


Pakiramdam niya ay basang-basa na ng luha ang laylayan ng naninilaw niyang puting damit kung kaya't likod na ng palad niya ang ipinamumunas sa naghalong luha, uhog at alikabok sa kanyang mukha habang pinagmamasdan ang papalayong si Baldo.


Paulit-ulit niyang sinasabi sa sariling hindi na siya iiyak kapag ginawan siyang muli ng hindi maganda ni Baldo. Pero pag-iyak niya lang ang tanging magpapatigil sa pananakit nito sa kanya. Ganoon kasi ang laging nangyayari, maiinis ito sa kanya, sasaktan at kapag umiyak na siya ay saka titigil at aalis.


Awang-awa siya sa sarili kapag sinasaktan siya nito sa harap ng ibang mga kamag-aral. Masuwerte na ang nangyari sa araw na iyon dahil walang ibang nakakita ng pagkatumba niya sa lupa at pag-iyak.


Hindi na niya itinuloy ang pagpasok sa eskwela nang araw na iyon. Bagama't magkalayo sila ng pangangatawan ni Baldo ay magkasama sila sa isang silid sa paaralang pinapasukan bilang ikalimang baitang na mag-aaral.


Tuyo na ang luha niya nang makarating sa bahay. Walang tao bukod sa kanya dahil sumasama ang kanyang nanay sa kanyang tatay para mangalakal sa basurahan.


Binuksan niya ang pintong kahoy na nalalapatan ng sako para maitago ang mga nababakbak na bahagi noon. Tumuloy siya sa loob, maliit na kuwarto lang iyon at sapat na ang laki para makahiga silang tatlo ng mga magulang niya. Ang gamit lang na naroon ay mga sakong nakasabit sa mga dingding na natatagpian ng mga lumang pahina ng magazine. Naglalaman iyon ng mga bagay na pwede nilang ipagbili sa junk shop. Sa isang sulok ay magkakapatong na unan, nakatiklop na kumot at sirang karton na kanilang ipinangsasapin sa sahig kapag matutulog. Sa tabi noon ay ang dalawang kahon, ang isa ay naglalaman ng magkakahalo nilang malilinis na damit at ang isa naman ay mga laruan niyang naipon mula sa pangangalakal ng kanyang tatay.


Binuksan niya ang pangalawang kahon, kinuha niya mula sa loob noon ang isang laruang sundalong may hawak na baril, nababakbak na ang kulay noon at sunog ang isang paa.


"Kunyari  ikaw ako ah, tapos ay ililigtas ulit natin si Baldo." sambit niya habang hawak ang laruang sundalo. Inuga-uga niya pa iyon para magmukhang sumasang-ayon sa mga sinabi niya.


Isinandal niya iyon sa dingding para makatayo, tapos ay kumuhang muli ng laruan sa kahon. Inilabas niya 'yung de bateryang si jollibee, hindi na nakapagsasalita at umiilaw ang buntot dahil sa kalumaan.


"Kahit lagi mo akong inaaway ay ililigtas pa rin kita sa halimaw." muling sambit niya habang pinupunasan ng daliring nilawayan ang mga mata ng laruang inaalikabok ang bahagi ng mga mata. Iniisip niya na ang laruang iyon ay si Baldo.


Naglabas pa siya ng iba't ibang lumang laruan mula sa kahon. Nadampot niya ang isang eroplano. Iwinasiwas niya iyon sa hanging parang lumilipad, tapos ay kunyaring tatamaan si Jollibee. Mabilis namang naiwasan ni Jollibee ang napakabilis na eroplanong balak siyang banggain.


"Sino ang sakay ng eroplanong iyan?" malakas na boses ni Jollibee. Iniba rin niya ang boses niya para bigyang buhay ang mga laruan.


"Ako! At gusto kong kumain ng tao ngayon. Gustong gusto kong kumain ng mga malulusog na batang kagaya mo." sagot ng nakakatakot na tinig na nagmumula sa loob ng eroplanong iwinawasiwas niya. Paminsan-minsang susugod kay Jollibee pero mabilis namang naiilagan.


Inikot-ikot niya si Jollibee at itinapat ang puwet noon sa eroplano. Naglabas ang buntot noon ng malakas na ilaw na tumama naman sa eroplano. Sumabog iyon sa himpapawid at iniluwa ang sakay noon.


Inilabas niya ang isang abuhing teddy bear mula sa kahon, tastas na ang tahi noong nagdurugtong sa ulo at katawan. Sumisilip na ang mga bulak noon sa butas na bahagi nito.


''Ang lakas naman ng loob mong pasabugin ang sinasakyan kong eroplano!" nakakatakot na tinig ng halimaw. May butas iyon sa leeg na naglalabas ng kulay puting usok na nakalalason.


Sinugod nito si Jollibee. Akmang papatamaan sana ni Jollibee ng malakas na ilaw ang halimaw gamit ang kanyang buntot pero unti-unti iyong nanghina dahil sa nalalanghap na lasong nagmumula sa butas na leeg ng halimaw.


Ipinatong ni Eman ang abuhing teddy bear kay Jollibee.


Binali ng halimaw ang mga pakpak ni Jollibee. Kagat-kagat din noon ang isang braso nito. Patuloy pa rin ang lumalabas na nakalalasong usok mula sa butas na leeg ng halimaw na nagkalat na sa bahaging iyon ng lugar.


Doon na kinuha ni Eman ang laruang sundalong isinandal niya sa Dingding. Ipinuwesto niya iyong nakadapa at nakatutok ang hawak na baril sa teddy bear na nakapatong kay jollibee.


"Hoooy halimaw! Bitawan mo ang kaibigan ko!" sambit ng isang makisig na sundalong nakadapa at itinatago ang sarili sa talahiban.


Binitawan ng halimaw ang pagkakakagat sa braso ni Jollibee. Nagpalinga-linga ito sa paligid para hanapin ang pinanggagalingan ng boses.


Pero bago malaman ng halimaw ang pinanggagalingan ng boses ay pinaputukan na ito ng sundalo. Sunod-sunod na nag-aapoy na bala ang tumama at tumagos sa katawan ng halimaw na agad noong ikinatumba sa lupa at ikinamatay.


Pumunit si iyan ng kapirasong papel sa karton, nilawayan at idinikit sa bibig ng laruang sundalo. inilabas din nito mula sa kahon ang isang alkansiyang baboy na ni minsan ay hindi niya nalagyan ng barya. Isinakay niya ang laruang sundalo sa likod ng alkansiyang baboy.


Mabilis na pumunit ng kapirasong tela mula sa kanyang damit ang matikas na sundalo para ipangtakip sa kanyang ilong at bibig. Tapos ay pumalakpak ito, hudyat iyon para lumabas ang isang baboy na nababalutan ng mga bakal na pananggalang sa katawan. Sumakay siya roon at pinatakbo patungo sa walang malay na kaibigan.


Matagumpay niyang naisakay sa baboy ang kanyang kaibigan at inilayo sa lugar na nagkalat ang usok na may lasong patuloy pa ring lumalabas sa butas na leeg ng nakabulagtang halimaw.


Kaunting minuto pa ay bumalik ang malay ni Jollibee.


"Salamat kaibigan! Muli mo na namang iniligtas ang buhay ko." Sambit ng nanghihina pa ring si Jollibee, patunay noon ang namumungay pa nitong mga mata.


"Walang ano man iyon kaibigan. Kahit anong mangyari ay palagi pa rin kitang ililigtas." nakangiting tugon ng makisig na sundalo habang marahang inaalalayan si Jollibee pababa sa sinakyang baboy na may bakal na pananggalang sa katawan.


Dahil sa pagod ay nakatulog ang magkaibigan sa talahiban.


Nakatulog din si Eman sa sahig ng kanilang kwarto. Sa tabi niya ay ang mga nagkalat niyang lumang mga laruan.


 

Kinabukasan.


 

Naglalakad papauwi si Eman galing sa eskwela. Humahagulgol habang hawak ang bisig na sinaksak ni Baldo gamit ang lapis. Sa pagkakatong iyon ay hindi niya na muling ililigtas si Baldo mula sa mga halimaw. Buo na ang desisyon niya. isusumbong niya na ito sa kanyang mga magulang.



Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 12
















Biyernes, Pebrero 14, 2020

Kung bakit hindi kita liligawan




Ako’y tutula, mahabang mahaba.
Ako’y uupo, tapos na po.

Tapos na ang tula. . .

Pero hindi ang sama ng loob na dinadala ko
dahil diyan sa manliligaw mong sinasamba mo.
Marami lang pera ‘yan saka matcho
pero kung usapang papogian, mabuting tao ako.

Ang galing mo rin eh noh. . .

Naniwala kang kaya niyang ibigay ang araw at ang buwan,
eh ang layo nun.

At kung magagawa niya nga, saan niya ilalagay?
eh ang laki nun.

Kapag ‘binigay niya ba sayo ang araw, tatanggapin mo?
Siguradong patay kayong dalawa, ang init nun.

At kahit gumamit ng maraming panungkit, hindi niya ‘yun abot
At kahit ipilit ang damdamin ko’t igiit, hindi kita abot.

Kaya nga hindi kita niligawan. . .

Dahil hindi pa man nagsisimula ang laban ay talo na ako.
Kailangan kong intindihing mas nananalo ang babaerong guwapo kaysa sa pangit na matino.
Susuportahan kita sa pagpapakatanga mo.
Susuportahan kita kasi tanga rin ako.

Nagpapakatanga sa’yo.

Hindi nagtagal ay nabalitaan ko na lang na sinagot mo na siya.
Bakit nga naman hindi mo siya sasagutin? Bukod sa mayaman, matcho, guwapo, ay may sasakyan pa.

Paano nga namang hindi mo siya sasagutin?

eh nagtanong siya.

Mabuti na lang at sinagot mo, kasi kung hindi, magmumukha ‘yung tanga.
Nagsasalita mag-isa.

Sa pagiging kayo niyo’y naging masaya ka.
Masaya rin naman ako, pero kunyari lang talaga.
Ang natitirang pag-ibig sa iyo’y ‘winaksi na
at kailan ma’y di mo na malalaman. . .

Na mahal kita.

Ilang araw ang lumipas, may bagong balita na naman.
'Di niya pa rin na’bibigay sa’yo ang araw at ang buwan.
Hindi rin kayo umabot ng isang buwan
Buti nga sa’yo, kawawa ka naman.

Ngayong wala na kayo ay pagkakataon ko naman.
Ako naman ang mangangako ng araw at ng buwan.
Araw-araw kang yayakapin, buwan-buwan kang hahagkan.
Iyon ay kung papayag ka kahit sa panaginip lang.

Niyamana kasa labaka nayan.
Ganyan talaga ang pagibig, hindi mo maintindihan.
Kung dati’y pinapangarap ka, ngayo’y ‘di na inaasam.
Hindi sa hindi na kita mahal, ang totoo niyan ay mahal pa rin kita, ayoko lang iparamdam.

Nalaman kong ang pagibig ay hindi lang tungkol sa’yo
Hindi rin tungkol sa kung paano mo pinaikot ang mundo ko.
Ito ay tungkol sa kung paano bumuo
ng wasak kong sarili para bumagay sa’yo.

Kung bakit hindi pa rin kita liligawan. . .

‘Yun ay dahil sa sarili’y tinuturing pang hangal.
'Di pa lubos maunawaan kung paano magmahal.
Baka sumuko agad sa tinayaan kong sugal
at ang pinanindigan kong pagibig, tuluyang mapigtal.

Gayon pa man ay bukas pa rin ako sa isiping iniiisip mong iniisip kita, naiisip mo ba?
Na isang araw ay gigising akong handa at hahanapin kita.
Pero paano mangyayari ‘yun kung mananatili akong dukha.
Ika’y prinsesang sagana sa dugo at ako’y isang linta.

Paano kita liligawan kung mananatili ako sa baba.
Kahilera ng magsasakang inaagawan ng pataba.
Inaagawan ng lupain, kabahaya’y ginigiba.
Pinapatay, ‘nilalandusay, tinatanggalan ng hininga.

Paano kita liligawan kung mananatili akong baon.
Kumikita ng kapirasong ‘di sapat sa tag-gutom.
Umaani, kumakayod ngunit ang bibig ay tikom.
Nakalubog sa sistema ng kontraktuwalisasyon.

Paano kita liligawan kung ako nga’y hindi mahal
ng bayan kong sinilangang inalayan ko ng dasal.

Paano kita liligawan kung ako ay ibuwal
dahil tanging dukha lamang ang tinatamaan ng punyal. . .

Kung hindi man tayo magkakatuluyan, tanggap ko iyon nang buong puso,
Ngunit hindi ang bulok na sistema ng bansa kong mapang-abuso.


Sabado, Pebrero 8, 2020

Tatlong hiling ni piping



“Nay, may sakit pa rin po ba kayo?” tanong ni Piping sa kanyang inang nakahiga sa papag, may basang bimpo sa noo at nakukumutan ng kulay puting kumot.

“Hindi pa anak eh, may trangkaso pa rin ako. Sige na at pumasok ka na sa paaralan at baka mahuli ka sa klase. Maya-maya naman ay darating na ang itay mo.” pilit na sagot ng kanyang ina.

Sa kanyang paglalakad papuntang paaralan ay nadaanan niya ang isang puno ng malunggay. Naisip niyang mamitas ng mga dahon nito dahil alam niyang maaring matanggal ang sakit ng kanyang inay kapag nakahigop ng tinolang manok na may dahon ng malunggay.

Ang problema ay hindi niya abot ang mga dahon nito. Sa hindi kalayuan ay nakakita siya ng isang batong halos kasing laki ng bola na ginagamit sa basketball. Binuhat niya iyon at inilapit sa puno ng malunggay, tinungtungan para maabot at makapitas ng mga dahon ng puno.

Sa kalagitnaan ng kanyang pagtingkayad, pag-abot sa dahon at pamimitas nito ay biglang lumitaw ang isang batang lalaking nagliliwanag ang kasuotan. Mayroong mga diyamante ang suot nito. Mahaba rin ang ilong at tainga.

Nagsalita ang batang nilalang.

“Dahil iniligtas mo ako sa pagkakaipit sa bato kanina ay pwede kang humiling sa akin ng kahit ano, basta hanggang tatlo lang.” sambit ng nilalang na matinis ang boses.

Dahil sa biglaang pagsulpot ng batang nilalang dagdag pa ang matinis nitong boses ay nagulat si Piping at nawalan ng balanse sa kanyang pagkakatungtong sa batong kanyang tinatapakan.

“Araaaay.” Tinig ni Piping habang namimilipit at pilit inaabot ang masakit na likod dahil sa pagkakahampas nito sa sahig.

“’Wag kang matakot. Isa akong kaibigan.” pagpapaliwanag ng batang nilalang.

“Ano? May naisip ka na bang kahilingan? Hanggang tatlo lang ah.” dagdag pa nito bago biglang maglaho.

Naiwang namimilipit si Piping. Pilit niyang inilalagay sa kanyang bag ang lahat ng napitas na dahon sa kabila ng pananakit ng kanyang likod.

“Araaaay, Likod ko. Sana ay mawala na ang sakit nito. Kailangan kong makapasok sa eskwela, mahuhuli na ako sa klase.” Sambit pa rin nito habang namimilipit.

Pinilit niyang maglakad papapuntang eskwelahan. Hindi niya namalayan ang mabilis na pagkawala ng sakit ng kanyang likod dahil sa pagkakahulog.

Sa kanyang paglalakad ay naabutan niya ang kanyang kaibigang si Arnold. Mabagal at Paika-ika itong naglalakad dahil payat ang isang hita at binti nito.

“Sabay na tayo!” alok ni Piping sa kanyang kaibigan.

“Naku, Sige at mauna ka na. kapag sinabayan mo ako ay mahuhuli ka rin sa eskwelang katulad ko.” nakangiting tugon ng kanyang kaibigan. Hindi na nito dinaramdam ang pagkakaroon ng polyo. Tanggap na nito ang ganoong kalagayan mula nang ipinanganak siya.

“Bahala ka, basta sasabayan kitang maglakad.” Nakangiting sambit ni Piping habang bahagyang ginaya kung papaano maglakad ang kaibigan niya. Sabay silang nagtawanan.

“Sana ay maging pantay na iyang paa mo nang sa gayon ay hindi ka na palaging nahuhuli sa klase. Pati tuloy ako damay eh.” Sambit ni Piping na sinundan ng malutong na halakhak.

“Yan Yan, sabi na kasing ‘wag mo na ‘kong sabayan eh.” Nakihalakhak na rin ang kanyang kaibigan.

Nakarating sa paaralan ang dalawa. Hindi napansin ni Arnold na unti-unting nagpantay ang kanyang mga binti at hita.

Sa loob ng Silid-aralan ay itinuturo ng kanilang guro kung paano ang tamang pagdaragdag ng bilang.

Napatingin si Piping sa kanyang katabing si Buknoy. Minamasdan ang mga daliri nito sa kamay na kanyang ginagamit sa paraan ng pagdaragdag ng bilang. Tila Nalilito.

“Mahihirapan ka talaga diyan. Eh siyam lang ang daliri mo eh. Oh ito, gamitin mo ang isang kamay ko.” Inabot ni Piping ang kanyang kanang kamay sa kaibigan niyang si Buknoy. Sabay silang nagtawanan.

“Sana ay tumubo ‘yang isa mong daliri. Paano kung hindi na tayo magkaklase? Sinong magpapahiram ng isang kamay sa iyo?” sambit ni Piping na sinundan ng halakhak.

“Sana nga.” Nakihalakhak na rin si Buknoy.

Nang matapos na ang klase ay naghiwahiwalay na ang mga bata para umuwi sa kanilang mga tahanan. Hindi napansin ni Buknoy ang unti-unting pagtubo ng kanyang putol na daliri.

Biglang bumalik sa alala ni Piping ang batang nilalang na nakita niya kanina malapit sa puno ng malunggay. Naalala niya ang sinabi nitong pwede raw siyang humiling. Mabilis na tumakbo si Piping pabalik sa kanilang bahay.

“Nay, Nay, may nakita akong batang nagliliwanag kanina roon sa puno ng malunggay.” Humahangos na tinig ni Piping pagpasok pa lang sa kwarto ng kanyang ina.

“Sana gumaling na si Inay.” nakapikit pa ito habang sinasambit ang katagang iyon. Pagdilat niya ay hinawakan niya sa noo ang kanyang inay. Mainit pa rin.

“Guni-guni ko lang ata ‘yung nakita ko kanina Nay.” sambit ng nanghihinayang na si Piping habang inilalabas mula sa kanyang bag ang mga pinitas niyang dahon.

“Kung ‘di kayo kayang pagalingin ng hiling, siguro kaya kayong pagalingin nito.” Iwinawasiwas pa niya ang dahoon ng malunggay habang humahalakhak. Nakihalakhak din ang kanyang ina.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11







Nasaan?


Nasaan ang barnis?


“Tay, kailan po ako pwedeng sumubok umukit?” tanong sa akin ng sampung gulang kong anak.

“Niloloko mo ba ako?” Sa tingin mo'y makakaukit ka sa kalagayan mong ‘yan?” naiinis kong sambit habang patuloy sa pag-ukit ng rebulto ni Hesukristong nakapako sa krus na singlaki ng tao.

Nakayukong pumasok sa kuwarto niya ang anak ko.

Kinaumagahan ay napansin kong nawawala ang lata ng barnis na nakalagay sa labas ng pinto. Hinanap ko rin sa buong bakuran ngunit wala talaga.

Tinungo ko ang kwarto ng anak ko para itanong kung nakita niya ito. Nasurpresa ako sa nasaksihan ko.

Nasa kuwarto niya ang lata ng barnis at ang rebultong inukit ko. Kagat-kagat niya ang brush na siyang ginagamit niya sa pagbabarnis ng rebulto. Tama ang hagod, swabe ang kapal at nipis ng pagpahid depende sa kanto at singit-singit nito.

Sigurado akong balang araw ay magiging sentro ng kultura’t pananampalataya ang rebultong binabarnisan niya.



Nasaan ang rebulto?


“Father, Palitan na kaya natin ‘yan. Luma na kasi’t parang masisira na.” tinutukoy ko’y ang rebulto ni Hesukristong singlaki ng taong nakapako sa krus sa may altar.

“May nakita kasi akong de-kalidad na punong maaaring gawing rebultong kapalit niyan.” pagpapatuloy ko.

“Sa tingin ko’y hindi na kailangan. Sa limangpung dekada’y iyan na ang naging sentro ng kultura’t pananampalataya ng bayan natin. Iyan din ang nakasanayang iniikot sa buong bayan tuwing pista. Hindi siguro maganda kung papalitan pa.” malumanay na sagot ni father.

Kinaumagahan ay nagkagulo ang buong bayan. Nawawala ang rebulto.

Agad akong nagpunta sa simbahan.

“’Wag kayong mag-alala father, magpapagawa ako ng bagong rebulto para maituloy ang pista sa susunod na linggo.” pangako ko kay father bago ako umuwi.

Naabutan ko sa bakuran ko ang isa sa mga tauhan ko.

“Sunugin mo na ‘yan at sumama ka sa’kin. May nakita akong punong maaring gawing rebultong ipapalit diyan.”



Nasaan si boss?


“Ano’ng tinitunganga mo? Bakit ‘di mo pa putulin ‘yan?” galit na tinig ni boss.

“Boss. Matanda na kasi ‘tong punong ‘to.” hawak-hawak ko pa rin ang de-makinang lagaring ginagamit naming pamutol ng puno.

“Wala akong pakialam!” mas lalo pa itong nagalit.

“Ang akin lang boss, nakakakunsensiya. Mahigit daang taon bago mapalitan ang ganito katandang puno.” pangangatwiran ko.

“Bobo ka talaga! Eh ‘di magtanim ka ng bago, lagyan mo ng pataba para hindi umabot ng daang taon ang paglaki!” pamimilosopong sagot nito sabay talikod.

Binuhay ko ang de-makinang lagari’t itinuloy ang trabaho.

Kinagabihan ay hindi na nagpakita sa aming mga tauhan niya si boss. Hindi rin siya mahanap.

Sinunod ko lang naman ang sinabi niyang putulin ko ang puno, magtanim ng kapalit nito at lagyan ng pataba.

Siguradong dadaming muli ang puno sa gubat.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11





Biyernes, Pebrero 7, 2020

Ako't ang gagawin



Unang tula: Tsismoso ako


Ako’y tainga sa lupa, wala kang ligtas.

Bawat nalalama’y ‘wag mo nang ibigkas.

Dinig ko ang bawat kapirasong anas.

Gagawan ng dagdag, bagong balangkas.


Ako’y matang nasa puno, halama’t bulaklak.

Bawat mong pagkilos, labis kong galak.

Tanaw ko ang bawat galaw mo’t balak.

Iibahin ko ng kaunti nang kwento’y maindak.


Ako’y pakpak sa hangin, hindi mapapansin.

Tangan ko lahat ng balitang mariin,

aking nakalap, patitindihin.

Katotohanan sa kwento’y babaliin din.


Sa galing kong gumawa ng istorya ng iba,

may mabibigong buhay, masisirang pamilya.

Magkaibigang mag-aaway, magkakasira.

Magkapatid na itatakwil ang isa’t isa.


Kasinungalinga’y gagawing totoo.

Ang totoo’y babawasan para mas magulo.

Sakit ko sa dila’y ‘kinaaaliw ko.

Gusto ko nang itigil ngunit paano?



Ikalawang tula: Utu-uto ako


Magaling lumitanya, iboboto ko ‘yan.

Mukhang matalino, kailangan ‘yan.

Datihan sa tungkulin, marapat, mainam.

Maraming pangako at gagalingan.


‘Di mo kailangan ng pusong matapat.

Sapat nang sabihin mong iba ka sa lahat.

Itaas ang bangko, buhatin, iangat.

Maniniwala akong ikaw ay sapat.


Idagdag mo pa ang ‘yong proyekto kuno.

Aasa ako at magpapauto.

Sasambahin ka, didiyusin, yuyuko.

Tungtungan mo ako para ka makatayo.


‘Pagtatanggol ka sa mga ayaw sayo.

Maninindigang tama ang mga ginawa mo.

Marami kang pinatay nang tumaas ang puwesto.

Hindi iyon masama, ang magbawas ng tao.


Utuin mo ako, wala akong utak.

‘Kinasisiya ko’ng ilubog mo sa burak.

Sa mga pasya mong lalong nagpapahirap.

Dahilan ng pagkakuntento kong ganap.



Ikatlong tula: Mag-pipigil na


Sa bawat maririnig, ako’y magtitimpi.

‘Di makikinig, binging magkukunyari.

Kung may makaalpas kahit kaunting tili,

tutusukin ang tainga, sa katahimika’y marindi.


Ipipikit ko ang dalawa kong mata

Nang hindi ko makita ang iyong ginagawa.

At kung may masilip, mabulag nawa

ang aking paningin kaysa magkasala.


Babaklasin ko ang pakpak na aking panglipad

upang ‘di makalibot, kung saan-saan mapadpad.

Mga kwentong alam ko, ‘di na ilalahad

kung kani-kanino lalo’t may dagdag.


Mamumuhing gawan ng istorya ang iba.

Wala nang mabibigo’t masisirang pamilya.

Magiging masaya para sa iba.

Hindi na maninira gamit ang katha.


Kagatin ang dila, kung marapat ay putulin.

Hilahin, hiwain saka pitpitin

nang ‘di makagawa ng kwentong magaling.

Pagkakalat ko nito’y magtigil din.



Ika-apat na tula: Mag-iisip na


Magaling kang lumitanya. Sino’ng niloko mo?

Matalino ka raw. Mas matalino ako.

Datihan ka sa tungkulin. ‘Di ramdam presensiya mo.

Marami kang pangako. Ilan ang natupad mo?


Puso mo’y tapat. Tingin mo’y naniniwala ako?

Iba ka sa lahat? Ba’t ninakawan mo ako?

Kahit magaling kang magbuhat ng bangko.

Mas magaling akong sumuri ng kung ano’ng totoo.


Marami kang proyekto. Ano ang pruweba?

Magkano ang kinita? Kulang pa ba?

Mga himala mong gamit ang pera,

iyong hinamig mula sa’ming bulsa.


‘Di magtatakang maraming ayaw sa iyo.

Kahit paanong isipin, mali ang gawi mo.

Marami kang pinatay, pangarap at tao.

Mabagsik ka’t masama katulad ng diyablo.


Utuin mo ako. Akala mo’y kaya mo?

‘Di kaming lahat ay mailulubog mo.

Maghihirap kaming alam ang totoo.

Mauunang mag-isip bago makuntento.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11







Huwebes, Pebrero 6, 2020

Pagbitiw



Tutok ako sa cellphone ko nang umagang iyon habang nakahiga sa matigas kong papag na nalalatagan lamang ng kulay abong kumot at dalawang pirasong unan. Naghihintay ng ano mang tugon o resulta sa alin mang mga aplikasyong pinasahan ko ng resume at sa ibang mga interview na nasalangan ko na.

Isang buwan na rin buhat nang mag-resign ako sa dati kong kompanyang pinagtrabahuhan bilang CCTV staff. Itinaon ko ang pagbibitiw sa puwesto ko sa eksaktong huling araw na nakasaad sa kontrata nang sa gayon ay hindi ko na kailangang manatili pa ng tatlumpung araw hanggang sa makahanap ng ipapalit sa akin.

Biglang rumihistro sa screen ng cellphone ko ang pangalan ng dati kong boss, tumatawag. Hinayaan ko lang ang pagrehistro nito at hindi sinagot ang tawag. Bumangon ako sa pagkakahiga at inilapag sa papag ang cellphone ko.

Limang taon ako sa kompanyang iyon, limang taon kong sinunod ang lahat ng utos ng boss ko. Isang tawag niya lang ay kaagad ko itong sinasagot. Hindi naman siguro masamang hindi ko sagutin ang tawag niya sa ganitong pagkakataon, ngayon pang ayaw kong makakita o makaisip ng alin mang bagay na makapagpapaalala sa akin sa dati kong trabaho. Trabahong limang taon kong minahal at pinagsakripisyuhan katulad ng isang asawa.

Bago ako lumabas ng kuwarto para tunguhin ang kusina ay tinapunan ko pa ng huling tingin ang cellphone ko, rumirihistro pa rin ang pangalan ng dati kong boss.

Nang nasa kusina na ako ay agad akong kumuha ng puswelo, sinalinan ito ng mainit na tubig mula sa thermos saka tinakalan ng kape’t asukal. Bahagya kong dinagdagan ang takal ng kape’t baka sakaling sa aking paghigop ay matanggal ng pagkatapang nito ang lahat ng sama ng loob ko.

Sa kalagitnaan ng aking unang paghigop ng mainit na kape ay nasilayan ko si kuya Erning mula sa bintana ng dingding na kinasasandalan ng lamesang pinagpapatungan ng thermos, garapon ng kape at asukal. Sampung taon na siyang nagtatrabaho bilang driver sa dati kong kompanya subalit hindi pa rin nareregular. Bitbit ang puswelo ng kape ay lumabas ako ng bahay para lapitan siya.

“Oh Bert! Kamusta?” pangangamusta niya habang papalapit pa lang ako sa mahabang upuang kahoy na nalililiman ng mayabong na dahon ng puno ng aratilis na kanyang kinauupuan.

“Heto at tambay pa rin po. Pero ayos naman po.” sagot ko bago ipatong ang tasa ng kape sa mahabang upuan, nakiupo rin ako sa tabi niya.

“Bakit kasi nagresign ka eh. Team leader ka na diba?” sunod na tanong niya kasabay ng pag-abot sa akin ng kaha ng sigarilyo at lighter.

“Napromote nga. Hindi naman regular, nadagdagan lang ang trabaho at hindi ang sweldo.” malungkot kong sagot habang inaabot ang sigarilyong kanyang inalok.

Mula sa kaha ay kumuha ako ng sigarilyo at sinindihan. Kasabay ng pagbuga ko ng usok ay ang pagbabalik ng mga alala na nakapagpapasama ng loob ko.


*****


“Where do you see yourself in 5 years?” tanong ng HR staff na nag-interview sa akin noong nag-apply ako sa kompanyang iyon. Nakaupo kaming magkaharap na pinagigitnaan ng maliit na lamesa kung saan nakapatong ang resume ko.

“I see myself here as a regular employee.” matapat kong sagot habang pinipisil ang hawak kong ballpen na nakakubli sa ilalim ng lamesa.

Ang totoo niyan ay iyon lang naman talaga ang pangarap ko, ang maging regular na empleyado sa isang kompanya. May taunang pagtaas ng sahod at kumpletong benipisyo.

Nangyari naman iyon, nagtagal at nanatili ako sa kompanyang iyon ng limang taon. Hindi nga lang regular dahil under agency lang, anim na buwang kontrata. Nakadepende ang pagrerenew ng kontrata sa kalidad mo bilang isang empleyado. Kung masipag ka ay siguradong marerenew ka. Kung tamad ka naman ay sumipsip ka lang at magkunyaring masipag.

Sa ikatlong taon ko nga ay nakitaan ako ng potensiyal. Hindi dahil sa pinakita kong galing at kasipagan sa trabaho kundi dahil sa tangka kong magpasa ng resignation letter.

“Bakit?” maigsi at nakangiting pagkakasabi ng dati kong boss habang tinitingnan ang resignation letter na inabot ko sa kanya.

“Masaya po ako rito sa kompanya at inlove ako sa trabahong mayroon ako.” seryoso kong sambit habang nakikipagtitigan sa kanya.

“Eh bakit ka magreresign?” bahagya pa rin siyang nakangiti.

“Dalawang taon ko na pong ‘nililead ang team pero ang sinasahod ko ay pareho lang ng sa mga tao ko.” seryoso kong sambit. Bahala na siya kung mauunawan niya ang simpleng lohika ng pangungusap na iyon.

“At Sir, tumatanda na po ako. Iniisip ko rin po ang kinabukasan ko. Kung hindi po kayang ibigay ng kompanyang ito ang pangarap ko, baka kayang ibigay ng iba.” nagpipigil akong magsalita pa ng mas mahaba. Sapat na siguro iyon para iparating sa kanyang may laman ang mga sinabi ko.

“Ang totoo niyan Jobert, ireregular ka namin at under observation ka ngayon. After six months ay mareregular ka na.” mas lalo pang lumapad ang pagkakangiti niya.

Mula sa pagkakasimangot ay unti-unti na rin akong napangiti.

“Congratulation! ’Wag kang magresign. Kailangan ka namin dito.” Inilahad ng dati kong boss ang kanyang palad para kamayan ako. Masaya at nanginginig ko iyong inabot at nagpasalamat.

Hindi ko itinuloy ang pagreresign. Bagkus ay mas ‘pinagbuti ko pa. Tinatapos ko ang lahat ng reports nang mas maaga kesa sa deadline. Mas ginalingan ko ang paglilead ng team. Maraming nagbukas na bagong store branch at malaki ang ambag ng team namin doon. Naging mas maayos ang dating magulong sistema ng department ko. Marami kaming naresolbang kaso ng pagnanakaw. Dahil sa amin ay naging disiplinado ang mga managers at staffs sa lahat ng store branches. Ang pangarap kong maging regular na empleyado ay naging pangarap na rin ng buong team.

Hanggang umabot ako ng limang taon sa kompanya. Walang nangyari sa pangakong binitiwan sa akin ng dating boss ko.

“Last day ko na po Sir. Ngayon ang huling araw na nakalagay sa kontrata ko. Di na po ako magrerenew.” sabay abot ng resignation letter ko.

Inunahan ko na ng mabilis na pagtalikod ang posibleng pangakong maaari niya na namang sabihin. Hindi na rin ako pumasok kinabukasan.


*****


Hinithit ko pang muli ang nangangalahati kong sigarilyo. Pagbuga ko ng usok ay siyang higop ko ng kape sa puswelo.

“Pero alam mo ba Bert? Noong umalis ka? Lahat ng ka-team mo ay nagpasa ng resignation letter.” sambit ni kuya Erning kasabay ng pagpitik sa hawak nitong sigarilyo para malaglag ang abo sa dulo nito.

“Hala. Eh di walang natira sa department namin?” hithit muli ng sigarilyo at sinundan ko ng paghigop ng kape.

“Hindi! ‘Niregular lahat ng ka-team mo.” mahabang hithit ni kuya Erning sa kanyang sigarilyo hanggang sa masaid ito, itinapon sa sahig at tinapakan.

Dahil sa kanyang huling sinabi ay napangiti ako. Sa wakas ay may pinatunguhan din ang lahat ng pinaghirapan namin. Sila ang tumupad sa pangarap kong naging pangarap na rin nila.

“Sige po kuya Erning. Papasok na po ako sa loob.” paalam ko kay kuya matapos kong hithitin ang sigarilyo hanggang tuluyan itong maubos, itapon sa sahig at tapakan. Sinaid ko na rin ang lamang kape ng puswelo at binitbit ito papasok ng bahay.

Nangingiti pa rin ako habang inaanlawan ang ginamit kong puswelo. Kumikiliti pa rin sa puso ko ang mabuting balitang nalaman ko mula kay Kuya Erning. Siguro’y inilagay lang ako ng Diyos sa kompanyang iyon bilang team leader ng department ko hindi para roon ko tuparin ang pangarap ko kundi maging parte ng pagkahubog nila. Bigyan sila ng motibasyong mangarap din at hindi makuntento lamang sa pagpapailalim sa sistema ng kontraktuwalisasyon.

Itinaob ko sa paminggalan ang nahugasan kong puswelo bago ko tunguhin ang kuwarto ko.

Pagpasok sa kuwarto ay agad kong dinampot ang cellphone kong nakapatong sa papag. Tatlong missed calls at dalawang bagong mensahe ang nakarehistro.

Ang tatlong tawag na hindi ko nasagot ay mula sa dati kong boss.

Ang unang bagong mensahe naman ay nanggaling rin sa kanya. Binuksan ko ito at binasa.

‘Hi Jobert,
Magreport ka rito sa opisina bukas. Iinterviewhin ka ng HR head para sa posisyong supervisor, regular na agad. Pormalidad na lang iyon. Bumalik ka na rito ah. Kailangan ka ng kompanya, kailangan ka ng department mo.’

Hindi ko malaman ang eksaktong nararamdaman ko. Masaya dahil heto at nakahain na ang pangarap ko, kailangan ko na lang oohan.

Nakakainis dahil kailangan daw ako ng kompanya? Sa tingin ko’y hindi. Dahil kung totoong kailangan ako ng kompanya ay mamahalin ako nito kagaya ng kung papaano ko siya inibig katulad ng sa isang asawa.

Sa palagay ko rin ay hindi na ako kailangan ng department ko. Malaki ang tiwala ko sa team ko. Mas kilala ko sila kesa sa kilala sila ng kompanya. Kung may nakakaalam man ng kapasidad ng team ko at mga kaya nilang gawin? Ako iyon.

Ang pangalawang bagong mensahe ay mula sa kompanyang sinalangan ko ng interview. Tanggap na raw ako bilang CCTV operator, direct hired at hindi under agency. Walang kontraktuwalisasyong magaganap. Itinatanong din kung kailan ako pwedeng makapagsimula.

Kung hindi ko man naising bumalik sa lugar na minahal ko nang limang taon ay hindi iyon nangangahulugang binibitiwan ko na ang pangarap ko.

Aabutin ko pa rin naman iyon. Sa ibang lugar na nga lang kasama ang mga bagong taong makakasalamuha ko.

Isa sa dalawang mensaheng iyon ang binigyan ko ng tugon.

'Maraming salamat po Sir/Maam. Bukas na bukas din po ay handa na akong magsimula.'


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11