“Sige na kasi, samahan mo na ako, gusto ko lang makita ng
personal ang mga painting doon” naglalambing na tinig ni Jane kausap ang nobyo
niyang si Alex.
Ang tinutukoy ng dalaga ay ang lumang bahay sa katabing
probinsiya. Matagal na itong bakante at walang nakatira. Ayon sa mga usap-usapan
ay tatlong taon na raw buhat ng lisanin ito ng mga nakatira roon. May mga sabi-sabi
pa na sa isang kwarto raw ng bahay na iyon ay may koleksyon ng mga painting na
ipininta mismo ng dating may-ari ng bahay na iyon.
Gaya ng kanyang kuya ay nakahiligan din niya ang mangolekta
ng iba’t ibang klase ng painting. Mahal man o mura ang presyo ay kaagad niyang
binibili kapag nagustuhan niya ito.
Matagal na ang kanyang pagnanais na makapasok sa bahay na
iyon kaya nga lang ay wala siyang pagkakataon at kung mayroon man ay wala
siyang kasama para tulungan siyang makapasok doon. Ang balita kasi ay
nakakandado ang bahay na iyon.
“Oo na, sasamahan kita, ano bang meron sa mga painting doon
at gusto mong makita ang mga iyon” ang sagot ng binata sa kanyang kasintahan.
Dalawang taon niya nang kasintahan si Alex. Nakilala niya ito sa eskwelahan nila at
magkaklase sila sa isang minor subject. Pareho silang nagpakita ng motibo sa
isat-isa kung kaya’t wala pa mang isang buwan na sila ay nagkakilala ay
nagkaroon na kaagad sila ng relasyon.
Sa dalawang taon ng kanilang relasyon, ni minsan ay hindi
niya nakitaan ang binata ng suporta sa kanyang hilig na pangongolekta ng mga
painting. Hindi rin ito kakikitaan ng pagkahilig sa Art.
“Hindi mo kasi ako naiintindihan eh, painting ang isa sa
nagpapasaya sa akin.” Nakangusong tugon ng dalaga.
“Oo na nga diba, sasamahan na kita” sabi ng binata habang
nakasimangot.
“Bukas ng umaga ah, dadaanan kita sa boarding house mo” nakanguso
pa rin ang dalaga.
“Oo na” mabilis na sagot ng binata sabay dampi ng halik sa
pisngi ng dalaga bago ito umalis.
Pagdating sa bahay ay hindi kaagad nakatulog si Jane. Naiisip
niya pa rin na ilang oras na lang ay makikita niya na rin ang mga painting na
matagal niya nang nais makita. Ito ang matagal niya nang gustong mangyari, tila
isang pangarap na matagal na niyang inaasam. Mabilis niyang inihanda ang mga
gamit, inihanda at inilagay niya ang martilyo at ibang bagay na naisip niyang
maaaring magamit kung sakaling nakakandado nga ang mga pinto ng lumang bahay na
kanilang pupuntahan.
Nakatulog ang dalaga na may ngiti sa kanyang mga labi habang
iniisip ang lumang bahay na iyon at ang mga painting na maaari niyang makita roon.
Kinaumagahan ay maagang naligo si Alex at nagbihis. Wala
siyang kailangang dalhing gamit dahil alam niyang palaging handa ang kanyang
kasintahan sa mga bagay na ganito. Isa lang ang inihanda niya na kailangan niyang
dalhin, ang kanyang maliit na kutsilyong minana niya pa mula sa patay niya ng
ama. Malungkot niya itong tinitigan bago itinago sa bulsa ng kanyang pantalon.
Narinig ng binata ang busina mula sa labas ng kanyang
tinutuluyang boarding house. Alam niyang ang kasintahan niya na ito. Mabilis
siyang lumabas, lumapit at sumakay sa itim na sasakyang dala ng dalaga.
“Ano? Ready ka na?” tanong ng dalaga.
“Sigurado ka bang gusto mong puntahan ang bahay na iyon?”
balik na tanong ng binata.
“Oo, siguradong sigurado” nakangiting sagot ng dalaga bago
paandarin ang kanyang sasakyan.
“Ano ba kasing meron sa mga painting na iyon at gustong
gusto mo itong makita” tanong ng binata habang nakasimangot ang mukha nito.
“Naikwento ko na sa iyo ang kuya ko diba? Isang kolektor din
siya, at isa sa mga painting na hawak niya ay talagang maganda. Nakita ko iyon
noong isang beses na pumasok ako sa kuwarto niya.” Pagmamalaki ng babae tungkol
sa kanyang kuya.
“Eh bakit hindi mo na lang hingin ‘yung painting na iyon? Eh
painting lang naman iyon” tanong ng binata.
“Hindi mo kasi naiintindihan eh, hindi ko basta basta
mahihingi iyon dahil mahirap daw ang pinagdaanan niya para lang makuha ang
painting na iyon” sagot ng dalaga.
“Parang painting lang eh, kala mo naman napakalaking bagay”
iritableng tinig ng binata.
Halos isang oras ang itinakbo ng sasakyan bago nila narating
ang katabing probinsiya kung saan matatagpuan ang lumang bahay. Kaagad
ipinarada ng dalaga ang sasakyan sa mismong harap ng lumang bahay na iyon.
Pagbaba nila ng sasakyan ay minasdan muna nila ang paligid,
walang tao. Tiyak na walang makakakita sa gagawin nilang pagpasok sa bahay na
iyon. Mabilis na kinuha ng dalaga ang mga gamit sa likod ng sasakyan habang ang
binata ay naiwang tulala at nakatitig sa lumang bahay.
Maiging pinagmamasdan ni Alex ang bahay. Mas naging luma na
ang hitsura nito. Kulay abo na ang dating kulay puting pintura nito. Ang ibang
parte ng dingding na gawa sa kahoy ay nakausli na. Ang mga salaming bintana
nito ay may mga lamat na at sa tingin niya ay malalaglag na sa isang mahinang
pag-uga lamang. Malalago na rin ang damo sa paligid ng bahay na iyon. Sa
pagkakatitig ng binata sa tanawing iyon ay nakaramdam siya ng kurot sa isang
bahagi ng kanyang puso.
Natinag lamang sa pagkatulala ang binata ng biglang may
isang matandang babae ang lumapit sa kanya. Nakatitig ito sa kanya na parang
pinag-aaralan ang hitsura ng kanyang mukha.
Kakausapin na sana ng binata ang matanda ng biglang sumulpot
sa kanyang likuran ang kasintahan.
“Tara na, buhatin mo itong mga gamit” pag-aaya ng dalaga sa
binata na ang ibig sabihin ay ang pagpasok nila sa lumang bahay na iyon.
Nang maipasa ng dalaga ang mga gamit sa binata ay hinila
niya na ito sa kamay papalapit sa lumang bahay na iyon.
Katulad ng kanilang hinala ay nakakandado nga ang pinto ng
bahay na iyon. Agad kinuha ng dalaga ang martilyo mula sa mga gamit na kanilang
dala at inihampas ng malakas sa kandado na nagdudugtong sa mga kadena. Nakailang
pukpok pa ay hindi pa rin nasisira ang kadena.
“Tignan natin sa likuran, baka may iba pang pwedeng daanan”
pagkasabi ng binata ay agad nilang tinungo ang likod ng lumang bahay na iyon.
Lumapit ang binata sa isang bahagi ng dingding ng bahay,
hinawi ang makapal na damo na nakaharang dito at may sinungkit sa ibabang
bahagi nito at agad naitulak ng lalaki ang dingding.
“Ang galing, may daanan pala dito” natutuwang tinig ng
dalaga.
Pumasok sila sa loob ng bahay, may kalakihan ang sala nito.
Walang nakatira sa bahay na iyon pero maayos ang pagkakasalansan ng mga gamit.
Walang mga agiw ang loob ng bahay na iyon na indikasyon na matagal na itong
inabandona. Mapapansin din sa isang dingding ang isang disenyo na pinaglalagyan
dapat ng isang painting, pero walang nakalagay doon.
Inginuso ng binata ang isang kuwarto roon at agad na pumasok
ang dalaga.
Ganun na lamang ang tuwa ng dalaga nang makita niya ang
nakahilerang mga painting sa dingding ng kuwartong iyon. Iba’t iba ang sukat
nito. Iba’t iba ang tema.
Nang tatangkaing tanggalin ng dalaga ang isa sa mga painting
doon ay saka naman ang pagpasok ng binata.
“Ang gaganda ng painting diba?” nakangiting sabi ng binata.
“Lahat ng iyan ay ipininta ng tatay ko. Siya ang
pinakamagaling na pintor dito sa probinsiya. Kaso nga lang ay wala na siya,
pinatay siya“ pagpapatuloy ng lalaki.
“Anong sinasabi mo?” balik na tanong ng dalaga.
“Nakita mo ba ‘yung malaking lalagyanan ng painting sa sala?
Ang dating nakalagay doon ay ang pinakamagandang ipininta ng tatay ko, kaya
lang ay ninakaw iyon. Sa totoo lang ay wala akong pakialam kung nakawin iyon
dahil painting lang naman iyon. Pero kitang kita ko kung papaano pinatay ang
tatay ko. Pinatay siya ng kuya mo at tinangay ang painting. Kitang kita ko”
lumuluha na ang binata.
“Sa simula pa lang ay alam kong kapatid mo siya, sinadya
kong mag-enroll sa eskwelahang pinapasukan mo nang sa gayon ay mapalapit sa’yo
at mabigyan ako ng pagkakataon na makita siya, mapatay siya. Pero hindi
nangyari iyon, dahil tatlong taon na ang nakakalipas ay hindi na bumalik dito
sa Pilipinas ang kuya mo” patuloy na pagkukwento ng lalaki habang umiiyak
“Pero hindi bale, ngayon ay makakapaghiganti na ako, mararanasan
ng kapatid ng kriminal na iyon kung paano mawalan ng isang minamahal” matapos
ang sinabi niyang iyon ay dinukot ng binata ang maliit na kutsilyo mula sa
bulsa ng kanyang pantalon at mabilis na itinarak sa sarili nitong leeg.
Bagsak sa sahig ang duguan at walang buhay na katawan ni
Alex.
Hindi natinag sa pagkakatayo si Jane habang nakatitig sa
walang buhay na katawan ng kasintahan. Maya-maya ay ngumiti ito.
“Sa simula pa lang ay alam kong ikaw ang anak ng napatay ni
kuya, at alam kong darating sa ganitong punto na sasamahan mo ako sa lugar na
ito” matapos ang huling salitang iyon ay mabilis na tinanggal ng dalaga ang
lahat ng painting na nakasabit sa dingding ng bahay na iyon at dali-daling
nilisan ang lugar dala ang mga ito.
Sa kuwarto ng lumang bahay na iyon ay pumasok ang isang
matandang babae, lumapit sa walang buhay na katawan ng binata.
Salamat at binalikan mong muli ang bahay na ito, “wag kang
mag-alala apo, patuloy pa rin akong maglilinis dito habang nabubuhay pa ako”