Martes, Oktubre 3, 2017

Sea side (MOA)

Pitong taon na rin buhat ng huli kong inilaan ang oras ko para magpalipas ng sama ng loob at napakahabang oras sa piling mo. Parang may isang pagkatao sa aking sarili na nagsasabing dapat ulit kitang puntahan at makipagtitigan sa iyo. Ewan ko ba pero kailangan atang kalingahin mo ulit ako, kailangang maramdaman ulit ng aking puwetan ang mainit mong semento, ang mahabang bato na inuupuan din ng maraming taong nagpupunta roon. Nangungulila akong pagmasdang muli ang banayad at mga mumunti mong alon na nagpakalma sa nagagalit kong damdamin noon.

Hindi ba't naging saksi ka sa dalamhati ko't pagkatulala? Alam kong nabatid mo rin kung ano ang iniisip ko noon, na ano mang oras ay pwede akong tumalon sa malalim mong tubig. Naisip ko kasing baka kaya nitong hugasan ang lahat ng sakit na dinadala ko noong mga panahon na iyon.

Halos araw-araw kitang pinupuntahan noon, sa isang bahagi ng lugar na iyon ay magmumukmok ako. Hihintayin ang dilim ng gabi upang sa gayon ay ikaw lang ang makakakita sa aking pag-iyak. Hindi mo ako pinatahan, hinayaan mo lang akong lumuha, pagiyak na hindi dapat sabayan ng tunog dahil baka may ibang makarinig.

Araw-araw mo akong kinanlong noon, pinanood mo kung paano ko isinalin ang bawat damdamin sa mga letrang isinusulat ko sa dala kong papel. Ikaw ang naging tagapakinig ko sa mga panahong wala akong nais pagsabihan ng aking pinagdaraanan.

Isang araw ay pinuntahan kita, iyon na ang huling punta ko. Niloko kita, nagkunyari akong masaya at malakas na. Ginamit ko ang kasinungalingang iyon para magkaroon ako ng dahilan para hindi na kita muna puntahan. Naisip ko na baka pag pinagpatuloy ko ang araw araw na pagmumukmok at pakikipagtitigan sa iyo ay baka mas lalo lang akong mapako sa kalungkutan, na baka hindi na ako makausad.

At pitong taon na nga ang lumipas. Pagkagaling sa opisina ay dumeretso ako sa lugar kung nasaan ka, alam kong nanatili ka roon at hinding hindi ka aalis. Gusto kong muling makita ka, ilaan ang ilang sandaling oras ko para magkuwento sa iyo. Ipagmamalaki ko sa iyo na masaya na ako, hindi na ako malungkot kagaya ng dating ako na kinupkop mo.

Nakakaramdam na muli ako ng pagibig, bagay na pinaghuhugutan ng aking kasiyahan.

Ilang hakbang na lang ay makakapagkwentuhan na tayo.

Ngunit hindi ko itinuloy ang huling mga natitirang hakbang.

Ang sabi ko rati'y babalikan kita kapag totoong masaya at malakas na ako.

Oo at totoong masaya na ako.

Subalit hindi naging malakas.

Nanatili akong mahina, kahinaang mas nakapagparagdag sa karuwagan ko.

Takot na baka muling masaktan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento