Linggo, Oktubre 29, 2017

Isang pares ng tsinelas

Habang tinatanggal ko ang aking mga gamit sa aking kuwarto na ngayon nga ay hindi na sa akin, ay may napansin akong isang bagay.

Isa iyong kahon na may tali at nakasabit sa dingding katabi ng gitara. Naglalaman ito ng isang pares ng tsinelas na iniregalo niya sa akin noong pasko, halos magdadalawang taon na ang nakakaraan.

Ilang beses ko lang ginamit ang nasabing tsinelas sapagkat ayokong masira o maluma ito. Iyon na lang kasi ang natitirang bagay na remembrance galing sa kanya bukod sa couple ring namin na hanggang ngayon ay suot suot ko pa.

Binuksan ko ang kahon, kinuha ang laman nito at isinukat. Aba, at kasyang kasya talaga sa aking mga paa. Mukhang bago pa rin ito, hindi halatang halos magdadalawang taon ko na itong iniingatan. Napangiti ako sa nararamdamang saya.

Naalala kong bigla ‘yong sinabing pamahiin sa akin ng nanay ko noong nakita niyang niregaluhan ako ng girlfriend ko ng isang pares ng tsinelas.

"Naku, bakit tsinelas? Alam mo ba ang ibig sabihin niyan?" sabi sa akin ng nanay ko.

"Bakit po? Anong ibig sabihin noon?" tanong ko.

"Kapag niregaluhan ka daw ng tsinelas, ang taong nagregalo daw sa iyo nun ay iiwanan ka." sagot ni nanay.

Siyempre, hindi ako naniwala. Eh hindi naman kasi talaga ako naniniwala sa mga pamahiin eh. At saka isa pa, malakas ang kumpiyansa ko na hindi kami magkakahiwalay, nagmamahalan kami eh, may respeto at pag-unawa sa isa’t isa. Tatagal ba naman kami ng dalawang taon kung hindi kami ganoon katibay sa pinanghahawakan naming relasyon.

Marami na kaming pinagdaanan na masasabi kong nagpatatag sa relasyong meron kami. Andoon ako sa mga oras na kinakailangan niya ako. At nakasisiguro rin akong ganoon din siya, hinding hindi niya ako iiwanan sa mga oras na kailangan ko siya at kailangan ko ng kakampi.

Ayun ang ipinagyayabang ko kung kaya’t hindi ako natatakot sa kung anumang pamahiin na sinasabi ng nanay ko na iiwanan niya raw ako at maghihiwalay kami. Mawala na ang lahat sa akin pero hindi ako makapapayag na mawala siya.

Nagmamahalan kami, may respeto at pag-unawa sa bawat isa. Hindi kami kayang paghiwalayin ng kahit na sino, ng kung ano mang bagay o problema. Ganun kami katibay, walang bumibitaw.

Pero habang tinititigan ko ang isang pares ng tsinelas na suot suot ko ngayon, bigla akong nalungkot, hinubad ko ang tsinelas at muling ipinasok sa kahon.

Lagpas isang taon na kasi kaming hiwalay at hanggang ngayon ay wala pa rin akong makuhang maayos na sagot mula sa kanya.

mukha yatang totoo ‘yong pamahiin na sinabi sa akin dati ng nanay ko.


Tanginang pamahiin yan, natiyambahan ako.


ito 'yong mismong pares ng tsinelas na kuha ko gamit ang mumurahin kong cellphone (credit to me)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento