Huwebes, Oktubre 26, 2017

Langgam

"Kung magiging hayop o nilalang ka, ano ka?"

Iyan ang palaging tanong ng mga kaibigan ko kapag napupunta ang aming usapan sa isang walang kabuluhang bagay. At dahil parepareho kaming sablay kung mag-isip, walang kabuluhang sagot din ang mga sasabihin namin.

"Tahong!" ang sagot ko.

"Bakit tahong?" tanong nila na halatang naghihintay ng walang kabuluhang paliwanag sa walang kabuluhang kasagutan para sa isang walang kabuluhang tanong.

Tahong ang isinagot ko dahil naisip ko na napakasimple ng buhay ng isang tahong. Walang obligasyon, hindi mo kailangang magpagod at magaksaya ng lakas para mabuhay. Ang dapat mo lang gawin ay manatiling nakakapit sa bato o kawayan kasama ng iba pang mga tahong.

Subalit sa loob-loob ko, ano nga ba ako kung hindi ako tao?

Sa puntong iyon ay nagkaroon ng kwenta ang kaninang walang kabuluhang tanong, nanghihingi na ito ng makabuluhang sagot.

Ano nga ba ako kung hindi ako tao?

Marahil ay isa akong langgam, isang masipag na langgam. Maliit na nilalang subalit may pambihirang lakas upang pasanin ang alin mang bagay na sampung beses na mas mabigat sa kanya.

Maikli lang ang buhay ng langgam, masuwerte na ito kapag umabot sila ng isang buwan. Sa kabila ng sobrang ikling panahon ng kanilang pamamalagi sa mundo ay hindi sila huminto sa pagtatrabaho. Isang bagay na nakadikit na sa kanilang pagkatao (pagkalanggam pala). isang kapakinabangan na maipapasa nila sa mga susunod pang saling lahi.

Pero isa sa pinakadahilan ko kung bakit pinili ko ang pagiging langgam?

Iyon ay dahil kagaya ng langgam, nais kong maging makabuluhan ang buhay ko.

Bagama't maikli lang ang buhay na ibinigay sa akin upang mamalagi rito sa mundo, gagamitin ko ang bawat segundo nito upang paglingkuran ang nagiisang reyna ko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento