Huwebes, Oktubre 11, 2018

Depressed ‘yon, ano ang lunas?



Kahit hindi manggagamot o taong nakapag-aral ng medisina, basta makakita o makasalamuha tayo ng mga taong hirap ngumiti, bagsak ang balikat at parang pasan ang lahat ng problema ng mundo ay isa lang ang pumapasok sa isip natin. Malamang na depressed ‘yon.

Base sa mga napapanood ko sa telebisyon, nababasa sa kung saan-saan (libro, internet, magazines, flyers na ipinamimigay sa mga ospital at barangay etc.). Ang depresyon ay isang sakit sa pag-iisip o estado ng isang tao kung saan nagiging mababa ang pagtingin niya sa sarili. Nawawalan ng gana sa mga bagay-bagay na nakapagpapasaya sa kanya, na rati niya namang ginagawa. Pinapanawan ng kumpiyansa at pag-iisip ng kahalagahan ng sarili. Iniisip na patuloy pa rin namang iikot ang mundo, tatakbo ang oras at gagalaw ang mga bagay-bagay kahit wala siya.



Mga awit 38:6
Ako’y nahirapan at akoy nahukot; akoy tumangis buong araw.
Walang sinumang tao ang nagnais na maluklok sa depresyon. Sino ba naman ang gugustuhing makaramdam ng araw-araw na parang pinahihirapan siya ng mga problema o isiping palaging nakadagan sa magkabilang balikat niya? Dahilan para itago ang sarili at ‘wag nang magpakita sa mundo, magmukmok at araw-araw umiyak.


Mga taga-Roma 8:22
Sapagkat nalalaman natin na ang buong nilalang ay humihibik at nagdaramdam ng may kahirapan na kasama natin ngayon.
Gayon pa man, na kahit hindi natin gustuhin ay walang pinipili ang sakit na ito. Mayaman, mahirap, matanda, bata at kahit anong kasarian, basta may problema ka ay pasok ka na sa pamantayan para maikonsiderang posibleng makaranas nito. Sino bang tao ang walang problema? Kung mayroon man ay baka pinoproblema niya ang kawalan noon.



1 Samuel 1:10
At siya’y nanalangin sa Panginoon ng buong paghihinagpis ng kaluluwa at tumangis ng mainam.
Pero papaano kung sa dinami-rami ng tao sa mundo ay ikaw ang isa sa napakaswerteng malasin para makaramdam ng ganitong uri ng sakit. Iiyak ka ba? O mas magandang katanungan ay iiyak ka na lang ba?
Hindi? Walang masama sa pagiyak.
Oo? Mabuti ‘yan, pero mas makabubuti kung sasabayan natin ng panalangin ang bawat paghikbi natin. Kausapin natin ang Panginoon araw-araw, isumbong natin na pinagmamalupitan na tayo ng mundo at isa-isahin sa kanya ang mga pinoproblema natin. At pagkatapos nating umiyak at magsumbong ay ipagpasalamat naman natin ang mga problemang hindi natin pinoproblema.


Mga Hebreo 13:15
Sa pamamagitan nga niya ay maghahandog tayong palagi ng hain ng papuri sa Diyos, sa makatuwid baga, ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan.
May libreng gamot sa kalungkutan, natural ito at literal na walang sangkap na kemikal, ang musika. May kakayahan itong pagaanin ang mabigat na bagay na iniisip mo. Kaya nitong pakalmahin ang mga problemang nagsusuntukan sa loob ng iyong pusong nagpapaligsahan kung sino sa kanila ang pinakamalakas na makapagpapabagsak sa iyo. May kapangyarihan ang liriko, nota, himig, melodya at ritmo para pahinain ang mga problemang iyon. At kung may kapangyarihan talaga sila, siguradong mas may kapangyarihan ang musikang nagsasaad ng kadakilaan ng Diyos, mga awiting nagpupuri at nagtataas sa kanya. (magbukas ng bagong tab sa iyong browser, pumunta sa youtube.com, hanapin ang kantang THROUGH IT ALL at patugtugin. Halina’t makinig.)


Awit 55:22
Ilagay mo ang iyong mga pasan sa Panginoon, at kanyang aalagaan ka: hindi niya hahayaang makilos kailan man ang matuwid.
Mabigat ang problema ‘di ba? Eh bakit mo pinapasan lahat eh alam mo na ngang mabigat?
May mag-amang nag-igib ng dalawang timba sa may poso at nang mapuno na nila ang mga timba ay nagprisinta ang anak na buhatin ang dalawang timbang puno ng tubig. Sa kalagitnaan ng paglalakad ay napagod ang anak sa pagbuhat ng mga ito. Nakiusap siya sa kanyang ama na tulungan siya at buhatin ang isang timba. Ang ginawa ng ama ay ipinasan sa kanyang likod ang kanyang anak at parehong binuhat ang dalawang timbang puno ng tubig at ipinagpatuloy ang paglalakad.
Ganoon tayo kamahal ng Diyos, hinding-hindi nya tayo hahayaan bilang mga anak niya na pasanin mag-isa ang mga problema. Bagkus ay kayang-kaya niya iyong pasanin lahat para sa atin kung magtitiwala tayo sa kanya at ibibigay ang sarili natin sa kanya kasama ang ating mga dalahin.


Mga taga-Filipos 4:4
Mangagalak kayong palagi sa Panginoon: muli kong sasabihin, mangagalak kayo.
Palaging ninanais ng Panginoon na maging masaya tayo sa lahat ng pagkakataon. Makukuha natin ang tunay na kasiyahang iyon sa pamamagitan ng paglalagay kay Hesus sa mga puso natin. Heto lang yun eh, kapag nasa panig tayo ng Panginoon, anong problema pa kaya ang may kakayahang hilahin tayo papunta sa kalungkutan? Maging masaya tayo dahil mayroon tayong Panginoong siyang dahilan ng bawat kaligayahan sa sanlibutan.



Kawikaan 17:17
Ang mga kaibigan ay umiibig sa lahat ng panahon, at ang kapatid ay ipinanganak na ukol sa kasakunaan.
Sa kabilang dako naman ay may mga taong nabiyayaan ng kakayahang umunawa at paglabanan ang mga problema. Maaari pa rin silang makaranas ng depresyon na hatid ng mga problema subalit minamani lamang nila iyon dahil may nag-iisang Hesus na sa kanilang mga puso. Makikita mo sila sa loob ng iyong bahay, sa katauhan ng iyong mga kapamilya, sa eskwela bilang mga guro at kamag-aral. Sa mga kaibigang patuloy kang sasamahan sa bawat panahon ng iyong buhay. Gagawa at gagawa ng mga mabubuting tao ang Diyos upang akayin ang mga posibleng maligaw ng landas dahil sa depresyong gawa ng problema.


1 mga taga-tesalonica 5:14
At aming ipinamamanhik sa inyo mga kapatid, na inyong paalalahanan ang mga nanggugulo, palakasin ang mga mahihinang loob, alalayan ang mga mahihina at maging mapaghinuhod kayo sa lahat.
Sa kaso ng sakit na depresyong hindi masyadong natututukan ng pamahalaan dahil abala pa sila sa pagbabangayan at paglalahad ng kamalian ng isa’t isa ay mas mainam na kumilos na tayo. Kung isa ka sa naparaan sa blog na ito ay kailangang maniwala ka sa akin, kahit hindi tayo personal na magkakilala, kahit ngayon lang. Pakiusap.
Kung hindi man maging ganap ang suporta ng gobyerno sa usaping ito ay tayo na mismo ang magdesisyon. Magtulung-tulong tayong tulungan ang mga nasa sitwasyong ito. May kakayahan ang demonyong gumamit ng tao, bagay at pangyayari para ilagay sa kasamaan ang ating mga kapwang dumaranas ng depresyon. Kaya’t hayaan nating magpagamit din tayo sa Diyos para tumulong at ipasa ang kalakasan sa mga taong pinahina na ng sakit na ito.



1 Mga taga-Corinto 10:13
Hindi dumating sa inyo ang anumang tukso kundi yaong matitiis ng tao: Datapuwa’t tapat ang Diyos, na hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.
Sa konteksto ng bibliya, ang tukso ay nangangahulugan ng pagsubok. Alam ng Diyos ang limitasyon ng bawat tao kung kaya’t hindi niya hahayaang bigyan tayo ng pagsubok o problemang hindi natin kakayanin. Alam ng Diyos kung gaano kasakit, kahirap at kasalimuot ang eksaktong nararamdaman ng tao sa panahon ng pagsubok. Dinanas na niya iyon sa pamamagitan ni Hesus bilang likas na tao, pisikal at mental bago mo pa man ito danasin. Kakayanin natin ang lahat ng pagsubok at problemang nagbubunga ng depresyon. May Diyos tayo eh.


Awit 34:18
Ang panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at iniligtas ang may mga pagsisising diwa.
Kung nanghihina na tayo dahil sa problema at kinasasadlakang depresyon, isipin lang na sa mga oras at panahong mas nanghihina tayo ay doon tayo mas gustong kalingahin ng Panginoon. Palagi nating piliin ang desisyon ng pagtanggap sa kanya bilang Diyos at tagapagligtas kagaya ng naging desisyon niyang iligtas tayo at palaging kalingahin.


Lucas 5:31
At pagsagot ni Hesus ay sinabi sa kanila, ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng mangagamot; kundi ang mga may sakit.
Sa sakit na gaya ng depresyon, may lunas ba?
Ano?
Hindi “ANO?” ang tanong kundi “SINO?”
Walang iba kundi si Hesus, ang Panginoon at manggagamot na nagpagaling na ng maraming sakit. Ang kailangan natin sa pagsugpo ng mga sakit na kagaya ng depresyon.
Kapag natagpuan na ng isang tao ang tunay na kasiyahan sa pamamagitan ni Hesus, hindi na depressed ‘yon.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 10





















Walang komento:

Mag-post ng isang Komento