“’Nay, gusto ko pong sumali sa paligsahan sa susunod na linggo.”
humahangos na tinig ng batang kunehong si Kuku sa inang nagsasalansan ng mga
gulay sa imbakang gawa sa pinagdikit-dikit na tuyong tangkay ng halaman sa
kanilang munting lungga.
Sa susunod na linggo na kasi ang paligsahan. Ang mananalo’y
gagantimpalaan ng magagandang ani ng karot.
“Talaga anak?” masayang tugon ng inang kuneho.
“Opo ‘nay, araw-araw po akong nageensayo.” Pumusisyon itong
tumatakbong hindi umaalis sa pwesto.
“Hahaha.” Walang humpay na tawa ng kunehong ina dahil sa
pagkatuwa sa kanyang anak. Kumuha pa ito ng kalahating repolyo at ibinigay kay
Kuku. “’Yan, para mas bumilis ka.” Nakangiti nitong dugtong.
“Pero ‘nay, sana ay payagan nila akong makasali.” Sabay kagat
sa repolyong hawak at yumuko. Halata sa tinig ang lungkot.
Tinitigan ng inang kuneho ang kanyang anak. Sobra ang
pagkaawa niya rito sa mga pagkakataong katulad nito. Alam niyang malusog at
malakas ang pangangatawan nito dahil hindi niya ito pinapabayaan sa pagkain.
Ito rin ang palagi niyang katulong sa pag-ani at pagbubuhat ng mga gulay.
Bahagyang bagsak ang kaliwang unahang bahagi ng katawan nito
dahil putol ang kaliwang unahang paa. Ganoon na ang kundisyon ng anak niya mula
nang isilang. Kulang ng isang paa ngunit may hita namang paminsan-minsang
sumasayad sa lupa kapag laglalakad.
“’Wag kang mag-alala anak at kakausapin ko ngayon din ang
mga pinuno para payagan kang makasali.” pinilit ng inang kunehong ngumiti sabay
kiskis ng pisngi sa pisngi ng anak bago lumisan.
“Salamat po ‘nay.” Bulong ng bata habang nakatitig sa inang
paalis.
*******
Sa loob ng
pinakamalaking lungga ay kaharap ng ina ni Kuku ang tatlong pinakamataas na
pinuno. Bawat isa’y nakapatong sa batong ikinorteng higaan. Sa Kaliwang bahagi
ng nakahilerang higaa’y may malaking bodega ng mga inimbak na gulay na nakalaan
para sa taggutom.
“Ano? Gusto mong pasalihin ang anak mo sa paligsahan?”
natatawang sambit ni pinunong Olgo, nakapatong sa batong nasa gitna. Meron
itong piring sa kaliwang mata.
“Hahahahaha.” sabay ding nagtawanan ang dalawang pinuno. Si
pinunong Miko, uutal-utal magsalita dahil maiksi ang dila at si pinunong Lorano,
palaging inihaharap ang kanang tainga kapag nakikipag-usap dahil mahina na ang
pandinig ng kaliwa.
“Gusto yata niyang maging katawa-tawa ang paligsahan.
Hahahaha.” sabat ni pinunong Loranong sinabayan pa ng tawa habang inihaharap
ang tainga sa pinunong nasa gitna.
“Hahaha.” tawa na lamang ang nagawa ni pinunong Miko dahil
mas madaling tumawa kesa magsalita.
“Nakikiusap po ako, pasalihin niyo na po ang anak ko!”
pagmamakaawa ng ina.
“Pero kulang ang paa ng anak mo. hahahaha” sagot ni pinunong
Olgo sabay muling tumawa.
“Gagawa po ako ng paraan. Parang awa niyo na po.” Sambit ng mangiyak-ngiyak
na ina.
“Siya siya, sa susunod na linggo’y ipakita mo sa amin kung
anong paraang sinasabi mo at saka kami magdedesiyon kung pasasalihin namin ang
anak mo. Tandaan mo, ayokong mapahiya sa panauhing pangdangal na si Tandang Marso
kuneho.” Sumeryoso ang muka ng tatlong pinuno.
Sa sinabi ng huli ay umaliwalas ang mukha ng ina ni Kuku,
nagpasalamat ito sa mga pinuno bago tuluyang nilisan ang lugar.
*******
Isang umaga bago ang araw ng paligsahan ay naabutan ni Kuku kuneho
ang kanyang ina sa kanilang lunggang may ginagawang bagay. Inilapag niya ang
mga tangkay ng kangkong na may malalagong dahong bitbit niya at lumapit dito.
“’Nay, ano po iyan?” tanong ng batang kuneho kasabay ng
kanyang pag-upo sa harap ng ina.
“Ito ang gagamitin mo anak para payagan kang makasali sa
paligsahan bukas.” Nakingiting sambit ng kanyang ina na kakikitaan ng pag-asa.
Hindi na nagtanong pa si Kuku, sa halip ay nakangiting
pinanood ang ginagawa ng ina.
Isang pinatuyong buto ng sinigwelas ang ikiniskis ng kanyang
ina sa bato. Nang masiguradong makinis na’y tinusukan sa gitna ng manipis na tangkay
ng kawayan. Ang dulo ng tangkay ay may nakatali ring iba pang tangkay na
mahahalatang ikinorteng pabilog para maisuot.
“Halika anak, subukan mo na.” nakangiting bigkas ng ina
habang tinatapik-tapik at iginugulong-gulong ang bagay na ginawa niya.
Agad lumapit ang bata, base sa itsura ng bagay na iyon ay
tila alam na niya ang gagawin. Isinuot niya ang kanyang hitang walang paa sa
tangkay na korteng pabilog na tumigil pagdating sa kanyang dibdib.
“Ang galing, kumportable po sa pakiramdam.” masayang tinig
ng bata habang pabalik-balik sa paglakad gamit ang bagay na ginawa ng kanyang
ina.
“Sige na anak, lumabas ka na at mag-ensayo sa pagtakbo.” masayang
tinig ng kanyang ina.
Lumapit siya sa kanyang ina, ikiniskis ang pisngi sa pisngi
nito at masayang lumabas ng lungga.
*******
Sobrang saya ni Kuku dahil sa bagay na suot niya. Mas
mabilis na ngayon ang kanyang pagtakbo. Tatlong paa lang ang ginagamit niya at
ang bagay na suot niya ang siyang gumugulong kapalit ng putol niyang paa.
Pakiramdam ng batang kuneho ay wala siyang kapansanan.
Sa kalagitnaan ng kanyang pagtakbo ay may nakasalubong
siyang matandang kunehong nakatayo sa tabi ng karitong may lamang nag-uumapaw
na mga karot, tantiya niya’y dalawampung piraso iyon. Mababanaag sa mukha ng
matanda ang pagkabalisa habang nakatitig sa isa sa mga gulong ng kariton.
“Bakit po?” tanong ng humihingal na batang kunehong
nakitingin na rin sa isang gulong ng kariton na tinitingnan ng matanda.
“Nasira eh, kailangan kong maihatid ito.” baling ng tingin
sa mga karot sa kariton.
Napatingin din si Kuku sa mga karot, balik ang tingin sa
sirang gulong ng kariton, sa karot ulit, tingin ulit sa sirang gulong ng
kariton. Parang nakakita na siya ng katulad ng sirang gulong na iyon.
Napatingin siya sa bagay na suot niya, sa sirang gulong ulit at balik sa suot
niya.
“Inyo na lang po ito, pamalit diyan sa nasira.” Nakangiting
hinubad ang bagay na suot niya, iniabot sa matanda at paika-ikang naglakad
palayo.
Naiwan ang matandang nakatitig sa kaawa-awang batang kuneho.
*******
Kinabukasan, araw ng paligsahan.
Nakahilera ang mga batang kuneho sa lugar malapit sa
pinakamalaking lunggang itinakdang pasimula ng paligsahan. Nasa dulo si Kuku.
“Hala, may kasaling tatlo lang ang paa?”
“Sumali pa, mananalo ba ‘yan?”
“Hahaha, dapat nanatili na lang siya sa lungga.”
Sari-saring kutya ang naririnig ng bata. Itinanim niya na
lang sa kanyang isip na tatakbo siya para sa inang nanonood.
Mula sa lungga ay lumabas ang tatlong pinuno. Nagpalakpakan
ang mga kuneho. Pakaway-kaway ang mga ito bilang pagtugon sa mga nagpapalakpakan.
Itinaas ni pinunong Olgo ang kanyang unahang paa at nagsitahimik
ang mga kuneho. Tahimik lang si pinunong Miko dahil hirap magsalita. Itinapat
naman ni pinunong Lorano ang kanang tainga kay pinunong Olgo.
Bago magsalita ay nahagip ng tingin ni pinunong Olgo si Kuku
sa hilera ng magsisipaglahok.
“Teka, hindi pwedeng sumali ang kunehong kulang ang paa
dahil ito’y paligsahan ng pagtakbo.” Matigas na boses ng pinunong may piring sa
kaliwang mata. Sumang-ayon naman ang dalawa pa. Nag-ingay ang ibang kuneho
bilang pagsang-ayon din.
Hindi na lang sumagot si Kuku bilang paggalang sa mga pinuno
at bilang pagtanggap na rin sa katotohanang iba siya sa normal na kuneho.
Nakayuko itong umalis mula sa hilera ng mga kalahok at malungkot na tumabi sa
kanyang ina.
Mula rin sa lungga ay lumabas si tandang Marso, ang kunehong
nagmamay-ari ng malaking taniman at nagbibigay ng libreng gulay na siyang
iniimbak sa bodega para sa taggutom.
Habang naglalakad ay mababakas ang galit sa mukha nito. Iba
ang itsura nito kumpara sa mga nagdaang taong palaging magiliw sa kapwa kuneho.
Lumapit ito sa tatlong pinuno.
“Miko, anong trabaho mo sa taniman ko bago kita ginawang
pinuno?” tanong ng matandang kuneho sa matigas na tinig.
“Tagapagbalita po sa inyo kung ano’ng mga nangyayari sa
taniman.” sagot ng nakayukong pinuno.
“Tinanggap kita kahit uutal-utal ka sa pagsasalita.” sabay
baling sa isa pang pinuno.
“Lorano, anong trabaho mo sa taniman ko bago kita gawing
pinuno?”
“Tagapakinig po ng mga kaluskos para magbigay ng babala
kapag may panganib.” sabay tapat ng kanang tainga sa matanda.
“Tinanggap kita kahit mahina ang pandinig ng kaliwa mong tainga.”
Matigas pa rin ang boses ng matanda sabay baling sa isa pang pinuno.
“Olgo, anong trabaho mo sa taniman ko bago kita gawing
pinuno?”
“Tagamasid po sa buo niyong nasasakupan.” Nakayukong sagot
nito.
“Tinanggap kita kahit hindi nakakakita ang isa mong mata.”
Matigas pa rin ang tinig ng matanda.
“Tinanggap ko kayo sa taniman ko at ginawang pinuno sa
kabila ng mga kapansanan niyo. Pero mukhang nakalimutan niyo na iyon. Nakita ko
ang nangyari kanina.” Galit pa rin ang matanda.
Napahiya’t tumahimik ang tatlong pinuno gayon din ang ibang
kuneho. Lumakad ang matanda papunta sa kariton, binaklas ang isang gulong noon
at itinaas.
“Kahapon, may isang batang kuneho ang tumulong sa akin noong
nasira ang isa sa mga gulong ng kariton ko. Ibinigay niya ito sa akin gayong
alam niyang hindi siya makakalakad ng maayos kapag hindi niya ito suot dahil
putol ang isa niyang paa.” pagkasabi noon ay lumapit ang matanda sa
kinaroroonan ni Kuku at ng kanyang ina na kapwa lumuluha.
“Ibinabalik ko na ang gulong mo. Malaki ang taniman ko,
maaari ka bang maging kanang kamay ko?”
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 10
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento