Huwebes, Oktubre 11, 2018

Hilom


Sa saliw ng awit ng papuri ay pinagmamasdan ko ang misis ko. Nakatayo, nakapikit at waring sinasabayan ng kanyang galaw ang ingay ng tambol at gitara. Sinasabayan ng kanyang bibig ang mga linya ng awit na kinakanta rin ng mga kasabay naming magsimba. Nakataas pa ang dalawang kamay nito habang buong pusong umaawit ng pagpupuri para sa Panginoon.

Sayang nga lang at hindi ko na siya kayang sabayan sa ganoong pagkilos dahil sa kalagayan ko. Ang tanging ginagawa ko na lang ay manalangin, magpasalamat sa Diyos, bantayan at tingnan-tingnan ang tatlong taong gulang naming anak na nakaupo sa kanang upuan na katabi ng upuan ko.

Nakita ko ang kabutihan ng Panginoon kung paano niya binago ang misis ko, kung paano siya gumalaw sa buhay namin at kung paano niya ibinigay ang idinalangin ko noong araw na iyon.


*******


Linggo.

Kagagaling ko lang sa worship service. Ipinagpasalamat ko ang lahat ng biyayang natatanggap ko, ang magandang kita ng water station at ang naipundar kong bahay na kadikit nito. Hiningi ko na rin sa Panginoon na ibigay niya na sa akin ang matagal nang ninanais ng puso ko, ang magkaroon ng kasintahan.

Bumaba ako sa pagkakasakay sa motorsiklong may nakakabit na side car na napipinturahan ng asul na kulay at sinadya para paglagyan ng mga idedeliver na galon ng tubig. Ipinarada ko ito sa tapat ng water station.

Pagbukas ko ng pinto ay isang timbang tubig ang sumalubong sa akin. Basang-basa ang suot kong asul na polo at maong na pantalon.

“Happy birthday to you, Happy birthday to you, Happy birthday, Happy birthday, Happy birthday to you.” sabay na pagkanta ng dalawang tauhan ng water station ko. Hawak ni Mark ang cake na inihulmang galon ng tubig na may nakatusok na kandilang may sindi. Hawak naman ni Erik ang timbang pinaglagyan ng tubig na ibinuhos sa akin pagpasok ko ng pinto.

“Magwish ka na kuya Peter.” sambit ni Mark sabay lapit sa akin ng hawak niyang cake.

‘Thank you Lord! Gaya ng taon-taon kong dalangin, kapayapaan.’ sabay ihip sa may sinding kandilang nakatusok sa cake.

“Kuya, ililibre namin kayo. Meron kaming alam na pwede nating icelebrate ang birthday niyo.” sambit ni Erik matapos ibaba ang hawak na timba. Makahulugan pang nagkatinginan ang dalawa sabay tawa.

“Sige sige, sama ako diyan, pero sa isang kundisyon. Ako ang gagastos at hindi kayo.” Pagdidikta ko sabay hiwa sa cake na aming pinagsaluhan.


*******


Kinagabihan.

“Ano kuya? Ayos ba rito?” Tanong ni Erik sa akin sabay kindat kay Mark.

Napakamot na lang ako ng ulo sa ideya ng dalawa. Alam ko namang ito talaga ang pagdadalahan nila sa akin subalit hindi ko lang sila matanggihan. Pagbabayad ko na rin ito sa katapatan nila sa akin bilang tauhan sa negosyo ko. Matagal na akong ulila at wala rin akong mga kapatid kaya naman ang dalawang binatang ito ay mas itinuturing ko nang mga mas nakababatang kapatid kaysa tauhan.

“Sige at umorder na kayo ng gusto niyo.” wika ko sa dalawa habang nagmamasid pa rin sa paligid.

Madilim sa loob ng lugar na iyon. Ang ilaw na nagmumula lamang sa stage ang siyang nagbibigay ng kakaunting liwanag sa mga mesang ang isa ay inuukupa namin. Ang mga dingding at kisame ay may nakasabit na mga patay sinding christmas lights kahit hindi pa naman nalalapit ang pasko. Lihim na lang akong natawa sa sarili ko sa isiping nasa loob ako ng lugar na iyon.

Apat na putahe ang inorder ng dalawa, pancit gisado, crispy pata, kaldereta, inihaw na bangus at isang bucket ng beer. Umorder din ako ng isang tasang kape para sa akin.

Ang mabuti lang sa dalawa ay hindi sila mahilig sa babae. Kuntento na sila sa panonood sa mga nagsasayaw sa stage na paminsan-minsang natatapatan ng liwanag ng spot light ang mga katawang nababalot lamang ng kakaunting tela. Ang palagi nga nilang sinasabi sa akin ay magaganda ang mga nobya nila at mababait pa, walang dahilan para magloko. Pagdating naman sa pag-inom ng alak ay kabisado ko na ang dalawa. Tigtatlong bote lamang ang kaya nilang ubusin at paniguradong mag-aaya na silang umuwi.

Habang hinihigop ko ang mainit na kape sa tasa ay itinuloy ko ang pagmamasid sa paligid. Sa kaliwang bahagi ng stage ay may pintong nahaharangan ng kurtinang paminsan-minsang may mga naglalabasang babaeng naka bikini lang. May lumabas na isa sa kanila, tumayo sa may gilid ng kurtina. Maya-maya’y umakyat ito sa stage at sinabayan ang bawat ritmo ng awiting may malaswang melodya.

Pagtutok ng spotlight sa babaeng iyon ay halos mapaso ang nguso ko dahil sa napalakas kong paghigop ng kape.

“Sarah!” napalakas ata ang pagbigkas ko dahil parehong nakangangang nakatitig sa akin ang dalawa. Dinampot ko ang nangangalahating bote ng alak ni Mark at nilagok ‘yon para maibsan ang bahagyang pagkakapaso ng nguso ko.

Matapos maubos ang mga inorder na putahe at isang bucket ng beer ay nagyaya na ngang umuwi ang dalawa. Iniwan namin ang beerhouse na nasa isip ko ang babaeng nakita kong sumasayaw, ang ex ko.


*******


Kinaumagahan ay balik kami sa trabaho. Tinapos naming hugasan ang mga basyong galong nakolekta noong nakaraang araw. Nilagyan ko ang lahat ng iyon ng tubig at sinelyuhan pagkatapos takpan. Ang dalawa naman ay magkatulong sa pagsasalansan sa mga mayroon nang laman. Nang puno na ang isang kuwarto na pinaglalagyan namin ng mga galong may laman ay ang dalawang motorsiklong may sidecar naman ang siyang pinagkargahan ng dalawa na nakaparada sa labas ng water station.

“Sige kuya, magdedeliver na kami.” Sambit ng dalawa matapos padyakan ang kick start lever ng motor at pisilin ang silinyador para paandarin ito palayo.

Naiwan akong magisa. Pinunasan ko ng basang basahan ang mga metal na aparato ganoon din ang mga tubong nagdudugtong sa mga ito papunta sa gripo. Hinagod ko rin ng basahan ang kabuuan ng lababo para siguraduhing walang mamuong lumot sa mga singit-singit nito.

Matapos maglinis ay nagpunta ako sa kusina ng bahay na kadikit lang ng water station. Nagtimpla ako ng kape at bumalik sa water station. Sa isang sulok ay ang aking mesa at computer. Naupo akong kaharap ng monitor, bumalik sa ala-ala ko si Sarah.

‘Ano’ng nangyari sa kanya?’ tanong ko sa isip.


*******


Nang gabi ring iyon ay dinala ako ng mga isipin ko pabalik sa beerhouse. Umorder ako ng pancit gisado at isang tasang kape.  Habang hinihintay ko ang mga inorder ko ay nagpalinga-linga na ako sa paligid. Isa-isang sinipat ang mga babae roon na parang pinagkaitan ng telang maisusuot. Hindi ko makita ang hinahanap ko.

Ibinaling ko ang paningin ko sa kaliwang bahagi ng stage kung saan ko siya nakita noong isang gabi. Magkahalong kaba at pananabik ang nararamdaman ko habang umaasang iluluwa siya ng nakatabing na kurtina sa pinto. Ilang minuto na pero wala pa rin.

Dumating ang pangalawang tasa ng kape. Nagpalit ng musika ang lugar. Di ko na napansin ang paglabas ni Sarah mula sa pintong nahaharangan ng kurtina. Katulad kagabi ay sinasabayan niya nanaman ang mabagal na tugtugin ng mahalay na musika. Di ko malaman kung ano ang unang gagawin, titigan ang mainit na tanawing nasasaplutan lamang ng kapirasong tela o higupin ang umuusok na kape dahil sa init nito. Pinagsabay ko na lang.

Kalahating oras na ang nakakalipas pero hindi na siya muling sumayaw, hindi ko rin siya makita sa paligid. Pinagpapalit-palit ko na ang tingin sa bawat babaeng nakaupo sa tabi ng ibang customer. Pilit inaaninag ang mukha ng mga ito sa kabila ng kakaunting liwanag. Pero wala talaga siya.

Hanggang sa may kumalabit sa likod ko.

“Wala kang kasama?” tinig mula sa isang babae, pamilyar ang boses.

Lumingon ako para piliting aninagin ang mukha nito.

“Sarah!” naibigkas ko habang nakatitig sa mukha niya. Hindi ko na masyadong pinagmasdan ang katawan nitong kapirasong tela lang ang tumatakip. Mas pinilit kong sa mukha tumitig para kumpirmahing siya talaga ang ex ko.

“Pwedeng makiupo?” dugtong nito sabay upo sa upuan, katabi ko.

“Sarah!” sa mga oras na iyon ay pangalan niya lang ang kaya kong banggitin. Tila naubos ang mga salitang alam ko.

Itinaas nito ang kanang kamay. Lumapit ang nakaitim na lalaking kaninang naghatid ng mga inorder ko. Mayroon na itong dalang dalawang bote ng beer. Bawat bote ay may nakabalot na tisyu sa leeg.

“Ano? Tititigan mo lang ako?” sabay dampot nito sa isa sa mga bote at agad na kinalahati ang laman noon.

Nilagok ko ang natitirang kape sa tasa, saka lang ako nagkaroon ng lakas ng loob na magsalita.

“Anong nangyari?” alam kong alam niyang ang tinutukoy ko ay kung bakit napunta siya sa ganitong sitwasyon. Mahahalata niya iyon dahil sa pagkakakunot ng noo ko.

Hindi niya sinagot ang tanong ko. Natapos ang gabing iyon na ako ang nagkwento sa kanya. Nakalimang tasa ako ng kape, nakasampung bote siya ng beer nang hindi nalalasing.


*******


Mula noon ay ginabi-gabi ko na ang pagpunta sa beerhouse. Sinisigurado kong wala siyang ibang uupuan bukod sa mesang uukupahin ko. Ganoon palagi ang nagiging sistema, ako ang magkukuwento at makikinig lang siya. Makakaubos siya ng ilang bote ng beer at kape naman ang akin bago ako umuwi.

Nalaman ng dalawa kong tauhan ang palagi kong pagpunta sa beerhouse at wala akong narinig na masama mula sa mga ito. Ikinuwento ko rin ito sa pastor namin sa simbahan bago kami magsimulang magbible study. Nang matapos na ay ipinatong ni pastor ang kamay niya sa balikat ko. Idinalangin niyang gamitin ako para maging instrumento sa ibang tao para makilala ang Diyos.


******


Gabi sa beerhouse.

“Sarah, Sa linggo, pwede ka ba?” tanong ko sa kanya sabay mabilis na higop sa tasa ng kape.

“Andito lang naman din ako pag linggo.” Sagot niya sabay tungga sa bote ng beer.

“Ibig kong sabihin, labas tayo, date, ganun.” Nahihiya kong pagkakasabi kaya tininidor ko na lang ang pansit gisado na nasa plato sabay subo nito.

Hindi siya sumagot. Inisip ko na baka ayaw niya kaya gaya ng mga naunang gabi ay nagkwento na lang ulit ako. Nakakaapat na tasa na ako ng kape, nakakaanim na bote na siya ng beer nang magbayad ako at magpaalam para umuwi.


*******


Linggo ng umaga.

Abala na kaming tatlo ng aking mga tauhan sa paglalagay ng tubig sa mga basyong galon at pagsasalansan nito nang marinig ko si Mark.

“Kuya, may naghahanap sayo.” Sigaw nito habang inaayos ang pagkakasalansan ng mga galon sa sidecar ng motorsiklo sa labas ng water station.

Agad akong lumabas at nakita ko si Sarah na nakaitim na tshirt, maong na pantalon at rubber shoes. Mas maganda ito sa liwanag kesa sa mga gabing nakakausap ko siya sa beerhouse na kakaunting ilaw lang ang tumutulong sa akin para masdan siya. Hindi pa rin kumukupas ang morenang kagandahan nito, bilugang matang may makapal na pilik, maliit pero matangos na ilong at tikwas na labi. Wala siyang make up noong umagang iyon. Nakaramdam nga lang ako ng awa dahil malaki ang ipinayat nito kumpara noong kami pa.

“Sarah?” tanging pangalan niya lang ang naibigkas ko.

“Kala ko ba lalabas tayo?” tanong nitong pilit ang pagkakangiti na pinalambing ang boses. Ganoong-ganoon din siya magsalita noong kami pa.

“Pasok ka muna!” aya ko sabay senyas para ituro ang pinto ng water station na kailangan niyang pasukan para makapasok din sa bahay.

“Hindi na, hintayin na lang kita rito sa labas.” Pilit pa rin ang ngiti nito.

“Oh sige sige, sandali lang.” pagkasambit ay mabilis akong nagtungo sa banyo para maligo at magbihis. Paglabas ko ay basa pa rin ang buhok kong hindi napunasang maigi.

“Tara na?” sambit ko matapos sumampa sa isang motorsiklong may nakakabit na sidecar na wala pang nakalagay na mga galon.

“Diyan?” turo ni Sarah sa nakakabit na side car.

“Hindi diyan. Dito sa likod ko.” Turo ko sa likod ko. Ngumiti ito sabay sampa na rin sa motor.

Pinadyakan ko ang kick start lever at nang mabuhay ang makina ay nagpaalam ako sa dalawa bago ko pasibatin ang motorsiklo.


“Saan tayo pupunta?” tanong niya sa akin habang nakakapit sa laylayang gilid ng damit ko at umaandar ang motor.
“Basta.” Nakangiti kong sagot habang panay ang piga sa silinyador ng motorsiklo.


*******


“Andito na tayo.” Sambit ko habang inaalalayan siya pababa ng motorsiklo.

Nang makababa ay minasdan niya ang paligid. Maraming tao na ang naglalakad papasok ng simbahan.

“Tara na.” sambit ko habang nakangiti.

Tahimik lang siya, hindi natitinag sa kinatatayuan at nakatitig lang sa akin. Halata sa mukha niya ang kabalisahan.

“Akong bahala.” Sabay hawak sa kamay niya. Magkasabay kaming pumasok ng simbahan.

Nagsimulang tumugtog ang gitara, sinabayan pa ng tambol at ng tambourine na isinasaliw sa awit ng papuri.

“Purihin ang panginoon. Ibigay natin ang lahat sa kanya. Ipanalangin natin sa kanya ang mga imposibleng bagay dahil walang imposible para sa Panginoon.” Tinig ni pastor sa mikropono na punong-puno ng pagasa.

Kasabay ng pagbuhos ng pagpapala para sa mga taong nagsisipag-awit ng papuri ay bumuhos din ang luha ni Sarah. Parang batang humahagulgol, pilit pinupunasan ng palad ang di matapos-tapos na pagtulo ng luha.

Lumapit ako ng bahagya at niyakap siya. Gumanti rin siya ng yakap. Ramdam ko ang pagkabasa ng damit ko sa bandang dibdib kung saan nakangudngod ang mukha niya.


******


Gabi na ng matapos ang mga gawain sa simbahan. Sinamahan niya ako sa maghapong iyon hanggang makauwi. Sarado na ang water station ng iparada ko sa harap nito ang motorsiklo. Pagbaba namin ay tinanggal ko ang susi ng motor na siyang pinagkakabitan din ng susi ng pinto ng water station.

“Kape?” sambit ko sa kanya nang mabuksan ko ang pinto. Nagpaunlak naman ito at pumasok kami sa loob, itinuro ko ang mesa kung saan ako palaging umuupo. Pumasok ako sa pintong patungong kusina at nagtimpla ng dalawang tasang kape at inihatid iyon sa kanya, tig-isa kami.

“Ok ka lang?” tanong ko sabay higop ng mainit na kape.

“Bakit ang bait mo pa rin sakin? Iniwan kita noon ah.” Tanong din niya sa malungkot na tinig habang nakatitig lang sa tasa ng kape.

“Kung hindi mo ko iniwan dati, hindi ko makikilala si Lord. Tinanggal niya ang lahat ng sakit at lungkot sa puso ko at noong nakaraang birthday ko, kinausap ko siya na handa na ulit ako. Ibigay niya na yung para sa akin. Wala siyang ipinakilalang bagong babae sa akin pero mayroon siyang ibinalik.” Nakangiti kong paliwanag habang nilalaro ng daliri ko ang hawakan ng tasa.

“Ako ba ‘yung ibinalik niya sayo?” tanong niya sabay tingin sakin.

“Oo.” Tumamis lalo ang ngiti ko.

“Nang ganito ang kalagayan ko?” balik siya sa pagkakayuko.

“Wala akong pakialam.” Sagot ko.

“Pokpok ako.” Nakayuko pa rin siya.

“Eh ano naman?” nilambingan ko ang tinig ko para iparating sa kanyang tanggap ko iyon.

“May AIDS ako.” Pagbigkas niyang iyon ay nagsimula nanaman ang paghagulgol niya kagaya kanina sa simbahan. Parang batang nasaktan sa pagkakadapa at hindi kayang patahanin sa pamamagitan ng salita lamang.

“Sa rami ng nakatalik ko, hindi ko na alam kung kanino ko ito nakuha. Medyo malakas pa ako ngayon, pero di magtatagal ay manghihina rin ako. Magiging pabigat lang ako sa’yo. Ang mas masama pa, pwede kang mahawa sa akin.” Paliwanag niya pa sa pagitan ng paghagulgol at paghikbi.

Di ako sumagot. Lumipat ako sa tabi niya at niyakap siya nang mahigpit. Sumubsob siya sa dibdib ko. Naramdaman ko rin ang diin ng ganting yakap niya sa akin. ‘Di niya kailangan ng awa sa sitwasyon niyang iyon bagkus ay pagmamahal. At kayang kaya kong ibigay ‘yon.

“Naipapasa ba ang AIDS sa paghalik?” Tanong ko nang maramdamang humupa na ang paghagulgol niya.

Nag-angat siya ng mukha para tingnan ako pero hindi pa rin natatanggal ang pagkakayakap niya sa akin. Bahagya siyang ngumiti sabay iling.

Pinunasan ko ng palad ang magkahalong luha at sipon sa mukha niya at binigyan siya ng isang matamis na halik.


*******


Ikinasal kami. Naging magkatuwang sa pamamalakad ng water station na nagkaroon na ng lima pang branches na ang dalawa ay pinamamahalaan ni Mark at Erik na parang mga kapatid ko na. Ang sabado’t linggo naman namin ay inilalaan naming mag-asawa sa mga gawaing pangsimbahan para tumulong.

Nagdalang tao si Sarah at isinilang ang anak naming si Ezekiel. At noong ipasuri namin ang kalusugan niya at ng aming anak ay binigla kami ng isang mgandang balita. Malaya na ang misis ko sa sakit na AIDS, hindi rin namana ng anak ko ang sakit.

Naalala ko ang sinabi ni pastor noong unang beses kong dalhin ang misis ko sa simbahan. “Purihin ang panginoon. Ibigay natin ang lahat sa kanya. Ipanalangin natin sa kanya ang mga imposibleng bagay dahil walang imposible para sa Panginoon.”

Ibinigay ng Panginoon ang lahat ng ipinanalangin ko. At kung ano pa man ang ibibigay niya sa akin ay buong puso kong tatanggapin at walang hanggan siyang pupurihin.


*******


Sa saliw ng awit ng papuri ay pinagmamasdan ko ang misis ko. Nakatayo, nakapikit at waring sinasabayan ng kanyang galaw ang ingay ng tambol at gitara. Sinasabayan ng kanyang bibig ang mga linya ng awit na kinakanta rin ng mga kasabay naming magsimba. Nakataas pa ang dalawang kamay nito habang buong pusong umaawit ng pagpupuri para sa Panginoon.

Sayang nga lang at hindi ko na siya kayang sabayan sa ganoong pagkilos dahil sa kalagayan ko. Ang tanging ginagawa ko na lang ay manalangin, magpasalamat sa Diyos, bantayan at tingnan-tingnan ang tatlong taong gulang naming anak na nakaupo sa kanang upuan na katabi ng upuan ko.

Lumapit sa kinauupuan ko si pastor. Ipinatong nito ang kanang kamay sa ibabaw ng ulo ko at hawak sa kabila ang mikropono.

“Panginoon, kayo po ang parehong Diyos na nagpagaling na ng maraming sakit sa mundo. Dalangin po naming pagalingin mo ang kapatid naming si Peter sa kanyang karamdaman. Naniniwala at nagtitiwala kaming walang imposible sa iyo Panginoon.”

Nanghihina na ang bagsak kong katawan, tanging mata na lang ang kaya kong igalaw. Pumikit ako at sumabay sa panalangin ni pastor taglay ang pananampalatayang walang imposible sa Panginoon.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 10




















Walang komento:

Mag-post ng isang Komento