Sabado, Pebrero 8, 2020

Nasaan?


Nasaan ang barnis?


“Tay, kailan po ako pwedeng sumubok umukit?” tanong sa akin ng sampung gulang kong anak.

“Niloloko mo ba ako?” Sa tingin mo'y makakaukit ka sa kalagayan mong ‘yan?” naiinis kong sambit habang patuloy sa pag-ukit ng rebulto ni Hesukristong nakapako sa krus na singlaki ng tao.

Nakayukong pumasok sa kuwarto niya ang anak ko.

Kinaumagahan ay napansin kong nawawala ang lata ng barnis na nakalagay sa labas ng pinto. Hinanap ko rin sa buong bakuran ngunit wala talaga.

Tinungo ko ang kwarto ng anak ko para itanong kung nakita niya ito. Nasurpresa ako sa nasaksihan ko.

Nasa kuwarto niya ang lata ng barnis at ang rebultong inukit ko. Kagat-kagat niya ang brush na siyang ginagamit niya sa pagbabarnis ng rebulto. Tama ang hagod, swabe ang kapal at nipis ng pagpahid depende sa kanto at singit-singit nito.

Sigurado akong balang araw ay magiging sentro ng kultura’t pananampalataya ang rebultong binabarnisan niya.



Nasaan ang rebulto?


“Father, Palitan na kaya natin ‘yan. Luma na kasi’t parang masisira na.” tinutukoy ko’y ang rebulto ni Hesukristong singlaki ng taong nakapako sa krus sa may altar.

“May nakita kasi akong de-kalidad na punong maaaring gawing rebultong kapalit niyan.” pagpapatuloy ko.

“Sa tingin ko’y hindi na kailangan. Sa limangpung dekada’y iyan na ang naging sentro ng kultura’t pananampalataya ng bayan natin. Iyan din ang nakasanayang iniikot sa buong bayan tuwing pista. Hindi siguro maganda kung papalitan pa.” malumanay na sagot ni father.

Kinaumagahan ay nagkagulo ang buong bayan. Nawawala ang rebulto.

Agad akong nagpunta sa simbahan.

“’Wag kayong mag-alala father, magpapagawa ako ng bagong rebulto para maituloy ang pista sa susunod na linggo.” pangako ko kay father bago ako umuwi.

Naabutan ko sa bakuran ko ang isa sa mga tauhan ko.

“Sunugin mo na ‘yan at sumama ka sa’kin. May nakita akong punong maaring gawing rebultong ipapalit diyan.”



Nasaan si boss?


“Ano’ng tinitunganga mo? Bakit ‘di mo pa putulin ‘yan?” galit na tinig ni boss.

“Boss. Matanda na kasi ‘tong punong ‘to.” hawak-hawak ko pa rin ang de-makinang lagaring ginagamit naming pamutol ng puno.

“Wala akong pakialam!” mas lalo pa itong nagalit.

“Ang akin lang boss, nakakakunsensiya. Mahigit daang taon bago mapalitan ang ganito katandang puno.” pangangatwiran ko.

“Bobo ka talaga! Eh ‘di magtanim ka ng bago, lagyan mo ng pataba para hindi umabot ng daang taon ang paglaki!” pamimilosopong sagot nito sabay talikod.

Binuhay ko ang de-makinang lagari’t itinuloy ang trabaho.

Kinagabihan ay hindi na nagpakita sa aming mga tauhan niya si boss. Hindi rin siya mahanap.

Sinunod ko lang naman ang sinabi niyang putulin ko ang puno, magtanim ng kapalit nito at lagyan ng pataba.

Siguradong dadaming muli ang puno sa gubat.


Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 11





Walang komento:

Mag-post ng isang Komento