Kapag naririnig mo ang salitang sachet? Ano ang mga bagay na pumapasok sa isip mo? Pareho
ba tayo ng iniisip? Iniisip mo rin ba na ang iniisip ko ay katulad din ng sa
iyo? Masama?
Sa totoo lang ay wala naman talagang masama sa salitang
sachet. Pero kapag ang maliit na paketeng iyan ay nalagyan na ng puting bagay
sa loob, kapag naibenta na, kapag nagamit na at kapag may nasirang buhay na
dahil dito, doon na nagiging masama.
Makapangyarihan ang laman ang paketeng iyan, hanggang sa
ngayon nga ay ginagamit pa rin itong sandata ng iba sa atin. Kapag mayroon ka
kasi nito, kapag naikarga na sa sistema mo ay siguradong lalakas ka at walang
kahit anong bagay ang hindi mo kakayaning gawin. Nakakapagbigay ito ng
kakaibang lakas upang hindi ka makaramdaman ng pagod at manatiling dilat sa
gabi.
Kaya sa mga empleyado diyang panggabi ang trabaho. Alam na!
Kapag guwardiya ka? Hindi ka nito patutulugin, magdamag mong
mababantayan ang dapat mong bantayan. ‘Wag ka lang magugulat at baka mabaril mo
ang inosenteng taong tumatakbo dahil naisip mong magnanakaw ito.
Kapag driver ka? Hindi ka nito patutulugin, magkakaroon ka
ng pambihirang lakas na kinakailangan mo para makapasada hanggang mag-umaga. ‘Wag
ka lang matuliro at biglang maisip na baka pwedeng tubuan ng pakpak at paliparin
ang minamaneho mong sasakyan na de gulong lang.
Kung call center agent ka? Hindi ka nito patutulugin,
bibigyan ka nito ng kakaibang katalinuhan para makapagenglish. ‘Wag ka lang
mabaliw at baka makapag-imbento ka ng mga English words na hindi kailanman makikita
sa diksiyonaryo.
Kung mabuting mamamayan ka naman na inosente at hindi
gumagamit? Hindi ka rin nito patutulugin, sa pag-aalalang baka isa sa mga
nakakasabay mong maglakad sa gabi ay kargado ng kapangyarihan mula sa drogang
pinagmulan nito.
Sa ngayon nga ay ginagamit din itong sandata ng ilang
tiwaling pulis, sa ibang kapamaraanan nga lang.
Kung ang mga sibilyan ay kailangan itong tunawin at
singhutin para makuha ang natatanging lakas na ibinibigay nito, iba naman ang
paggamit ng mga tiwaling pulis dito. Para itong bombang kailangan nilang
itanim, maghihintay ng pagkakataon, pasasabugin at wawasak sa pagkatao ng
sinumang mamalasing mataniman, inosente man o hindi.
Ginagamit din ito ng mayaman. para saan? Siyempre para mas
yumaman.
Ginagamit mas lalo ito ng mahihirap. Para saan? Para mas payamanin
ang mayayaman.
May isang bagay lang akong hindi matanggap. Bakit kapag
mayaman ang nahulihan, may mahabang prosesong pagdaraanan at may pagkakataong
maabsuwelto? Pero kapag mahihirap ang nahulihan, aba, patayin na yan!
Lahat naman siguro tayo ay alam na walang mabuting
maidudulot ang puting laman ng maliit na paketeng iyan. Kaya nga hindi ko maintindihan
kung bakit marami pa rin sa atin ang tila pinanawan na ng tamang pag-iisp sa
pagyakap ng panandaliang kasarapan at pagkamit ng natatanging kapangyarihang
nakukuha sa paulit-ulit na pag-gamit nito.
Pipitikin ang mumunting pakete.
Makikipagtitigan sa puting laman nito.
Ilalagay sa ikinurbang foil.
Paiinitan ang ilalim sa pamamagitan ng lighter na pinahina
ang apoy.
Pagugulungin ang dapat gumulong.
Hihigupin ang dapat higupin gamit ang foil na inihulmang
kagaya ng straw.
Solved.
May kapangyarihan ka na.
Limot pa ang problema.
Tumpak! Nalimutan nga ang problema. Pero ang malaking
tanong, nalunasan ba? O kahit nabawasan man lang? O mas gumawa pa ng
maidadagdag sa mga nariyan ng problemang nais mong limutin?
Bigla kong naalala ang isang proyektong ipinagawa sa amin ng
aming guro noong nag-aaral pa ako sa sekondarya. Kailangan kong humanap ng
isang tao na mayroong kamag-anak na gumagamit. Kakapanayamin ko ito at itatala
ang mga naging negatibong epekto nito sa kanya at sa kanilang pamilya.
Siguradong meron, imposibleng wala.
Kakahanap ko ng taong pwedeng kapanayamin ay natagpuan kong ang
sarili ko na pala ang tinatanong ko. Sarili ko na rin ang sumagot sa mga
katanungan na ako rin ang nagbibigay.
Bakit hindi?
Lalayo pa ba ako? eh hindi lingid sa kaalaman ko na
gumagamit ang aking ama.
Pero sino ang masasabing biktima? Sino ang nilukuban ng
kapangyarihan? Sino ang nakinabang sa kapangyarihan? O mas magandang tanong
siguro ay kung sino ang sinira nito.
Ang tatay ko na nalulong sa pag-gamit? Isa sa pinakamagaling
na karpintero na kapag kumikita ay mas inuuna pang pagkagastahan ang bisyo kesa
sa amin.
O ang nanay ko na lahat ng pwedeng itinda ay itininda na
maitawid lang ang aming araw-araw na hindi kami nagugutom at may maibaon sa
eskwela kahit papaano?
O ang dalawang ate ko na hindi nakapagtapos dahil walang
perang maipangtustos?
O ang kuya ko na matagal na nagtiis sa mababang sahod may
maipangsuporta lang sa pamilya namin at mapagtapos ako sa sekondarya at
kolehiyo?
O ang bunso kong kapatid na halos sundan na ang yapak ng
aking ama?
O ako na tinakasan na ng kumpiyansang ipagmalaki ang buhay
at pagkataong meron ako?
Umabot ako sa edad na 27 na hindi ako gumamit, tumikim o
nagtangka man lang. Subalit parang sa akin direktang tumama ang malasibat na
epektong dulot ng kapangyarihang nakukuha sa bagay na iyan na nagtatago sa puting
kulay nito na nasa loob ng selyadong paketeng nagkalat na sa mundo.
Kung malaki man ang naging epekto nito sa buhay ko…
Sisiguraduhin kong hindi sa mga magiging anak ko…
Hinding hindi ako gagamit nito…
Itinataga ko sa bato…
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento