Unang tula: Gamit ng
karton
Handa na ang karton
na pagsusulatan,
letrang nagsasabing ‘di
dapat tularan
Ang hatid ay takot,
pati agam-agam
sa mga lumabag o inosente
man.
Hanap at siyasat,
ito’ng nararapat.
Roleta ng bala’y
kanino tatapat?
Pagmamakaawa’y hindi
na sasapat.
Ika’y sisingilin at
ito ang dapat.
Piniringang mata,
itinaling kamay.
Manlaban o hindi’y
siguradong patay.
Iniwang katawan at
wala ng buhay
na may karatulang
kadikit ng bangkay
Ikalawang tula:
Pasaway
Malalaking titik ang
magkakasama,
ni walang dahilan
para ‘di makita.
Bawal daw tumawid at
may namatay na.
Sadya bang matapang o
di kaya’y tanga?
Malinaw ang ibig
sabihin sa iyo
na ‘wag mong subukan
ang tumawid dito.
Subalit kay kitid,
kay tigas ng ulo
Walang alinlangan,
diretso ang takbo.
Singbilis ng hangin
at halos lumipad.
Walang tingin-tingin,
di kukupad-kupad.
Malaki ang hakbang,
karipas ang lakad,
kung may babangga man
ay handang umigtad.
Ikatlong tula: Hari
Anong kasalanan?
Bakit ka nariyan?
Pinagtitinginan,
mukha ay duguan.
Sa kahoy na iyan,
lapat ang katawan
May apat pang letra
sa iyong ulunan.
Ako’y nagtaka, anong
ibig sabihin?
Titik sa tabla, aking
nais alamin.
Sagot ay nakuha,
wakas ng isipin
Ang hari’y ikaw nga,
panginoon ko rin.
Hari raw ng hudyo, ‘yon
ang kahulugan
sa itaas ng krus na ‘yong
pinaglagyan.
Bakit ka ‘pinako?
Bakit ka sinaktan?
Kapalit ng pagtangis
ay kaligtasan.
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento