Noong araw na iyon ay masaya kong pinagmamasdan ang aking
pitong taong gulang na anak na aliw na aliw sa paglalaro sa gilid ng kahabaan
ng eskinitang iyon, ang kalye onse. Tahanan ng mga uhuging batang maghapong
naglalaro at nagtatakbuhan mula umaga hanggang dis-oras ng gabi.
Tahimik nitong pinipitas ang mga bulaklak ng tanim na halamang
santan ni aling Silmeng na nakatanim sa gilid ng eskinitang iyon. Sisipsipin
ang katas nito at pagkatapos ay itatapon ang wala ng katas na bulaklak sa
maruming kanal na bagsakan ng dumi ng mga residente roon.
Gustong gusto ko talagang tanawin ang aking anak mula sa
bintana ng aking bahay. Kapag ganito kasi’y parang nakikita ko sa kanya ang
sarili ko noong ako ay kasing edad pa lang niya. Katulad niya ay namimitas din
ako ng bulaklak ng halamang tanim ni aling Silmeng, hindi pa santan ang
nakatanim dati roon kundi gumamela. Pipitasin ko ang mga bulaklak nito,
pupukpukin iyon gamit ang buhay na bato hanggang sa malamog, ilalagay sa tabo, lalagyan ng kaunting tubig na may halong
sabong panglaba at maaari na akong makagawa ng malalaking bulang lilipad at
babangga sa hilera ng mga puting damit na sampay ni Ka-Tessie na palaging galit
sa akin noong bata pa ako.
Habang giliw na giliw akong pinapanood ang aking anak ay
pumukaw sa aking atensiyon ang paglapit sa kanya ng isang batang babaeng kaedad
niya. Base sa mga kilos nila ay kinakausap ng lumapit ang aking anak. Sa una ay
hindi natinag ang aking anak sa pamimitas ng mga bulaklak, hindi pinapansin ang
batang babae. Subalit ilang sandali pa ay inabutan na nito ang batang babae ng
isang bugkos ng bulaklak ng santan. Ginaya nito ang ginagawa ng anak ko, nakipitas
at nakisipsip na rin ng katas ng bulaklak.
Dinala ako ng mga eksenang iyon sa isang bahagi ng aking
kabataan. Hindi ba’t sa gilid din ng eskinitang iyon una kong nakita si Raine,
ang ina ng aking anak na kasalukuyan kong pinagmamasdan.
Pitong taong gulang lang din ako noon, aliw na aliw kong
pinapaanod ang mga dala kong tansan sa agos ng maruming tubig ng kanal sa
kahabaan ng eskinitang iyon nang biglang may lumapit na batang babae sa akin na
halos kaedaran ko lang din.
“Hoy bata, marumi yan.” Sabi ng dumating.
Hindi ko siya pinansin, patuloy pa rin ako sa pagpapaanod ng
mga tansan.
“Hoy bata, marumi yan.” Ulit niya.
Tiningala ko ang nagsalita.
“Sino ka?” tanong ko.
“Raine.” sagot niya.
Hindi ko pa rin siya kinausap matapos niyang sabihin ang
pangalan niya pero inabot ko sa kanya ang ilan sa mga tansan ko at nagsimula na
rin siyang samahan ako sa pagpapaanod ng mga ito sa agos ng maruming tubig ng
kanal.
Masasabi kong masaya ang naging kabataan ko, isa ako sa mga
uhuging batang naglaro at nakitakbo sa kahabaan ng eskinitang iyon. Kasama ang
mga kaedaran kong bata ay masaya naming ginampanan ang parte namin sa lugar na
iyon, ang pangungulit. Halos lahat ng pinto sa eskinitang iyon ay sinulatan
namin ng dala naming chalk, mas malas ang pinto kapag pentel pen ang dala namin.
Hindi rin namin pinapalagpas ang mga tsinelas na naiiwan sa labas ng pintuan,
ewan ko ba kung bakit, pero kinakailangan ata talaga naming itago ang isa sa
pares ng mga tsinelas na iyon at hihintayin ang magiging reaksiyon ng may-ari
kapag maghahanap na ito.
Masaya ang naging kabataan ko, pero mas sumaya ito ng
dumating na Si Raine sa buhay ko.
Kasama na namin siyang magsulat ng chalk o pentel pen sa
bawat pinto ng eskinitang iyon. Magtago ng tsinelas na naiwan sa labas ng
pinto. Mamitas ng bulaklak sa tanim ni aling silmeng, magpaanod ng kung anu
anong bagay sa maruming tubig ng kanal at gampanan ang aming papel bilang
makukulit na bata ng eskinitang iyon.
Saksi sa aming paglaki ang mga buhol buhol na kawad ng
kuryenteng nagbibigay ng ilegal ngunit libreng pailaw at patong patong na itim
na tubo na nagbibigay ng ilegal ngunit libreng patubig para sa mga kabahayan
doon.
Ang hindi sementado at maputik na daan ng eskinitang iyon
ang sumubaybay kung paano kami nahulog sa isat-isa noong nagdalaga at nagbinata
na kami.
Kinilig ang halamang nakatanim sa gilid ng eskinitang iyon
ng marinig ang aking pagtatapat ng wagas na pag-ibig para kay Raine. Tila
huminto sa pag-agos ang maruming tubig ng kanal ng sabihin sa akin ni Raine na
mahal niya rin ako.
Masaya naming pinagsaluhan ang wagas na pag-ibig namin para
sa isat-isa. Palibhasay parehong laki sa hirap kaya pareho kami kung papaano
mag-isip.
“Ilan ang gusto mong maging anak natin?” mula sa katahimikan
ng gabi ay biglang lumabas sa kanyang bibig ang tanong na iyon habang ang
kanyang ulo ay nakahilig sa aking balikat.
Iyon na yata ang pinakamagandang tanong na narinig ko sa
buong buhay ko. Sari-saring kaisipan ang naglaro sa isip ko noong mga oras na
iyon. Nandoong makikipaglaro ako sa magiging anak namin, ipapasan ko ito sa
aking balikat, palalakihin bilang isang mabuting bata, susuportahan ito sa
kanyang mga magiging desisyon at pagmamasdan ang bawat pag-galaw nito mula
pagkabata hanggang sa maabot nito ang kanyang mga pangarap.
“Isa lang.” matipid kong sagot habang patuloy pa rin sa mga
isiping kumikiliti sa aking puso.
“Kinikilig ka no?” nakangiti niyang tanong.
Hindi ko na sinagot ang huling tanong niya, sa halip ay
ikinulong ko siya sa aking mga bisig habang nakarungaw kami sa bintana ng aking
kuwarto kung saan buhol buhol na kawad ng kuryente ang makikita.
Kung tunay ang pag-ibig, hindi ba’t hindi dapat ito kumupas?
Isang dekada kaming nagmahalan, liban pa sa mga panahon
noong mga bata pa kami. Maayos ang lahat, kampante kaming kami na hanggang sa
dulo. Pero bakit ganun? Sadya bang kumukupas kahit ang tunay na pag-ibig?
Nababawasan ba ito? Naglalaho?
Hindi ko malilimutan ang gabing iyon, sa isang bahagi ng
eskinita kung saan nakatanim ang gumamela ni aling Silmeng, umiiyak siya.
“Par, sorry! Kasalanan ko, sorry,” hagulgol ni Raine kasabay
ng kanyang mga hikbi.
Iyon ‘yong gabing nalaman kong tatlong buwan na pala silang
may relasyon ng bagong lipat naming kapit bahay na si Vong. Ang bilis nga eh,
kasi apat na buwan pa lang mula ng lumipat sa lugar namin si Vong eh tatlong
buwan na pala ang relasyon nila.
Walang kahit anong salita ang lumabas sa bibig ko noong
gabing iyon, tanging luha, pigil na hikbi at sama ng loob lamang ay sapat na para
ipahiwatig sa kanya kung gaano kasakit ang kasalukuyan kong nararamdaman.
Saksi ang maruming tubig sa kahabaan ng kanal, ang buhol
buhol na kawad ng kuryante, ang patong patong na itim na tubo ng tubig, ang
halaman ni aling Silmeng, ang nakahilerang mga sampay ni ka-Tessie at ang mga
pinto sa eskintang iyon kung papaano ako nasaktan ng katotohanang maaari palang
magbago ang damdamin ng isang tao.
Ang tingin ko sa lahat ng bagay sa mga oras na iyon ay
kasinungalingan. Kung may isang bagay man na alam kong totoo, iyon ay ang wagas
kong pag-ibig para kay Raine.
Kung totoo at wagas ang pag-ibig, walang maaaring maging
dahilan para hindi ito ipaglaban.
Lumaban ako.
Sa kabila ng katotohanang talo na ako mula sa puntong iyon.
Lumaban ako kahit kapirasong tagumpay na lang ang maaaring
mapanalunan ko.
Ngayon nga ay pinagmamasdan ko ang anak namin ni Raine mula
sa bintanang dinurungawan ko. Wala na ang kaninang batang babaeng kalaro nito.
Nilapitan ni Raine ang aming anak, tumingin sila sa kinaroroonan ko, at kumaway
kasabay ng kanilang matamis na mga ngiti. Kumaway din ako sa kanila at ngumiti.
Wala talagang tatalo sa larawan ng mag-ina kapag ang ama na ang tumitingin.
Maya maya’y lumapit si Vong sa kinaroroonan ng aking mag-ina,
yumakap ang anak ko sa lalaki, umakbay ang lalaki sa ina ng aking anak at
magkakasabay silang pumasok sa kanilang bahay.
Ito ay lahok sa Saranggola Blog Awards 9
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento